Thursday, November 07, 2013

Kilalanin Natin




Kahalintulad ng ating ina, anumang kahinatnan ng ating bansa maging mabuti o masama man ay hindi natin maipagkakaila bilang mga anak. Dito tayo nagmula at sa kalaunan ay dito rin uuwi. Huwag nating kalimutan saan man tayo naroroon, sinuman ang ating kaharap, dala-dala natin ang ating lahi at bansa. Kasama natin na dumadaloy sa ating mga dugo ang lahing kayumanggi na ipinamana pa ng ating mga ninuno. Mula kay Lapulapu, Andres Bonifacio, Jose Rizal, at maraming iba pa, .... nananatili ang ating pagdakila at pagmamahal sa ating Inang-bayan.
    Likas lamang na ipaglaban natin ito. Magpasiya at makialam kung ano ang tama at mali, kung ano ang nakakatulong at kung ano ang nakakapinsala. 
Makibaka huwag matakot. Kaya lamang may nag-aapi, umaabuso, at nagpapasasa ay may pahintulot tayo. Kung hindi natin pinapayagan; walang masamang kaganapan, mga kabuktutan, mga nakawan, at mga kalagimang mangingibabaw sa ating lipunan.

   Ang ating ina ay nag-iisa lamang, walang katulad at walang katumbas. Walang makakapalit sa kanya magpakailanman. Pilipinas ang pangalan at ating Inang-bayan. Ang pintasan, itatwa, at aglahiin siya ng kanyang mga anak ay tahasang pagpapahintulot sa mga banyaga o ibang lahi at mga huwad na Pilipino na gawin tayong mga alipin, busabusin, at pagsamantalahan nang walang hinto. At ito ay nangyayari lamang dahil, ... wala tayong pakialam sa kapakanan ng bayan.
   Hangga't hindi natin kinikilala ang ating bayan, hindi natin tuluyang makikilala ang ating mga sarili. Sapagkat ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paruroonan.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, November 03, 2013

Nasa Isipan ang Lahat


Kung ano ang laman ng iyong isipan, ito ang laging mong iisipin, ito ang susundin mong kapasiyahan at ikikilos. Maging ang mga katagang bibigkasin mo ay batay sa iyong iniisip. Maglimi at bantayan ang daloy ng iyong mga pananalita kung hinahangad mo ang kapayapaan sa isipan. Simulan ang bawa't araw na tahasang inilaan na mapayapa, kasiyasiya at may masayang saloobin. At ang lahat na susunod pang mga araw ay mababalot na matiwasay, kaibig-ibig, at matagumpay.
   Ang iyong kaisipan ay makapangyarihan, at kapag ito ay kaya mong supilin at maibaling sa direksiyon na nais mo, ang kapangyarihan nito ay walang limitasyon. Kawangis nito ang maamong tupa, sumusunod, tumutulong, at higit na may kapakinabangan. Ikaw at ang iyong isipan, kalakip ng lahat ng iyong mga iniisip at proseso nito ay dalawa, at hindi kailanman iisa. Ikaw ang tagapagmatyag at ang iyong isipan naman ang tagaisip, kung anong nais mong kaganapan ang mangyayari sa iyong kapasiyahan.
   Baguhin mo ang iyong mga kaisipan at mababago mo ang iyong mundo. Dahil anumang paniniwala na sinusunod mo na hindi mga kaibig-ibig, nakakapinsala, at nagpapasimula ng alitan ay kailangang putulin. Kapag hindi ka maligaya, nalilito, at may mga bagabag; patunay lamang ito, na mali ang landas na iyong tinatahak. Hanggat't nababalisa ka, nabubugnot o nababagot sa buhay, ipinapakita nito na wala kang pananalig sa Maykapal at nakatuon lamang sa makamundong mga bagay. Sapagkat sa harap ng Maykapal, ikaw ay hinahatulan hindi sa iyong mga pagkilos, kundi kung ano ang tunay mong mga intensiyon. Sapagkat ang Ama lamang ang nakakaunawa sa kawagasan ng iyong puso.
                                                                                                                                             
Hindi ako lagi ang may kontrol sa anumang kaganapan sa aking kapaligiran, subalit lagi akong may kontrol sa anumang kaganapan sa aking kalooban.

Tahasang Gawin

Kahit sino ay magagawa ang anumang bagay na maibigan para sa kanyang sarili, at kung ito ay tunay niyang ninanasa at tahasan niyang isasakatuparan. Lahat tayo ay may kakayahang makagawa ng mga dakilang bagay, dangan nga lamang, nag-aatubili tayo na gampanan ito. Ang dahilan, higit nating inuuna ang sasabihin ng iba, nag-aakala tayong mapintasan kung tayo ay mabigo. Maraming haka-haka ang pilit nating inuuna kaysa pagindapatin ang mga katangiang tinataglay natin sa ating mga sarili.
   Hangga't nakikinig tayo sa mungkahi ng iba at nagpapadala sa kanilang mga sulsol at pakikialam, nagiging baluktot at masalimoot ang daan na ating tinatalunton. Lumalabo ang direksiyong na ating patutunguhan. At sa kalaunan, ay pinaghihinaan tayo ng lakas para magsikhay pa, ... hanggang sa mawalan ng pag-asa, tuluyang sumuko, at tanggapin ang anumang kaganapan.
   Ito ang kapalaran ng mga talunan; tinanggap at kinagawian na ang kawalan ng pag-asa, ang kawalan ng kakayahan at kasiglahan na magpatuloy pa. Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy din ang kanilang mga pagdurusa, mga paghihirap, at mga bagabag. Gayong lahat tayo ay may kapangyarihan na pumili, at piliin kung ano ang tama. Kasaganaan o Karukhaan? Kasiyahan o Kalungkutan? Kaligayahan o Kapighatian?
   Alinman dito ang piliin mo, ay siya mong kapalaran. Ikaw lamang, ang tangi at higit na nakakaalam kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ipinagpapatuloy mo ang iyong mga ginagawa ngayon. Dahil kung hindi mo nais ang iyong kalagayan sa ngayon, walang makakapigil sa iyo na tuparin ang iyong mga pangarap. Ito naman ay kung tahasan mong ninanasa na mabago ang iyong buhay.
   Sinuman ay tunay na magiging pambihira at kapansin-pansin kapag tahasan niyang isinakatuparan ang kanyang mga pangarap. Kapag mataos at taimtim ang kanyang pananalig sa sarili na magtatagumpay siya, anumang hadlang ay kanyang malalagpasan, anumang problema ay kanyang malulunasan, at walang imposibleng bagay na hindi niya makakamtan. Kung tahasan niyang gagawin ito.

Mga Pabigat sa Buhay


Sa umagang ito nang ikaw ay magising, naitanong mo ba ito: Ano ba ang ibig sabihin ng BUHAY? Ano ba ang makabuluhang gawin? Bumabangon ba ako sa umaga para lamang gawin ang lagi kong ginagawa sa araw-araw? Para saan ba ang lahat ng ito?
   Limiin natin ang mga katanungang ito: Ano ba ang tungkol sa BUHAY? Ano ba ang makabuluhang gawin? Ano ang mga walang katuturan? Mayroon lamang tayo na isang buhay para mabuhay. Nais nating higit na matamasa ito nang matiwasay at maligaya. Subalit...  papaano natin ito maisasagawa kung kinakapos tayo sa maraming bagay, kalakasan, at pagkakataon? Anong mga bagay sa ating buhay ang magagawa nating iwasan o tuluyang alisin? Ang sagot, kung ating lilimiin ang tungkol dito, ay napakasimple lamang, Bitiwan at pawalan ang anumang bagay na nagpapabigat sa iyong mga dalahin o mga bagahe na pinapasan sa buhay.

Ano ang mga ito:
1-Mga bagabag na hindi na mababago o maitatama pa.
2-Mga karaingang walang tinutungo kundi ang parusahan ang sarili sa pag-usal ng mga ito.
3-Mga pagtakas sa katotohanan at paninisi sa iba kung bakit nagkamali at nabigo sa gawain.
4-Mga pag-aaksaya sa mga bagay na walang katuturan at kapakinabangan.
5-Mga pagpilit sa iba na maniwala at pamarisan ang sariling sistema.
6-Mga ilusyon at pantasya na bumubulag sa mata at nagpapalabo ng isipan.
7-Mga pakikialam, pamumuna, at pamimintas sa iba na kinahumalingan at ugali na.
8-Mga paghanga, panggagaya, at pag-idolo sa iba kaysa sarili na panaligan ito.
9-Mga kapabayaan at pag-iwas na mapalawak ang kaalaman at mga kakayahan.
10-Mga kapalaluan, kaplastikan, at pakitang-tao na ipinagpipilitan sa iba na ikaw ito.
11-Mga pangarap na patuloy na pinapangarap at mga problema na patuloy na pinoproblema.
12-Mga ugaling patama-tama, padaskol, at walang diresksiyong pamumuhay.
13-Mga paniniwala na hindi makatuwiran, makasarili at walang malasakit kaninuman.

Nangyayari lamang ang lahat ng mga ito kung walang pagmamahal, pananalig at pagtitiwala sa sarili. Hangga't hindi kinakapa ang sariling puso at nagagawang mahalin ang sarili, hindi ito maibabaling sa iba. Katulad ng pagmamahal, kung wala kang pagmamahal sa iyong sarili, hindi mo magagawang magmahal ng iba. Hindi mo maibibigay ang wala sa iyo.

Makapagbibigay ka nang walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal kung wala kang ibinibigay.

Walang Direksiyon


Walang katahimikang idudulot kapag lagi kang nakatingin, patuloy na pumapansin, pumupuna, at nakikialam sa buhay ng iba. Sa halip na maasikaso mo ang iyong sariling buhay, hayagan mo itong pinababayaan. Nangyayari lamang ang mga ito kapag wala kang tunay na layunin at hindi alam kung saan ka patungo. Sapagkat kung ikaw ay abala at nais matupad ang iyong mga lunggati; isang katiyakan ito, na wala ka ng panahon pa sa mga pakikialam, at pati na sa mga bagay na walang katuturan o walang kapakinabangan. Lahat ng iyong mga sandali ay itutuon na lamang na pagyamanin ang iyong sarili, at hgit na asikasuhin ang kapakanan ng iyong pamilya.
   Kalimutan at iwaksi na sa isipan na ikaw si Atlas at pasan-pasan mo ang mundo sa iyong balikat. Lahat ng mga suliranin ay pinipilit mong sagutin, pag-usapan, at magawang itama. Ang mundo ay patuloy sa pag-ikot, at hindi ka nito hihintayin. Kahit na wala ka, patuloy ang pagsilay ng araw at pagdilim ng gabi. Isang kahibangan ang pakialaman ang mga bagay na wala kang kinalaman at hindi nakakaapekto sa iyo. Sa halip na maunawaan ka, kung "mabuti" man ang iyong intensiyon, ay paghihinalaan at ikakagalit pa ito ng iba sa iyong panghihimasok sa kanilang mga buhay.
   Ang buhay na may katiwasayan sa kaibuturan, mahinahon, magiliw at puno ng kasiglahan ay walang pagkabagot o pagkabugnot. Ito ang pinakamadaling uri ng pakikibaka sa buhay. Nakatuon ka lamang sa iyong dinadaanan at hindi laging nakalingon o nakatingin sa magkabilang tabi. Walang mga bagabag at pagkatakot na nadarama sa araw-araw, kundi ang taimtim na pananalig na ang lahat ay nakatakda at siyang magaganap. Kung ikaw ay nakahanda at ginagampanang maigi ang tunay mong layunin sa mundong ito, ay sadya kang mapalad at lahat ng mga pagpapala ay sasaiyo.
    Ang kasiyahan ay laging nasusumpungan mula sa panlabas at panandalian lamang, samantalang ang kaligayahan ay umaalpas mula sa kaibuturan at walang hanggan. Ito ay nasusulat at siyang tahasang nagaganap.
    Tandaan lamang sa tuwina; anumang ginagawa mo ay magiging walang kahalagahan sa paglipas ng mga panahon, ngunit napakahalaga na magawa mo ito. Naisin mo man o hindi, maging tama o mali man ito, sadyang may sasabihin pa rin ang mga tao. Bawa't isa ay may kanya-kanyang opinyon tungkol dito. Sapagkat hindi tayo perpekto at ang pagkakamali ay karaniwan na para tayo ay kailangang matuto. Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Ang kailangang matanggap mo, ay ang sasabihin mo sa iyong sarili. Tulad ng, "Salamat at nakagawa akong muli ng kaibahan sa araw na ito."

Pagtuon ang Simula

Anumang bagay na binibigyan natin ng atensiyon at ugali nang pagyamanin ang siyang may kapasiyahan sa ating mga pagkilos. Ang ating kaligayahan at kapighatian ay nakabatay sa kinagawiang ito. Alinman sa dalawang ito ang piliin ay siyang magtatakda ng ating kapalaran.
   Higit na mainam na magkaroon ng masayang kaisipan sa araw-araw. Sanayin ang sarili na arugain at pagyamanin ang masayahing puso, panatilihin ang kasiglahan at maligayang pag-uugali, at ang iyong buhay ay walang hintong mga pagdiriwang at batbat ng kasaganaan.
   Isang bagay lamang ang kailangang baguhin para sa atin; upang malaman at tamasahin ang kaligayahan sa ating buhay. Kung nasaan nakatuon ang ating atensiyon ito ang nagpapasaya sa atin. Dahil kung hindi ito, matagal na tayong huminto at ibinaling sa iba ang ating panahon. Hangga't patuloy tayo sa ating kinagawian o kinahumalingan, ito ang umaaliw at siya nating gagawin. Ang kalagayan at pagkatao mo sa ngayon ay isang repleksiyon ng mga bagay na kinasanayan mo at patuloy na ginagawa. Kung pagmamasdan mo ang iyong sarili sa salamin, at kikilatisin mong maigi ang taong nakaharap sa iyo; Ano ang mga pag-uugali mayroon ang taong ito? Nakakatulong ba o nakakapinsala? Solusyon ba o problema pa? Makasarili o may malasakit sa kapwa? Maligaya ba o malungkot?  
   Ang mga kasagutan ay ikaw lamang ang nakakaalam. Sapagkat anuman ang ginagawa mo sa ngayon; ito ang iyong mundo na nagpapagalaw sa iyo.

Manatiling nakatuon sa lunggati upang magkaroon ng direksiyon ang iyong mga pagkilos.