Sakali man at naalinpungatan ka pa, mangyari lamang na kurutin mo ang iyong sarili. Gumising ka naman! Ang iyong buhay ay naghihintay sa iyo. Dahil malaking bahagi nito'y gagampanan mo. At walang sinuman ang makakagawa nito kundi ikaw lamang. Ito ang dahilan ng iyong pagkakalalang.
At yaon lamang na mga nagising ang makaaalam na sila'y nakatulog.
Nagawa mo na ba ang maghanda at isaayos ang iyong mga lunggati?
Ano ang iyong nadama matapos ito?
Pagsasaya? Pagbubunyi? Pag-aalinlangan? Pag-aalaala? Pangamba? O dili kaya'y paikot-ikot at walang makitang patutunguhan?
Huwag manggipuspos, sapagkat lahat ng ito'y nangyayari sa karamihan natin. Bahagi ito ng paggising. Kailangan lamang na pakinggan mo ang iyong puso. Ito ang magpapatunay ng iyong niloloob.
Kung sakali at panlulumo ang sumasaiyo matapos matupad ang iyong lunggati; lumilitaw hindi ang lunggati ang mahalaga. Hindi ito ang katotohanan. Kung gayon, bakit pa tayo naghahanda ng mga lunggati? Para saan?
Talos na natin ang kinahaharap na maraming problema sa ating buhay, mula sa ating pamilya, sa ating pamayanan, at sa ating bansa. At marami sa atin ang nais na magawan ito ng pagbabago. Yaong tunay at makabuluhang pagbabago, ...para sa sambayanan. Subalit hindi tayo makakilos, sa pag-aalaalang karampot lamang ang maitutulong nito. Wika nga'y hindi makakapuwing; Patuloy na naghihintay, umaasa, at nag-aabang sa malakihang pagkilos ng karamihan. Gayong lahat ay nakikiramdam, patingin-tingin, nag-uusisa . . . Kailan kaya sisimulan ang malawakang pagbabago?
Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.
Ano ang mga ito?
Ating Alamin
Alamin natin kung sino tayo. Ito ang totoo.
Ang hindi nalamang buhay, ay buhay na walang saysay.
Alamin ang sarili at huwag isantabi, ito'y di-makakabuti.
Dahil walang saysay ang tumakbo, kung hindi alam ang puno't dulo nito.
Kung wala kang alam, ano ang iyong mauunawaan?
Kapag wala kang pakialam, pagtitiisan dulot na mga kasawian.
Kung "Bahala na" ang alam mo, pawang kabiguan ang sasaiyo.
Dahil lahat ay may kalalagyan, kaya ang buhay ay dapat malaman.
Kaya nga, kung nais na magtagumpay at maging matiwasay,
Alamin ang katotohanan, sapagkat dito nakasalalay,
ang iwing buhay sa minimithi nitong paglayang tunay,
Alamin kung saan ka patutungo. Alamin ang iyong nais na direksiyon. Anumang pagkilos kapag walang direksiyon ay isang pag-aaksaya ng panahon at walang saysay na buhay. Gaano man kabilis at panggagalaiti nito, kung wala itong sinusunod na malinaw at tuloy-tuloy na direksiyon, mananatili lamang itong paikot-ikot, pabalik-balik, at lalaging nasa dating kinalalagyan.
Tulad na isang busog, kailangan mayroon kang tinutudla. Alamin ang iyong tutudlain. Dito nakasalalay ang busog ng iyong buhay upang humaginit, pumailanlang, at tumama. Ang mga tao, mga pook, mga kalagayan, at mga pangyayari ay magsasama-sama na kikilos patungo sa direksiyon na buong katapatan mong hinahangad.
Ang iyong kabatiran at karanasan, ang iyong kaalaman at mga katangian, ang iyong mga kahiligan at mga kinahuhumalingan, ang iyong mga yaman, lahat nang ito'y kumikilos at epektibo kapag lahat ay nakatuon sa iisang patatamaan.
Ikaw at wala ng iba pa, ang lumilikha nito, ang kumukontrol, at nag-aasikaso upang ito'y matupad.
AKO, ...ang Simula ng Lahat sa Akin
Ang kahulugan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng kagitingan, ang pagnanais at matibay na pananaw na maisakatuparan at makapangyari ang tunay mong katauhan.
Tuklasin ang tunay na layunin ng buhay. Hindi ito tungkol sa iyong mga gawain, pinagkakakitaan, mga relasyon, araw-araw na responsibilidad, o maging mga paghahanda mo sa iyong mga lunggati. Ito'y kung bakit narito ka sa daigdig, at ang dakilang dahilan ng iyong pagkakalalang.
Mula sa kaibuturan ng iyong puso ay mayroon kang kasagutan; kilala mo kung sino ka at talos mo kung ano ang iyong hinahangad. Buksan mo ito at ganap na palayain. Huwag pabayaan itong laging nakabilanggo. Ito ang sanhi ng iyong pagkabagot, pangungulila, paninimdim, matinding kasiphayuan, at mga bangungot sa iyong panag-inip. Ito ang mga nagpaparamdam sa iyong mga karaingan. Nagpapakilala, humihingi ng iyong atensiyon. Sa iyong mga dasal at pagsusumamo, ito ang ipinadadalang mga kasagutan upang tahasang harapin mo ang mga ito. Hangga't hindi mo ito pinag-uukulan ng ibayong pagpansin, patuloy kang maghahanap kung ano ang magpapaligaya sa iyo.
At ang kaligayahang ito ay hindi matatagpuan sa ibang pook, sa mga materyal na bagay, at maging mula sa mga tao, gaano man katindi ang pagpupunyagi mo. Ito'y manggagaling lamang mula sa kaibuturan ng iyong puso. At ang tanging susi nito ay Pag-ibig.
Pansinin natin ito; may dalawang tasang parehong puno ng tubig, kung ang isang tasa ay may lamang tubig ng kamalian, at ang isa rin ay may lamang tubig ng kaalaman; Papaano masasalinan ng bagong kaalaman ang tasa ng isa kung puno pa ito?
Kailangang alisin o itapon ang laman ng isang tasa na may lamang kamalian upang ito'y masalinan ng laman mula sa isang tasa ng kaalaman, at ang walang lamang tasa ay muling malagyan ng panibagong makabuluhang laman.
Ito ang unang hakbang; kung ang laman ay mga maling kamulatan, pangamba, pagkatakot, kawalan ng pagtitiwala, at mga masalimoot na pamumuhay. Kailangang itapon muna ang mga ito, upang mayroong pagsidlan. Hangga't narito pa ang mga maling laman na ito, walang maisisilid na bagong kaalaman na makakabuti para dito.
Ang pangalawang hakbang; kailangang bukas ang kaisipan para dito. Sakalimang mayroon mga alinlangan; huwag itong ituloy, sapagkat nabahiran na ng paghihinala anumang kakalabasan nito. Hilaw pa ito at hindi naluto. Ituloy man, wala rin itong kalalabasang mainam.
Ang pangatlong hakbang; Mahalaga ang pagtanggap at pakikiisa upang ito ay mangyari.
Ang pang-apat na hakbang; Nakahanda kang ituwid ang mga pagkakamali, at gampanang mabuti ang iyong bagong kaalaman.
Marami na ang nakagawa nito at nagtagumpay. Subukan ito upang mapatunayan. Mabisa ito, huwag lamang hihinto. Nakasalalay dito ang magiging kapalaran. Kung nais makatiyak sa kinabukasan, simulan ngayon sa mga bagay na ito.
Isagawa ang mga ito:
1. Kumuha ng isang blangkong papel at lapis (may pambura).
2. Isulat sa itaas, "Ano ang tunay na layunin ng aking buhay?"
3. Isulat ang lahat na maiisip, kahit na ano. Magpatuloy sa pagsulat. Katasin ang isip at punuin ang papel. Magsulat din sa kabila, lahat ng maisip. Hanggang mapuno din ito.
4. Piliin ang gumising sa damdamin; Limiing mabuti ang mga ito. Pakaisipin kung ang mga ito'y magpapasaya at magbibigay ng hinahangad na tagumpay.
5. Pumili ng lima na katangitanging nagpapasiklab at gumigising sa damdamin. Mga bagay na sadyang magpapakilos. Ito ang tunay na hangarin.
Sariling Mapa
Pagsama-samahin ang limang ito at bumuo ng isang pangungusap. Ito ang iyong magiging misyon sa buhay. Ang iyong malinaw na mapa na kung saan lahat ng kaalaman mo tungkol sa iyo ay nakasalig at kumakatawan. Ito ang iyong patnubay.
Ang misyon ng iyong buhay
Ito ikaw, ang lahat ng tungkol sa iyo ay nakapaloob dito.
Kung may nais ka; ibigay mo muna ito, bago mo ito makuha. Kung wala ka nito, wala kang maibibigay o maipaglilingkod tungkol dito.
Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.
Kung walang pag-ibig sa puso mo, papaano ka maka-iibig sa iba? Papaano mo maipapahayag ang tunay mong niloloob, gayung wala kang kabatiran tungkol dito?
Nais mo ng kaibigan? Maging palakaibigan ka. Gawin mo muna. Dahil kung mismong sarili mo hindi mo magawang kaibiganin at pinapabayaan mo, sino sa iyong palagay ang may panahon para sa iyo?
Nais mong tulungan ka? Subalit maramot ka naman sa pagtulong. Sa kalauna'y walang tutulong sa iyo.
Nais mong umani? Gayong wala ka namang itinanim.
Kapag may itinanim, may aanihin.
Nais mo ng isang ulirang tahanan? Pagyamanin ang isang kapaligiran na inuusbungan ng ulirang mag-anak. Ito ay ginagawa, pinag-uukulan ng ibayong pag-aaruga, kalakip ang walang pamantayang pagmamahal.
Papaano ba ang magkaroon ng isang magandang hardin?
Inihahanda ang lupa na tatamnan, inaalisan ng damo, ibabaon ang mabubuting binhing buto o itatanim ang minumutyang mga halaman, dinidiligan tuwina, inaaruga, upang payabungin hanggang ang mga ito'y mamulaklak na siyang magpapaganda sa kapaligiran.
Hindi tinatamnan ng masasamang binhing buto. Tulad ng hardin, ang isang tahanan kapag ang itinatanim mo dito ay pawang paghihinala, paghihimagsik, panibugho, walang pagpapatawad, paninisi at pamumuna, ano sa iyong hinagap ang yayabong? Ano ang mangingibabaw sa lahat ng sandali?
Aanihin mo kung ano ang iyong itinanim. Hindi maaaring magbunga ng mangga ang santol.
Marami ang nakakagawa ng yaman subalit iilan lamang ang nakakapagtatag ng tahanan.
Upang magkaroon ng isang ulirang tahanan na kung saan ang pag-ibig ang siyang naghahari, magtanim ng mga binhi ng pag-ibig, ng pagtanggap, at ng pagpapatawad.
Papaano mo magagawa ito? Sa pagiging mapagmahal at ulirang nilalang. Nasa pagmamahalan ng mag-anak nagsisimula ang kapayapaan. Ito'y pangunahing bahagi ng iyong layunin.
Pag-ukulan ng pansin ang sarili:
Nais mong bigyan ka ng respeto? Gayong wala ka namang respeto sa sarili mo. Kung pagpapahalaga ang hinihingi mo, makikita ito sa ginagawa mong pagturing sa iyong sarili. Katibayan nito ang iyong kasalukuyang antas sa buhay, mga uri ng kaibigan, mga kinahuhumalingan, nakamit na tagumpay, mapagmahal na pamilya, at kapayapaan ng loob. Kung kinakapos ka sa mga larangang ito, panahon naman na kalingain mo ang iyong sarili upang ito'y magkaroon ng respeto o pagpapahalaga ng iba.
Ang mga malulungkuting tao ang siyang higit na natatakot sa pagbabago. Subukan! Magbagong totoo. Ang buhay ay pawang pagsubok lahat. Walang mangyayari, kung naghihintay at umaasa sa magaganap.
Katulad ng pagong; mabagal man ito ay may progreso kapag inilalabas ang kanyang ulo.
Nais mo nito, noon, niyan, at iyon; hindi ka naman tumitinag. Ihakbang ang mga paa at magkaroon ng hinahangad na pagbabago.
Ahhh, nais mong tumama sa lotto? Maraming ulit ko nang narinig ito. Puwede ba, bumili ka naman ng tiket, upang kahit papaano'y maganap ito.
Inisip + ginawa = katotohanan
(Hangga't hindi mo ito nababatid, pawang sa kawalan ang patutunguhan mo. Matutulad ka lamang sa isang tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Nananatiling yagit, walang halaga, walang anino, at mistulang patay.)
Pasahero ka lamang, hindi ikaw ang nagmamaneho o nasusunod sa iyong buhay. Marami ang nagpapasunod sa iyo at nagdidikta kung ano ang gagawin mo. Mistula kang tao-tauhan.
Mayroon kang tanging kapangyarihan; Pagkilos. Ang lakas nito'y siyang susi ng buhay. Bawa't araw, may kapasiyahan kang gamitin ito nang naayon sa iyong kagustuhan. Ikaw lamang at wala ng iba ang may karapatan sa kapangyarihang ito. Dahil kapag iba ang nakapangyayari sa iyo, napapalibutan ka ng mga pusit.
Ang pusit ay taguri sa mga taong walang buto, madulas, at marami itong mga galamay na sumisipsip ng katinuan at pagtitiwala sa sarili ng iba. Tulad ng pusit, akala mo'y mistula silang mga lampa, malambot, at maamo, - subalit mga panlabas na anyo lamang ang mga ito. Sapagkat kapag nalingat o nagtiwala ka, ay pumapalupot na ang kanilang mga galamay sa iyo. Bilanguang walang rehas ang aabutin mo. Sila na ang naghahari at masusunod sa iyong buhay. Bilang mga taga-sulsol, taga-duyan, taga-uto, taga-ayon, taga-aliw, at taga-dila (balita) ng lahat tungkol sa iyo. Pulos taga ito; taga dito, taga doon, lagi kang tinataga, at ang kalalabasan mo'y tinadtad o dinuguan.
Tuso sila sa paglikha ng dalawang tanikala; konsensiya at obligasyon upang ikaw ay alipinin. At kapag ikaw ay nagprotesta sa abusong ginagawa sa iyo, tatakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagpusit ng maitim na tinta (mag-iiwan ng salaulang paninira sa iyong pagkatao).At muling babalik, upang ipagpatuloy ang pang-aalipin sa iyo.
Iwasan at takbuhan ang mga pusit sa iyong buhay.
Maghanda at ayusin ang mga bagay na makakatulong sa iyo. Simulang kilalanin ang iyong mga prioridad, ano at alin ang tamang unahin at isaayos? Tuminag. Tumindig. At kumilos, gawin kaagad ang nararapat.
Kapag nailista ang mga tamang kasagutan mula dito na nagpapakilala sa tunay mong pagkatao, ito ang tunay na dahilan kung bakit ikaw ay narito pa sa daigdig. Nadarama mo, mula sa kaibuturan ng iyong puso na kailangan mo itong isagawa. Ang mga katagang nagpapahayag sa iyong mga lunggati ay nagdudulot sa iyo ng ibayong kasiglahan sa tuwing binabasa mo ang mga ito. Dahil ito ang nagpapakilos sa iyo.
Anumang ninanais at pinakamimithi mo, naroong lahat ang iyong panahon, lakas, salapi, pag-iisip, at mga tamang pagkilos.
Ito ang nagpapakilala kung sino ka at anong uri ng pagkatao ang ginagampanan mong matupad.
Ang matuklasan mo ang iyong mahalagang misyon ay madali lamang. Ang tuparin at magawa itong katotohanan ang siyang magpapasiya na ang iyong buhay ay umiikot at nabubuhay lamang sa layuning ito.
Ikaw at ang layunin mo ay IISA. Kung wala ang layuning ito, ikaw ay wala rin.
Naisin mo man at hindi, ito ang nakatakdang mangyari sa iyo. Kailangan lamang ng tamang pagsasaayos upang masundan ang direksiyon na iyong patutunguhan.
Pagmasdan ang mga bubuyog
Ang buhay nila'y umiikot lamang na pawang pagkilos. Lumilipad upang humanap ng nektar sa mga bulaklak. Ang bubuyog ay nabubuhay sa paglilingkod sa kanyang mga kasamahan. Nakatuon lamang sa iisang gawain at wala ng iba pa. Ang layunin niya ay iisa.
Siya at ang layunin niya ay isa.
Hindi nagtatanong sa sarili: paggising sa umaga, kung ano ang gagawin. Ginaganap kaagad ito nang walang pag-aatubili. Dahil may likas na layunin; ang ihanda ang mga bulaklak ng halaman upang magbinhi. At bilang kapalit sa gawaing ito ay may gantimpalang nektar para sa kanya ang bulaklak na dinapuan. Ito naman ang papel na ginagampanan ng halaman.
Narito ang isang uri ng halaman:
Pagmasdan ang puno ng saging, mula sa suhi nito, lalaki ito pataas, susulputan ng puso, bubukadkad ang mga bulaklak (dadapuan ng bubuyog, makikiskis ang katawan nito sa bulaklak at paglipat sa ibang bulaklak, maililipat ang nakuhang 'pollen' sa 'pistil' at mabubuo ang binhi, ito ang 'pollination'). At mula sa prosesong ito, mabubuo ang mga bunga sa kanya-kanyang mga piling, mahihinog ang mga bungang saging. At matapos ang lahat, mamamatay ang puno.
Para saan? Upang magsilbing pagkain sa ibang nilalang. Isa rin itong paraan upang maikalat ang mga butong binhi nito. Ito ang pangunahing tungkulin ng saging. At doon sa namatay na katawang saha, magsisilbing pataba naman ito sa iba pang nagsusulputang mga suhi. Patuloy na layunin, walang katapusan. Ito ang tanging misyon ng saging.
Sa pagitang ng bubuyog at saging, may nabuong relasyon. At sa dami ng magkakahawig at tawing-tawing na mga relasyon ng bawat nilalang, ang daigdig ay patuloy na nabubuhay.
Ito ang nagyayari sa kalahatan ng mga may buhay sa daigdig. May kanya-kanyang espesyal at natatanging katungkulan. Iba't-ibang layunin ngunit iisa ang tinutungo, paglilingkod para sa kabutihan ng lahat.
Ang mahalagang katanungan na angkop at wastong sagutin ay ito:
Sa mga kaganapang ito sa ating daigdig, ano ang iyong misyon?
Ang misyon:(Lumikha ng naaayon sa iyong prinsipyo at kabatiran.) Halimbawa lamang ang nasa ibaba.
Halimbawa:
"Ang mabuhay ng gising at may kagitingan, na dinadaluyan ng pagmamahal, pang-unawa, pagmamalasakit, at gumigising ng kamalayan ng iba tungo sa kapayapaan ng sangkatauhan."
Halimbawa:
"Ang magbigay ng kalakasan, pag-asa, at inspirasyon sa mga tao na maging maligaya at matagumpay."
Halimbawa:
"Ang maglingkod ng buong katapatan; walang pang-iimbot, at masiglang gampanan ang aking tungkulin higit pa sa aking kakayahan.
Isinasaad sa mga ito ang mga prinsipiyong ito:
1. Ang makagawa ng malaking positibong kaibahan sa daigdig.
2. Pataasin ang antas ng kaligayahan at biyaya sa iyong buhay.
3. Makamit ang tunay na layunin ng iyong buhay.
Ito ang kaganapan ng AKO, Tayo, at Tayong LAHAT.
Mula sa ating pagkakalalang, pinagkalooban tayo ng maraming katangian sa isa't-isa. Bagama't nasa atin ang mga kagalingang ito, hindi pa ito lubos na napag-uukulan ng pansin o nagigising. Bawat isa sa atin ay may kapangyarihan na tuklasin ito. Alamin. Sapagkat ito ang misyon natin sa buhay.
Sa napagtuunang larangan, magaling tayo. Mahusay tayong gumawa, ngunit sa ibang panig kinakapos tayo---walang kakayahan. Magaling at dalubhasa sa pagiging doktor, abogado, negosyante, mga pulitiko at mga pinuno ng kilalang mga samahan, subalit kinakapos sa makabuluhang katangian; ang integridad o pagkakaroon ng dangal. Madaling masilaw ng salapi, bayaran, at mga taksil sa bayan.Mayroong malikhain, makasining at tumatanggap ng maraming papuri at parangal, ngunit nananatiling mangmang sa katotohanan at musmos ang kaisipan. Nalalasing sa mga palakpak, at duyan ng mga paghanga. At kapag ang mga ito'y kumupas at tuluyang naglaho, sila ay mga napapariwara at nagugumon sa masasamang bisyo.
Magaling sa isang panig ngunit kapos sa tunay na katauhan. Anumang bagay na nakatuon lamang sa pansariling kapakanan ay walang kabuluhan, kung ito'y hindi para sa kagalingang panlahat. Ang tunay na kaligayahan ay matatamo lamang sa paglilingkod. Ang makatulong, magbigay ng panahon, kalinga, at pagdamay sa kapwa.
Lahat ay nagsisimula sa AKO. Ako ang simula. At ito'y susundan ng Tayo. Magtatapos sa Tayong Lahat, at patuloy na kikilos.
Kailangan nating alamin at gisingin ang ating kabatirang pansarili.
Alamin kung sino ka. Ito ang unang hakbang upang magkaroon ng hinahangad na pagbabago sa sarili.
Limiin ang sitwasyong ito:
Sa isang tahimik na batis o ilog, dumampot ng isang maliit na bato at ipukol ito sa gitna ng tubig. Mapapansin ang nagawa nitong paglubusaw ng tubig; paikot, palaki ng palaki hanggang sa mawala. Ipinapakita dito ang lawak na naabot ng isang pagpukol ng maliit na bato. Ito ang resulta mula sa isang pagkilos (pagpukol ng bato) na naganap. Sa labusaw, nagkaroon ng reaksiyon ang bawat nadaluyan ng alon.
Sa malaking halimbawa,
Ang pagputok ng bulkan, ay lumikha ng lindol, na lumikha naman ng tsunami mula sa karagatan, na puminsala naman ng mga bagay sa mga pampang, na nagpaguho sa mga gusali, na kumitil naman ng maraming buhay.
Isang simpleng pagkilos, tuloy-tuloy na reaksiyon, iba't-ibang resulta. Magkaka-kabit.Tawing-tawing.
Ito ang nalilikha, gaano man kaliit o kakarampot ang iyong nagawa. May nagiging reaksiyon ito, laging may kakabit o kabuntot na hila.
Isang maliwanag na paglalarawan: Bola na ginagamit sa larong basketbol; ihagis o ipukol ito sa matibay na lapag. Ang talbog na nilikha nito'y alinsunod lamang sa lakas ng pagpukol mo. Kapag mahina ang hagis, mahina din ang ganting talbog. At kung nais mong patuloy ang talbog nito, kailangan ding patuloy ang dribol o pagtapik sa bola. Dalangan ang pagtapik at dadalang din ang talbog. Unti-unti ang tapik, unti-unti din ang talbog. Nasa kapangyarihan ng naghahagis ang magiging talbog ng bola.
Sa ating buhay, ito ang nagaganap. Kumikilos lamang ito ayon sa puwersang inilalaan mo dito. Mabagal ka, mabagal di ang ganti nito. Mabilis ka, mabilis din ito. Maghintay ka, naghihintay din ito. Lahat ay tungkol sa iyo, naaayon sa pagkilos mo. Subalit magiging mistula itong robot o de-makina kapag ang relasyong nagaganap ay hindi nabahiran ng sistema. Ang pagkakaroon ng direksiyon o ang nais mong kahahantungan nito. At ito ay ang layunin.
Sa larong basketbol, ang layunin sa bola ay ipasok ito sa buslo upang magkaroon ng puntos. At ito'y nasa kamay ng manlalaro kung anong paraan, taktika, at bilis ang paghawak sa bola. Ang may maraming puntos ang siyang panalo.
Isipin natin na ang bola ay ang iyong buhay. Kung walang gagalaw dito, mananatili itong nakatigil. Paminsan-minsan gugulong ito sanhi ng malakas na hangin. Minsan may tatapik na iba (tao) ayon sa nais nito; at ipukol ito sa mabato, malambot, maputik, o mabahong panig, ay siyang makapangyayari. Lalo na't walang imik o direksiyon ang may-ari ng buhay na ito. Nagiging mistulang patpat lamang na inaanod.
Subalit ikaw ang manlalaro, at hawak mo ang iyong buhay (bola). Marapat din kung nais mong makarami ng puntos, may kaalaman ka sa paraan, taktika, at bilis (panahon). Mga prosesong nangangailangan ng isang matibay na moog. Ito ang magpapakilos upang magsilbing lakas o pundasyon. Ito ang bumibigkis sa pangkalahatan upang maganap ang nilalayon ng iyong buhay.
Dito napapaloob ang pangangailangan ng layunin. Sapagkat ito ay ikaw. Ang lahat ng kaganapang nangyayari sa iyo ay sarili mong mga kapasiyahan. Anumang kalagayan mo sa ngayon, ang lahat na ito'y pinahintulutan mo. Hindi ito mga magaganap kung wala kang kagustuhan o partisipasyon.
Narito ang isa pang marikit na halimbawa:
Nagkasundo kayong mag-anak na magpiknik sa tabing-ilog.
1. Pinag-usapan kung saan ito gaganapin.
2. Inalam kung maayos, malinis, at mapayapa ang pook na ito.
3. Pumili at nagtakda ng tamang araw na ang lahat ng sasama ay malaya at walang inaasikasong iba.
4. Naglaan ng kailangang salapi sa mga gastusin.
5. Binili ang mga pagkaing pagsasaluhan, at iniluto ang mga ito bilang paghahanda.
6. Inayos ang mga dadalhing kagamitan sa mga katuwaan at pagsasaya.
7. Pinili at isinukat ang mga pampaligo at kagamitan para dito.
8. Tiniyak ang sasakyan na nasa kondisyon sa paglalakbay.
9. Sinuri ang lahat ay nakahanda na (apat na ulit na ginawa);mga tao, kagamitan, pagkain, sasakyan, atpb.
10. At nagsimula nang maglakbay . . . tumitiyak pa ring ang lahat ay nasa ayos at walang problema.
Karamihan sa atin ay ginagawa ito bilang paghahanda. Upang matiyak na ang gagawing kasayahan ay maging matagumpay.
Isa lamang na simpleng piknik ang gagawin, subalit makikita ang pagsasaayos upang ito'y maisakatuparan.
Narito ang katanungang kailangang masagot natin.
Sa ating sariling buhay na siyang pinakamahalaga sa lahat;
Ginagawa ba natin ang ganitong preparasyon?
Alam ba natin kung saan tayo patungo?
Inisip ba natin ang mga kailangang kagamitan o paraan para dito?
Nakahanda ba tayo sa mga magaganap, sakaliman magbago ang kalagayan?
Ano ang talagang hangad mo at ginagawa mo sa ngayon ang nais mo? Ito ba ang sadyang intensiyon mo sa iyong buhay at patuloy mo itong pinag-uukulan ng pansin?
At ito ang buod ng pagkakaroon ng pansariling misyon. Ang maglingkod at pagtibayin ang antas ng iyong buhay. Ituon ito sa hinahangad mo, at magdagdag ng kaligayahan sa buhay ng iba. Ito ang magbibigay-buhay at magpapaligaya sa iyo. Ang maging huwaran na nakakatulong sa pagkakaisa ng kamulatan. Ikaw mismo, ikaw ang simula. Sa layunin mo, lahat ng ito ay magaganap.
Minsan, nagkuwento ang aking ama; Ito ay tungkol sa kumpare niyang si Primo de Guzman, isang ministro sa relihiyon. Nakaratay at nabibilang na ang mga araw sa mundo. Dinalaw niya ito sa bahay. Sa isang silid; naghihingalo at dumaraing ang kanyang kumpare. Ang wika ng aking ama sa nakahigang kumpare, "Pare, tanggapin mo na ang kalooban ng Diyos, lahat tayo ay lilisan sa daigdig. Ito'y nakatakda at wala tayong magagawa." Patuloy pa rin ang pagkabalisa, pabiling-biling sa higaan, at pag-ungol ng kumpare niya. Inulit niya, "Pare, huwag mo ng pahirapan pa ang iyong sarili. Marami kang nagawang kabutihan sa iyong kapwa, sa iyong mga kapisanan, sa iyong simbahan, sa iyong mag-anak, sa iyong mga kaanak. Ano pa ba ang bumabalisa sa iyo?
May luha sa pisngi, sa pauntol-untol at gumagaralgal na tinig ay nagwika ang may sakit, "Pa-r-e, Hi-n-di ang mga na-tu-lu-ngan ko, mga na-ga-wa ko, mga inabu-loy ko, ang maii-wa-nan pa-milya ko, mga negosyo ko, ang aking ini-isip. Wala na sa akin ang mga i-to. Ang bumaba-li-sa at ikina-ta-takot ko ay ang pag-ha-rap ko sa Daki-lang Lu-mikha. Kapag tina-nong Niya ako, kung ano ang gina-wa ko kay Primo de Guzman.
Ito ang katanungang lagi nating isaisip, Ano ang ginawa mo sa iyong sarili?
Nakahanda ba ito pagdating ng tamang sandali at tayo ay haharap sa Dakilang Lumikha at tanungin kung anong uri ng buhay ang ating ipinamuhay?
Ano ang ating mga isasagot?
Maglimi tayong mabuti, hindi pa huli ang lahat. Hangga't may buhay may pag-asa. Hangga't may problema, may mga paghamon. Hangga't may balakid, lalo kang tumitibay. Hangga't may usok, may nalilikhang apoy. Hangga't humahangin, ito'y magliliyab. Hanggat nag-aalab, ito'y maglalagablab.
Ito ang iyong NINGNING, ang bawat silab at pagdiringas nito'y nagsisilbing tanglaw.
Ito ang iyong LAYUNIN.
Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.
Nasa tamang pagkilos lamang ang lahat. Simulan, at ang lahat ay magiging madali.
Ilan lamang ito sa napakaraming magagawa na makapagbabago sa ating kapaligiran:
- Alamin kung anong tunay na layunin mo sa buhay. Pinakamahalaga ito sa lahat.
- Humanap ng mga taong may prinsipyo at pananaw na katulad ng sa iyo. At magkaisa.
- Tumulong at makiisa sa mga samahan o kapatirang nagpapalaganap ng katotohanan, kagalingan, kaunlaran, at pagmamahalan.
- Itatag ang karapatan ng lahat na mabigyan ng pamahalaan na mapigpipilian na mga paraan na pangalagaan ang kanilang kalusugan at planuhin ang kanilang kinabukasan.
- Kung may kakayahan, lumahok sa halalan. Kailangan natin ang may Katapatan, Integridad, at tunay na mga Lingkod ng Bayan.
- Simulan bungkalin at taniman ang lahat ng mga nakatiwangwang na lupain. Maging sa publiko o pribado ang nagmamay-ari nito. Isang kalapastanganan ang panatilihin itong hindi nabubungkal para lamang sa katusuhan ng iilan. Ito ay ilaan sa kapakanan ng maraming nagugutom.
- Pasiglahin ang ating mga panghalina sa turismo. Bawat bayan ay makilahok sa ikatatagumpay nito. Itinatatag nito ang ispirito ng bayanihan para sa kagalingang panlahat.
- Maging isang panata, bilang tunay na Pilipino na maglakbay at matuklasan ang ating mga kapuluan. Ito ang ating ugat, lahi, kayamanan, at kinabukasan.
- Tangkilikin at itaguyod ang mga industriya, produkto, kalakal at serbisyo ng kapwa Pilipino.
- Tumulong at pangalagaan ang ating kapaligiran, mula sa mapinsalang mga basura, paglalason sa mga ilog, sa nakasusulasok na mga kemikal sa hangin, sa paggamit ng dinamita sa mga isda na pumipinsala sa mga koral, at malawakang pagpanot sa ating mga kabundukan.
- Magturo, magpaliwanang, ipaalam ang mga nararapat isagawa sa ikakabuti ng pamayanan.
- Ilantad, batikusin, at isuplong ang lahat ng mga kabuktutan at pagsasamantlang nagaganap.
- At marami pa.
Mayaman tayo. Napakayaman ng Pilipinas. Marami tayong magagawa. Kailangan lamang ay Pag-ibig.
Maging sa ating wika, talaga namang napakayaman at makahulugan ito:
Sa Inggles, ito ay 'Love,' at wala nang iba pang kalapat.
Subalit sa ating wikang Pilipino,
Ang Pag-ibig
ay binubuo ng napakaraming kahulugan;
Pagmamahal
Pagsinta
Pagkasi
Pagtangi
Pagsuyo
Pagtingin
Pagsimpan
Pagpansin
Paggiliw
Pag-irog
at marami pa.Kapag may umiibig sa iyo ng buong katapatan, nag-iibayo ang iyong kalakasan, samantalang kung ikaw ay umiibig ng buong katapatan, nag-iibayo ang iyong kagitingan.
Maraming mga mapagpipilian upang ganap at tunay nating maipapahayag at magagampanan ang ating dakilang LAYUNIN.
Ang mapitagan sa mga pananalita ay lumilikha ng pagtitiwala.
Ang mapitagan sa iniisip ay lumilikha ng paglilimi.
Ang mapitagan sa pagbibigay ay lumilikha ng pag-ibig.
. . .at wala nang dito'y makahihigit pa.
Simulan na ngayon, ano pa ang hinihintay mo?
May pag-aalala o pag-aalinlangan ka ba?
Ito na ang tamang panahon upang pakislaping mabuti ang iyong ningning. Ang maglagablab itong tunay at likhain ang buhay na nais mong mangyari sa iyo. Magsisimula ito, kapag napagsama mo na ang lahat ng ninanais mo tungkol sa iyo, sa misyon na iyong tutuparin. Kailangan lamang na hindi mananaig ang takot, pangamba, paghihinala, o anumang balakid upang ito'y mawasak.
Dahil ikaw ay nilikha para sa misyon na ito.
Ang kalikasan ay hindi nagmamadali, subalit ang lahat ay nagagampanan.
Upang makatulong, sagutin lamang ang mga ito:
- Ano ang mga mahahalaga mong talento o mga katangian?
- Sakalimang gamitin mo ang mga ito, ano ang iyong madarama?
- Ano ang iyong mga saloobin at kabatiran --- ito ba'y tuwirang nakatuon sa iyong ikatatagumpay?
- Kung may alam kang bagay na kaya mong gawin; at nakakatiyak ka, na kapag ito'y iyong ginawa ay magtatagumpay ka. Bakit hindi mo ito magawa? Ano ang pumipigil sa iyo?
Kailangan mo ng mga inspirasyon?
Subukan ang mga ito:
- Sakalimang hindi ka nakakatiyak kung anong talento mayroon ka upang maisakatuparan mo ang iyong layunin, mangyari lamang na balikan ang iyong nakaraan at apuhapin ang iyong mga pangarap noon. Kailangang ganap mong maunawaan kung alin sa mga ito ang nagbibigay-buhay sa iyo. Yaong lamang mga bagay na gumigising at nagpapasigla sa iyo.
- Isa kang pinuno. Isinilang kang pinuno at taglay mo na ito noon pa man. Sa simula pa lamang, isa ka ng tsampiyon. Sa mahigit na pitong milyong punlay na inilagak ng iyong ama sa iyong ina; sa kanilang pagtatalik, isa lamang ang nagtagumpay dito. At ang naging tsampiyon sa karera na ito ay IKAW!
- Huwag ihalintulad ang iyong sarili sa iba. Masdan ang mga guhit sa iyong palad at sa iyong mga daliri. Sa kasaysayan ng mundo at sa mga bilyong sangkatauhan na ipinanganak at yumao dito, wala kang katulad kahit na isa man sa kanila. Pambihira ka at dilang mapalad sa bagay na ito.
- Nakatakda kang gumawa ng higit pa sa iyong sarili. Ito ang iyong layunin. Huwag payagang ang musika na nasa iyo ay hindi marinig at tuluyang mawaglit kasama ng iyong paglisan sa mundo.
- Huwag pahintulutan ang iba na harangin, nakawin, at wasakin ang kakayahan mong maging pinuno. Anuman ang mangyari, ikaw lamang ang may karapatang gampanan ito.
- Sa iyong hinagap, simulang sanayin ang sarili sa mga positibong pagbabago na nais mong maganap sa iyong pagkatao.
- Higit sa lahat, magtiwala ka sa Dakilang Lumikha, sapagkat mula sa Kanya at sa pamamagitan ng layunin mo, ang lahat nang ito'y posibleng maganap. Ito ay nakatakda at walang makapipigil.
1. Laging magpasalamat sa lahat ng bagay na natatanggap.
2. Tratuhing tama, may dignidad at respeto ang bawat isa, nang naaayon sa kahalagahan nito.
3. Ipagpatuloy na yumabong ang iyong kaalaman at paghusayin ang mga katangian.
4. Sabihin lamang ang totoo at maging matapat, kahit mangahulugan man ito ng paglayo sa iyo.
5. Isaisip lagi ang pagkakaisa kaysa sa pagkakawatak-watak. Malaki ang nagagawa kung nakabigkis.
6. Magkusa at handang balikatin ang mabigat na kapasiyahan sa ikakatagumpay ng lahat.
7. Huwag mag-akala, tiyakin muna bago magpasiya. Isiping kabutihan ang lahat.
8. Tumulong at dumamay na tuklasin ng iba ang kanilang kalakasan, at kahinaan.
9. Harapin ang lahat ng bagay, pangyayari, at kalagayan na may mataas na antas ng integridad.
10. Huwag gawing personal ang lahat ng sitwasyon. May kalakip itong biyaya.
11. Isaalang-alang ang mga prioridad at sinupin ang mga nakaligtaan na makakatulong.
12. Iwaglit ang mga nakasanayang; "bukas na,"bahala na," "okey na 'yan," "pakikisama," at "buhay-alamang."
Kasama ng mga salitang; "dapat," "sana," "marahil," "kundi lamang," "at balang-araw."
13. Magtatag ng isang kapatiran na nakapaikot sa isat-isa na magpapalakas, magtataguyod, at lilingap sa kagalingan ng lahat ng kasapi.
14. Patuloy na lumikha ng buhay na magsisilbing huwarang pamana at pamantayan ng susunod na henerasyon.
Pag-aralan ang mga katibayang ito ng Marangal na Katauhan
1. Malinaw at wastong kaisipan at pananalita
2. Ang kapangyarihan ng patuloy na pag-aaral, pagsasaliksik, at pagsasanay.
3. Pino, mapitagan, at may kabutihang-asal
4. Ang kapangyarihan ng kaugaliang maglimi sa tuwina
5. Ang kapangyarihang makamtan ang iyong mga pangarap at lunggati.
6. Ganap na matuklasan sa sarili ang dakilang layunin
7. Nangingibabaw ang patnubay ng Dakilang Lumikha sa lahat ng sandali.
Narito ang pagbalangkas:
Una: Unawaing lahat ng ito'y hindi madali. Kapag disiplina at matuwid na daan, hindi ka maaaring bumaluktot, mapanis, mahilaw, at umurong-sulong. Kagitingan ang kailangan dito kung nais mong magtagumpay. May mga pagkakataon, hihina ang iyong loob at tulad ng dati, balik ulit sa kinagawian. Pakaiwasan itong mangyari.
Dahan-dahan ngunit nakatitiyak, lahat ng ito'y magkukusang bumigkis at kumilos ayon sa iyong layunin. Pahinay-hinay, at sa tamang panahon mapapansin mong madali lamang ang lahat. Dahil tulad ng isang sasakyan, ikaw na ang may hawak ng manibela at nagmamaneho ng iyong buhay.
Pangalawa: Magtakda ng panahon. Maglaan ng isang araw sa bawat linggo na may panahon ka sa sarili upang maglimi. Pag-aralan ang mga nagaganap. Hanapin kung ano ang madali sa iyo at gawin ito.
Pangatlo: Gawing prioridad ang pamilya, bago ang trabaho. Pag-ukulan ng panahon ang mga mahal sa buhay. Ang araw na lumipas ay hindi na muling magbabalik pa. Ngayon nila kailangan ang iyong pagmamahal.
Pang-apat: Sundin ang iyong plano sa bawat araw. Tiyakin ang iyong mga mahahalagang sandali ay nasa prioridad at nagagampanang maayos.
Panglima: Ituon lamang ang lahat para dito. Tulad ng pagpana, nakatuon ang iyong kamalayan sa tutudlain. Iwaglit ang anumang bagay na sagabal at kumukuha ng iyong atensiyon ng walang katuturan.
At higit sa lahat; maglaan ng sandali, at tanggapin ang pagkakaloob ng biyaya at kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha. Ito ang iyong Patnubay.
Isa lamang po na pabatid tanaw, mula sa inyong kababayan.
Jesse Navarro Gueara
wagasmalaya.blogspot.com
AKOtunaynaPilipino.org
Lungsod ng Balanga, Bataan