Monday, August 29, 2016

Balanse at Espasyo

Anumang ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay nililikha kung anong uri ng buhay ang ating tinatahak na landas. Kung ang mga ito ay nakakasira o winawasak ang ating pagdadala sa buhay, may pagkakataon pa tayo upang  ito ay mabago. May kapangyarihan at kalayaan tayong pumili kung anong mga bagay ang makabuluhan at kung ano ang mga bagay ang walang katuturan. Piliin ang tama kaysa mali.
   Sa pagitan ng aksiyon at reaksiyon ay may espasyo. Sa pagitan ng kapanganakan at kamatayan ay may gitling o espasyo. Ang espasyong ito ay ang buhay mo at kailangang balanse ito. Narito ang ilan sa mga makakatulong:
Tungkol sa mga tao: Piliin lamang ang nagpapahalaga, nagbubunyi, at nagbibigay kalinga sa iyo. Iwasan ang mga maiingay, negatibo at lason na mga tao, pinapatay ka nila ng unti-unti para magkasakit ng malubhang karamdaman. Ang mga bagabag at kapighatiang dulot nila ay sapat na upang masira ang iyong pamumuhay. Ang mga miserableng tao ay mapaghanap ng mga bibiktimahin at kasiyahan na nila ang may makasama. –Maglaan ng espasyo at distanya para hindi mahawà.
Sa masamang ugali: Walang sinuman na perpekto. Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Bawat nilalang ay may masamang pag-uugali na kinasanayan na. Mayroong mga sariling panuntunan at mga paniniwala na sila lamang ang may katwiran. Anumang nais nila, ito ang kailangang gawin mo. –Maglaan ng espayo at balansehin kung ano ang maitutulong at huwag tanggapin ang makakasamà.
Pagmamahal na walang pagmamaliw: Maging maingat at nakikiramdam. Magmahal nang walang mga kundisyong pinaiiral. Maglibang at magsaya sa tuwina. Tawanan ang mga problema. Simpleng Patakaran: Para sa Babae- Mahalin ngunit huwag unawain. Para sa lalake: Huwag mahalin ngunit unawain. –Maglaan ng espasyo upang maramdaman ang pagmamahal. Bigkasin sa tuwina ang; “Yes, dear?” At ang lahat ay madali na lamang.
Mga Prinsipyo sa Balanseng Pamumuhay
1.      Saloobin/Panuntunan
2.      Obligasyon/Pag-akò
3.      Tungkulin/Responsibilidad
4.      Pagkalinga/Pagmamalasakit
5.      Paglilingkod/Pagdamay
6.      Kagalingan/Kahusayan
7.      Pananalig/Kaluwalhatian
   Maglaan ng panahon ngayon na pagpasiyahan kung ano ang nais mo sa hinaharap. Piliin ang higit na makakabuti para sa iyo at gawin kaagad ito. Hanggat ipinagpapaliban mo patuloy din ang mga problema na binabalikat at pinagtitiisan 

Ang Pangit Mo Naman

Ang kapangitan lamang ang nakakakita sa mga pangit; at ang kagandahan lamang ang siya namang nakakakita sa maganda. Anumang mayroon ka sa dalawang ito, ay siya mong gagampanan.
   Hindi kataka-taka kung bakit may mga tao na ugali at ritwal na para sa kanila ang magsabog ng lason sa paligid. Sila ay mga sanay sa pagbigkas ng mga negatibong pananalita, mga pasaring na sumusugat ng damdamin, mga sulsol at dikta na sumisira ng pagsasama, mga paninirang puri, mga pagpuna at pamimintas, at marami pang iba upang mapunta ka sa miserableng buhay.
   Walang sinuman ang makakagawa ng mga ito sa iyo, kung hindi mo papayagan. Dalawa lamang ang namamagitan dito. Ang nangbibiktima at ang biktima. May nagsusulsol at may nagpapasulsol. May nilalason at may nagpapalason. May gumagawa ng katangahan, at may tanga na nasisiyahan. Anupat sa dalawang ito, may kasiyahang nadarama sila, at kung bakit ang tsismis para sa kanila ay mahalaga.

    Ang buhay mo ay tanging para sa iyo lamang. Magpakilala bilang ikaw! Ito ang malinaw at kinakailangang magawa mo at kailanman ay huwag talikdan at malimutan ito – na ikaw ay kaisa-isa at walang katulad sa ibabaw ng mundo – at kailangang maging ikaw sa lahat ng bagay, …at hindi isang kopya ng iba.

Ayaw ng Malungkot ang Maluknot

Ang pangunahing dahilan ng kalungkutan ay hindi kailanman ang sitwasyon, kundi ang iyong patuloy na pag-iisip tungkol dito.
Kung ikaw ay hindi masaya, malungkot ka. Subalit kung sukdulan mo na itong ginagawa at masidhing nakaugalian na, maluknot ka. Dati-rati’y naka-palumbaba ka at walang saya, ngunit nang simulan mong sumimangot ka, mamaluktot sa isang tabi at mabugnot sa nakakabagot na lungkot, sinisilaban ka na upang maging maluknot.
   Kapag lagi kang nakatuón sa mga problema, magkakaroon ka ng maraming problema, subalit kapag nakatuón ka sa mga posibilidad at mga solusyón, magkakaroon ka ng maraming oportunidad.
   Huwag payagan ang mga nakaraang relasyon at lumáng mga pagkakamali ay wasakin ang iyong hinaharap. Iwasan ang sinuman o mga bagay na hindi umayón at nakaganda para sa iyo na magpatuloy na saktàn ka.
   Kung patuloy na sinasariwà mo pa ang mga ito, patuloy ding ibinibigay mo pa ang malaking bahagi ng iyong buhay sa mga bagay na hindi na muling babalik pa – lumipas na ang mga ito at kailangang malimutan na. Huwag hayaan ang iyong kaligayahan ay mapalitan ng kapighatian.
   Pag-aralan ang leksiyon na naranasan mula dito, pawalan ang mga pighati na idinulot nito, at masiglang harapin ang bukas. Bagamat ang sugat ay nag-iwan ng peklat, hindi ito ang dahilan para masira ang kinabukasan, bagkus ang lalo pang tumibay at maging matatag ka sa napakandang bukas na naghihintay para sa iyo.

   Huwag maluknot, hindi pa huli na mahalin mong muli ang iyong sarili. 

Ang Magsama at Hindi Biro

Madalas, tayo mismo ang lumilikha ng ating mga kapighatian, na dulot ng sobrang ekspektasyón. Hindi na tayo nagsawà sa paghihintay na kumilos ang iba gaya na ating inaasahan. Huwag nating gawing ugali ang maghintay. Kung tayo ay may nais, magiliw natin itong hilingin. Diretso at walang paliguy-ligoy. Simpleng mga kataga at hindi kumplikado. Malaki ang nagagawa ng pakiusap, pakikinig, at pagmamalasakit.
   Madali tayong makalimot na ang tamang relasyon ay 100 porsiyento. Hindi ang 50 porsiyento mula sa kanya at 50 porsiyento mula sa iyo. Kung hindi rin lamang maibibigay ang 100 porsiyentog pagmamahal na magmumula sa iyo, makakatiyak ka ng maraming pagkukulang, mga alitan, mga bantàan, at hiwalayán sa relasyon mo kahit kanino.
   Ang tunay at wagas na pagmamahal ay 100 porsiyento at madalas, patuloy na dinadagdagan pa ito habang tumatagal ang pagsasama. Patunay lamang na talagang nakaukol kayo sa isa’t-isa, walang iwanan at patuloy na ipinaglalaban ang inyong pag-iibigan.
   Huwag pakaisipin kung ano ang sa isang linggo, sa mangyayari sa isang buwan. At lalo naman ang mangyayari sa loob ng isang taon. Ang mabuting paraan ay ipukos o ituon ang iyong isipan sa buong maghapon, … sa loob ng 24 na oras na nasa iyong harapan ngayon, at masiglang gawin ang iyong magagawa sa araw na ito patungo kung saan naroon ang iyong mga pangarap.

   Panatilihing nagdudulot ng mabubuting gawà, at magbabalik ang mga ito sa iyo ng sampung hindi inaasahang biyayà.

Magmahal upang Ikaw ay Mahalin din.

Anumang bagay na nais mong makuhà, ibigay mo muna. Lahat ng bagay na nais nating mangyari o makamit, magsisimula muna sa atin. Mula sa isipan ay isang ideya o pangarap, isang hangarin o lunggati para magawang kumilos, magsikhay at isakripisyo ang sarili, upang marating ang tagumpay.
   Walang mangyayari sa paghihintay kung walang aksiyong umiiral. Kung palaging umaasà, napapaawà, at nakadepende sa iba, wala itong makukuhà. Tanggapin natin ang katotohanan, “Nasa Diyos ang awà, ngunit nasa tao ang gawà.” Kung hindi ka kikilos, kikilusin ka ng iba. Ito ang dahilan kung bakit may amo at may utusan. May panginoon at may alila.
   Lahat tayo ay may nakatagong kayamanan at mga potensiyal na kakayahan mula sa ating mga sarili. Tayo lamang ang humahadlang upang ito ay kusang mailabas. Higit pa nating inuuna ang mga panlabas na mga bagay kaysa ang pagyamanin ang ating mga sarili upang umunlad. May nananalangin ngunit ayaw namang makinig. May laging nagangakò ngunit laging napapakò. May panahon sa mga walang saysay at ayaw mapagod sa mga makabuluhang bagay. May mga naisin ngunit kung gagawin ay mainisin. Laging dumaraing at tila nais mapansin.

   Kung tahasang may nais ka… simulan mo nang magbigay (magsikap) para ito makuhà. Kailangan lamang na magtiwala ka sa iyong halaga at mga kakayahan upang ang iba ay makilala ang iyong tunay na kahalagahan. Magtanim, nang ikaw ay may anihin.

Iwasan Masuklàm nang Hindi Masaktan

Ang inis, sandali lang ‘yan. Ang galit, lumilipas ‘yan. Ang alitan, tampò lang ‘yan at makukuha sa karinyò. Subalit ang suklàm o masidhing hinanakit, ito ay isang malubhang sakit. Isang karamdaman na mistulang epidemya na lumalalà katulad ng kanser. Kung ito ay hindi kaagad malulunasan, ang matinding pagkasuklam ay nauuwi sa hiwalayan.
   Ang tangi lamang na lunas na makakagamot para dito ay PAG-IBIG. Walang pormula, preskripsiyon, kautusan na sinusunod ito. Hindi rin kailangan ang pera, mga regalo, piging o kasayahan. Ang pangunahing makakalunas lamang para dito ay baguhin ang ating saloobin at kusa itong babalik sa magandang relasyon.
   Ang saloobin (attitude) ang sanhi kung bakit nagkakaroon ng malikot at walang tigil na pagbabago sa damdamin ng sinuman. Kung ang saloobin mo ay binubuhay ng mga inseguridad at paghihinalà, natural lamang na pasimulan ito ng away. Hanggat nalilitò at nababalisà ang damdamin, natural lamang na ang mga pananalita at mga pagkilos ay umayon tungkol dito.
   Talos natin na ang disiplinadong kaisipan ay humahantong sa kaligayahan at ang walang disiplinang kaisipan ay patungo sa kapighatian, at katibayan din na ang umiiral na disiplina sa isipan ng sinuman ay siyang busilak at wagas na katauhan niya. Dangan nga lamang, ay nalilimutan niya ito kaya hindi makapangyari na maging patnubay.


   Anuman ang iyong patuloy na iniisip, ito ang iyong gagawin.

Ang Pulubi at ang Pari

Isang pari ang nakaluhod at taimtim na nagdadasal sa isang silid ng kumbento nang gambalain siya ng isang pulubi.
   “Maganda pong umaga sa inyo, ako po ay nagugutom at kailangan ko ng pagkain.”
   Ang pari, bagamat napatigil nang bahagya ay nagpatuloy sa pagdarasal. Halos matatapos na niyang makamit ang inaasam-asam niyang kaluwalhatian sa daigdig ng ispiritu.
   Ilang sandali ang nakalipas at muling nakiusap ang pulubi sabay kalabit sa balikat ng pari.
   “Kailangan ko nang kumain, talagang gutom na gutom na ako.”
   Biglang napatayo ang pari at sa malakas na tinig ay nag-utos, Buwiset! Bakit ka ba nang-aabala? Magpunta ka sa bayan at doon ka manghingi ng limos! Pweh! Hindi mo ba nakikita na pinipilit kong makipag-ugnay sa mga anghel?”
   Tumitig nang malalim ang pulubi sa pari at malungkot na nagpahayag, “Inihandog ng Diyos ang Kanyang sarili nang higit na mababa pa kaysa tao, hinugasan ang kanilang mga paa, at ibinuwis ang Kanyang sariling buhay upang sagipin sa kanilang mga kasalanan, subalit walang nakakakilala sa Kanya.”
   At idinugtong pa ng pulubi, “Ang tao na nagsasabi na minamahal niya ang Diyos, ngunit hindi nakakakita sa pangangailangan ng iba ay nakakalimutan ang kanyang kapwa. Ang tao na ito ay sinungaling, mapagkunwari, at makasarili. Ang pintuan ng Langit ay mananatiling nakapinid para sa kanya.”

   Matapos ito, ay biglang nagbago ng anyo ang pulubi at naging isang anghel. Habang ikinakampay nito ang kanyang mga pakpak sa paglipad, ay may panghihinayang na nangusap, Sayang! Malapit na sana mo akong makaniig, subalit iniba ko lamang ang aking anyo at humiling ng tulong sa iyo ay pinagkaitan mo pa… Sayang.”
-----------------------
Talaga namang sayang. Kaya lamang bihira sa atin ang nakakaunawa tungkol dito, lalo na ang lingunin ang ating mga magulang. Higit tayong may panahon sa iba at mga kalayawan na umaaksaya ng ating mga gintong panahon.

Araw ng Pagtutuós

Sa isang nayon sa bayan ng Bagak sa Bataan, minsan sa isang taon, ang mga naninirahan dito ay nagkukulong sa kanilang mga bahay at naglalahad ng inihandang dalawang listahan. Habang nakatitig sa mataas na bundok ng Mariveles ay itinataas ang unang listahan at ipinaparating sa Kalangitan ang mga nilalaman nito. Ito ang ritwal sa nagaganap na tagpo sa isang silid ng bahay:
   “Narito po, aking Panginoon, ang lahat ng nagawa kong mga pagkakasala sa Inyo sa buong taon.”
   Dinukot mula sa kanang bulsa ang unang listahan, at isa-isang inilalahad ang mga kasalanan at mga kamaliang kanyang nagawa. Mga panlalamang sa negosyo, mga pangangaliwa, mga pananakit, mga paninirang puri, mga mapaminsalang tisismis, mga pagmumura, at mga bagay na sumisira sa mabuting pagkatao.
   “Ako po ay nagkasala sa Inyo, mahabaging Diyos. Tiklop-tuhod po ako na humihingi ng kapatawaran mula sa Inyo. Patawarin po Ninyo ako sa nagawa kong mga paglabag sa inyong mga kautusan.”
   Matapos maipahayag ang unang listahan, ay mabilis na inilabas ang pangalawang listahan mula sa kaliwang bulsa. Muling tumitig nang malalim sa bundok ng Mariveles at ipinarating ang nilalaman ng listahan sa Kalangitan.
   “At narito po naman ang mga pagkukulang na nagawa Ninyo sa akin.”
   Sa malakas na tinig ay inisa-isa ang mga bagay na mapait niyang naranasan sa buong taon. Mga gawain na buong-hirap niyang pinagtiisang matapos, ang pagkakasakit ng kanyang panganay na anak at malaking gastos na ginugol sa ospital para ito gumaling. Ang pagkasira ng kanyang mga pananim sa nagdaang bagyo, ang pagkawala ng kanyang kalabaw, at marami pang bagay na hindi niya magawang limutin.
   “Aking Panginoon, hindi naman po ako nagkukulang ng panalangin at pananalig sa Inyo, subalit tila hindi magkapantay ang nagawa kong mga pagkakasala sa mga kapighatiang dinanas ko at ng aking pamilya.”

   Matapos maipahayag ang pangalawang listahan, isang ritwal ang sumunod sa pagitan ng dalawang listahan, ang Araw ng Pagtutuos o palitan ng listahan sabay ng pagtatapos ang pahayag na,”Humuhiling po ako na Kakalimutan po Ninyo aking Panginoon, ang lahat ng aking mga pagkakala sa Inyo, at ako naman po ay kakalimutan din ang lahat ng Inyong mga pagkukulang sa akin. At tayo ay muling magsasama at magtutulungan sa panibagong taon na darating. Amen.

Ang Laging Masaya ay Maligaya

Sa araw-araw napakaraming mga bagay ang laging umaagaw ng atensiyon sa atin. Nariyan ang mga prioridad, mga responsibilidad, mga karelasyon, at ang mahalinang social media; tulad ng facebook, twitter, instagram, atbp.
   Mga aktibidad ito na makakaya nating kontrolin kung ating nanaisin lamang. Kung may kontrol tayo sa ating panahon, madali na para sa atin na maging mapayapa at masaya sa ating mga gawain. Narito ang ating ikakaligaya:
   Ang mga bagay na nagpapaligaya ay hindi pansamantala o panandalian, hindi nariyan at maya-maya pa ay dagliang nawawala. Masaya ka ngayon dahil berdey mo at tumaggap ka ng regalong selpon. Subalit kinabukasan, wala na ang kasayahan at malungkot ka na naman dahil may nakita kang higit na magandang selpon kaysa ng nasa iyo.
   Ang tunay na makapagpapaligaya lamang sa iyo ay kung nagagawa mo nang puspusan ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo nang walang alinlangan, walang pumipigil, at walang katapusan. Hanggat patuloy na nagsisikhay ka na makamit ang iyong mga personal na lunggati at pagpapairal ng mga makabuluhang aktibidad para sa iyong personal na kapakanan, ang kaligayahan ay mananatiling kaulayaw mo sa lahat ng sandali.
   Kung minsan, wala nang halaga para sa atin ang kumita nang higit pa o makinabang nang husto sa ating mga gawain. Ang tunay na ninanasa lamang natin ay satispaksiyon o matamasa ang sandaling ito, dito sa kinalalagyan natin, ngayon na! Kahit ano pa ang mangyari.

   Malakas ang aking pananalig, kapag nais ng Maykapal na lumigaya ka, kusang darating ang mga bagay na magpapaligaya sa iyo. …at sakalimang malungkot ka ngayon at nagdurusa, may katiyakan na nakalimutan mong gampanan ang kaluwalhatiang nakatalaga para sa iyo.

Kasi Mahirap lang Kami

Hanggat binabanggit ang mga katagang ito ay walang nababago, at ang Sanlibutan ay patuloy na ibibgay ito sa iyo. Maaari namang bigkasin na, Mayaman tayo, dangan nga lamang ayaw nating kumilos at kunin ang pagpapala na nakatakdang ibibigay para sa atin.”
   Bakit tayo naghihirap? At anumang kalagayan o kinasadlakan natin, hindi ba ayos lamang at panatag na tayo? Kahit na patuloy tayong nababagabag sa mga pangangailangan sa buhay, ayos lang ang mga ito. Nawala na ang kasiglahan na makipagsapalaran pa, sumubok pa at lumaban sa buhay. Komportable na tayo anuman ang nasa ating harapan. Panatag na tayo at may mga dahilan; “Magtiis kapag ang ulam ay dilis.” “Bumaluktot kapag ang kumot ay maliit.” “Kahit na may tagpi ang bubong at karton ang dingding, kami ay makakaraos din.” “Makukuha din ‘yan sa patama-tama.” “Bahala na!” Mga patapong pananalita na talagang sabláy at hindi tumamà sa hangaring umunlad sa buhay.

   Ang pinakamapanganib sa karamihan sa atin ay hindi ang ating pagtudlà ay napakataas at tayo ay sumablay, kundi higit itong mababa at tayo ay tumamà, doon sa lupa na ating tuntungan, at ang mga bulati na lamang ang ating pinagtiisan.

Simulan nang Kumilos

Napakaganda ang takbo ng buhay, malaya kang pumili anumang naisin mo hanggat makakaya mo itong magawa ay mapapasaiyo. May kalayaan kang piliin kung sino ang nais mong maging ikaw, alamin kung ano ang mga naisin mo at makamtan ang mga ito, at ang pumunta sa direksiyong magpapaligaya sa iyo. Walang sinuman ang makakahadlang tungkol dito kung hindi mo papayagan.
   Gawin ang mahihirap na bagay habang madaling gawin ang mga ito, at gawin kaagad ang malalaking bagay habang maliliit pa ito.
   Siya na may kontrol sa iba ay maaaring makapangyarihan, subalit siya na nagagawang kontrolin ang sarili ay siyang tunay at higit na makapangyarihan.
   Sa kaibuturan ng iyong pagkatao ay naroon ang mga kasagutang iyong hinahanap; alam mo kung sino ka, ano ang iyong mga naisin, at kung saan ka patungo. Dangan nga lamang, hindi mo ito nabibigyan ng kaukulang atensiyon. Higit na mahalaga para sa iyo ang mga panlabas na bagay na patuloy na humahalina sa iyo.
Ang tanong: Bakit tila alinlangan ka, at higit na mahalaga para sa iyo na pag-ukulan ng atensiyon ang mga panandaliang aliwan na umaaksaya ng iyong mahalagang panahon? Anuman ang kalagayan mo sa ngayon, ikaw ang tanging may likhà nito at tanging may kakayahan na baguhin ito para sa iyong kapakanan.

Ano pa ang hinihintay? Kumilos ka na!Ngayon na!

Kaharian ng Diyos

Hindi makatulog nang ganap si Carding at nababalisà nitong mga huling araw. Nararamdaman niya na tila nagkukulang siya ng paglilingkod at hindi nalulugod ang Diyos sa kanya. Sa araw na ito, nagpasiya siya na idulog kay Pastor Mateo ang bumabagabag sa kanya at kung ano ang nararapat niyang gawin. At ito ang ipinahayag sa kanya ng butihing pastor:
   Si Abraham ay kumalinga ng mga estranghero, at ang Diyos ay nalugod.
   Si Elijah ay ayaw makisama sa mga estranghero, at ang Diyos ay nalugod.
   Si Juan na nagbibinyag ay nagpunta sa disyerto, at ang Diyos ay nalugod.
   Si Pablo ay ginalugad ang mga lunsod ng Emperyong Romano, at ang Diyos ay nalugod.
   Si Haring David ay ipinagmamalaki ang kanyang mga nagawa, at ang Diyos ay nalugod.
   Sinuman sa atin ay walang nakakaalam, … kung ano ang makakalugod sa Diyos.

Anuman ang itinitibok ng iyong puso, at ito ang iyong sinunod, ang Diyos ay malulugod.

Ang Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan. Tungkulin mo itong sisirin at pakawalan.

   Hindi lamang kalikasan ng mga tao ang mahumaling sa materyal na mga bagay at karangyaan, kailangan ding mabaling sila sa ispiritwal na makakatighaw ng kanilang uhaw, kapag nabagnot at sumawa sila sa panandaliang mga aliwan. Sapagkat yaong lamang mga bagay na hindi nahahawakan at nakikita ang siyang pangunahing sangkap, upang ganap na mailabas ang kaluwalhatiang naghahari sa kanilang mga puso. 

Nasaan nga ba ang Diyos?

“Ano ka ba Teryo, nagdarasal ka na naman?” Ang bunghalit ni Teban sa kanyang kaibigan nang madatnan niya itong nakaupo sa tabi ng bintana, nakapikit at may inuusal.
“Aba’y tigilan mo na iyan, wala kang mapapala sa puro dasal kung kulang ka naman sa gawa!” ang patutsada pa ni Teban kay Gorio na nakakunòt ang noo.
   Madalas kong naririnig ito. Minsan ay may nagtanong sa akin, “Sino ba ang Diyos? Papaano ba ito masusumpungan? Nasaan nga ba siya?”
Narito ang sarili kong paniniwala tungkol dito:
   Ang buhay ko ay isang milagro. Nakagisnan ko na lamang na buhay ako at may katawang nagagamit. Mula pa noong pagkabata hanggang sa gulang kong ito, marami ng mga bagay ang naganap nang dahil sa akin, isa na rito ang aking pamilya. Kung hindi ako nilikha at lumitaw sa mundong ito, papaano sila magsisilitaw din?
  Ang lahat ng nakikita ko ay nagmumula sa akin. Kung wala ako, hindi ko makikita ang mga bagay na nasa harapan ko. At para ko maintindihan at maunawaan ang mga bagay na ito, kailangang halungkatin ko kung ano ang nasa kaisipan ko tungkol dito. Hindi ko malalasahan kung hinog o bubot ang bayabas, kung wala akong panlasa na matamis at mapaklà. Hindi ko masasabi na pandak o mataas ka, kung wala akong paghahambing na nasa aking isipan. Lahat ng bagay, may buhay man o walang buhay ay nagsisimula lahat sa kataga. Kung walang kataga, wala kang mababanggit. Kung wala akong iniisip, o isipan tungkol dito wala akong maipapahayag.
   Hindi basta sumulpot o sumingaw ang mga bagay, kasama pati tayo. May pinagmulan ang lahat. Kapag may naganap, may dahilan at resulta ito. Sa ating buhay at mga karanasan, hindi basta lumitaw ang relò o selpon na suot o hawak mo. May gumawa nito. Ang ating katawan, naisin man natin o hindi, kusa itong bumubuhay. Lahat ng mga organ na narito ay may kanya-kanyang tungkulin para manatili tayong nabubuhay.
   Isa ding milagro, kung bakit nagagawa kong mag-isip. May kalayaan akong pumili at piliin kung ano ang makakabuti para sa akin. Sino kaya ang nagpapadala sa akin ng mga naiisip ko?, Sapagkat kapag ako ay nagsusulat o nagsasalita, kusang lumilitaw ang mga kataga, Saan kaya nanggagaling ang mga ito? At sino ang nagpapadala sa akin? Sino ang nagpapaisip sa akin na gumawa ng mabuti sa aking kapwa, at sino naman ang nagpapaisip sa akin na gumawa ng masama sa aking kapwa? Hindi ba parehong nangagagaling ito mismo sa ating kaisipan? Kung ano ang ating iniisip, ito ang ating gagawin. Nagpasiya na ako, doon ako lalagi sa mabubuting gawa, at hindi masyadong matrapik dito.
   May nabasa ako, at ito ang pahayag, “Ang Diyos ay nasa lahat ng dakó, kahit saanman, kaninuman, at kailanman ay naroon siya. Hindi ka iiwanan.” Ito ay tahasang totoo, sapagkat naranasan ko at napatunayan ko.
Ilan lamang ito sa mga nabasa ko:
Lukas 17:21 
Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo.
Juan 10:34 
Kayo ay mga Diyos.
1 Corinto 3:16 
Ikaw ay templo ng Diyos, at ang ispiritu ng Diyos ay naninirahan sa kaibuturan mo

At ang tagubilin:
Mark 11:24

Anumang mga bagay na ninanasâ mo, paniwalaan na ito ay natanggap mo na, at ito ay magiging sa iyo.

Ang Dalawang Talilong

at ang Banak
Nangyari ito sa ilog Talisay. May dalawang maliliit na isdang talilong ang lumalangoy sa tubig nang masalubong nila ang malaking isdang banak na kumindat sa kanila at nagtanong,
   “Magandang umaga sa inyo. Kamusta na mga iho ang tubig?”
   Hindi pinansin ng dalawang talilong ang banak at nagpatuloy sa kanilang paglangoy. Maya-maya pa ay nagtanong ang isang talilong, “Ano ba ‘yong tinanong ng banak na TUBIG? Ano ba ‘yon, alam mo ba ‘yon, kung ano ang TUBIG?
   “Hindi ko rin alam ‘yon, kung ano ang ibig sabihin ng TUBIG!” Ang wala sa loob na sagot ng pangalawang talilong.
 -Marami sa atin ang katulad ng dalawang talilong na ito, bagamat 75 porsiyento ng ating katawan ay TUBIG, hindi natin lubos na nalalaman ang kahalagahan nito.
at ang Kanduli
   Isang malaking matandang kanduli ang kanilang nakasalubong at nagmamadali ito sa paglangoy. Nagtanong ang isang talilong, “Bakit po kayo humahangos at tila may kinakatakutan kayo?”
   Sumagot ang kanduli, “Patuloy ang pag-ulan at may darating na malaking pagbahà, at tiyak aanurin tayong lahat patungo sa dagat na kung saan ay maraming iba’t-ibang malalaking isda na kakain sa atin. Kailangang sumalunga tayo doon sa bundok nang hindi tayo matangay ng malalakas na agos.”
  “Hus, ‘di totoo ‘yan. Panatag na kami dito!” ang paismid na tugon ng isang talilong at nagpatuloy sa paglangoy, pasayaw-sayaw na walang alalahanin.
-Mapapansin ito sa mga maralita kung bakit nananatili sila sa pagdarahop. Bagamat marami ang nagpapahayag na darating ang matinding kahirapan, sila ay laging panatag at hindi nagsisikap sa pag-unlad, patuloy pa rin na umaasa na ang buhay ay tulad pa rin ng dati. At “Bahala na.” ang laging bukam-bibig nila.
at angTilapia
   Sa isang sapa, nadaanan nila ang nangnginain na isdang tilapia, Hoy tilapia, wala ka na bang kabusugan at pati dumi ng kalabaw ay pinagtitiisan mo?” Magkasabay na humalakhak ang dalawang talilong.
   “Mabuti na ito kaysa diyan sa may tabyò na may mga nakalawit na pagkain mula sa pamingwit, ‘yon pala ay pain at mga patibong. ‘Yong kaibigan ko na isdang biyà ay nahuli kanina lang.” Ang paliwanag ng tilapia.
    Napaismid ang isang talilong, Hus, maniniwala ka ba sa kanya? Ayaw lamang ng tilapia na makahati tayo sa pagkain niya, kaya tinatakot niya tayo.  Ang mabuti pa ay puntahan natin ang tabyò at nang malaman natin.” Ang susog na isang talilong.
    Laking gulat nila nang makita na nakalawit at humahalina ang pagkain na pain. Sa kapaguran ng paglangoy, kaagad na nag-unahan ang dalawa na kainin ang patibong. Huli na nang mapansin nila na magkasabay silang hinatak pataas at nahuli ng pamingwit.

-Karamihan sa atin ay mahilig na manghinala at magduda kapag may magandang balita. Higit nating pinapahalagahan ang ating sariling paniniwala kaysa mga reyalidad na tumtutugmà sa praktikal na kaganapan. 

Mahiwaga ang TUBIG

Hindi ba kapansin-pansin na walang matigas, malambot, malaki, makipot, malalim, at higit na mahubugin kaysa tubig, lahat ng bagay gaano man ang taas at hugis nito ay kaya nitong pakibagayan. Ibuhos mo ito sa isang lugal at kusa nitong hahanapin kung saan ang pinakamababa at doon maglalagi. Marami tuloy ang nagsasabi, “Kung tubig lamang ako, wala akong makakagalit.” Subalit marami din sa atin ang nakakaalam na malaking bahagi ng nasa ating katawan ay puro tubig, at 75 porsiyento ito.
   Kung gayun… at ito ang totoo, bakit naghihirap tayo na makisama o makibagay sa ating kapwa?
   Halos 75 porsiyento ng tubig ay siyang bumabalot sa kabubuan ng ating daigdig. Daang libo ang mabubuhay kahit walang pagmamahal, ngunit lahat ay mapipinsala at mamamatay kung walang tubig. Ang tubig ay buhay tulad ng hangin. Kung wala ito, walang mabubuhay anuman sa mundong ito. Ginagamit natin ang tubig sa mga inumin, sa pagluluto, sa paglilinis, sa paggawa, sa mga aliwan at maging sa paglalakbay. Ang tubig ding ito ang bumubuhay sa mga bagay na nagdudulot sa atin ng mga pagkain. Bawat isa sa atin ay kumukonsumo ng 80 hanggang 100 gallon nito sa araw-araw bilang pangunahing pangangailangan.
   Mahiwaga ang tubig, ngunit pahapyaw lamang ang nalalaman natin tungkol dito. Kung susuriing mabuti, ito ang pinakamabisang panglunas sa lahat ng sakit. Hindi yaong mga idinuduldol ng mga doktor at nars na kumikita sa komisyon kapag malakas ang nagagawang benta sa mga gamot na gawa ng tao. Pawang mga kemikal at nakakaapekto sa ibang mga organ ng ating katawan ang mga pills o pilduras na ito.. Sa halip na makalunas, nagkakaroon pa ng maraming kumplikasyon.

   Laging iminumungkahi ng mga malulusog na at linisin ang ating bilyung-bilyong mga selula sa katawan. Kung ang paliligo ay gamit ang tubig sa paglilinis tao, ugaliing uminom ng 8 basong tubig o higit pa dito sa araw-araw upang makainom, suportahan, ng katawan, ang tubig din ang gamit upang linisin ang mga toxic  na nasa loob ng ating katawan.

Kasakimang Walang Katapusan

Mayroon tayong kilala na dating Senador, at kung tawagin ay senatong. Palagi siyang kontrobersyal lalo na kapag pagnanakaw sa kaban ng bayan ang pinag-uusapan. Nabilanggo na ito, at salapi din ang dahilan at ito ay nakalaya. Matanda na ito at kung tutuusin kahit na ulitin ng maraming beses ang buong buhay niya ay hindi niya makakayang ubusing lahat ang salaping naibulsa niya. Ang taguri sa ganitong ugali, ay KASAKIMAN.
   May isang bata na nakakita ng isang maliit na garapon. Sa loob nito ay may maraming kendi na iba’t-ibang kulay. Mabilis niyang binuksan at dinakot ang mga kendi, ngunit nang ilalabas niya ang kanyang kamay mula sa bunganga ng garapon ay hindi niya ito magawa. Hanggang sa mapagod siya, sumisigaw at nagpapalahaw pa ng iyak. Narinig ang hagulgol ng bata at dumating ang kanyang ate. Kaagad na nagtanong sa bata kung ano ang nangyari. Nang malaman ng ate ang pangyayari ay natawa ito. Simpleng utos lamang ang binanggit nito sa kapatid, “Isa lamang kendi o kaunti ang kunin mo para magkasyang mailabas ang iyong kamay sa bunganga ng garapon.”
   Ginawa ng bata ang utos sa kanya, at nailabas niya ang kanyang kamay.
Ang moral sa kwentong ito ay huwag tayong maging suwapang o sakim sa mga bagay na nasa ating harapan. Dahil kung ito ang ating gagawing pag-uugali, hindi kailanman tayo magiging malaya, at ikakapahamak pa natin ito.

  Napansin mo ba ang mga clutter o katakut-takot na mga bagay na nakakalat sa iyong paligid? Karamihan dito ay walang mga saysay at hindi na nakakatulong, kundi nakakagipit pa sa ating mga pagkilos. Subalit nang dahil sa kasakiman, hindi natin magawang alisin, itago, o ipahingi man ang mga ito sa mga nangangailangan. Gayong sa isang araw, ay itatapon at aalisin din natin ang mga ito sa ating buhay. Nalilimutan natin, …na sa ating pagyao o paglisan sa mundong ito, ni isang totpik ay wala tayong madadala.

Kasiyahan at Kaligayahan

Sino ang hindi nais sumaya? Lahat tayo ay nagnanasang makaramdam ng kasiyahan. Lalo na sa mga kahirapan at mga pagtitiis, at sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran. Kahit paminsan-minsan lang kailangan din natin ang humalakhak para maibsan ang anumang bumagabag sa atin.
   May ilang  tao ang nagawang mapaunlad ang sarili at nagkamal ng maraming salapi. Lahat halos ng kanilang magustuhan ay kaya nilang mabili. Mayroon ding mga nagkamit ng pamana mula sa mga maririwasang magulang at hindi makayang ubusin ang yamang ito sa kanilang buong-buhay, kung tama lamang ang gagawing paggugol. Mayroon ding pinalad na tumama sa loto o sa mga paligsahan, ngunit mga panandailian lamang ang kanilang nakamtang kasaganaan. Wala silang kakayahan o abilidad na patuloy na tamasahin ang kanilang mga biyaya.
   Ang paglilibang ay hindi siyang kaganapan ng lahat. Ang maaliw at matuwa lamang sa kapalarang nakamit ay hindi sapat. Kailangan ang matibay na panuntunan upang hindi ito matapos at magbalik sa dating kalagayan. “Nasa kama ka na, huwag mo nang hangarin pang bumalik sa sahig.”
Pag-aralan ang Libangan
Ano ba talaga ang nagpapasaya sa iyo? Yaong bang kapag natapos mo ang iyong trabaho sa maghapon ay nagagawa mong maglibang, gaya ng mga sumusunod:
-Manood ng telebisyon; subaybayan ang mga kaganapan sa pinilakang tabing, mga buhay artista, at mga sigalot sa kanilang pamumuhay.
-Manood ng sine; kinakagiliwan ang alin sa mga ito: drama, komedya, tradhedya, digmaan, katatakutan, adbenturero, detektib, at mga pantasya.
-Magtungo sa barberya; magpagupit at makipaghuntahan sa mga lumalaganap na tsismisan ng bayan.
-Magtungo sa shopping mall; at bisitahin ang mga tindahang umaaliw at nag-uunahang mailabas mo ang iyong pera.
-Magsaliksik sa computer; kung ano man ito’y tanging ikaw lamang ang may dahilan kung bakit nahuhumaling ka dito. Makabuluhan o walang saysay man ito.
-Magsaliksik sa mga tindahan ng aklat; na tila may hinahanap na kailangang bigyan mo ng atensiyon at magawang paglibangan.
-Makiisa at sumama sa simbahan, anumang kapisanan, o samahan na paglalaanan mo ng panahon.
-Makilaro ng anumang uri ng palakasan na kinahiligan mo.
-Maggitara o tumugtog ng anumang instrumento sa musika.
-Magmalasakit sa iyong kapwa; maglingkod at tumulong.
-Makipaglaro sa mga bata at makipagkuwentuhan.
-Sumayaw, umawit, at magtalumpati.
-Mamasyal sa parke at pagmasdan ang mga tanawing nagpapasiya sa iyong kalooban.
-Magbasa ng kinagigiliwang aklat, o ng komiks.
-Magluto ng paboritong pagkain.
- Magtago sa silid at magdasal.
  . . . at maraming iba pa na mapaglilibangan.
   Mapapansin na ang lahat ng mga ito ay PANANDALIAN lamang. Matapos gawin ang mga ito, babalik muli ang iyong kamalayan sa dati. Ang mag-isip kung papaano malulunasan ang nakaambang mga alalahanin.

   Malaki ang pagkakaiba ng Masaya sa Maligaya. Ang libangan o kasayahan ay magagamit na maikling hangarin para sa mahaba mong paglalakbay upang matupad ang iyong layunin. At kung patuloy ito, ikaw ay maligaya. Hindi ang destinasyon ang talagang nais mo kundi ang mga bagay na umaaliw sa iyo sa paglalakbay na ito.

Banal na Ispiritu

Araw ng Linggo, sa isang simbahan, napansin ng pari ang isang batang lalake na patanaw-tanaw sa may pintuan at ayaw pumasok sa loob ng simbahan. Madali niya itong nilapitan at mahinahong tinanong,
   “Iho, pumasok ka na at nasa loob na ng simbahan ang lahat ng tao. Ikaw na lamang ang nasa labas. May hinihintay ka ba?
    “Wala po akong hinihintay at hindi po ako maaaring pumasok, kasi po, binabantayan ko ang aking bisekleta.” Ang paliwanag ng bata.
   “Ah, ganoon ba? Sige pumasok ka na at ang Banal na Ispiritu na ang magbabantay sa bisekleta mo.” Ang masuyong bilin ng pari sa bata.
   Umupo sa harapan ng altar ang bata, at mabilis na nag-antanda at nagdasal nang malakas, “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak. Amen!”
   Nabigla ang dumaraang pari sa narinig at kapagdaka’y tinanong ang bata, “Iho, bakit hindi mo binanggit ang Banal na Ispiritu?”

   Tumindig at may pagmamalaking tumugon ang bata, “Bah, naroon siya sa labas at binabantayan ang aking bisekleta!”

Wednesday, August 17, 2016

Mahalagang Mensahe para sa Iyo



Isang tagpo sa barberya ni Mang Lucio. Tulad ng dati, nakagawian na ni Kuya Bening ang magbasa ng biblia tuwing magpapagupit. Sa araw na ito, ay wala ang suki niyang barbero at mismong may-ari ng barberya na si Mang Lucio ang pumalit para gupitan siya.

   Kuya Bening: Magandang umaga po sa inyo.
   Mang Lucio: Magandang umaga din sa iyo, iho. Kamusta na ang buhay natin?
   Kuya Bening: Mabuti po naman, at patuloy ang pamilya ko na pinagpapala ng Diyos.
     Napakuno't noo si Mang Lucio at umiiling sa narinig kay Kuya Bening, at nakaismid na nagpatuloy sa paggupit.

   Mang Lucio: Eh, di patuloy din tulad ng dati ang takbo ng buhay ninyo?
   Kuya Bening: Sa tulong po ng Diyos, hindi po naman Niya kami pinababayaan. Katulad din
                          po nang nangyayari sa inyo.
     Napahinto sa paggupit si Mang Lucio, at napatawa nang malakas ngunit pailing-iling ang ulo.

   Mang Lucio: Kamusta naman sa trabaho mo, iho?
   Kuya Bening: Maganda po naman at sa susunod na buwan ay magiging manedyer na po ako
                          sa departamento namin.
    Muling napahinto sa paggupit si Mang Lucio, at nagsimulang lumungkot ang kanyang mukha.
 
   Mang Lucio: Buti ka pa, 'yong panganay ko, natanggal na naman sa trabaho niya. Wala
                         pang dalawang buwan sa kanyang pamamasukan ang damuhong anak kong
                        'yon!. 'Yong pangalawa ko namang anak, hanggang ngayon nasa ospital pa dahil         
                        patuloy na lumalala ang kanyang karamdaman. Puro barkada at alak kasi ang
                       inaatupag ng dyaske! Nagka-hepatitis tuloy!
   Kuya Bening: Huwag po kayong malabis na mag-alala, manalangin po tayo sa Diyos at hindi
                       Niya tayo pababayaan.
     Umasim ang mukha ni Mang Lucio sa narinig. Natapos na ang gupitan, at habang pinapagpag ang mga nagupit na buhok sa telang nakabalabal kay Kuya Bening, ay nanggagalaiting nagpahayag ng kanyang kinikimkim na paniniwala si Mang Lucio.

   Mang Lucio: Wala ang mga 'yan, hindi nakukuha sa panalangin at pa-diyus-diyus ang buhay.
                         Bata pa ako hindi na ako nagpapaniwala sa diyus. Gawa lang ng mga tao
                        'yan!Hindi totoo 'yan kundi mga panakot lamang!
     Habang tumatayo mula sa pagkakaupo ay nabigla si Kuya Bening sa narinig, at nag-aalalang nagtanong.

   Kuya Bening: Bakit po ninyo nabanggit 'yan?  
   Mang Lucio: Paglabas mo dito sa barberya, at kung pagmamasdan mo lamang ang mga tao
                         na nakapaligid sa iy, ... ay maiintindihan mo, ... na talagang walang diyus na
                         umiiral sa mundong ito. At kung tunay na umiiral ang diyus, ipaliwanag mo nga
                        sa akin, kung bakit maraming tao ang napapariwara, mga biktima ng mga
                        karahasan, mga nagkakasakit, at mga naghihirap? Bakit napakaraming bata ang
                        mga palaboy sa lansangan? Patuloy ang droga, korapsyon, mga patayan, at mga
                        pagnanakaw sa bansa natin? At kung talagang ang diyus ay totoo, wala na sana
                        tayong mga kapighatian, at mga kalungkutan  sa mundong ito. Sana, ...disin sana
                        ay nilikha na lamang ng diyus tayo... na laging masaya.
   Napatigil si Kuya Bening sa kinatatayuan at malungkot na napatitig kay Mang Lucio. Halos pabulong na nausal niya ang, "Patawarin po Ninyo siya at hindi niya batid ang kanyang binabanggit."

   Mang Lucio: Kung totoong may diyus, bakit niya pinapayagang mangyari ang mga paghihirap
                         na ito sa mundo?
  Bagama't magkahalong awa at lungkot ang nadarama ni Kuya Bening pinilit pa rin niyang ngumiti at nagpaalam na. Subalit nang siya ay nasa labas na ng barberya ay nasulyapan niya sa may gilid ang isang lalake na mahaba ang buhok. Bigla siyang napangiti sa kanyang naisip. Pinakiusapan niya ang lalake na samahan siya sandali sa loob ng barberya at may ipapaliwanag lamang kay Mang Lucio.

   Kuya Bening: Alam po ninyo Mang Lucio, walang barbero na umiiral dito sa mundo.
   Mang Lucio: Anooo? At paano naman ako na isang barbero? Para saan naman ba ako, ... at
                         anong itatawag mo sa akin kapag gumugupit ako ng buhok ng tao?
   Kuya Bening: Walang barbero po, Mang Lucio. Dahil kung may barbero, disin sana ay wala
                         ng tao na may mahabang buhok na tulad nito at katabi ko pa ngayon.
   Mang Lucio: Mayroong mga barbero, at ako ay tulad din nila na gumugupit ng buhok ng tao.
                        Ang problema lamang kung bakit may mahabang buhok ang mga tao, dahil ayaw
                        nilang lumapit sa akin.
   Kuya Bening: Eksakto! Tamang-tama ang tinuran ninyo!. Iyan talaga ang punto at tahasang
                          kailangan natin. Ang Diyos ay totoong umiiral sa mundong ito, dangan nga
                          lamang maraming tao ang ayaw lumapit sa Kanya. Kung kaya't marami sa atin
                          ang mga nagdurusa, mga namimighati at may miserableng mga pamumuhay sa
                          mundong ito.
   Matapos ito, magiliw na nagpaalam si Kuya Bening. "Maraming salamat po Mang Lucio, at magandang araw po sa inyo."
   Napatulala si Mang Lucio nang ilang sandali, at maya-maya pa ay ngumingiting naunawaan ang naganap na tagpo.

Umaasa po ako na naunawaan din natin at maihahambing ang tagpong ito sa ating mga buhay.

Harinawa.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Ika-17 ng Agosto 2016