Bawat isa sa atin ay may karapatan, ang lehetimong kapangyarihan
natin na tamasahin ang lahat ng kaluwalhatian na nakatakda para sa atin. Likas at
kusa sa bawat tao na maranasan ang prosesong ito para sa kanyang sarili.
Minsan
habang nagbabasa ng bibliya si pastor Mateo, ay may nagtanong sa kanya. "Pastor, magbibigay ako ng malaking
donasyon sa darating na Linggo kung masasabi ninyo sa akin, kung saan
nakatira ang Diyos?"
Madali tayong makalimot na tayo mismo ay nilalang na kawangis Niya, at ang Kanyang
Kaharian ay matatagpuan lamang sa ating kaibuturan. Sapagkat lahat ng kasagutan
sa ating mga katanungan ay ipinagkaloob na sa atin. Hindi pa tayo isinisilang,
alam na Niya kung sino ikaw, siya, ako, sila, lahat tayo at walang itinatangi
sinuman. Ang kailangan lamang ay sisirin at alamin natin ang Kaharian ng Diyos
na nasa ating kaibuturan.
Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo. Lucas
17:21
Kahalintulad ito ng pinakamahal
na diyamante na nakabalot ng ginto sa kaibuturan natin at palagi nating
dala-dala saan man tayo naroroon. Ang problema lamang nito, ay patuloy mong
hinahanap kung saan-saan, sumasang-ayon kahit kaninuman, at maging maghaka-haka ng kalangitan sa sansinukob, maliban ang sisirin ito sa pusod ng iyong
kaibuturan kung saan ito ay nakakulong. Tanging ikaw
lamang ang makapagpapalaya
nito at wala ng iba pa. Hindi kailangan ang pari, ministro, pastor o
maging sinumang propeta para mamagitan sa iyong mga panalangin.
Kayo ay mga diyos. Juan 10:34
Ang
bilangguang ito ay ikaw mismo ang lumikha, simula nang ikaw ay magkaisip at
sundin ang payo at sulsol ng iba, maliban sa alamin ito
mismo mula sa iyong kaibuturan. Kailangang buwagin at tuluyan nang
iwaglit sa iyong isipan ang mga
imahinasyon, mga milagro, at mga pantasiya na nilikha at patuloy mong
kinawiwilihan sa iyong sarili. Hindi ito ang makapagliligtas sa iyo sa
kapahamakan.
Hindi mo kailangan ang mga alamat at
pantasiya o mga idolo at diyos-diyusan mula sa mga bulaan at mapagkunwaring mga
banal, sapagkat...
Kapag
ikaw ay naniniwala at taos sa iyong puso ang pagmamahal at pagmamalasakit;
Kapag
nananangan ka sa Pag-ibig, Pag-asa, Katarungan, at Kapayapaan maging sa panahon
ng kadiliman at mga kapighatian;
Kapag ikaw ay mapagkumbaba, mahinahon at
magiliw kahit kaninuman;
Kapag
ikaw ay may pananalig, debosyon, at maligayang tinutupad ang iyong hangarin
kung bakit
narito ka sa mundong ito. At kung ang dasal mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.
Kung ang mga ito ay nagagawa mo sa araw-araw
ng iyong buhay, walang balakid o anumang bagay ang makahahadlang pa sa iyo para
maging mapayapa at maligaya. Hindi mo kailangan ang mga patakaran, mga kautusan
ng mga banyaga o, mga banta at mga panakot ng mga bulaang propeta, pari, ministro o pastor. Hindi mo
ginagaya at pikit-matang sinusunod ang kultura at alamat ng ibang lahi kundi
ang sarili mong pinagmulang lahi at kulturang Pilipino, At...
Bilang tunay na Pilipino, malaya kang
sundin ang itinitibok ng iyong puso at gampanan nang walang bahid ng anumang
pag-aalinlangan ang Kaharian ng Diyos na nasa iyong kaibuturan.
Kayo ay templo ng Diyos, at ang ispirito ng Diyos ay nasa
kaibuturan ninyo!
I Mga Taga-Korinto 3:16