Tuesday, August 30, 2011

Dumating Na ang Araw N'yo

 Tapos na nga ang Linggo ng Wika, pero hindi pa rin naman tapos ang Buwan ng Wika, pwede pang ihabol ito. At kahit na kantong Tagalog pa rin lang ang alam ko, pipilitin kong mabigyang anyo ang nararamdaman ng bayan ngayon. Baka nga mas angkop ang salitang kanto para dito.

   Dalawang taon na ang nakakaraan mula ng sinulat ko ang “May araw din kayo” bilang pagtugis sa mga bwisit sa ating buhay. Di pa rin tuluyang nawawala ang mga bwisit na ’yan, pero masasabi na nating “Tapos na ang maliligayang araw n’yo.” Sa totoo, pwede na nga rin nating sabihing “Dumating na ang araw n’yo.”
Para ’to sa kanila:
   Kayong mga nagsasabing lubayan na ang pag-usig sa mga nandaraya, nandarambong, at nagsalaula sa bayan nitong nakaraang dekada dahil ito ay persecution o paninikil at walang magandang naidudulot sa bayan, kami ang lubayan n’yo. Kami ang tantanan n’yo. Kami ang tigilan n’yo. Bumenta na ang dramang ’yan, nilalangaw na sa takilya and sarswelang ’yan. Noon pa ’yan sinasabi ni Imelda, na me paiyak-iyak pa, me pa dab dab pa sa mata ng panyolitong binababad sa pabango, persecution daw ang pag-usig sa kanila. Persecution daw ang paghabol sa ninakaw nila. Persecution daw ang pagsisikap na maikulong sila.

   Kung nilalait ka dahil pandak ka, maitim ka, steel wool ang buhok mo, ang tawag d’yan ay persecution. Kung inuusig ka dahil magnanakaw ka, mandaraya ka, walanghiya ka, ang tawag d’yan ay katarungan. Kung nilalait ka dahil maganda ka, mayaman ka, matalino ka, ang tawag d’yan ay inggit. Kung inuusig ka dahil nagpakasasa ka, nagkasala ka, gumawa ka ng katiwalian, ang tawag d’yan ay dapat lang.
Kung hindi mo alam ang pagkakaiba n’yan, barilin mo na lang ang sarili mo sa puso.

   Kayong mga prayle na labis na nasindak sa paintings na me lalawit-lawit na ari ng lalaki sa mukha ni Hesukristo, di n’yo ba naisip na kayo ang tinutukoy n’yan? Na kayo ang naghahagis ng kung anu-anong kalaswaan sa mukha ng inyong Poon, na Poon din ng nakararaming Pilipino? Ano’ng sabi n’yo nang nabulgar ’yong paninikil n’yo sa PCSO? Ang PCSO ang dapat magpaumanhin sa inyo dahil sinabi nitong nangikil kayo ng Pajero samantalang ang totoo ay nangikil kayo ng Montero? At ano’ng sinabi n’yo nang mabuking ang paborito n’yong presidente na nagnanakaw ng boto? “Lahat naman sila nandadaya”?

   Di n’yo lang pinapaskelan ng mga ari ng lalaki ang mukha ni Kristong Hari sa mga ganyang asta. Hinahagisan n’yo ito noong bagay na lumalabas sa inyo pag nakaupo kayo sa trono.

   Gusto ko rin sanang sabihin na bumenta na ’yan, nilalangaw na ’yan, pero panahon pa ni Rizal ginagawa n’yo na ’yan at tunay na himala na hanggang ngayon ay nagagawa n’yo pa ’yan. Daig ang “Ten Commandments” na isang taon na sa Galaxy pinipilahan pa rin ng mga deboto. Pasuot-suot pa kayo ng puti and paki-pakita pa kayo ng pagkagimbal sa makasalanang mundo. Di ba si Kristo na rin ang nagsabi na ang nasa loob ng magagarang libingan ay naaagnas na balat?

   Ikaw naman Mike Arroyo, nabisto ka na, papalusot ka pa. Buti secondhand helicopter ang binenta mo sa mga kakuntsabang heneral, hindi Tamiya. ’Di ka pa nakontentong magpamalas sa publiko ng kawalang kabusugan, nagpamalas ka pa ng kawalang galang sa kaugaliang Pilipino.

   Di ba sa ating mga Pinoy, kapag kuya ka, ikaw ang tagakupkop sa nakababatang kapatid, ikaw ang tagatanggol sa nakababatang kapatid, ikaw ang tagaprotekta sa nakababatang kapatid? E, ikaw, e, para lang mailigtas ang sarili, una mong binabalato ’yung nakababata mong kapatid, una mong pinapahamak ang nakababata mong kapatid, una mong hinaharap sa bala ang nakababata mong kapatid. Ginawa mo na s’yang Pidal, gagawin mo pa s’yang taga ukay-ukay ng helicopter.

   Gusto ko rin sanang sabihin na ’yong isa naman ay Dakilang Martir or Dakilang Tanga. Pero nakinabang din, naging kongresista.

   Tanga man, di naman dakila.

   Kayong mga Comelec commissioners, mga heneral, mga kongresista, at mga obispong tumulong kay Gloriang mandaya at mailuklok s’ya sa poder, huwag kayong mag-alala, dadamihan namin ang mga kulungan para lang mapagkasya kayong lahat. At least pwede kaming mangarap na makukulong din ang mga pekeng alagad ng Diyos. Hindi na kayo nahiya, kayo pa naman ang naturingang tagapagtanggol ng halalan (Comelec), tagapagtanggol ng bayan (AFP), tagapagtaguyod ng batas (Kongreso), taga gabay sa moralidad (Simbahan). Tindi n’yo mga tsong. Binaboy n’yo ang mga institusyon n’yo.

   At ikaw naman Gloria, paawa epek ka pa d’yan, bigla kang magkakasakit nitong mga araw na malapit ka nang tamaan ng kidlat. Sabi ng mga kakampi mo, teka muna, totoo namang me sakit ka, at malubha pa. Sensya na, pero ganyan talaga ang sinasapit ng mga taong nagsasabi na hindi tatakbo pero tumatakbo, “I am sorry” pero hindi naman sori. At ipagpalagay na nating totoo ngang me sakit ka, at malubha pa, ano ngayon?

   Naaawa nga kami sa iyo, mas naaawa naman kami sa sarili. Naaawa nga kami sa pamilya mo, mas naaawa naman kami sa bayan.

   Sa loob ng sampung taong nakaratay ang bayan, naawa ka ba? Sa loob ng sampung taong namimilipit ang bayan, nahabag ka ba? Sa loob ng sampung taong nag-aagaw hininga ang bayan, nabahala ka ba? Ano, kakalimutan na lang natin ang hustisya dahil me sakit ka? Ipagpapaliban na lang natin ang katarungan dahil me karamdaman ka?

   Kapareho ka na rin nung mga pinatatawag sa Senate hearing na biglang nagme-“may I go out” dahil nakakaramdam daw sila ng mataas na presyon. Aba’y dapat lang tumaas ang presyon n’yo.
Ang ina n’yo, na si Inang Bayan, ay nananangis. And ina n’yo, na si Inang Bayan, ay naghihinagpis. Ang ina n’yo, na si Inang Bayan, ay nagngingitngit.

   Pero me bawi ang lahat, pumipihit din ang panahon. Lintik lang ang walang ganti. Tanga lang ang di nagkakaroon ng hustisya. Bampira lang ang di nasisilayan ng liwanag.


   Dumating na ang araw n’yo.

Sinulat ni Conrado de Quiros
ng Philippine Daily Inquirer sa kanyang kolum na There’s The Rub

5:12 am | Tuesday, August 30th, 2011 

Tuesday, August 16, 2011

Panambitan

Ikaw, higit sa lahat para sa kapatirang IsangPilipino.


Monday, August 15, 2011

Matayog ang Lipad

Huwag Humalo at Makisama sa may Mababang Lipad

   Marami ang uri at klase ng tao; at sa panahong ilalagi mo dito sa mundo, marami din sa kanila ang magpapasaya, magpapalungkot, mangangaral, mag-uusisa, mamimintas, magmamalasakit, tumutulong, at magpapasakit ng iyong loob.

   May tatlong pangunahing uri ito: Ang mga mababang isip, ang pinag-uusapan ay ang kapwa tao na makakatulong sa paglaganap ng tsismis. Ang mga karaniwang isip, ang pinag-uusapan ay ang mga balita na makakatulong sa kanilang mga sarili. Ang mga matayog ang isip, ang pinag-uusapan ay ang mga ideya na makakatulong sa lipunan.

   Ang pinili ko ay ang huling uri, dahil sa daan nito ay iilan lamang ang tumatahak at kakaunti ang trapik

   Huwag mag-ubos at aksayahin ang iyong mga gintong panahon sa may mga mababang isip. Sapagkat kung may pana silang hawak ang tinutudla lamang nila’y ang mabababa. At kadalasan pa’y hindi tinatamaan, kaya bulati ang pinagtitiisan. Mga manok lamang ang mahihilig sa bulati. At kapag ikaw ay manok, sa tinola at pirituhin ka babagsak.

   Ayaw kong maging manok, ang nais ko’y Haribon, ang agilang likas at tunay na katutubong Pilipino. Laging malaya at nasa himpapawid. Matalino, matikas at magiting sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin. 

   Kung sakaliman na may mga tao sa iyong buhay na patuloy na nagdudulot ng kapighatian, pabigat at palaasa, nagpapasama ng iyong kalooban, hindi tumutupad sa pangako, winawasak ang iyong mga pangarap, nilalason ang iyong pag-asa, mapaghatol, matampuhin, may malaking kaibahan kaysa iyo at hindi maaasahan kapag ikaw ay nakatalikod . . .  aba’y gumising ka naman, at kumaripas ng takbo palayo sa ganitong mga uri ng tao. Dahil kung hindi mo ito gagawin, hindi ka lamang malulunod, bagkus isa ka na sa kanila at patungo sa inaasahang matinding kapahamakan.

   Marami ang uri: kakilala, kasama, kaklase, kasangga, kapanalig, katuwang, kakutsaba, kaniig, katambal, kulasisi, kaisa, kabiyak, kasintahan, at kung anu-ano pa . . , ngunit bihira ang pinakamahalaga sa lahat; ang KAIBIGAN. Dahil isa lamang ito sa sandaan, at mahirap matamo kung kinakapos ka at walang kaalaman sa pakikipagkaibigan.

   Ito ang taong iyong naiibigan. Binibigyan ng ibayong pansin at kapalagayang loob sa iyong buong buhay. 

   Kung nais mong magkaroon ng kaibigan, maging palakaibigan ka. Bahagi na sa mga kabanata ng ating buhay, ang pagdating at paglisan ng maraming tao sa ating pakikipagrelasyon. Ngunit, may naiiwan na iilan na nakapagbigay ng inspirasyon sa atin. At ito ang ating kinalulugdang higit pa kaninuman, ang mga taong sumasaling at nagpapaalab sa ating mga puso ng ibayong pagmamahal.

   Sa iyong paggulang at nagiging mga karanasan, ang iyong mga kaibigan ay nananatili o lumilisan ayon sa inaasahan, hindi inaasahan, at hindi maiiwasang pangyayari. Ang kapasiyahan ay nasa iyo lamang kung magpapatuloy ang isang relasyon o hindi. Subalit, nakakahigit ang palibutan mo ang iyong sarili ng mga uri ng taong kawangis ang iyong pagpapahalaga, mga lunggati, mga interes, at may matiwasay na pamumuhay.

   Hangga’t nabubuhay ka at patuloy na ginagampanan ang iyong dakilang adhikain, walang hinto ang pagdating ng marami pang uri ng tao na kumikilatis ng iyong kakayahan sa pakikipagkapwa. Kung ito’y magbubunga o hindi, ikaw ang magbabadya nito. Alalahanin lamang, sila’y mga isinugo sa iyo upang higit mong makilala ang iyong sarili. Sila ang nagpapatamis upang higit mong malasap ang kagandahan ng iyong buhay.

   Ang mga ibong magkakatulad ang balahibo ay nagsasama-sama. Kung ikaw ay nilikhang Haribon, huwag makihalo sa mga manok; ang mga manok ay hindi makalipad ng mataas, palaging sa lutuan lamang ang kanilang bagsak.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, August 09, 2011

Pasasalamat

Salamat sa Nagawa Mong Kaibahan sa Aking Buhay

   Mayroong 24 na oras sa maghapon, may 60 na minuto sa bawa’t oras, may 60 na segundo sa bawa’t minuto, at sa buong maghapong ito; nang ikaw ay magising, ikaw ay pinagkalooban muli ng 86,400 na segundo. Nagawa mo ba kahit na sa isang segundo lamang na bumigkas ng “Salamat po.” ?

   Alam mo bang ang pinakamataas na antas ng kaisipan ay ang pasasalamat? At ang pasasalamat ay isang kaligayahan na nagpapasigla sa iyong pananalig at nagpapalakas ng pagtitiwala sa iyong sarili. Nagkakaroon tayo ng buhay sa mga sandaling ang ating mga puso ay tigib ng kaligayahan at pasasalamat.

   Alin man ang iyong ginagawa, saan ka man naroroon, anuman ang iyong kalagayan, at gaano man ito; kailangan nating magpasalamat sa lahat ng mga bagay at mga kaganapan na ating hinaharap sa bawa’t saglit.

   Ang pasasalamat na nakintal lamang sa isip at hindi nabigkas ay walang saysay kanino man. Walang pasasalamat na hindi binigkas, kung ito ma’y hindi binigkas, isa lamang itong lantarang kawalan ng utang na loob.

   At maaari ba, kung ikaw man ay nagpapasalamat, mangyari lamang na tumitig sa mga mata ng pinasasalamatan. Sapagkat ito ang tumatarok kung wagas at dalisay ang nilalaman ng iyong puso.

   Nagpapasalamat ka bago kumain. Tumpak lamang ito. Subalit nagagawa mo bang magpasalamat nang ikaw ay magising?  Paglabas ng bahay bago pumasok sa trabaho?  Bago paandarin ang sasakyan?  Nang makarating sa pinuntahan at walang naging balakid? Bago buksan ang aklat upang ikaw ay gabayan na makaunawa?, Bago makipag-usap at makamit ang minimithi? Bago makipagkasunduan at nang malayo sa kabiguan? Bago simulang sumulat at magkaroon ng patnubay? Nang makita mong matiwasay na nakauwi sa bahay ang iyong mga mahal sa buhay?

    At marami pang tulad nito  . . . Nagagawa mo ba ito?

   Para saan ba ito? Ito’y para sa kapayapaan ng iyong pag-iisip at sa pagpapalang nakatadhana para sa iyo na kinakailangan mong pasalamatan at makamtan. Ang sansinukob ay naghihintay lamang na bigkasin mo ito, at ito’y kusang ipagkakaloob sa iyo. Dumarating ang mga ito sa iyo, ngunit kung wala kang pagpansin at pasasalamat, nauuntol ito at tuluyang naglalaho. 

   At isa pa, malaking bagay ba ito para magawa? Malaki bang kaabalahan ito para sa iyo? Nawawalan ka ba kung binibigkas mo ito? At kung nagpapasalamat ka, ano ang nararamdaman mo pagkatapos nito? May kasiyahan ba o may kapanglawan? Ikaw ang higit sa lahat ang makakasagot lamang nito. Paglilimi lamang ang kailangan at ito’y  makakatulong sa iyo.

   Hindi ba may nagwika na, “Humiling ka, at ito’y ipagkakaloob sa iyo. Kumatok ka, at ikaw ay pagbubuksan.”  At nagsisimula ang mga ito sa pagbigkas ng pasasalamat.

   Sakaliman na ang tanging pagdarasal mo lamang ay ang magpasalamat, ito’y sapat na.

   Magpasalamat at hindi mo nakakamit ang lahat ng iyong ninanasa.
Kung nasa iyo na ang mga ito, ano pa ang hahangarin mo sa kinabukasan?

   Magpasalamat kapag hindi mo alam ang isang bagay.
Ito ang nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na tumuklas pa at pag-aralan ito.

   Magpasalamat sa mga paghihirap na dinadanas na mga panahon.
Sa mga panahong ito ay lumalawig ang iyong kabatiran na siya mong kailangang timbulan para magtagumpay.

   Magpasalamat sa iyong kahinaan at kakapusan.
Sapagkat ito ang magdudulot sa iyo ng ibayong mga pagkakataon para gumawa ng pagbabago at paunlarin ang iyong sarili.

   Magpasalamat sa bawa’t bagong paghamon na ipinupukol sa iyo ng tadhana.
Sapagkat ito ang nagpapatibay ng iyong kalakasan at kaganapan ng iyong pagkatao.

   Magpasalamat sa iyong mga naging kamalian at mga kabiguan.
Nagtuturo ang mga ito sa iyo ng mahahalagang karanasan at leksiyon upang itama at makamit ang tagumpay na inaasam.

   Magpasalamat kapag ikaw ay napagod at nahapo.
Nangangahulugan lamang ito na nakagawa ka ng kaibahan.

   Magpasalamat sa magaganda at mabubuting bagay na ipinagkaloob sa iyo.
Ang buhay na mabunying nagaganap ay dumaratal doon sa bukas ang puso sa katotohanan.

   Magpasalamat, dahil nakalulugod at pinapayapa nito ang iyong kaisipan.
Nagbibigay buhay at kasiglahan ito na magpatuloy ka pa sa paggawa ng kabutihan.

   Magpasalamat sa harap ng pagkain at mga bagay na nakakatulong sa iyo.
Alalahaning nagmula ito sa maraming kamay na nagtulong-tulong na maihatid ang mga ito para sa iyo.

   Magpasalamat kung nagagawang palitan ang negatibo na maging positibo.
Ito ang tanging paraan na ang mga bagabag ay maging mga pagpapala para sa iyo.

   Magpasalamat sa patuloy na pag-inog ng iyong buhay.
Iniiwasan  nito ang mga lason at nakakasama sa iyong pamumuhay.

   Magpasalamat kapag pinagmamasdan mo ang iyong mga mahal sa buhay.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy kang nabubuhay at may mga misyon pang gagampanan.

   Magpasalamat. Ito ang pinakamahalaga sa lahat.
At ang mga biyayang nakatadhana para sa iyo ay patuloy na daratal.

Ang pagpapasalamat ay mainam na saloobin. At huwag nating kalilimutan, habang binibigkas natin ang pasasalamat, na ang pinakamataas na pagpapahalaga ay hindi ang pagbigkas, simula lamang ito, bagkus ang ipamuhay natin ito.

Maraming salamat po!

 Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, August 08, 2011

Saloobin

Pagkilatis sa Tunay na Ikakatagumpay ng Gawain
   Nagkaroon ng mahabang talakayan kung sino sa dalawang aplikante sa trabaho ang pipiliin. Bawa’t isa ay may naiibang katangian na kailangan sa papasukang trabaho. Si Mario ay nakapagtapos sa isang tanyag na pamantasan sa Maynila, samantalang si Loida ay mula sa isang kolehiyo sa lalawigan. Magkatulad ang kanilang natapos na kurso, subalit higit na matataas ang grado ni Mario kaysa kay Loida. At ang kakulangan ni Loida, ay napalitan naman ng kanyang dalawang taon karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

   Anupa’t halos magkatulad sila sa mga kakayahan. Si Mario ay higit ang kaalaman ngunit walang karanasan sa trabaho. Si Loida ay karaniwan ang kaalaman ngunit mayroong sapat na karanasan sa trabaho, at may sariling pagsisikap. Umabot sa tatlong araw ang mga tanungan, paliwanagan,  at mga pagsubok sa dalawa. Subalit nalilito at hindi mapagpasiyahan kung sino ang karapatdapat sa trabaho.


Ano ba ang mahalaga, ang may kaalaman o ang may masikap sa trabaho

   Parehong mahalaga at kailangang katangian ang mga ito, ngunit may nawawalang sangkap na mag-uugnay sa dalawang ito. Ang kaalaman ay mahalaga at ang karanasan ay matututuhan sa katagalan. At ang masikap sa trabaho ay mahalaga, ngunit kung walang ganap na kabatiran ito na maunawaan ang takbo ng trabaho, gaano man kahusay ang pagsisikap nito ay wala ring halaga sa kabubuan. Subalit kung may hangarin itong matuto, madali nitong madaragdagan ang kaalaman dahil sa kanyang pagsisikap.

   Kailangan mayroong mahusay na paraan sa paggawa kaysa gawa ng gawa nang walang katiyakan sa natatapos nito. Mayroon mang kaalaman at karanasan ay hindi pa rin sapat ang mga ito. May katangiang higit na kailangan para dito: Ang saloobin. Ito ang nagbabadya kung matatapos na maayos, mahusay, at may kapakinabangan ang ginawa.

   Ito ang susi upang magawang pagsamahin ang kaalaman at karanasan. Nakapaloob ito sa tunay na pag-uugali ng tao at siyang kumakatawan sa lahat ng mga kapasiyahan nito sa bawa’t sandali sa araw-araw.
Sa pagrepaso sa mga katangian ng dalawa, si Loida ay may magandang edukasyon ngunit hindi kasing husay katulad ng kay Mario. Naipakita ni Loida ang mga kaparaanang magagawa kung papaano mapaghuhusay ang trabaho kaysa sa patuloy na paggawa. At isang nakalulugod kay Loida ay ang kanyang saloobin sa trabaho. Mayroon itong positibong saloobin at nagagawang maimpluwensiyahan ang kanyang mga katrabaho. Si Mario, bagama't nanggaling sa kilalang pamantasan at may kaalaman, ay maraming teorya sa trabaho ngunit kakailanganin ang maraming pagsubok dito upang mapatunayan at matututuhan, subalit hindi maaaring turuan ang isang tao ng tamang saloobin. Dahil ito’y likas sa kanya at siya lamang ang nasusunod para dito.

   Sa gawain, ang saloobin ay napakahalaga sa paggabay ng kakayahan kung ano at papaano magagawa ang tungkulin, nagagawang magtanong kung bakit at naghahanap ng kasagutang makalulunas. Kung walang tamang saloobin sa gawain, patama-tama at walang tuwirang mararating ito. Laging ‘bahala na’ o ‘sige na, pwede na yan!’ ang mga mantra nito sa paggawa.

   Mungkahi nga ng isang Ingles na nabasa ko sa pahayagan, mayroon siyang magandang batayang ginamit kung ano ang mahalaga sa tatlong ito: knowledge  –  hardwork  --  attitude
                                                         kaalaman   --  masikap  --   saloobin

   Kung lalagyan ng bilang ang alpabetong Ingles, ito ang kalalabasan:

A – 1          G – 7          M – 13          S – 19             Y – 25
B – 2          H – 8           N – 14          T – 20             Z – 26
C – 3           I – 9           O – 15          U – 21
D – 4          J – 10         P – 16           V – 22
E – 5          K – 11         Q – 17          W – 23
F – 6           L – 12        R – 18           X – 24

  Ipinakita niya ang resulta nito kapag pinagsama ang nakaukol nitong mga bilang.

K   - 11                         H  -  8                      A -   1
N   - 14                         A  -   1                     T - 20
O   - 15                         R  - 18                     T - 20
W  - 23                         D  -   4                      I -    9
L    - 12                        W - 23                     T - 20
E    -  5                         O  - 15                     U - 21
D   -  4                          R  - 18                     D  -  4
G   -  7                          - 11                     E  -  5
E   -  5                        ________              Total 100 points
________                Total  98 points
Total  96 points

   Sa atin naman na modernong alpabetong Pilipino tungkol sa;
           kaalaman – masikap – saloobin

A  - 1            H –   8              Ñ  - 15                T  -22
B  - 2             I  -   9             Ng - 16                U - 23 
C  - 3             J – 10              O  - 17                V - 24
D  - 4            K – 11              P  - 18                W- 25
E  - 5             L  -12              Q  - 19                X - 26
F  - 6            M –13              R  - 20                Y - 27
G  -7             N –14              S  - 21                 Z  -28

   Narito ang kabubuan ng mga letra at mga nakaukol na bilang sa ating wika.

K  - 11                     M  - 13                                S  - 22
A  -   1                      A  -   1                                A  -   1
A  -   1                      S  -  22                                L  -12
L  -  12                      I  -    9                                O  -17
A  -   1                      K  -  11                               O  -17
M – 13                     A  -    1                               B  -  2
A  -   1                      P  -  18                                I  -  9
N  - 14                    Total 75 na puntos          N  -14  
______                                                                _______
Total 54 na puntos                                           Total 94 na puntos

   Doon sa mga nagbibigay kahulugan sa kahalagahan ng mga katapat na bilang, malaki ang nagagawa nitong bahagi sa paglapat ng kapasiyahan, lalo na kung umabot sa pantay na katangian ang mga pagpipilian. Ipinapakita dito na maging sa wikang Ingles at wikang Pilipino, nakahihigit ang attitude o saloobin.

   Magagawa mong masikap sa trabaho, at kahit na mayroon ka mang mahusay na edukasyon o kaalaman, subalit ang batayan ay gaano karaming puntos ang magagawa ng iyong saloobin?

   Hindi mapapasubalian na ang saloobin ay malaki ang ginagampanang papel sa ating buhay. Higit itong mahalaga pa sa katibayan, higit pa sa nakaraan, higit pa sa nakamtan na edukasyon, higit pa sa salapi, higit pa sa mga pagkakataon, higit pa sa mga kapighatian, higit pa sa natamong mga tagumpay, higit pa kung anuman ang iniisip ng mga tao, sinasabi, inuusisa, o ginagawa. Higit itong mahalaga sa panlabas na anyo, sa mga katangian, o maging sa kakayahan. Nagagawa nito ang lumago o mawasak ang isang kompanya, ang isang simbahan, at lalo na ang tahanan. At nasa ating kapangyarihan na piliin sa bawa't araw kung anong saloobin ang ating ipadarama at makakatulong sa ating sarili.

    Hindi na natin mababalikan pa ang nakaraan. Wala tayong magagawa sa katotohanang mayroon mga taong kumikilos nang naaayon sa kanilang kagustuhan. Wala tayong kakayahan na baguhin ang hindi maiiwasan. Ang isang bagay lamang na tahasan nating magagawa ay laruing matuwid ang nasa ating puso, at ito ay ang ating saloobin. Na ang katotohanan sa ating buhay ay 10 porsiyento kung ano ang nangyayari sa atin; at 90 porsiyento naman ang reaksiyon natin dito. Lahat ng mga ito ay ayon sa ating saloobin. At ito'y nangyayari ngayon sa iyo. Tayo ang may responsibilidad sa ating mga saloobin
  
   Ito ang sukatan kung ikaw ay magiging matagumpay o hindi sa larangang iyong pinasok. Dito nakasalalay ang kalalabasan ng iyong pangkalahatang pangmasid sa gawain, kalakip ang iyong tunay na saloobin. At ang resulta nito ang iyong tunay na batayan kung ikaw ay nakakatulong o nakakaperhuwisyo sa isang tanggapan, sa isang organisasyon, sa iyong mga karelasyon, sa iyong mga mahal sa buhay, at higit sa lahat sa iyong sarili.

   Ano ngayong ang nasa loob mo? May niloloob ka ba, matapos mong mabasa ito? Nasa iyong kalooban lamang ang lahat. At ang saloobing ito ang magtatakda, kung sino ka.

 Lungsod ng Balanga, Bataan


Sunday, August 07, 2011

Pamumukadkad ng Rosas

Ang Lahat ay Kumikilos nang Naaayon sa Kalikasan Nito

   Sa  Barangay Kupang, isang bagong pastor kasama ng matandang pastor na magreretiro na, ang namamasyal sa mabulaklak na hardin. Nag-aalinlangan at kinakabahan ito sa malaking responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat. Sa umagang ito, nais niyang malaman kung anong misyon ang nais ipagawa ng Diyos sa kanya at ito ang hinihingi niyang payo sa matandang pastor. 

   Sumilay ang isang matamis na ngiti sa matandang pastor at lumapit ito sa isang mabulaklak na halamang rosas. Pumigtal ito ng isang supang na bulaklak na hindi pa bumubukadkad, at sinabi ito sa bagong pastor kung magagawa niya itong maibukadkad nang walang masisirang talulot.

   Napamaang ang bagong pastor at hindi nakahuma sa inuutos ng matandang pastor; pinilit niyang limiin kung anong nagbunsod sa matandang pastor at kinalaman ng pagsubok na ito, upang matiyak ang kagustuhan ng Diyos sa kanyang buhay at gagampanang tungkulin sa simbahan.

   Bunsod ng malaking paggalang sa matandang pastor, sinimulan niyang ibukadkad ang supang na rosas, nanginginig na buong ingat niyang dinadahan-dahan ang pagbuklat dito . . . Mahaba ding sandali ang mabagal na lumipas nang mapagpasiyahan niyang imposibleng magawa ito, kahit na anupang mga kaparaanan ang kanyang gawin.

   Nang mapansin ang bagong pastor na may pag-aalinlangan at kawalan ng kakayahan na maibukadkad ang supang na rosas nang hindi masisira ito, nagpaliwanag ang matandang pastor;


   “Isa lamang itong maliit na supang na rosas, isa sa mga kababalaghan na dinesenyo ng Diyos, subalit wala tayong kakayahan na ibukadkad ang mga talulot nito sa pamamagitan ng ating lampang mga karaniwang kamay.

   Ang lihim ng pagbukadkad ng rosas ay hindi natin batid kung papaano ito nagagawa. Ang Diyos lamang ang may pagsuyong magbukadkad  nito, kapag ang ating mga kamay ay walang kakayahan at kapangyarihan para dito.

   Kung sakaliman na hindi natin magawang ibukadkad ang supang na rosas, sa dinesenyong bulaklak na ito ng Diyos, papaano pa kaya tayo na isipin ang kawatasan na maibukadkad ang tungkol sa ating buhay?

   Anong kakayahan o matinding kabatiran ang mayroon tayo upang magkaroon ng kawatasan na masupil ang mahiwagang kapangyarihan na ito at makatiyak sa mga mangyayari sa ating buong buhay? Walang sinuman ang nakakaalam nito kundi ang lumikha sa atin.

    Masdan ang iyong mga nagbabagong mga kamay, humahabang buhok at mga kuko, at pati na ang iyong buong katawan; kusa itong nagbabago ng naaayon sa kanyang pagkakalikha. Pansinin ang iyong sugat na nakamit sa isang sakuna, kusa itong gumagaling kahit hindi mo napag-uukulan ng atensiyon. Lahat ng tungkol sa iyo ay nakatakda at kusang magaganap, gustuhin at iwasan mo man itong mangyari. Sapagkat isa kang nilikha na nakahandang gampanan ang anumang itinakda para sa iyo.

   Kaya nga, ipinagkakatiwala natin sa Kanya para sa kanyang pagpapala ang bawa’t saglit ng ating buhay sa araw-araw. Buong lugod nating hinihiling ang Kanyang patnubay at kaluwalhatian sa bawa’t paghakbang sa ating dakilang misyon na ito.

   Ang landas na ating tatahakin, ay ang makapangyarihang Ama lamang ang nakakabatid. Ipagkatiwala natin sa kanya na buksan, ibukadkad,  at imulat ang bawa’t saglit sa ating buhay, kawangis ng Kanyang pagbukadkad sa rosas na bulaklak.

   Pakatandaan lamang: Higit sa lahat, Siya lamang ang nakakaalam kung anong mahalaga at mabuti para sa atin.”


 Lungsod ng Balanga, Bataan


Sina Paminsan-minsan at Palagi

Nasa Iyong mga Kamay Lamang ang Iyong Ikakatagumpay

   Ang batang si Palagi ay laging nasa wastong pagkilos, hindi siya kailanman lumabag kahit isa man sa mga ipinagbabawal, at gayundin, kailanman ay hindi nasangkot sa mga kaguluhan o pag-aaway. Lagi niyang iginagalang, pinagbibigyan, at sinusunod ang kanyang mga magulang. Dangan nga lamang sa pagiging seryoso niya dito, ay madalas siyang nababalisa, humahapdi ang sikmura, at napaghihilo.

   Isang araw ay nagkasakit nang malubha si Palagi, at kinakailangang maitakbo kaagad sa ospital. Ang mga doktor ay nalito at hindi malirip kung anong uring karamdaman ito na matinding nagpapahirap sa kanya. Maraming mga pagsusulit ang isinagawa at sa katapusan ay wala pa ring malinaw na kasagutan. Pinayuhan na lamang na huwag masyadong mag-isip at magpahinga. Nang makauwi na sa bahay ay lalong binagabag ito ng maraming suliranin at laging lumiliban sa pagpasok sa paaralan. Ikinagalit ito ng kanyang magulang at binantaan na huwag pababain ang grado nang mababa pa sa A. Lalo lamang itong nagpabalisa sa kanya at sukdulang nakasama sa kanyang kalusugan.

   Samantalang ang kanyang kaklaseng si Paminsan-minsan ay nakakakuha ng mababang marka sa kanilang paaralan. Dahil nagpasiya ito na gagawin na lamang ang kanyang makakaya at hindi ipagpilitan at mahirapan pa na makakuha ng mataas na grado. Madalas iniisip niya, “Bakit ko ba pahihirapan pa ang aking sarili, katulad ng nangyayari  kay Palagi? Kung anong kaya ko, ito lamang ang aking gagawin!

   At si Palagi naman na madalas na katulad ding nag-iisip, “Bakit ko ba binabagabag ang sarili ko at nagiging sanhi pa ng aking karamdaman? Samantalang si Paminsan-minsan ay ayos, walang katiga-tigatig, at normal lamang ang pagpasok sa paaralan, gayong ako na laging seryoso, ay madalas lumiliban sa klase at bumababa ang nakukuhang grado. At nagiging masasakitin pa ako.”

   Isang umaga, sa nangyayaring kaibahan sa dalawa ay nagpasiya ang kanilang mga magulang na kausapin sila at malaman kung ano ang kanilang ginagawa sa kanilang mga sarili at paag-aaral, at nangakong anuman ang kanilang kapasiyahan ay igagalang ito, hangga’t ginagawa nila ang kanilang makakaya.

   Sa bandang huli, nagtapat si Paminsan-minsan at nagpahayag, “Ang ibig ba ninyong sabihin, kahit hindi kami mahusay sa klase ay patuloy pa rin ninyong mamahalin kami?

   Ang kanilang mga magulang ay magkakasabay na tahasang tumugon, “Aba’y siyempre, mamahalin naming kayong, PALAGI !!!”

   Si Palagi pa rin ang nasa kanilang kaisipan.

-------
Gawin lamang ang makakaya nang higit pa sa inaasahan. Anuman ang iyong ginagawa tulad ng inaasahan sa iyo, anuman ito; mababa, katamtaman, mahusay, at magaling, lahat ng ito’y walang sukatan sa tunay na may pagmamahal na magulang. Patuloy pa ring mamahalin ka nila anuman ang iyong maging kalabasan.

   Doon naman sa mga magulang na pinipilit marating at matularan o mahigitan pa sila ng kanilang mga anak, ang pangyayaring tulad na nabanggit sa itaas ay malaking kasawian. Sapagkat ang tunay na pagkatao ng anak ay masusupil at walang kaganapang kahahatungan ito. Bagkus ang anino at naiibang pagkatao lamang na ginaya ang makapagyayari sa buong buhay niya.

   Marami sa ating lipunan ang sumunod sa payo ng kanilang mga magulang, at hindi ipinaglaban ang kanilang tunay na simbuyo ng damdamin. Mayroon dito sa amin sa Barangay Kupang, na nakatapos ng medisina at naging doktor, subalit nauwi lamang sa pagiging magaling na kontraktor sa mga pagawaing pambayan. Mayroon ding abugado dahil ang ama ay abugado, ngunit nang yumao na ang kanyang mga magulang, ay ipinasiya na lamang na maging propesor sa pamantasan, at tuparin ang tunay niyang mithiin sa buhay. At marami naman na sa pikit-matang pagsunod sa magulang, kahit na hindi abot ng kakayahan sa utak ay pinilit ang mga kursong matatayog, mga nakatapos ngunit nagsibagsak sa pambansang pagsusulit, at nauwi lamang na pangkaraniwang mga kawani sa opisina sa tanang buhay nila.

   Alalahaning hindi ang magulang ang siya mismong haharap at gaganap sa piniling ambisyon sa anak. Magandang intensiyon ito ng mga magulang, ngunit masalimuot sa kabatiran at tunay na magaganap sa pagkatao ng anak. Imposibleng ang butong mangga kapag pinilit na itinanim ay lumaki at magayang maging ‘santol’, kahit na dekorasyunan at palibutan pa ito ng mga katangiang ‘santol’, mananatili pa rin itong mangga. Sapagkat ito ang tunay at nakatakdang maganap sa kanyang pagkatao. Marami tuloy ang yumayao sa buhay na kasamang nalilibing sa kanilang huling hantungan, ang musikang nanatili at hindi napaalpas sa kanilang mga puso at kaluluwa.

    May mga matatagumpay na nagawa ang ambisyon ng mga magulang; ngunit sa kaibuturan ng kanilang mga puso, naroon pa rin ang mga bagabag at maraming bangungot na panag-inip, na nagpupumulit na ipatupad ang kanilang tunay na pagkatao.

   Sapagkat ito ang tunay na pagkakalikha sa kanila, ang tuparin ang nakatadhana nilang dakilang adhikain para sa kanilang makatotohanang buhay.

   Tayo lamang para sa ating mga sarili ang may karapatan at may ibayong kapangyarihan na gawin ang tamang direksiyon para sa ating buhay na susuungin.

Ikaw, nagagawa mo ba ito ngayon sa iyong sarili? 

   Kung hindi, aba'y mag-isip ka naman. Hindi sa lahat ng oras ay iba ang nakapangyayari para sa iyo. Alalahanin mong ang buhay ay minsan lamang na dumaratal sa atin, at lahat ng sandali na nakapaloob dito ay para lamang sa ating ikakaligaya, at hindi ito nakaukol para sa iba. Dahil kung hindi ka maligaya, hindi mo magagawang magpaligaya ng iba.

   Puwede ba, paligayahin mo naman ang sarili mo?


Lungsod ng Balanga, Bataan