Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.
ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong makakatulong para sa isang mapayapa at maunlad
na lipunang makaPilipino.
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:
10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino
1 -Patunayan na
ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang pinakamahalaga.
Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama kaysa mali, sapagkat mayroon
kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na
makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga
na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak
ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito
lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at
pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
2 -Makinig, Magbasa, at Magsuri balita . Huwag
umasa sa mga bulungan at opinyon ng iba.
Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang
idudulot
nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga
ng mga
pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga
nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa
bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto
ito sa iyong
buhay at maging sa iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.
3 -Tanggapin
kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan.
Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating
ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga
ninuno. At kung papaano natin ito pinapahalagahan ay siya namang maiiwan sa
mga sumusunod na henerasyon natin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan
ng kaukulang atensiyon at kahalagahan.
4 -Makipag-ugnayan
sa pamilya, mga kaibigan kaibigan at mga piling tao sa komunidad tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago.
Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit
pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang
pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga
susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan.
Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na
nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang
ang gising, tumututol, at lumalaban para dito.
5 -Mag-ukol ng
panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan
ito
sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang
isyu
tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit
at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan,
Kagutuman, at
Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para
sa iyo
at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay
apektado ng
mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito
malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at magawang
abusuhin sa tuwina.
6 -Tumulong na
mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa bansa . Sa pangkalahatang kaganapan,
nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat
lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang
mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating
lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan.
Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa
kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang
karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala nang makakatulong para sa iyo.
7 -Maging
mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang
hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa
lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa
kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng
kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang
pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng
ningning at tahakin ang landas na patungo dito.
8 -Mag-ambag ng
anumang makabuluhang bagay mula sa iyo. Huwag
ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng
iyong panahon sa
ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon
ng
kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na
mataas pa
kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang
panlahat ay pinakadakilang
kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang
mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang
adhikain, at may
Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang
kaganapan
na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.
9 -Huwag iwasan
ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na
pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan.
Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin
kung papaano maisasagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong
magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung
papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala
ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi
natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na
bagay na may dakilang pagmamahal.
10 -Panatilihin
na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay
narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay
siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman
ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong
paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili
bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay
nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay
maging malinaw.
Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng
maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na
kinabukasan. Ang kailangan lamang ay maumpisahan ito at ang lahat ay madali na
lamang.
Ano
pa ang hinihintay mo? Maging tunay na Pilipino na ngayon!
JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan