Friday, May 30, 2014

Magtanong Tayo

Binanggit ito sa akin ng isa kong kasama sa trabaho; Ano ba ang karaniwang nawawala sa akin kapag nangangamba ako sa mga sasabihin sa akin ng iba, sakalimang magsikhay ako sa buhay at maungusan ko sila?

Ayon sa kanya:
   Kadalasan may mga pumupuna sa akin at marami dito ang namimintas pa; kapag inuuna ko na asikasuhin ang pagpapaunlad sa aking sarili at maging sa aking pamilya. May mga binyagan, kasalan, kaarawan at iba pang mga pagtitipon ang aking nakakaligtaan sa pagiging abala ko sa trabaho. Subali’t hindi ko naman magagawang ipagpaliban ang mga gawain na aking naumpisahan nang hindi ko ito tatapusin sa tamang panahon.
   Natanggap ko na sa aking sarili na hindi lahat ng tao ay aking mapagbibigyan sa kanilang mga paanyaya. Kahit papaano mayroon akong makakaligtaan at may sasama ang kalooban. Sa ganang akin, kailangan kong tumanggi sa ibang mga paanyaya at magsakripisyo. Upang magawa ito, may isasantabi akong mga bagay at kakalimutan, para buong husay na magampanan ang aking mga gawain nang walang abala. 
   Nasambit ng aking ama: Hindi maaaring hulihin ang dalawang kuneho nang sabay, dahil kapag ito ang ginawa ko, kahit isa man ay wala akong mahuhuli. Kailangan pagtuunan ng atensiyon ang isa lamang para makatiyak ng tagumpay.
   Mula sa maraming mga karelasyon at pakikipagkaibigan; natutuhan ko, na ang tanging dapat na pakisamahan ko at unahin ay ang aking sarili lamang. Hangga’t binibigyan ko ng halaga ang bawa’t kahilingan at sasabihin ng iba, patuloy akong nasasaktan at biktima ng kanilang mga kagustuhan.


Tagubilin: Ang enerhiya ay siyang esensya ng buhay. Lahat ay nagaganap kapag may pagkilos. Bawa’t araw ay nagpapasiya ka kung papaano ang gagawin mong mga pagkilos, ano ang iyong mga naisin, papaano mo ito makakamit, at kung saan ka talaga patungo. Ang direksiyon na ito ang siyang tunay na magbabadya ng iyong kapalaran. Kailangan lamang ang matamang atensiyon at puspusang paggawa para mapadali ang iyong tagumpay

Magtanong Upang Masagot

Kapag narating mo ang hangganan o nais mo nang tumigil at sumuko, simulan nang maglimi at apuhapin sa iyong isipan ang nakaraang mga pagkakamali. Sapagkat kapag ganito na ang nangyayari sa iyo, kailangan ang tamang katanungan para makuha ang tamang kasagutan.
   Naniniwala ka ba na hindi mo matitiyak ang hinahanap mong tamang kasagutan kung wala kang nalalaman na tamang katanungan?

   Katulad ng doktor sa medisina, kailangan niyang malaman ang pinagmulan ng sakit bago magbigay ng preskripsiyon. Mahaba munang mga tamang katanungan bago magpasiya ng ihahatol na tamang panglunas. Sa bawa’t problemang kinahaharap may kaakibat itong mga solusyon. Kung walang nalalalaman sa kamaliang naganap, wala ding kaukulang mailulunas. Nasa tamang mga pagtatanong lamang upang mahagilap ang tamang mga kasagutan.
   Walang kakahinatnan ang laging umaasa at naghihintay. Tanungin ang sarili kung mananatili sa abang kalagayan o hahanap ng mga kasagutan para malunasan ang kapighatian. Kung wala kang sisimulan hindi ka makakarating sa iyong paparoonan.

Kumilos nang may Mangyari

Laging isipin na ang iyong pagkakalitaw sa mundong ito ay hindi upang magtanong kung bakit ito nangyari, kundi ang sumagot nang bakit nga ba hindi!
Tanungin ang sarili:
Kailan ko ba makakamtan na ako ay matagumpay na?
Kailan ko ba madarama na ako ay ekstra-ordinaryo o mahalagang tao?
   Anuman ang iyong maging kasagutan sa mga ito, mapapansin na kaakibat ito ng paglilingkod sa iyong kapwa, pagmamalasakit sa kalikasan at kapaligiran, at pananalig sa Maykapal.

   Maglaan ng panahon na isulat ang mga aktibidad sa iyong buhay na kung saan nadarama mo ang iyong ispirito o inspirasyon. Huwag itong hatulan bilang karampot at walang halaga. Kahit na nakikipaglaro lamang sa mga bata, nagdidilig ng halaman, naglilinis ng bakuran, nagluluto sa kusina, kumakanta sa karaoke, nagmumuni-muni, o simpleng nagsusulat sa kuwaderno ng iyong mga aktibidad. Lahat ng mga ito ay nagtatakda ng iyong kapalaran.
   Gamitin ang imbentaryo nito para makita sa iyong kapiligiran kung sino ang mga gumagawa at ikinabubuhay ang mga ito. Kung ano ang mahalaga sa iyo at sadyang nahuhumaling kang gampanan, at naging libangan mo na. Ito ang iyong simulan. Ang kikitain mo mula dito o pasahod na makukuha ay bonus na lamang.

   Sapagkat kung wala kang pagmamahal sa iyong trabaho, tuwing umaga, mistula kang alipin na kinakaladkad ang iyong mga paa para lamang gampanan ang iyong tungkulin. Subalit kung nalilibang ka at sadyang kinagigiliwan mo ang napili mong trabaho, kahit hindi ka bayaran, gagawin mo pa rin ito.

Mag-isip Muna

  Bago magsalita at kumilos, tumigil at tanungin ang sarili kung ang iyong sasabihin ay lilikha ng pagkamuhi, pagkatakot, paghanga, pagkaunawa o pagkagising ng diwa. Piliin at susogan lamang ang pansariling-pagkamulat. Alamin ang tunay na intensiyon bago magpasiya at gumawa ng aksiyon.
   Kumilos nang naaayon sa iyong hangarin na makapaglingkod at makatulong sa iba nang matahimik at epektibo. Purihin at gayahin ang iba na gumagawa nang mahusay at nakakatulong sa marami.

   Manatiling gising sa maliit na tinig na bumubulong sa iyo at pinipintasan ka na ikaw ay isang bigo at hindi na magtatagumpay pa. Kaysa tanggapin sa sarili na ikaw ay isang kabiguan, kapag walang mga pagkilala at pagpuri sa iyong kakayahan, tandaan lamang na isa kang kampeon sa simula pa lamang. At walang makakapigil para sa iyo na makamit ang nakatakda mong tagumpay sa buhay. Hangga’t may buhay, may pag-asa. Kung may tiyaga, may nilaga. Ang laging masikhay, ay laging nasa kamay ang tagumpay.

Paniwalaan ang Nakakabuti

 Alamin at pakalimiin ang lahat ng iyong mga pinaniniwalaan. Mapasama man o mapabuti ito, lahat ng iyong maiisip. Sapagkat naisin mo man o hindi, ang mga ito ang siyang nagtatakda ng iyong kapalaran.
   Isama dito ang mga bagay katulad ng iyong saloobin sa relihiyon, parusang kamatayan, karapatang pantao, reinkarnasyon o pagkabuhay muli, karapatan ng mga kabataan, karapatan ng mga matatanda, mga natural o likas na mga kagamutan mula sa mga halaman, bakit kailangang iwasan ang mga gamot na gawa ng tao, ano ang nangyayari kapag may yumao na, ano ang ipinagkaiba ng misteryo sa milagro, at bakit may masasamang ispirito na kailangang itaboy, atbp.
   Mahalagang malaman at matutuhan ang mga ito. Huwag ipagwalang-bahala, dahil malaking bahagi nito ang nangingibabaw sa iyong sarili upang maging masaya, matapang, mapalad, magtagumpay sa buhay; at maging malungkot, mangamba at matakot, humina ang loob at maging talunan.
   Mula sa kabatiran ng mga ito, maging tapat sa sarili kung ilan sa mga ito ang tahasang sinusunod mo na nagiging resulta ng iyong mga karanasan sa buhay, at kung ilan ang iyong mga minana sa iyong mga ninuno at kinaugalian na. Gumawa ng matatag na panninindigan at buksan ang iyong isipan na maranasan ang mga bagay na ito nang tahasan bago paniwalaan at tanggapin na mga katotohanan para magawang ipamuhay nang mapayapa ang mga ito.

   Huwag magpadala sa mga ideya, mga sulsol at balatkayo ng iba, kahit na mga kilalang tao, mga guro, o mga artista. Hangga’t hindi mo napapatunayan na mabuti at nakakatulong ang mga ito. Kung wala kang paggalang sa iyong sarili, kailanman hindi ka makakakuha ng inaasahang paggalang mula sa iba. Sa madaling salita, hintuan na magbigay ng enerhiya o kalakasan sa mga bagay na hindi mo pinaniniwalaan o karapatdapat para sa iyo. Pakaiwasan ang mga nakakasama at piliin lamng yaong mga nakakabuti.

Supilin ang Isipan

Magsanay na pakiramdaman ang sarili. Ang paghinga nang malalim, ang mahinahong pagpasok at paglabas ng hininga ay isang paraan para mapatahimik at mapag-ukulan ang sarili. Kahit na nasa kalagitnaan ng usapan, diskusyon, at pagtitipon, magagawang huminto at pag-ukulan ang sarili na makahinga nang maluwag. Malaking ginhawa ito sa pakiramdam at kapayapaan ng isipan.
   Pagbigyan sa araw na ito kahit ilang sandali lamang na pumasok sa silid at umupo na nag-iisa, at obserbahan ang iyong isipan. Pakiramdaman ang mga samu’t-saring kaisipan na naiisip at pinagmumulan ng mga desisyon na isasagawa. Ang kabatiran sa mga susunod na mga aktibidad ng iyong isipan ay makakatulong nang malaki para mapahusay ang mga pagkilos.

   Ugaliin na pag-aralan ang iyong mga ikinikilos, dahil mga bunga ito ng iyong mga iniisip. Kung wala kang kapangyarihan na kontrolin ang iyong isipan, ikaw ang kokontrolin nito. Laging tandaan lamang na may likas kang dalawang kapangyarihan; ang kapangyarihan na pumili at kapangyarihan na piliin ang tama. At walang bagay na makakapinsala sa iyo kung wala kang pahintulot.

Huwag Balewalain ang Sarili

Bawa’t kaisipan na mayroon ka, at bawa’t emosyon na iyong nadarama, ay nakakaapekto sa iyong pisikal na kalusugan, mapahusay at mapasama man ito. Ang mga kaisipang ito ay nagpapadala ng mga “mensahe” sa pamamagitan ng mga hormones sa iyong mga masel at mga organ. Ito din ang dahilan kung bakit ang maginhawang pakiramdam ay nagpapalakas o nakakalibang sa iyo, at ang mga masasamang pakiramdam ay nag-iiwan ng paninikip ng dibdib, mga pananakit ng kalamnan, at pamamanglaw.
   Sa patuloy na negatibong mga pag-iisip at maligalig na emosyon, inihahanda ka lamang ng mga ito para sa mahapding kundisyon ng iyong kalusugan. Ang libangan nang walang hintong paninisi sa sarili ay nagdudulot ng mga kasakitan sa mga masel o kalamnan. Ang matinding pagkainis o patuloy na pagkasuklam sa kagalit, katulad ng inaasahan, ay isang malaking panganib upang magkaroon ng sakit sa puso.
   Hangga’t patuloy na nilalaro sa isipan ng mga bagabag at pagkabagot sa buhay, pilit na iniiwasan na malunasan ang mga ito. Para makatakas at panandaliang makalimot, nahuhumaling ang marami sa atin sa alak, droga, at mga kalayawan ng katawan. Isa na rito ang pagkahumaling sa pagkain. Ang katakawan sa taba at malasebong pagkain, pati na ang paninigarilyo ay tahasang pagpapatiwakal.
   Ang panghihinayang sa mga bagay na hindi nagawa, mga kamaliang hindi na maitatama, at mga maling akala ay kumakain sa katinuan ng isipan at nakapagpapahina sa immune system ng ating mga katawan para madaling kapitan ng malubhang mga karamdaman.
   Kung mag-iisip din lamang, pakaiwasan ang mga kapighatian at negatibong mga bagay. Huwag maging biktima ng mapangwasak na mga kaisipan at pumapatay na mga emosyon. Tandaan na mayroon tayong kapangyarihan na piliin kung ano ang makakabuti para sa atin. 

   Magsimula na ngayon. Higit na mainam na alamin kaagad kung bakit tayo naliligalig at namimighati, at magawang lunasan kaagad ang mga ito, kaysa patuloy tayong nagkakasakit bago pa mahuli ang lahat.

Mga Dakilang Kawikaan

Kung minsan kailangan nating balikan ang mga kawikaan na gumigising sa atin. Katulad ng pagrerepaso sa sasalihang eksamin, kailangan ang mga pamantayan para maging malinaw ang pagtahak sa tamang landas. Narito ang ilang tagubilin na walang pagkupas sa panahon:

   Kapag ikaw ay yumao na, hanapin ang iyong himlayan hindi sa mundong ito, kundi sa mga puso ng mga tao.

   Pag-aralan na maging tahimik. Hayaan ang katahimikan ng iyong isipan ay makinig at tahasang makamit ang kawatasan ng mga sandali.

   Lahat ng mga kapighatian ng tao ay nagmumula sa walang kakayahan na umupo nang tahimik na nag-iisa sa silid at magnilay-nilay ng tamang mga prioridad sa buhay

   Ang tunay ng mga pinuno ay bihirang makilala ng kanilang mga tagasunod. Sumusunod dito ang uri ng mga pinuno na kilala at hinahangaan. Matapos ito ay ang mga pinuno naman na kinakatakutan; at kasunod nito, ang uri ng mga mga pinuno na kinamumuhian ng balana.

   Kung wala kang pagtitiwala, wala kang makukuhang pagtitiwala. At lalo naman kung wala kang pagpapahalaga sa iba, maka-aasa ka na sinuman ay hindi ka pahahalagahan.

   Kapag ang gawain ay natapos nang mahusay ang pagkakagawa, nang walang bahid ng pagmamalaki at pagyayabang, ang mga ordinaryong tao ay bumibigkas, “Oy, kami ang gumawa nito!”

   Huwag magnasa at gawing mabilisan ang mga bagay. Huwag tumingin sa maliliit na kapakinabangan. Ang hangarin na makamit ang mga bagay nang madali ay siyang pumipigil upang mahusay itong matapos. Kapag nakatuon sa maliliit na kapakinabangan, pinipigilan nito ang mga dakilang oportunidad na mapagtagumpayan.

   Ang mga tao ay naliligalig hindi ng mga bagay na nagyayari, kundi nang kanilang mga opinyon sa mga bagay na nangyari at mangyayari.

   Ang pinaka-mapanganib na sitwasyon sa karamihan sa atin ay hindi ang ating hangarin ay matayog kung bakit hindi natin ito makamit, kundi napakababa nito kaya natin nakakamit.


   Hangga’t hindi kayo nag-iiba at maging katulad ng mga paslit, hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Kaluwalhatian. 

Ugaling Magreklamo

Nangyari ito maraming taon na ang nakakalipas at mainam na maging halimbawa para maiwasan ang maging mabunganga.
   May isang ginang na naging bisyo na ang dumaing at magreklamo sa buhay. Ang kanyang asawa ay isang administrador at nadestino noon sa Refugee Processing Center sa Morong, Bataan. Dito dinadala ang mga tumatakas na mamamayan ng Komunistang Vietnam upang repasuhin ang mga dokumento at ipadala sa mga bansa na nais nilang manirahan.
    Kapag pumapasok na sa opisina ang administrador sa umaga, naiiwang mag-isa sa bahay ang ginang. Nakatanaw sa bintana, laging naiinip, malungkutin at bugnutin ito sa buhay.
   Isang umaga, kinuha nito ang isang kutsilyo at hiniwa ang kanyang kaliwang pulso. Madali siyang isinugod ng asawa sa ospital at nilapatan kaagad ng karampatang lunas. Sa malabis na pag-aalala, tinanong siya ng isang doktor kung bakit nais niyang magpatiwakal.
   “Nasusuklam na ako sa kalagayan ko dito sa Morong, wala nang halaga para sa akin ang magpatuloy sa ganitong kalagayan sa araw-araw,” ang matulin nitong tugon.
   “Bakit ka ba nasusuklam dito sa Morong?” ang nababahalang tanong ng doktor.
   “Dahil liblib na lugar ito at malayo sa kabihasnan. Walang akong ibang pook na mapuntahan dito,” ang umiiyak na sagot ng ginang, Kailangang bumalik na ako sa Maynila at doon na tumira. Kung pipigilan pa ako ulit ng aking asawa, magpapatiwakal muli ako!”
   “Ano ba talaga ang dinaramdam mo na nagpapalungkot sa iyo dito?” ang tanong ng doktor.
   Nagsimulang humagulgol ang ginang at nagpalahaw. “Wala akong isa mang kaibigan dito, hu-hu-hu ... at lagi na lamang akong nag-iisa sa bahay!”
   “Masaklap nga ang kalagayan mo dito. Bakit hindi mo magawang makipagkaibigan sa iba?”
   “Dahil nakatira ako sa buwisit na housing area na ito, at karamihan ay mga Vietnamese ang aking kapitbahay at hindi sila marumong magsalita ng Inggles at Pilipino.”
   “Bakit hindi ka pumunta sa recreational area, o sa wive’s club sa araw at makipagkaibigan sa mga Pilipino na naroon.”
   “Ginagamit ng aking asawa ang kotse kapag pumapasok na siya sa opisina,” ang paismid na bigkas ng ginang.
   “Bakit hindi ikaw ang magmaneho ng kotse at ihatid mo siya sa opisina para hindi ka naiiwang mag-isa sa bahay.”
   “Hindi puwede. Hindi ko alam magmaneho ng stick-shift na kotse. Naiinis ako sa palaging pag-kambiyo. Ang alam ko lamang patakbuhing kotse ay automatic.”
   “Kung gayon, bakit hindi mo pag-aralang magmaneho ng stick-shift car?”
   “Ano ako baliw? Sa ganitong klase ng mga daan sa Morong, sira lamang tuktok ang magtitiyaga dito!”


   Nagkakamot ng ulo na lumabas ng kuwarto ang doktor, umiiling-iling, “Sadyang mahirap kumbinsihin ang mga hinaing ng reklamador na tao,” ang usal nito sa sarili.

Akuin ang Responsibilidad

Hindi pinag-uusapan ang mga problema, kundi ginagawan ito ng mga solusyon para malunasan.
Hindi natin maiiwasan ang mga problema sa buhay kundi ang harapin ang mga ito at solusyunan. Hangga’t ipinagwawalang-bahala natin ang mga ito, patuloy itong lumalaki at nagiging malala hanggang mauwi sa kapahamakan. Higit na mainam ang madaliang pagharap sa mga ito bago mahuli ang lahat.
   Tanggapin natin ang katotohanan na bahagi tayo sa pagkakamali kung bakit nagkaroon ng problema. Tanggapin ang ating responsibilidad sa problema bago natin ito malunasan. Hindi magagawang lunasan ang isang problema sa pagsasabi na, “Hindi ko problema ‘yan!” “Wala akong kinalaman diyan!” “Wala ako, nang mangyari ang problemang iyan!”
   Wala tayong malulunasan kapag umaasa tayo at naghihintay na may gagawa ng solusyon para sa atin. Makakagawa lamang tayo ng solusyon kapag nanindigan tayo na, “Ang problemang ito ay isang paghamon sa aking kakayahan at aking responsibilidad na solusyunan. Kung hindi ako kikilos, walang kikilos para ito malunasan.”

Bakit nga Ba?
   Hindi dahil sa mahirap magawa ang mga bagay kung bakit ayaw nating pangahasan na gawin ang mga ito; kundi dahil sa ayaw nating mangahas at simulan kaagad ito, kaya nagiging mahirap at umiiwas tayo.