Monday, January 30, 2023

Nasa Pagkilos ang Lahat


Buhay na hindi kinilatis, ang kasasadlakan ay kahapis-hapis.
Ang batas ng inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa mosyon (kumikilos) ay mananatiling nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin.
   May isang pangunahing pagkakaiba ito, ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating buhay.
 
   Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1.      Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina ay may mararating.
2.      Ang mga tao na matapat, may pananalig, at pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3.      Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling matagumpay.
4.      Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5.      Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang at may ulirang reputasyon.
6.      Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay maraming oportunidad sa buhay.
7.      Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging pinagpapala; matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
   Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay kinokontrol ng panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa ating henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang ang mga saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat sa dulo ng iyong mga kamay. 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment