Thursday, November 30, 2017
Wednesday, November 29, 2017
Mga Paksa na Panggising
Upang magkaroon ng gising at mulat na
isipan na may pagmamalasakit sa iba, kailangan nating talikdan ang mga
kaisipang kundisyunal at mga limitadong pakikiungo na sumusukat sa kakayahan at
kagalingan ng isang tao. Kung magagawa natin na magpakumbaba na bukas ang
isipan at buong puso nating tatanggapin ang sinuman nang walang kahatulan,
magiging malaya mapagmahal, at mapayapa ang ating mga pagsasama.
PAGTUON
Kung papaano natin itinutuon ang ating
atensiyon sa mga makabuluhan at nagpapaunlad na mga bagay, ay tahasang
makapagpapabago sa ating mga buhay. Iniwawasto nito ang masalimoot na mga
kuneksiyon sa ating mga utak patungo sa mahusay at mapagmalasakit na paraan ng
pamumuhay. Kailangan nating bungkalin at pagtibayin ang ating mga kamulatan
upang paunlarin na maging matibay at matatag ang ating mga isipan upang ganap
nating tamasahin ang kaligayahan ng kabutihan kung malinaw ang pagtuon na
nangingibabaw sa ating mga puso.
KATANUNGAN
Sa pagtatanong at pagbabago ng mga mali at
negatibong mga paraan, nauunawaan natin ang ating mga sarili, at natatagpuan
natin ang kaligayahan sa pagiging malaya.
May dalawa tayong kapangyarihan; 1) Kapangyarihan na pumili. …at 2)
Piliin ang tama. Anuman ang naging kalagayan natin ngayon, tayo mismo ang
pumili nito. Hindi ito mangyayari kung wala tayong pahintulot. Kahit papaano
tayo ang pangunahing sangkot o may kagagawan kung bakit napunta tayo sa
kasalukuyang kalagayan. Kung nais mo itong mabago, hindi pa huli ang lahat. hanggat humihinga, may pag-asa pang natitira.
Ang paraan ng pakikipag-usap mo sa iyong
sarili, kasama na ang mga bulong sa iyong batok, ay patuloy na hinuhubog ang
iyong pananaw, ang iyong mga pakiramdam, at pati na mga ugat at mga koneksiyon
sa iyong utak.
Marami sa atin ang hindi nakakaalam na kapag kinakausap natin ang ating
sarili, lalo na kung pinipintasan natin ito, ito ang tahasang mangyayari.
“Tanga kasi ako!” “Lahi kami ng mga tamad!” "Mahirap lamang kami at walang mga
karapatan!” Binabawasan nito ang iyong pananalig at pagtitiwala sa sarili.
Hindi katakatakang ito nga ang magaganap sa iyo.
Anuman ang iyong iniisip, maganda, mabuti, pangit o masama para sa iyong
sarili, ito ang gagawin mo. Magsisimula muna sa isang kaisipan, gagawa ng
aksiyon, at magkakaroon ng resulta.
SARILING MUNDO
Hindi tayo nakikiayon nang ganap sa mga
realidad kapag pinaglilimi at sinisiyasat natin ang ating mga sarili.
Napapansin natin anuman ang ating napansin sapagkat ito tayo mismo. Nililikha
natin ang ating mga sarili kung ano ang nais nating pansinin. Kapag nagsimula
nang tanggapin natin ang kaganapang ito, ginagampanan na natin ang mundo na
ating nilikha. Hindi natin napapansin ang anumang bagay kundi yaon lamang na
mga bagay na nagpapatunay kung ano ang talaga ang ating iniisip tungkol sa kung
sino talaga tayo. Sakalimang magtagumpay tayo na makaalis sa normal na mga
proseso ng makasariling pagtangkilik at magagawang tignan ang ating mga sarili
nang ganap na gising, mayroon tayong kakayahan na magbago. Mapapalaya natin ang
sarili sa bilangguan ng pagkatulog. Mapapansin natin ang mga bagay na
nagbabago. Kung ikaw man ay nababalisa sa mga bagay na eksternal, ang pasakit
ay hindi mula sa bagay na ito mismo kundi sa iyong pag-istema nito, at ikaw ay
may kapangyarihan na pawalang bisa ito sa lahat ng sandali.
MAHALIN ang SARILI
Maging maingat sa iyong sarili. Maging
magiliw at mabuti sa iyong sarili. Kahit na hindi ka perpekto, ikaw lamang at tanging
sarili mo lamang ang iyong hawak sa ngayon at kailangang pagbutihin mo ang
pakikitungo tungkol dito. Ang proseso kung sinuman ang nais mong maging ikaw ay
nagsisimula sa ganap na pagkilala sa iyong buong pagkatao. Ang nag-iisang
hakbang ay hindi makagagawa ng landas sa mundong ito, maging ang isang kaisipan
ay hindi magkakaroon ng direksiyon sa isipan. Upang magkaroon ng malalim na
landas sa pag-iisip, kailangan patuloy nating isipin ang mga bagay na nais
nating maging tayo nang paulit-ulit hanggang masanay ang ating kaisipan, kung
ito ang nais nating mangibabaw at makapangyari sa ating buhay.
Huwag maliitin o hamakin ang kapangyarihan
ng Pag-ibig, at konsiderahin… na maging ang isang kandila ay magagawang
magliwanag ang gabi at itaboy ang kadiliman.
Ang
pagkamuhi kailanman ay hindi matatapos ng isa pang pagkamuhi, kundi tinatapos
lamang ito ng Pagmamahal. Ito ang walang hanggang katotohanan.
PAGKATAO
Papaano na ang isang bulaklak ng rosas ay namumukadkad at nagsasaboy ng halimuyak sa kanyang
paligid? Sapagkat ito ang kanyang nakatakdang
kaganapan. Papaano naman ang tao, siya ba ay nagpapakatao at
ginagampanan nang mahusay ang kanyang pagkakalitaw sa mundo?
Magsuri po tayo nang tayo naman ay magising
sa mahabang pagkaka-idlip.
Ito ay nasusulat: Kapag may mahalagang mga katanungan, lumilitaw ang
mahalagang mga kasagutan.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Busilak
Nasa Paggawa ang Tagumpay
Hanggat patuloy ang iyong paggawa, lumalakas ang iyong pagtitiwala sa sarili at lalong humuhusay ka sa iyong mga gawain. Sa trabahong pinasukan, ikaw ay sinasanay na maging propesyonal. Ang sahod mo ay bonus na lamang sa iyong mga kapaguran. Ikaw ay binabayaran para tumalino at mapaunlad ang iyong mga kakayahan. Unahing paghusayin ang gawain at ang salapi ay kusang darating. Unahin ang salapi at kusang lalayo ang mga pagkakataon.
Noong nagsimula akong mamasukan, napansin ko
na sa siyam sa sampung ginagawa ko ay pawang mga kamalian, kaya halos sampung
ulit ko itong inuulit. Subalit madalas kong binabago ang aking sistema sa bawat
sitwasyon na ako ay nahaharap sa katulad na problema. Kahit magtagal ako sa
aking ginagawa, pinipilit kong itama ang pagkakamali upang ito ay hindi na
maulit pa. At sa ganitong paraan lamang napatunayan ko na lahat ng bagay ay
posibleng mangyari kung tahasan mong ninanasa na magtagumpay sa buhay.
Matututuhan mong kilalanin na ang bawat hadlang sa iyong daraanan ay mga
paghamon upang lalo kang magsumikap at maging matatag. Ang mga pagkakamali ay
sadyang nakaukol para lalong paghusayin ang iyong mga katangian at maging handa
ka sa darating na malaking pagpapala.
Ang
sekreto ng tagumpay: Ilagay ang iyong puso, isipan, talino at kaluluwa
kahit na sa mumunting mga gawain. Kung gagawa din lamang, paghusayin ito at
ibuhos dito ang lahat ng iyong makakaya.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Nasa Pagkilos ang Lahat
Hindi
mo kailangan na maging dakila para magsimula, subalit kailangan mong magsimula
para maging dakila.
Ang
mga kataga ay komentaryo lamang, ito ang reyalidad. Ang aksiyon ang siyang
katotohanan. Makikilala ang isang punong-kahoy sa kanyang bunga. At kung ano
ang iyong itinanim ay siya mo ding aanihin. Sa mga pangungusap na ito,
mababatid natin na mula sa mga pagkilos, maging maganda man ito o maging
pangit, ang naging resulta ang mismong batayan.
Kung minsan, nakakaramdam ka ng kaduwagan na
magsimula ng bago sa dahilang hindi ka katulad sa kahusayan ng iba na
kayang-kayang gawin ang ninanais mo. Saan mang larangan; pagtugtog ng piano,
pagkalabit ng gitara, sa pagkanta, o pagsayaw, kung ikaw ay baguhan, tiyak na
mangangapa ka pa.Talaga naman na hindi ka nila katulad, ngunit kung hindi ka
magsisimula at kikilos na ngayon, kailanman ay hindi mo mararating ang kanilang
antas ng kahusayan.
Ang paglalakbay ng libong kilometro ay
nagsisimula sa unang hakbang. Anumang antas ang kalagayan mo sa ngayon ay sadyang
mababago hanggat may pagtitiwala ka sa iyong kakayahan. Likas na huhusay ito at
uunlad sa kagalingan na naghihintay para sa iyo. Magsimula nang kumilos at ang
lahat ay madali na lamang.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Saklolo!
Siya
lamang ang tanging nakaligtas sa lumubog na barko, at ipinadpad ng malalaking alon
sa isang walang katau-tao na munting isla. Sa sumunod na mga araw, nakaluhod
siyang nananalangin sa Diyos na masaklolohan. Araw-araw ay lumilibot siya sa
isla sa paghahanap ng makakain na bungang-kahoy at kasabay nito ang pagtanaw sa
dagat kung may barko o bangkang dumaraan, ngunit tulad ng dati, lagi siyang
nabibigo sa hinihintay na saklolo.
Sa kawalan ng pag-asa at kapaguran, kahit
papaano ay nakagawa siya ng maliit na kubo mula sa mga kahoy na inanod sa isla
at mga talahib at dahon ng niyog na ginawa naman niyang bubungan. Inipon niya
ang mga napulot na mga kasangkapan at ilang kagamitan at masinop na inilagay
ito sa kubo. Subalit isang araw, matapos maghanap ng makakain dinatnan niyang
nagliliyab at nasusunog ang kubo. Ang itim nitong usok ay mabilis at pataas na
tinangay ng hangin.
Ang pinakamasaklap ay naganap; lahat ng
kagamitan na mahalaga sa kanya ay nasunog. Halos panawan siya ng ulirat sa
pag-iyak. Matinding panlulumo at galit ang namayani sa kanya. “Diyos
ko, hindi pa ba sapat na ako ay mapadpad sa munting isla na ito? Bakit pati
ang aking munting tirahan ay nawala pa sa akin?” ang panggagalaiting hiyaw
niya na sinundan ng mahabang hagulgol. Kinaumagahan, habang nakahiga sa
buhangin ay nakarinig siya malakas na busina ng barko na palapit sa munting
isla upang saklolohan siya. Nang makasakay na sa barko ay mabilis niyang
tinanong ang kapitan kung papaano nila nalaman na siya ay nasa munting isla. “Nakita namin ang iyong paghingi ng saklolo
sa usok na nagmumula sa munting isla. Tao lamang na nasa panganib ang
makakagawa ng usok na tulad nito,” ang pahayag ng kapitan ng barko.
-----------------------------o
Madali tayong mawalan ng pananalig kapag
nalalagay tayo sa panganib at matinding pangangailangan. Subalit huwag
mawawalan ng pag-asa, sapagkat sa lahat ng sandali ang Maykapal ay hindi
nakakalimot. Sa kabila ng mga pasakit at kapighatian, laging tandaan kapag ang
iyong kubo ay nasusunog---isa lamang itong pahiwatig upang saklolohan ka at
pagpalain ng Maykapal.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
BATHALA
Magsimula nang Kumilos
Ang landas
tungo sa tagumpay ay isagawa ang maramihan at determinadong mga pagkilos.
Kailangan
ikaw ay nakapokus at sinusunod ang tama at kailangang aksiyon para magtagumpay.
Sakalimang nahihirapan ka at nais nang humito …mabuti ito, patunay lamang na
malapit ka na sa iyong destinasyon. Ang paghinto ay hindi isang pagsuko, kundi
lalong magpunyagi at ibuhos ang lahat ng makakaya para magtagumpay!
Kung
nais ng pagbabago at kaunlaran, ang kahulugan nito ay lalong pag-ibayuhin
ang paggawa at piliting mahigitan pa ang nagawa kahapon. Maging masikhay at
mahusay sa araw-araw na mga pagkilos: Determinado, disiplinado, at buong
katapatang nakapokus sa iisang direksiyon.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Integridad: Mayroon Ka ba nito?
Matalinong
pananalita, matalinong aksiyon, at matalinong pamumuhay.
Kapag
may matalino kang pang-unawa at matalinong intensiyon na umunlad, mapapatunayan
mo ang kahalagahan ng pamumuhay na may higit na integridad o uliran. Mauunawaan
mo ang mga epekto at resulta ng iyong mga aksiyon sa iyong sarili at maging sa
iba. Ang mamuhay ng may integridad ay siyang batayan at pangunahing pagsasanay
para linangin ang katatagan ng isipan, na siyang esensiyal para ang kawatasan
ay mapagyaman. Sapagkat anuman ang ating ginagawa at kung papaano ito nagagawa
ay nagpapatibay ng malakas na impluwensiya sa ating mga relasyon at kung
papaano natin ito nadarama tungkol sa ating mga sarili. Ang mamuhay na may
integridad , kailangan bigyan natin ng kaukulang atensiyon kung ano ang ating
sinasalita at ginagawa, kasama dito kung ano ang ating ginagawa para mabuhay.
Ang matalinong pangungusap ay isang
pagsasanay na maging gising at maingat sa ating mga salita, mga pangako na may katapatan at kabutihan sa lahat ng ating
mga relasyon---pati na rin ang relasyon sa ating sarili. Umiwas sa paggamit ng mga
salitang mapanira, nagdudulot ng kapighatian, mapanghamak, insulto, tsismis, at
mahapding pangungusap. Lumiklikha lamang ito ng alitan, sakitan at hiwalayan.
Kapag maingat at magiliw ang pananalita,
nakalulunas at nagdudulot ito ng malalim na koneksiyon. Makapangyarihan ang mga
salita, nakakabuhay ito at nakakamatay din, may pagpapala at may pagluluksa.
Ugaliing magsanay na pinaglilimi ang iyong mga salita sa sarili, nagpapahayag
ito ng kalunasan o kapaitan, kasiyahan o kapighatian, pagtitiwala o inseguridad,
at pagkabuhay o kamatayan.
-------------------------------------------------o
May isang katutubong kuwento tungkol sa
isang matandang lalake na mayroong dalawang aso na nakatira sa kanyang isipan,
ang isa ay may masamang asal at ang isa naman ay may mabuting ugali. Minsan ay
nagtanong ang kanyang batang apo, “Sino
sa dalawang aso ang laging nananalo?”
At ang matandang lalake ay sumagot, “Depende
ito kung sino ang lagi kong
pinapakain.”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Bawat Bagay ay Mahalaga
‘Yon
lamang pinakamaliit ang nakakapuwing! At mula sa maliit kapag nagpatuloy nang
walang hinto ito ay nagiging higante. Bawat kaisipan, kataga, at aksiyon ay may
isang direksiyon na maaaring magpakilos upang magtagumpay o mabigo ayon sa pagkakalikha
nito. Bawat sandali ay naghahandog ng oportunidad para umunlad o umurong at
yaon lamang na sumusunod sa tama at mabuting gawa ang nagtatagumpay.
Walang neutral, kundi positibo o negatibong
mga pagpili o mga aksiyon. Bawat hakbang ay patungo sa isang direksiyon. Isang
responsibilidad na magpatuloy, huwag mag-alinlangan o huminto at sumuko.
Sapagkat yaon lamang may pananalig, dedikasyon, disiplina, mahusay na
kapasiyahan, kakayahan, at simbuyo (passion)
ang nakatakdang magtagumpay. Bawat araw ay may handog ng pagbabago para
umunlad.
Hanggat inaalam mo ang mga bagay na
mahahalaga para sa iyo, pinaglilimi at sinisiyasat mo ang iyong buhay.
Pinakikinggan mo ang iyong tinig, ang repleksiyon ng iyong kaisipan,
pinagmamasdan at inuuri mo ang iyong mga aksiyon … mga proseso ito upang
tuluyang pangibabawan at kontrolin ang iyong isipan. Ikaw ang higit sa lahat ang may kapangyarihan sa
iyong sarili, hindi ang iyong emosyon at isipan.
Kung kilala mo kung sino ka, alam mo kung ano ang
iyong mga naisin, malalaman mo kung saan ka patungo.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
5 Katanungan na Kailangang Masagot
Kung
magagawa, isulat ito sa kapirasong papel at pakaisiping mabuti bago sagutin.
Sapagkat sa limang katanungang ito, dito nakasalalay ang iyong magiging
kapalaran.
Tanong #1: Ano ba
ang ginagawa ko ngayon, ito ba ay nakakatulong nang malaki sa aking pag-unlad o
inaaksaya ko lamang ang aking panahon?
Tanong #2: Ano ang
aking ginagawa kapag buong sigla at mahusay akong nagtatrabaho?
Tanong #3: Sa aking pang-unawa, anong 5 mahalagang
bagay na magaganap sa pagitan ngayong araw na ito at sa darating na Disyembre
31?
Tanong #4: Sino
ang magiging ako, kapag nakamit ko nang lahat ang aking mga nais?
Tanong #5: Sino
ang 5 tao na handang tumulong sa akin kapag ako may matinding pangangailangan?
Tanong #6: Kung
may 1 milyong piso ako, ano ang tatlong bagay na uunahin kong gagawin.
Tanong #7: Ako ba
ay naniniwala sa Diyos? At kung ito ay totoo, isinasabuhay ko ba naman?
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Mga Sulyap at Pukaw sa Pagtanda
GULANG/Pagtanda
---Hindi
ang bilang ng mga taon o gulang ang naghihiwalay sa mga kabataan at matatanda,
bagkus ang responsibilidad.
---Gumulang
ka sa araw na nakamit mo ang unang tunay na pagtawa . . , -nang tawanan mo ang iyong sarili.
---Bawat
may sapat na gulang ay kailangan ang isang bata na matuturuan; ito ang paraan
upang ang mga may sapat na gulang ay matuto.
---Ang
pagiging matanda ay hindi masama, kung laging malayo sa pagtingin sa salamin.
---Ang
katandaan ay hindi bagay na walang hanggan. May mga araw na tumatanda, at
mayroon ding mga araw na nagiging batang muli.
---Sa
patuloy nating pagtanda, ang panahon ay pinalilibutan tayo ng mga taong
nagmamahal sa atin, kaysa mga taong minamahal natin.
---Maraming
tao ang nagdarasal para sa mahabang buhay, subalit hindi nila nais ang tumanda.
---Ang
tanggihan ang pagtanda ay hindi mapapasubaliang patunay nang pagiging bata.
---Ang
mga bata ay nalalaman ang mga kautusan, ngunit ang matatanda ay nalalaman ang
mga dapat iwasan.
---Sinuman
na palaging umaasa sa pagtanda ay nananatiling bata.
---Ang
matatanda ay naniniwala sa lahat ng bagay; ang may mga sapat na gulang ay
naghihinala sa lahat ng bagay; ang mga kabataan ay nalalaman ang lahat ng
bagay.
---Ang
mga kabataan ay iniisip na ang matatanda ay mga hangal, subalit ang matatanda
ay iniisip ang mga kabataan ang siyang mga hangal.
---Ang
tao ay hindi pa matanda hangga’t hindi pa napapalitan ng mga pagsisisi ang
kanyang mga pangarap.
---Ang
pagtigas ng puso ang nagpapabilis ng pagtanda sa isang tao, kaysa sa pagtigas
ng kanyang mga ugat.
---Masusukat
ang katandaan ng isang tao sa nararamdaman niyang hapdi kapag nahaharap siya sa
isang problema.
---Ang
lalaki ay kasing tanda lamang kung ano ang kanyang nadarama. Ang babae ay
kasing tanda naman ng kanyang nakikita sa sarili.
---Ang
pagtanda ay hindi isang nakakahigit na maling ugali na ang abalang tao ay may
panahong harapin.
---Ang
tiyak na patunay ng katandaan ay kung naririnig ang mga lagutok ng litid sa
umaga at hindi ito mula pagkulo ng nilulutong lugaw.
---Walang
sinuman na may sapat na katandaan ang
higit na nakakaalam.
---Hindi
kung papaano ikaw ay tumatanda, bagkus kung papaano ang iyong ginagawang
pagtanda.
---Madali
ang maging tao, subalit mahirap magpakatao. Sa pagtanda, madali lamang ito. Ang mahirap ano ba ang natandaan mo?
---Ang
mabisang paraan lamang ay ang tumanda nang hindi ka tumatanda.
---Ang
pinakamainam lamang sa pagtanda ay ang lahat na nais mong makamtan noong ikaw
ay bata pa, ay hindi mo na kailangan.
---Kapag
nasa publikong sasakyan at may nagpaupo sa iyo, tanggapin nang maluwag sa iyong
puso ang haplit ng katandaan.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Ang Magiliw na Relasyon ay Kaligayahan
“Ang
maligayang buhay ay resulta ng magandang pakikipag-relasyon.”
If we fail in
our relationships, we fail in Life.
1- Huwag gawing personal ang anumang
relasyon. Tandaan lamang; Ang babae ay minamahal at hindi inuunawa. At ang
lalake naman ay inuunawa at hindi minamahal. Kung masusunod ito, sa buong-buhay
mo ay liligaya ka.
2- Dalawang kataga lamang ang sekreto para sa
lalake, upang magpatuloy ang pagmamahalan, nila ng babae, “Yes, dear?”
3- Pakaingatan na maging matabil ang dila.
Mag-isip muna bago magsalita. Ang isda ay nahuhuli sa bibig, ang tao sa daldal.
4- Maging makatotothanan sa lahat ng bagay.
Iwasang mapako, tuparin ang mga pangako.
5- Maging gising sa tuwina, iwasan ang
mapanirang taltalan, usisaan, pintasan, at pamumuna.
6. Iwasan ang mga haka-haka, mga paghihinala,
mga pag-aalinlangan, at mga akala.
7- Magmahal nang higit pa sa inaasahan at
gawin ito nang may kagalakan. Ang maging magiliw ay sadyang nakakaaliw.
8- Panatilihing bukas lagi ang isipan.
Makipagtalakayan nang walang pagtatalo. At tumutol nang hindi mapagtutol. Ang
problema ay hindi pinag-uusapan, ito ay nilulunasan.
9- Maging interesado sa karelasyon mo, sa
kanyang gawain, pangarap, at pamilya.
10-
Maging mahinahon at mapagpasensiya, walang patutunguhan ang magagalitin at
temperamental kundi alitan at hiwalayan. Ang lumalakad nang matulin, kapag
natinik ay malalim.
11-
Tatlong persona ang sangkot sa bawat pagsasama. Ikaw, Siya, at si Relasyon.
12-
Tagubilin: Masaklap at sadyang napakalungkot ang nag-iisa, kahit na ikaw ay
nasa Paraiso.
Labels:
Banyuhay
Huwag maging Saksi Laban sa Sarili
Lahat
tayo ay may ugali ng kayabangan. Mabuti ito kung may katotohanan at walang
bahid ng kasinungalingan. Subalit kung ang intensiyon ay manloko at
pagsamantalahan ang iba, ito ay isang kabuktutan at may nakalaang parusa.
May
kawikaan tayo, “Iwasang maglubid ng buhangin upang hindi mauwi ang lahat sa
hangin.”
Maging totoo sa lahat ng sandali, at tuparin ang bintitiwang pangako. Maging tapat at walang halong pagkukunwari sa mga relasyon. Kung asal hunyago o may balatkayo, ikaw mismo ang kumakalaban sa sarili mo. Ang magdagdag o gumawa ng sariling kuwento mapaganda lamang ang kalagayan ay humahantong sa pagkawala ng pagtitiwala at pagpapahalaga sa katauhan mo.
Huminto
muna sa sandaling ito; pagmasdan at limiin kung anong papel o uri ng katauhan
ang ginagalawan mo sa iyong buhay. Ito ba ay talagang IKAW o yaong nais ng iba
para sa iyo? Magsanay ng mga
kaparaanan na tahasang magampanan ang tunay mong katauhan. Katulad ng
repleksiyon mo sa harap ng salamin, anumang gawin mo ay gagayahin nito. Ganito
din ang isinusukli ng iyong mga karelasyon ayon sa ipinapakita mo.
Iwasan na lisanin ang mundong ito bilang
kopya ng iba. Hindi mo kailangan ang sinuman na ipaalam sa iyo kung sino ka.
Ikaw ay kung sino ka at tanging IKAW lamang ang may kapangyarihan para sa iyong
sarili.
Maging matatag, upang anumang unos ay hindi ka mailatag.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Mga Balag ng Alanganin
Madalas
kong marinig ito, “Huwag mong ilagay ang iyong sarili sa balag ng alanganin.” Narito
ang ilan sa mga kaganapan na naglalagay sa atin sa mga balag ng alanganin na
laging kapahamakan ang idinudulot sa atin.
1-Paghahayag ng mga kasinungalingan na
mapanira at nagwawasak sa buhay ng iba. Gayong kung susuriing mabuti, resulta
ito ng inggit, selos, at inseguridad sa sarili.
2-Pagyayabang na walang mabuting
patutunguhan. Gayong walang kakayahan, pinipilit na maipakita sa iba na may
karapatan at magagawang kaibahan kahit na malaking kahihiyan ang kakahantungan.
3-Pakikialam sa mga bagay na walang
kinalaman, kahit na maging katawatawa sa paningin ng iba.
4-Pagpapakita ng katalinuhan, gayong
kamangmangan ang kinalalabasan ng kayabangan.
5-Papupumilit na makigaya sa marangyang
buhay ng iba kahit na masadlak sa dusa maipakita lamang na katulad din sila.
6-Pagkontrol sa pagkatao at paniniwala ng
iba na maging katulad at sunod-sunuran sa kanila.
7-Makasariling panuntunan tulad ng, “May mapapala ba ako diyan?” “May pakinabang
ba ako, kung gagawin ko ‘yan?” at “Ano
ba ang maitutulong nito sa akin?”
–Sa halip na, “Papaano ba ako makapaglilingkod sa iyo?” O, “May maitutulong ba ako sa iyo?”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Hinagpis ng Isang Ina
Isang
nanay ang nag-aalalang nag-selpon sa kanyang anak.
Nanay:
“Anak
ko, nasaan ka na ngayon? Kanina pa ako na tumatawag sa iyo.
Pauwi ka na ba?”
Anak:
“Narito
po ako ngayon sa ospital, Nanay.”
Nanay:
“Diyos ko pong mahabagin! Hu-hu-hu, (nag-iiyak) Anong nangyari anak, napaano ka?
Anak:
“Ano
ba ‘yan? …Nurse po ako, at sa dito
ako sa ospital nagtatrabaho!”
Labels:
Bungisngis
Magpasalamat Po Tayo
May
nagwika, “Kung ugali mo ay magpasalamat,
sapat na itong panalangin upang makarating sa Maykapal.”
Ano ba ang kailangan nating ipagpasalamat?
Sa araw-araw na hinahandugan
tayo ng 24 na oras upang magampanan natin ang ating layunin sa mundong ito,
bahagi na ang pagnanais nating maipabatid kung anong mga bagay ang ating
pinasasalamatan sa ating buhay. Ito ay mga pagpapala na patuloy nating
natatanggap sa kabila ng maraming pagsubok at mga kapighatian na ating
nakakaharap sa buhay.
Sa
ating mga pakikibaka, sa mga pagharap sa problema, at maging sa mga
paghamon o pagsubok na dumarating sa atin, at sa mga paglutas sa mga ito, lagi
nating kaagapay ang pasasalamat. Kung maganda at nakakabuti ang
mga kaganapan para sa ating kaunlaran, “Maraming salamat po.” Kung pangit at
nakakasama naman at pinahihirapan tayo ng samut-saring mga problema, “Maraming
salamat din po.”
Bakit kailangan ding pasalamatan ang mga
bagay na pangit, nakakasama at pinahihirapan tayo? Sapagkat ito lamang
ang tanging paraan upang lalo tayong magpunyagi, dagdagan ang ating mga
pagkilos, ang maging matibay at matalino para higit na maging matatag sa
paglutas ng mga suliranin. Narito ang mga leksiyon na nagpapatalino sa atin upang
magkaroon ng mabisang pagbabago. Kung minsan, kailangan nating mauntog, para
magtanda at makaiwas sa muling pagkakamali.
Ang paghahayag ng pasasalamat ay
isang paraan upang makamit ang mga handog na nakalaan para sa iyo. Ang
pinakasusi upang likhain at mahalina ang iyong mga ninanasa sa buhay ay ipokus
o ituon ang iyong atensiyon sa mga mahahalagang bagay na nasa iyo na. Kung
magagawa ito, ang buong Sansinukob ay kusang mabubuksan upang ipagkaloob ang
nakatakda mong mga pagpapala.
“Kung wagas mong pinasasalamatan ang
anumang bagay na nasa iyo na, mabilis nitong hinahalina ang marami pang magagandang
bagay na mapasaiyo sa iyong buhay.”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)