Thursday, June 30, 2011

AKO nga Ito at Wala ng Iba pa

   Minsan ay may nagtanong kay Peter D. Ouspensky kung ilalathala niya ang kanyang mga sinulat, tumugon ito ng: “Anong paggagamitan nito? Ang pinakamahalaga ay hindi ang mga pagtuturo, bagkus ang mga katanungan at mga kasagutan.”

   Nais kong maibahagi ang ilang natutuhan ko kay P. D. Ouspensky (1878-1947), isang Ruso na tanyag sa kanyang mga paglilinaw sa pilosopiya, sikolohiya, at relihiyon, at naging estudyante ni G. I. Gurdjieff. Sa aklat niyang The Fourth Way, ipinahayag niya na ang sikolohiya ay pag-aaral sa sarili, at napakahalagang malaman ito ng lahat na nagnanais na makilalang tunay ang kanilang mga sarili. Paminsan-minsan sa ating pagniniig, magsisingit ako ng pahina tungkol dito.

   Totoo ba ito? Kapag binigkas mo ang katagang AKO, ito ba ay talagang ikaw? O dili kaya, sa isang saglit lamang ang susunod ay iba namang katauhan ang papalit? Laging pabago-bago ang isip at hindi nananatili, kung sino kang talaga?

   Napakaraming kahulugan at balangkas ang nakakapit sa katagang AKO na hindi kagyat na malalapatan ng pangkalahatang paliwanag. Kailangan mapag-aralan kung anong paraan at pinag-uugatan nito upang makita natin nang lubusan kung sino tayong talaga sa ating mga sarili.

   Una sa lahat, kailangan nating malaman kung sino ang tunay na nagsasalita kapag binibigkas mo ang katagang ‘ako’. Ito ang kadalasan nating binibigkas kung tayo ay nagsasalita. Sinasabi natin ang; ’Ako’ ay tatayo.’ ‘Ako ay kakain.’ ‘Ako ay nakaupo.’ ‘Ako ay may nararamdaman.’ ‘Nauuhaw ako.’ ‘Ikaw at ako ay magkapatid.’ Sinabuyan siya ng tubig, pati ako ay nabasa.’ At marami pang tulad nito. Ito ang ating pangunahing ilusyon, para sa maling paniniwala at pagtuturing na tayo ay isa lamang; at siyang nasusunod sa ating mga sarili. Lagi tayong nangungusap tungkol sa ating mga sarili bilang ‘ako’ at sa ating pagkakaalam ay tanging pagpapahayag ito mula sa ating mga sarili. Subalit sa katotohanan tayo ay nahahati sa maraming daan-daang magkakaibang ‘ako’ mula sa ating mga sarili.

   Sa isang saglit, kapag sinabi kong ‘ako', isang bahagi ko ang nagsasalita, at sa susunod na saglit kapag sinabi ko ang ‘ako’, ay iba naman ang nagsasalita ng ‘ako’, bagama’t parehong binibigkas ko ito. Hindi natin alam na hindi lamang isang ‘ako’ ang mayroon tayo, bagkus napakaraming magkakaibang ‘ako’ na magkadugtong at magkakasanib sa ating mga nararamdaman at mga ninanasa, at walang nangingibabaw ng totoong ‘ako’. Ang mga ‘ako’ na ito ay laging pabago-bago sa lahat ng sandali; ang isa ay tinatalo ang isa, ang isa naman ay pinapalitan ang isa, mayroon naman na biglang mangingibabaw, at ang lahat ng mga paglalabang ito ang bumubuo sa kaibuturan o kalikasan ng ating pagkatao. Ito ang tunay na nagaganap sa ating mga sarili, kung bakit laging pabago-bago ang ating iniisip at mga kapasiyahan.

   Ang ‘ako’ na ating ginagamit ay binubuo ng maraming pangkat. At ilan sa mga pangkat na ito ay lehitimo at tunay na naayon sa ating pagkatao, at ilang pangkat naman sa huwad  o artipisyal na nililikha nang hindi sapat na kaalaman at ng mga pinaniniwalaang imahinasyon o mga ideya natin tungkol sa ating sarili. 

   Kung sisimulang pag-aralan ang ating mga sarili, unahin ang paraan ng pagmamatyag dito. Alamin kung ano ang tunay na nagaganap sa atin upang maunawaan ng lubos ang pagkakaiba ng ating mga pagkilos. Sapagkat ang ating karaniwang paniniwala sa mga pagkakaiba ng ating mga ikinikilos ay tahasang mali. Alam natin ang pagkakaiba sa pagitan ng intellectual at emotional functions na mga pagkilos. Halimbawa; kapag tinatalakay natin ang mga bagay, iniisip natin ang tungkol dito, ang paghahalintulad, ang pagsasaliksik, ang ginawang mga paliwanag o paghahanap ng tama at tunay na kasagutan, lahat ng mga ito’y gawaing  intellectual; samantalang ang pagmamahal, pagkamuhi, pagkatakot, sapantaha, paghihiganti at iba pa ay pawang emotional. Subalit kadalasan, kapag minamatyagan natin ang ating mga sarili, napaghahalo nating parehas ang intellectual at emotional functions sa ating mga pagkilos; kapag may nararamdaman tayo ay tinatawag natin itong nag-iisip, at kapag nag-iisip naman tayo ay tinatawag natin itong nararamdaman. Subalit kung ating maiging pag-aaralan, matutuhan natin ang paraan kung saan ito magkaiba.

Alamin ang Apat na Uri ng Pagkilos

   May dalawa pang mga pagkilos ang kailangan nating ganap na maunawaan; ang instinctive function at ang moving function. Ang instinctive function ay tumutukoy sa gawain ng mga organismo sa loob ng ating katawan; tulad ng pagtunaw ng ating kinain, pagtibok ng ating puso, pagdaloy ng dugo sa ating mga ugat, paghinga, sugat na kusang pinagagaling---lahat ng mga ito ay instinctive function. Kasama din dito ang mga karaniwang pagkilos; tulad ng pagtingin, pandinig, panlasa, pang-amoy, pandama, nalalamigan, naiinitan, at mga pakiramdam na tulad nito. At kapag biglang pagkilos palabas ito naman ang karaniwang reflexes sapagkat ang matitinding reflexes ay bahagi ng moving function. Madaling malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng instinctive at moving functions. Hindi na natin kailangan pang matutuhan ang anuman sa instinctive function, ipinanganak tayong bahagi na natin ang mga ito at kahit tayo natutulog at walang ginagawa, patuloy ang mga ito sa kanilang mga likas na pagkilos.

   Ang moving function, sa kabilang dako, ay kailangang lahat ay matutuhan---ang isang taon na bata ay nag-aaral tumayo at lumakad, magsulat, bumasa, magbisikleta at marami pa. Malaki ang pagkakaiba ng dalawang ito; ang instinctive ay minana, at ang moving ay pinag-aralan at natutuhan.

   Sa pagmamatyag sa sarili, kailangang alamin kung saan nagmumula ang iyong mga pagkilos. Ilagay sa tamang pagmamasid kung anong pangkat nakapaloob ang ginagawang pagkilos. Ito ba ay intellectual function? Ito ba ay emotional function?  Ito ba ay instinctive function? Ito ba ay moving function?

Pag-aralan ang mga ito: 
      Ako ay nagluluto.          Ako ay nagagalit.         Ako ay humihinga.

      Ako ay giniginaw.           Ako ay nag-aaral.        Ako ay nanghihinayang.

   May kanya-kanyang personalidad ang mga ito at kumakatawan sa ibat-ibang pangkat ng mga pagkilos. Kung wala kang nalalaman sa mga ito, sasabihin mo na ito’y nanggaling at sinadya mong inisip na ikaw ang may sanhi ng lahat. Kaya nga ‘ako’ ang ginagamit mo, subalit sa katotohanan, ibat-iba ang kumikilos dito at hindi ikaw. Sumusunod ka lamang ayon sa tinatanggap ng iyong isip mula sa iba’t-ibang pangkat ng mga ito mula sa iyong katawan.

   Wala kang magagawa kapag inutusan ka ng iyong tiyan na nagugutom siya. Kapag inutusan ka ng bituka mong “Hoy magbawas ka naman at puno na kami dito!”  Kahit nasa mahalaga kang pulong, iiwanan mo ito. Malaking kahihiyan ang mangyayari kapag pinilit mong ikaw ang masusunod. Huwag na nating pag-usapan pa ang lilikahain nitong alingasaw bilang parusa sa iyo. At kapag dumaing ang iyong mga tuhod sa matinding kapaguran, mapipilitan kang tumigil at magpahinga. Kung mapagmasid ka sa iyong sarili, sino ang mga nagpapasunod na ito sa iyong pagkatao?

   Kung patuloy mong gagawin ang pagsasanay sa pagmamatyag sa iyong sarili, mapapansin mong may kakaibang nangyayaring mga bagay. Halimbawa: malalaman mong tunay na mahirap magmatyag dahil nalilimutan mo ito. Magsisimula kang magmatyag, at ang iyong emosyon ay masasangkot sa isang alaala at makakalimutan mong minamatyagan mo ang iyong sarili.

   Sa pag-uulit, matapos ang ilang sandali, kung ipinagpatuloy mo ang pagmamatyag, isang bagong pagkilos na hindi mo ginagawa na dating paraan sa karaniwang buhay, mapapansin mo ang isa pang nakawiwili at mahalagang bagay---na sa pangkalahatan hindi mo natatandaan ang iyong sarili. Kung magagawa mong laging gising sa iyong sarili sa tuwina, ay magagawa mong matyagan ang iyong sarili sa lahat ng sandali, o sa madaling salita hangga’t ito’y nais mo. Sapagkat hindi mo natatandaan ang iyong sarili, hindi mo lubos na mapagtutuunan ito, at ito kung bakit, marami sa atin ang walang kakayahang (will) magpasiya.

   Kung maa-alaala mo ang iyong sarili kung sino ka, magkakaroon ka ng kakayahan at magagawa mo ang anumang iyong naisin. Subalit hindi mo natatandaan kung sino ka, kaya nga wala kang kakayahan. Maaaring nagagawa mong maka-alaala at nakakaya mong may magawa, ngunit panandalian lamang ito, sapagkat may aagaw sa iyo ng pansin at malilimutan mo ang tungkol dito.

   Ito ang sitwasyon o kalagayang ating nakakaharap, ang tunay na nangyayari sa ating pagkatao, ang kalagayan na kung saan maaari tayong magsimula ng pag-aaral sa sarili kung sino at ano ang tunay nating pagkatao. Magiging madali kung magpapatuloy tayo; na darating tayo sa huli na halos lahat mula sa simula ng pag-aaral na ito, ay kinakailangang mayroong tayong itama na mga kamalian at isaayos na mga pag-uugali na wala sa tamang direksiyon.

   Nilikha tayo sa ganitong paraan na mabuhay na may apat na pangkat ng kamalayan o consciousness sa ating mga sarili, subalit dalawa lamang ang lagi nating ginagamit; ang isa, kapag tayo ay natutulog, at isa naman ay ang tinatawag nating ‘gising’ ----na ating masasabi sa pagkakataong ito na tayo ay nakapagsasalita, nakikinig, nagbabasa, nagsusulat at iba pa. Subalit ito’y dalawa lamang sa estado ng ating kamalayan o consciousness. Ang pangatlong state of consciousness ay ang pansariling-kamalayan o self-consciousness, at karamihan sa atin, kapag tinanong, ang kadalasang sagot ay; “Aba, gising at namamalayan ko ang lahat!”

   Kailangan ang maraming paulit-ulit na pagkilos sa pansariling-pagmamatyag bago natin maunawaan nang ganap na tayo ay ‘walang malay’ sa mga nangyayari sa ating paligid. Kung mayroon man, ito ay napakaliit lamang sa tunay nating kakayahan.

   Sa mahabang panahon, kailangang matyagan at piliting makita at maunawaan ang tungkol sa intellectual, emotional, instinctive, at moving functions. Mula dito madali mong malulunasan kung anong kalagayan ang iyong hinaharap sa pagkakaroon ng apat na uri ng kaisipan---hindi lamang ng isang isip bagkus apat na magkakaibang kaisipan. Bawa’t isa ay gumaganap ng kanya-kanyang tungkulin sa ating pagkatao. At bawat isa ay malaya at kumikilos ng hiwalay sa iba. May sariling memorya, may sariling imahinasyon, at may sariling kakayahan (will) sa kanyang pagkilos. Ang tungkulin natin ay pag-aralan ang mga ito at magawang pag-isahin nang naaayon sa ating mga kagustuhan tungo sa ating kaligayahan.

   Ang kaalaman tungkol dito ay kapos at kinukulang. Makakayang malaman ngunit ang pagnanasa ay nagiging balakid, sapagkat bawat naisin ay kumakatawan sa magkakaibang kakayahan ng pagkilos. Ang tinatawag nating kapasiyahan o hangarin sa karaniwang kahulugan ay nagmumula sa mga paghahangad. At ang mga paghahangad na ito ay nagmumula sa ibat-ibang nangyayari sa ating pagkatao. Kung minsan ito ay kusang nagtatapos sa isang hangganan, sapagkat ang isang hangarin na naiba ng kaparaanan, at ang isa ay nasa ibang paraan naman, at magkakahiwalay, hindi tayo makapagpasiya kung ano ang susunod na gagawin. Nalilito tayo at nawawalan ng interes na magpatuloy. Ito ang laging nangyayari sa atin.

   Kung nais nating maging matagumpay, kailangan pinagsasama ang mga ito upang maging ISA lamang.
Ang isip, puso, at kaluluwa, kapag pinagsanib ay malaki ang magagawa.

Mahalaga ang Magpasiya


   Sa isang linggo ay kaarawan na ni Boying, tuwang-tuwa ito nang sabihin ng kanyang Tatay na magtungo siya sa kumpare nito na gumagawa ng sapatos at magpasadya ng kanyang magugustuhan. Ninong niya ang sapatero at ilang bloke lamang ang layo ng pagawaan nito sa kanilang bahay. Mabilis na pinuntahan agad ito ni Boying at pagbungad pa lamang sa may bukana ng pagawaan ay sumisigaw na ito,
    Ninong, Ninong, nasaan kayo? Magpapagawa po ako ng sapatos sa inyo!”

   Lumabas mula sa silid ang kanyang Ninong, pinapahid ang narumihang kamay sa apron na suot, at napapangiting nag-utos,“ Sige, pumili ka na riyan ng disenyo sa mga nakahilerang sapatos sa estante, kung ano ang nais mo. Iyan ang handog ko sa kaarawan mo!”

   Lalong nagalak si Boying sa narinig at masiglang inisa-isa na dinampot at pinagmasdan ang mga sapatos. Naroong isinusukat sa kanyang mga paa, tinitimbang-timbang sa magkabilang kamay, at inilalakad. Lahat ay sinubukan at halos lahat ay nagugustuhan niya, pawang magaganda at nasa uso. Sa katagalan niya sa pagpili at hindi makapagpasiya, ay tinawag siya ng kanyang Ninong upang sukatin ang kanyang mga paa. Matapos ito, ipinakita ang dalawang pares ng sapatos upang pagpilian. Magkaiba ng disenyo at hubog sa unahan; ang isang pares ay pabilog sa dulo at ang sa isang pares naman ay parisukat sa dulo. Ang batang si Boying ay hindi makapagpasiya, laging tulak-kabig ang kagustuhan nito. Isang napakalaking kapasiyahan ito para sa kanya, sa dahilang ito lamang ang kanyang magiging sapatos sa matagal ding panahon.

   Dahil abala sa gawain ang kanyang Ninong, minabuti nito na payuhan si Boying, “ Inaanak ko, umuwi ka muna at pakaisiping mabuti kung ano ang talagang ibig mo na pares sa dalawang ito. Bumalik ka na lamang dito kapag nakapagpasiya ka na.”

   Umuwi agad si Boying sa kanilang bahay at sumalampak sa bangko, taimtim na iniisip kung ano ang pipiliin niya sa dalawang pares. Kinabukasan, maaga pa’y naroon na sa pagawaan si Boying at muling sinusukat ang dalawang pares. Ngunit tulad ng dati, hindi pa rin niya mapagpasiyahan kung ano ang talagang nais niya. Iiling-iling lamang ang kanyang Ninong sa nasasaksihan nito sa pag-aatubili ni Boying. Araw-araw, laging pumupunta si Boying sa pagawaan ng sapatos, kadalasa’y tatlo hanggang apat na ulit sa maghapon! Bawat tagpo ay isinusukat at masusing tinitignan ang pagkakalapat nito sa kanyang mga paa. Ang pabilog na unahan ay maginhawang isuot at lapat ilakad, samantalang ang parisukat na unahan ay maganda ang disenyo at makabago, na nais niyang maipakita sa kanyang mga kaibigan. Lagi niyang ipinagpapaliban ang pagpapasiya. Hindi niya alintana ang mga nasasayang na sandali. Nais niyang magpasiya kaagad, ngunit pabago-bago ang kanyang isip at palaging may pag-aalinlangan.

   Hanggang isang araw na lamang ang natira at kinabukasan ay kaarawan na niya, naroon pa rin ito sa pagawaan at nagsusukat ng sapatos. Sa araw na ito na pangalawang ulit na pagpunta ni Boying, ay may inabot na nakabalot na kahon ang kanyang Ninong at sinabing ito na ang kanyang regalo. Ang kanyang bagong sapatos!  Sa katuwaan, matapos makapagpasalamat, ay mabilis na umuwi si Boying sa kanilang bahay. Nang buksan niya ito ay namangha siya sa magandang pares ng sapatos na laman nito. Dangan nga lamang---ang mga disenyo at mga unahan nito ay magkakaiba, ang isa ay pabilog at ang isa naman ay parisukat.
-------
Isang magandang aral ang ating natunghayan dito tungkol sa kapasiyahan. Dalawang mahalagang kapangyarihan ang ipinagkaloob sa atin ng tadhana;
    Una: Ang kapangyarihang pumili
   Pangalawa: Ang piliin ang tama
Ang kalikasan ay binigyan tayo ng mais, ngunit tayo ang gigiling nito upang magkaroon ng kalamay na mais; ang Diyos ay pinagkalooban tayo ng kapasiyahan, ngunit tayo ang pipili kung anong uri at saan nararapat ang kapasiyahang ito. Halos lahat tayo ay nalalaman ang pagkakaiba ng tama at mali, subalit higit na minamahalaga ng karamihan sa atin ang huwag magpasiya at ipagpaliban ito sa tuwina. Umaasang magkakaroon ng hinihintay na pagbabago sa katagalan. Na kadalasa'y humahantong sa kapighatian.
   Kung ang kapalaran ay iitsahan ka ng matalas na balaraw o punyal; dalawa lamang ang pagpipilian mo upang masalo ito nang ligtas----saluhin sa talim o saluhin sa puluhan. Mamili ka alinman sa dalawang ito; sapagkat kung ipagpapaliban mo, isa ring kapasiyahan ang walang kapasiyahan, at ito ang iyong nakatakdang kasawian. Mabuti pa ang gumawa ng maling kapasiyahan kaysa walang anumang kapasiyahan. Kahit baka-sakali ay tumama ka kaysa sa wala, na pagsisisihan mo ng lubos sa buong buhay.

Ang matatalino paminsan-minsan ay binabago ang kapasiyahan, ngunit yaong mga hangal---ay hindi magpakailanman. Gayong nasa kapasiyahan, hindi nang patama-tama at pagpapaliban ang lumilikha ng matagumpay na kapalaran.

Ako'y Lahing Haribon

Tungkol ito sa mababang pagtingin sa sarili na pinaniwalaan sa halip na alamin ang katotohanan. Gayong ang katotohanan ay kailangang ilantad ng kaisipan, sang-ayunan ng puso, at gampanan sa buhay.

   Sa pangunguha ng mga iba’t-ibang bulaklak sa gilid ng talampas, nakapulot ang isang lalaki ng itlog na kakaiba ang hugis at kulay. Maigi niya itong pinagmasdan, at napagtanto niyang ito’y itlog ng agila. Nagpasiya siyang iuwi ito sa kanyang kamalig na may nangingitlog na manok at isinama sa nililimlimang mga itlog nito. Nang mapisa ang mga itlog; ang agila kasama ng mga sisiw ay magkakasamang lumaki na pasunod-sunod sa inahing manok anuman ang itinuturo nito, mula sa pagkahig at pagtuka sa paghahanap ng pagkain.
   Sa kanyang paglaki; lahat ng ginagawa ng mga sisiw ay tinularan niya, sa kanyang isipan ay isa rin siyang manok sa kamalig. Kapag siya’y nagugutom kumakahig siya sa lupa sa paghahanap ng mga bulati at mga insekto. Nagaya din niya ang pagtilaok ng isang tandang na manok; at tulad ng isang tandang, umiigpaw din ang lipad niya ng ilang talampakan ang taas sa hangin.
   Makalipas ang ilang taon, ang agila ay tumanda na nang lubusan. Isang araw, may nakita siyang isang magilas na ibon sa himpapawid na mabilis na lumilipad at pumapailanlang sa ihip ng hangin. Namamangha siya sa nakikita na bagama’t hindi ikinakampay ang mga pakpak nito, ay matulin at humahaginit na tulad ng isang busog itong lumipad. Hangang-hanga siya sa kanyang nasasaksihang kahusayan nito sa paglipad.

   “Sino ‘yon? Napakahusay niyang lumipad!” Ang tanong ng agila sa katabing manok. Tumingala mula sa pagkahig sa lupa ang manok at tumugon, “Ah, ‘yon ba? Iyan ang hari ng mga ibon. Siya ang panginoon ng himpapawid!”

   “Anong tawag sa kanya?” Ang usisa ng humahangang agila na manok.

   “Ang tawag sa ibong iyan ay agila. Ang buong buhay niyan ay laging lumipad sa himpapawid. At tayo naman ay para lamang dito sa lupa, dahil mga manok tayo. Halika at samahan mo akong humanap ng mga bulati doon sa giniikan.” Ang paliwanag ng manok.

   “Kung hindi lamang ako manok;  at ako’y makakalipad ding katulad niya, ang sarap-sarap sigurong pumaimbulog sa himpapawid.” Ang panghihinayang na bulong ng agila na manok sa sarili nito. Kaya nabuhay at hanggang sa mamatay ay naging katulad ng isang manok ang agila, sapagkat ito ang kanyang pinaniwalaan at totohanang ginampanan sa kanyang buong buhay.

-------
Marami sa atin ang katulad ng agilang ito. Kung ano ang ating kinamulatan sapilitan nating tinatanggap nang walang mga katanungan. Hindi natin magawang saliksikin kung sino at anong uri ng pagkatao ang mayroon tayo. Anong mga katangian ang nasa atin na maaari nating isulong at pagyamanin para sa ating kaunlaran. Ang puspusang alamin kung anong mga bagay ang higit na nakapagpapaligaya sa atin, ano ang nakakatulong sa ating kapwa, at anong mga makabuluhang bagay ang maiaambag natin sa ating pamayanan.
   Mistula tayong mga patpat na inaanod at walang kamuwangan kung saan tayo patutungo. Nahirati ang karamihan sa atin na maging palaasa sa iba, manghingi ng pinaglumaan, manggaya sa mga banyaga, kopyahin ang kanilang kultura, at laging nakabuntot at tagasunod sa mga dayuhan sa ating bansa.
   Pagmasdan ang uri ng ating pamahalaan, sa halip na tumindig at panindigan ang ating kasarinlan, kawangis ang isang pulubi na nakaluhod at nagmamakaawa sa kaunting limos. Hindi katakatakang manatili tayong mga manok sa paningin ng ibang bansa. Pinagsasamantalahan, binubusabos, at kinakatay na tulad ng manok. Dahil mga manok tayong naturingan sa Asya.
   Panahon na ang lingapin natin ang ating mga sarili, lahat tayong mga tunay na Pilipino ay agila. Sa buong daigdig, tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan ang haribon (monkey eating eagle), ang pinakamalaking agila sa lahat ng mga uring agila. Higit na malaki ito kaysa bald eagle na simbolo ng Amerika. Ngunit tulad ng ating sanaysay sa itaas, hindi natin matanggap ang katotohanang tayo ay mga agila. Ginusto pa nating gawing simbolo ang maliit na maya bilang ibon, na mahiyain, tagaaliw, at mahina. At sa mga hayop naman, ang kalabaw (beast of burden) na may singsing sa ilong at may taling hinahatak upang sumunod sa lahat ng kagustuhan ng kanyang amo. Masunurin, maamo, tahimik, palasunod, at katulong sa lahat ng bagay. Laging nakabilad sa araw, pawisan, humahagok sa kapaguran, marumi at nasa putikan. At ito ang ginagampanan ng marami nating kababayan, bilang mga katulong. Higit nating pinagtutuunan ang pagiging “Maid in the Philippines” sa halip na “Made in the Philippines” na nararapat nating kalingain at pagyamanin. Palagi na lamang ba tayong “Isang kahig, isang tuka?” Mga manok lamang ang gumagawa nito.

Mananatili ba tayong kalabaw at manok sa halip na agila sa buong buhay natin? Aba’y gumising naman tayo! Hindi pa huli ang lahat. Ipakita natin sa buong mundo na tayo ay mula sa lahing Haribon!

Wednesday, June 29, 2011

Mga Pagsubok Lamang

  Sa may ilog ng Talisay sa Barangay Kupang, nagkasabay na namimingwit ng isda ang dalawang lalaki. Ang isa ay bihasang mangingisda, samantalang ang isa ay baguhan at ito ang kanyang unang araw ng pamimingwit.
Masagana at mayroong  iba’t-ibang uri ng isda ang ilog na ito; may talilong, banak, tilapia, biya, karpa, bulig, hito, at may pabuka. Sa bawa’t mahuli ng mangingisda ay isinisilid niya ito sa isang balde na may lamang mga tipak ng yelo. Doon naman sa baguhang namimingwit, kapag nakakahuli ng malaking isda ay ibinabalik at pinawawalan muli ito sa tubig. Nagtataka man ay hinayaan ito ng bihasang mangingisda. Napagmasdan niya ito sa buong maghapon na walang pagbabago; sa panghihinayang at matinding pagkainis nito sa ginagawang pagpapawala ng malalaking isda ng katabing namimingwit, ay napilitang magtanong,

 “Bakit mo ibinabalik at pinawawalan sa tubig ang iyong mga huli?  Sayang malalaki pa naman”

Nakataas ang kilay at walang pag-aalinlangan na tumugon ang baguhang namimingwit, “Kasi, maliit lamang ang aming kawali, hindi kasyang iprito ang malalaking isda.”
-------
Kung minsan, katulad ng baguhang namimingwit na ito, kadalasan ay itinatapon din natin ang malalaking pagkakataon sa ating buhay, mga dakilang pangarap na hindi tinutupad, magagandang trabaho na inaayawan natin, mga pagtulong na ayaw nating tanggapin, mga makabuluhang paanyaya na ating tinatanggihan. Lahat ng mga ito ay ipinapadala bilang handog sa ating paglitaw dito sa mundo. Subalit nananaig ang kahinaan ng ating pagtitiwala sa sarili. Ang ating pananalig ay kinakapos at laging aandap-andap at nananatiling walang sigla.
   Tinatawanan natin ang baguhang namimingwit na hindi naisip na ang kailangan lamang niya ay kawa sa halip na maliit na kawali; ngunit tayo ba ay nakahanda na payabungin o palakihin ang ating mga pananalig? Nang sa gayon ay magpatuloy ang pagpapadala ng malalaking biyaya para sa atin?
   Maging ito ay isang malaking katanungan o isang katotohanan; anumang malaking pagkakataon o matinding paghamon sa iyong kakayahan ang dumarating sa iyong buhay, ang lahat ng ito’y sadyang nakaukol para sa iyo. Hindi ito ibibigay sa iyo nang hindi mo makakaya.
    Lahat ay pawang pagsubok o paghamon lamang upang ganap kang tumatag at maging higit na matibay sa nakalaang pagpapala na nakatadhanang mapasaiyo anumang sandali. Kung ang mga ito’y iyong tatanggihan at pawawalan, anong uring karanasan ang iyong matatamo, pawang karaniwan at yaong madali lamang? Ito ba ang talagang ninanais mo sa iyong buhay?
   Kung matayog ang iyong pangarap, kalakip din nito ang matayog na pagsusumikap, at matayog din ang lilikhaing tagumpay nito.  At kung mababa naman ang pangarap mo, bulati sa lupa ang nababagay sa iyo. Dahil kung lagi kang nasa ibaba, madalas kang matatapakan.  

   Ang kailangan lamang ay masidhing pag-ibayuhin mo ang iyong pananalig at pagtitiwala sa sarili at ang lahat nang ito’y magaganap sa iyong buhay. Ito ang katotohanan.

Pambihirang Sopas


   Sa nakaraang digmaan ng Amerika at Hapon noong 1941, nadamay ang Pilipinas at pangalawa ang Bataan sa Maynila sa mga nawasak at lubhang nasalanta. Dumanas ng ibayong paghihirap ang mga tao; nasira ang mga pananim, huminto ang mga pangangalakal, at kinapos sa pagkain. Ang tulong na inaasahan mula sa mga karatig lalawigan ay pabugso-bugso lamang ang pagdating dahil sa mga nasirang daan at naputol na mga tulay.

    Marami ang nagugutom at mistulang panibagong labanan na naman ang nangyayari sa pag-aagawan sa karampot na pagkaing tinatanggap. May mga nagsusuntukan, nagpapaluan, at kung minsan ay nagtatagaan na humahantong sa ospital sa tinamong mga sugat. Anupa’t sa kagutumang ito, ang lahat ay natatakot at alalang-alala kung saan makakakuha ng makakain. 

   Isang araw, may manlalakbay na napadako sa isang nayon na sakbibi pa rin ng matinding kagutuman. Mabilis nilang pinagtabuyan ang lalaki na huwag manatili sa kanilang pook, sa pangambang manghihingi ito ng makakain. Kahit wala pa itong nasasambit na kataga, ay inunahan na nila na walang pagkaing makukuha sa kanilang nayon at ang lahat ay naghihirap at nagugutom. Tumugon ang lalaki at nagpaliwanag na hindi niya kailangan ang anumang pagkain, sa katunayan ay naghahanda siyang magluto ng masarap na sopas para sa lahat.

  Hindi kagyat na pinaniwalaan ito ng mga taganayon at naghihinalang pinanood nila ang ginagawang paghahanda ng lalaki. Sinimulan nito ang magpaliyab sa kalan; binuhusan ng tubig ang malaking kaldero, at ito’y isinalang sa apuyan. Makalipas ang ilang sandali, ay inilabas sa kanyang bayong ang isang nakabalot na bandana na may lamang luntiang bato, at ito’y kanyang inihulog sa kumukulong tubig sa kaldero. Napamulagat ang mga nanonood at nag-anasan, sa hindi pangkaraniwang bato na ginamit sa pagluluto na kanilang nasasaksihan. 

   Maya-maya pa’y sumandok ng sabaw ang lalaki, nasisiyahang nilanghap at nakangiting tinikman ito. At nang malasahan ay malakas na nagpahayag na napakasarap ang batong sopas. Ang mga nakapaligid na tao ay napalunok sa narinig at hinaplos ang kanilang mga kumakalam na sikmura. Nagsimulang maglapitan ang mga ito sa kaldero at nakilanghap na rin. May ilan ang nagtanong sa lalaki kung ano ang kanilang maitutulong upang mapabilis ang pagluluto nito. Sumagot ang manlalakbay na kung madaragdagan ito ng kaunting repolyo ay lalong sasarap ito. Mabilis na umuwi ang isang lalaki at nang bumalik ay nagbigay ng repolyo. Ginaya ito ng isa at nagdala naman ng kamote. Sinundan pa ito ng isa at sibuyas ang dinala, doon naman sa isa ay bugkos ng mga sitaw, may nagdala ng patani, may kalabasa. Anupa’t  ang lahat ay nagdala ng kani-kanilang maiaambag.

   At nang hanguin ang sopas sa kaldero at ibahagi sa lahat, masayang kainan ang sama-samang naranasan ng mga taganayon. Buong kagalakan silang nagpasalamat sa lalaki sa batong sopas na ipinagkaloob nito. Subalit ang lalaki ang higit na nagpapasalamat, dahil sa ginawang pagkakaisa ng mga taganayon, ang lahat ay nabiyayaan.

-------
Ang sanaysay na ito’y pangkaraniwang nagaganap sa panahon ng mga kalamidad at mga bagyong ating nararanasan taun-taon. Hindi katakataka sa mga tao na sa panahon ng kagipitan at matinding kagutuman ang magtago ng pagkain. Kapag may nagaganap na pagsasalat at walang sapat na mapagkukunan ng pagkain ay kusang humihiwalay sa karamihan ng tao at nagsasarili upang hindi mabawasan ang anumang mayroon sa kanya. Sa ganitong kalakaran, lahat ay magkakatulad ang kahahantungang kasawian. Dahil sa kalaunan, ay mauubos din ang anumang kanyang itinatago at ipinagdaramot.
   Mababakas dito na hindi lamang sa kagutuman nakatuon ang paksang ito, manapa’y sa ideya o kaalaman, sa pagmamahal, sa yaman, sa paggawa ng kabutihan, sa pagdamay sa kapwa, at maraming iba pa na makabuluhang bagay. Karamihan ay iniisip na ang ginagawang pagtatago o pagdaramot ay makapag-daragdag ng yaman kung ito’y para lamang sa kanila. Gayong ang katotohanan ay lumilikha ito ng kasalatan at matinding kahirapan. Hangga’t mayroong mga sakim at ganid na ginagawang negosyo ang pagtatago ng mga pangunahing pagkain at mga pangangailangan, pinatataas nito ang mga halaga na hindi makakayang maabot ng nakakarami sa atin. At kung ito’y magpapatuloy, ay mapapahamak ang lahat kabilang ang mga mapagsamantalang ito.
    Nakita ng manlalakbay ang ginagawang pagtatago at pagdadamot ng mga taganayon, at sa isang inspirasyon ay nagawa niyang magbigayan ang bawa’t isa at lumikha ng pagtutulungan para sa kagalingang panlahat. Pinatutunayan nito na hindi ito magaganap kung ang bawa’t isa ay makasarili at walang damayan.
   Kung sa akala mo ay hindi kailangan ang pagtutulungan, masdang gumulong ang isang kariton matapos na matanggal ang isang gulong nito. Walang sinuman sa atin ang hindi nangangailangan ng atensiyon at pagtulong mula sa iba. Higit nating makakamit ito kung magagawa nating maibigay ito.