Sunday, December 26, 2010

Tamang Kapasiyahan

    
   Kung nais mong makatiyak sa pagpapasiya kapag nahaharap ka sa matinding pagsubok, kailangan mayroong kang mga katanungang para dito. Pag-aralan itong mabuti at piliin lamang ang naa-angkop na tamang katanungan mula sa mga ito. At ang paglalaan ng mga karampatang kasagutan, bago ka magpasiya. 
   Ito ang mabisang panuntunan sa buhay. Tulad ng pagluluto, kung sinigang na isda ang binabalak mo, kailangan ang tamang mga sangkap nito at paraan ng pagluluto, ayon sa iyong panlasa upang ito'y maging malinamnam.
   Ganoon din pagdating sa mga hakbangin ng iyong pakikibaka sa buhay. Kapag ikaw ay may pag-aalinlangan, gumawa ka ng tamang katanungan at ito'y may katumbas na tamang kasagutan. Kailangan lamang ay malaman, maisaulo, gamitin, at ipamuhay.   



Mga Tamang Katanungan sa Buhay                                                      
   Ito ang sadyang mapa o alituntunin na magagamit mo para makarating sa iyong paroroonan. Maging matapat lamang na nalalaman mo kung nasaan ka ngayon, saan mo ibig pumunta, at tandasang natitiyak mo na ito nga ang ibig mo na puntahan. At maligaya kang ipamuhay ang kapasiyahang ito.
   Mga tamang katanungan na magdudulot sa iyo ng inspirasyon at kapangyarihan. Piliin ang katanungang angkop sa  pagkakataon, at lalagi kang gising sa mahalaga mong mga hangarin at kalalabasan nito.
  Narito ang 10 tamang katanungan:

Tanungin lamang ang iyong sarili.

1. Ang  pagpili bang ito ay maghahatid sa akin tungo sa maaliwalas na kinabukasan, o lalo lamang 
    magbabaon sa akin sa nakaraan?

2. Ang pagpili bang ito ay magdudulot sa akin ng mahabang kaganapan, o magpapatighaw lamang 
    sa akin ng dagliang kasiyahan?

3. Isinasaalang-alang ko ba ang aking paninindigan, o pinipilit ko lamang na asikasuhin na 
    masiyahan ang iba?

4. Ako ba’y nagmamasid sa kung ano ang tama, o ako’y nagmamasid sa kung ano ang mali?

5. Ang pagpili bang ito ay makapag-papasulong sa kabatiran ko, o makapag-papaurong
    pa sa aking kabatiran?

6. Magagamit ko ba ang sitwasyong ito bilang batayan sa  kamulatan, o magagamit ko para sisihin
    lamang ang aking sarili ng paulit-ulit?

7. Nagagawa ba ng pagpiling ito na palakasin ang aking loob, o nagagawang pahinain ang aking loob?

8. Ito ba’y hakbang na pagmamahal sa sarili, o isang hakbang na pagwawasak sa sarili?

9. Ang pagkilos bang ito ay batay sa pananalig, o likha lamang ng pagkatakot?

10. Pinipili ko ba ang pagiging marangal ko, o pinipili ko ang naaayon sa kagustuhan ng iba?

   Tahasan kong inimumungkahi ang paggamit ng 10 katanungan na ito sa bawat pagpili ng mga hangarin, o mga lunggati sa buhay. Sapagkat matutunghayan sa uri ng iyong pamumuhay sa ngayon, ang kabubuang sanhi ng lahat ng mga hakbanging iyong ginawa mula sa nakaraan. Sa paggawa ng mahahalagang desisyon, madali mong maliliwanagan kapag ang pinili mo’y makatutulong o makasasama, kung ito’y nagmumula sa pananaw o sa pangarap, o nanggagaling sa pag-aalinlangan o pagkatakot. Sa pananalig, o paimbabaw na kalutasan.
   Kapag ganito ang nangyayari sa iyo at nagkakaroon ka ng ibayong pagmumuni-muni, mangyari lamang na isalang agad sa iyong isipan ang mga ito: 

Ang 7 Patnubay ng Katotohanan:

1. Doon sa mga bagay na ating iniisip, sinasabi at ginagawa . . . ito ba ang katotohanan?

2. Ito ba’y pantay-pantay sa lahat ng kinauukulan?

3. Magagawa ba nitong magtaguyod ng mabuting saloobin at mahusay na pagkakaibigan?

4. Nagpapakilala ba ito ng hinahangad mong huwarang pagkatao?

5. Pagmumulan ba ito ng kapakinabangan sa lahat ng kinauukulan?

6. Magdudulot ba ito ng katiwasayan at maligayang pamumuhay?

7. Papuri ba ito sa kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha?

   Ang mga Tamang Katanungang at mga Patnubay ng Katotohanan na narito, kung magagawang sauluhin at panatilihin sa isipan, ay makapag-papalinaw ng kamulatan upang higit na mapili ang tamang pagtahak sa matiwasay na landas.

Friday, December 17, 2010

Ang Pangarap Ko



   Minsan, napaupo ako sa pangigipuspos. May naalaala ako na tumimo sa aking dibidb. Naging sakit ako ng ulo at laging nasa galaan noong ako’y bata pa. Walang nakauunawa sa akin, maging ang sarili kong ama.
   Malimit na sinasabi niya sa akin, “Wala kang kapupuntahan sa mga patama-tamang pag-uugali mo. Mahilig ka lagi sa lakwatsa, sa mga lakaran, at padaskol na buhay. Ni hindi ko malaman kung saan ka patungo!”
   Isang araw, hindi na ako nakapagpigil at pina- liwanagan ko siya;
  “Alam mo, aking ama, ipapaalam ko sa inyo kung papaano ito. Mayroong isang itlog ng itik na inilagay sa pugad ng manok, isinama sa nili-limliman niyang mga itlog upang kasama itong mapisa. Noong mapisa ang lahat ng itlog, ang kiti ay kasama ng mga sisiw na pasunod-sunod sa inahing manok. Nakarating sila sa may batis, at ang kiti ay tuwang-tuwa na lumusong dito. Nagtampisaw, sumisid, at naglaro sa tubig. Subalit ang inahing manok ay nanatili sa pampang, nanggagalaiti, at putak ng putak.”
   Matapos kong ipahayag ito ay tinanong ko ang aking ama, “Ngayon, aking mahal na ama, natikman ko at kinawilihan ang dagat. Naig kong maglayag at isakatuparan ang aking pangarap. Kung ibig ninyong manatili sa pampang, ito ba’y kasalanan ko?”
   “Hindi ninyo ako dapat na sisihin,” ang huling katagang aking binitiwan.

Ang Matatakuting Kansusuwit

     


   May isang kansusuwit ang laging kinakabahan at natatakot sa pusa. Nakita niya ang kabangisan nito kapag humahabol ng mga munting daga na tulad niya. Halos sa araw-araw, bago ito lumabas ng kanyang lungga ay maraming ulit muna itong pasilip-silip, palipat-lipat ng makukublihan, at patuloy ang panginginig sa matinding takot na makita siya ng pusa.
   Isang salamangkero ang nahabag sa kanyang kalagayan at sa mahiwagang pagkumpas ng kamay nito’y ginawa siyang isang pusa din. Natuwa ang munting daga at naging malaya siyang lumibot sa loob ng kabahayan. Subalit nang magpunta siya sa labas ng bahay ay hinabol siya ng aso. Sa matinding takot, nagkasugat-sugat siya sa pagtakas upang hindi maabutan ng aso. Humihingal itong nakapasok sa kanyang lungga at napabulalas ng panaghoy sa panibagong panganib na naranasan.

   Naawang muli ang salamangkero at ginawa naman siyang aso. Tuwang-tuwa ang daga, ngayong aso na siya ay malilibot niya ang malaking bakuran, ang bulong nito sa sarili. Habang namamasyal dito ay natanaw niya ang kakahuyan sa labas ng bakuran. Nahalina siya sa luntiang kapaligiran nito. Madali itong lumabas ng bakod at nilibot ang bawat maibigan na tanawin. Subalit may narinig siyang kakaibang ungol sa di-kalayuang halamanan.  Isang malaking tigre na may matutulis na pangil ang humahagibis na patungo sa kanya. Nakadama siya ng ibayong panganib, at sa isang iglap ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng bakuran. Habang tumatakas, kahol ito ng kahol sa paghingi ng saklolo sa salamangkero.
   Nang malapit na siya sa pintuan ng bakuran ay biglang naging tigre naman siya. Ang sambit nito sa sarili, “Ngayon, pati na kagubatan ay aking malilibot.” At masaya itong nagpagala-gala sa malawak na kagubatan.
   Walang anu-ano’y isang humahagibis na busog ang dumaplis sa kanyang leeg. Sinundan pa ito ng isa pang busog at humawi sa balahibo niya sa likod. Nakita niya ang isang taong may hawak na pana at nagkakasa ng panibagong busog. Takbong walang puknat ang ginawa niyang pagtakas hanggang makarating sa bahay na pinanggalingan. Pagpasok sa bakuran ay malakas na umungol ito, sising-sisi sa mga pangyayari.
   “Ayoko na, ayaw ko na. Palagi na lamang akong nabibingit sa panganib," ang paalulong nitong hinagpis sa kanyang sinapit.
   Sa tagpong ito, sumuko na ang salamangkero sa pagtulong sa dating daga. Pailing-iling na ikinumpas muli ang kamay at sinabing,
   “Wala na akong magagawa pa, para makatulong sa iyo dahil anuman ang aking gawin nananatili pa rin ang puso mong daga.”
   At sa isang iglap, nagbalik muli ang anyo nito sa pagiging munting daga.

Ang Mayabang na Palaka




    Naghahanda na ang dalawang gansa sa paglipad patungong katimugan. Ito ay para sa kanilang taunang paglipat sa ibang pook upang manginain. Napansin sila ng isang palaka na kanina pa nagmamasid. Maya-maya, may ipinakiusap ito sa kanila,
   “Maaari bang sumama rin ako sa inyo?  Kasi kakaunti na lamang ang pagkain dito, tiyak gugutumin lamang ako,” ang samo ng palaka.
   “Bakit ba hindi? Kaya lamang papaano ka namin maiilipad, gayong abala ang aming mga pakpak?” ang paliwanag ng isang gansa.
   “Kung talagang ibig mo, gumawa ka ng paraan at isasama ka namin,” dugtong naman ng isa.
   Kumuha ang palaka ng isang mahabang tangkay ng talahib at sinabing kagatin ng dalawang gansa ang magkabilang dulo nito, habang siya naman ay kinakagat ang gitna. 
Sa paraang ito, nailipad siya na nakabitin, at sinimulan ng tatlo ang mahabang paglalakbay.
   Dumaan sila sa isang nayon, at dito’y nagkagulo ang mga tao sa ibaba sa naiibang tanawing nakita. Humanga sila sa pambihirang kaparaanan na nakita sa tatlo.  
   “Sino kaya sa kanilang tatlo ang matalino at nakaisip ng paraan sa paggamit ng tangkay, upang mailipad ang palaka?” ang tanong nila.
   Nadinig ito ng palaka, at galak na galak sa papuri. Kapagdaka'y buong pagyayabang na bumanat ng pagmamalaki,
   “Ako, ako ang lamang ang nakaisip nitooo, aaay, naku pooo!”  
   Sa pagbitaw ng kagat nito sa tangkay ay bumulusok ito sa pagkahulog, tungo sa kanyang kamatayan.

Thursday, December 16, 2010

Kartilya ng Katipunan

 Ang Kartilya ng Katipunan ay sinulat ni Emilio Jacinto, isa itong panuntunan na nagsisilbing patnubay sa kapatiran ng Katipunan. 
   Mahigpit itong ipinatutupad sa lahat ng kasapi ng rebolusyonaryong samahan. Ipinaliliwanag nito ang mga nararapat na tungkulin at responsibilidad, bilang isang magiting na katipunero sa kanyang bansa, pamilya, lipunan, at mga kababayan.
   Bawat katipunero ay kailangang ihandog ang kanyang buhay sa dakilang adhikain ng KKK; ang igalang ang bawat tao, anuman ang kanyang uri, kalagayan, lahi, antas, katayuan, at kasarian; kilalanin ang kahalagahan ng mga babae sa lipunan; tulungan ang mga nangangailangang kababayan; ipagtanggol ang mga naaapi at labanan ang mga umaapi.
   Buong-puso at kagitingan itong isakatuparan upang ang minimithing tagumpay ay ganap na makamtan.

Ang mga Alituntunin ng Katipunan sa Rebolusyonaryong Pakikibaka

1. Ang buhay na hindi inialay sa isang marangal na kadahilanan, ay tulad ng isang puno na walang lilim o 
     kaya’y damong makamandag.
 
2. Ang mabuting gawa ay nawawalan ng dangal 
     kapag ito’y mula sa pagpipita sa sarili at hindi 
     sa matapat na pagnanais na makatulong. 

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagka-
    kawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at 
    panatilihin sa bawa't kilos, gawa't pangungusap
    ang pagiging makatwiran.


4. Lahat ng tao ay pantay-pantay, anumang kulay ang kanilang balat. Maaaring higit na nakapag-aral, 
      mayaman, o higit na maganda kaysa sa iba, hindi ito batayan na higit ang kanyang pagkatao kaysa 
      kaninuman.



5. Ang may marangal na kalooban ay pinahahalagahan ang kapurihan kaysa 
     pagpipita sa sarili, samantalang ang may hamak na kalooban ay inuuna 
     ang pagpipita sa sarili kaysa kapurihan.

6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

7. Huwag sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y muling maibabalik; 
     subalit ang panahong nawala’y naglaho ng lubusan.
 
8. Ipagtanggól ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.
 



9. Ang taong matalino ay maingat sa bawa't 
     binibigkas, at masinop sa mga bagay 
     na kailangang manatiling lihim.  

10. Sa matinik na daanan ng buhay, ang ama ang 
       nangunguna at ang asawa’t mga anak ang 
       sumusunod. Kapag ang pinuno ay tinahak ang 
       daan na patungo sa kasawian, gayundin ang 
       kakahinatnan ng mga tagasunod.



 
11. Huwag ituring ang babae na isang bagay na libangan lamang; 
      bagkus tanggapin siya bilang katuwang at karamay. Bigyan ng 
      tamang pagpapahalaga ang kanyang kahinaan at huwag 
      kailanman kalilimutan ang iyong sariling ina, na nag-iwi at  
      kumandili sa iyo mula sa kasanggulan, ay larawan niya sa 
      katauhan.
  



12. Huwag gagawin sa asawa, mga anak, at mga kapatid ng iba, ang hindi mo ibig na magawa 
       sa iyong asawa, mga anak, at mga kapatid.

13. Ang kahalagahan ng tao’y hindi nasusukat sa kanyang kalagayan sa buhay, o maging sa tangos ng 
       kanyang ilong, pati na sa kaputian ng kanyang balat, at lalong hindi kapag siya ay isang pari na 
       nagpapanggap na sugo ng Diyos.  Kahit na siya ay isang katutubo na mula sa kabundukan at 
       nagsasalita ng kanyang kinagisnang wika, siya ay taong may marangal na pananaw at ibayong
       katapatan sa kanyang Inang-bayan.



14. Kapag napalaganap ang mga alintuntuning ito at ang 
       maluwalhating araw ng kalayaan ay nagsimulang sumilay sa 
       mga dalitang kapuluan at pinagliwanag ang pagkakaisa ng 
       isang lahi at kapatiran, ang lahat ng mga buhay na nakitil, lahat 
       ng pakikibaka at mga pagtitiis ay hindi naunsiyami ng walang 
       saysay.




Paumanhin: Marami ang ginawang pagsasalin nito, mula sa Kastila, Inggles, at Tagalog. Iba't-ibang salin,
o bersiyon na naaayon sa mga may-akda. Sa dahilang napakahalaga nito sa kamalayan ng lahat at 
tunay na Pilipino, minabuti kong isalin ito sa abot ng aking pang-unawa at napapanahong paggamit 
ng ating wikang Pilipino. Kung sakali man na may nawawaglit na ilang linya o mga kataga sa mga narito, 
mangyari lamang na ipadala sa aking 'E-mail address: jegustar@yahoo.com' ang nararapat na pagtatama.  

Maraming salamat po!

Emilio Jacinto

Emilio Jacinto y Dizon
(15 Disyembre, 1875 – 16 April, 1899)

   Isang magiting at tunay na bayaning Pilipino, at Utak ng Katipunan. Ipinanganak sa Trozo, Tondo, Maynila. Sa lalawigan ito ng Morong na ngayong ay Rizal na. Ang mga magulang niya ay sina Mariano Jacinto at Josega Dizon. Naulila siya sa ama matapos isilang, kayat napilitan ang kanyang ina na ipaampon siya sa kanyang mayamang tiyuhin na si, Don Jose Dizon. Upang magkaroon ng magandang buhay at pagkakataong makapag-aral.
   Bihasa siyang magsalita sa Tagalog at Kastila, subalit sa pakikipag-usap ang gamit niya kalimitan ay salitang Kastila. Nag-aral siya sa ‘San Juan de Letran College,' at kalaunan ay lumipat sa ‘University of Santo Tomas,' upang mag-aral ng abogasya. Hindi niya natapos ito, at sa gulang na dalawampu, umanib siya sa lihim na samahan ng Katipunan, o KKK (Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan). Tagapayo siya tungkol sa mga pananalapi at naging kalihim kay Gat Andres Bonifacio. Sa katagalan, tinagurian siyang Utak ng Katipunan.
   Sumulat din siya sa pahayagan ng Katipunan, ang ‘Kalayaan.’ Dito, ang ginamit niyang palayaw ay ‘Dimasilawat sa Katipunan naman ay ginamit niya ang pangalang ‘Pingkian.’ Kilala din siya bilang may-akda ng Kartilya ng Katipunan.
   Sa pagkakapatay kay Bonifacio sa kamay ng huwad na pangkat ng Magdalo na pinamumunuan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Emilio Aguinaldo ay tumanggi siya na maging kasapi nito. Ipinagpatuloy niya ang pakikipagtulungan sa pangkat ng Magdiwang na kinabibilangan ng mga tunay na katipunan ni Bonifacio. Kasama si Hen. Macario Sakay, ay ipinagpatuloy pa rin nila ang pakikipaglaban sa mga Amerikano.
   Nagkasakit siya ng malarya at namatay sa Mahayhay, lalawigan ng Laguna, sa gulang na dalawamput apat.

Kalatas sa Aking mga Kababayan

Manuel Luis Quezón y Molina 
(19 Agosto , 1878 – 1 Agosto, 1944) 

   Si  Manuel L. Quezon ay naging Pangulo ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1944. Ito’y sa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaang Amerikano (Commonwealth of the Philippines). Siya ang pangatlong Pilipino na humawak ng ganitong tungkulin, bilang Pangulo ng Pilipinas. Ang nauna ay sina Gat Andres Bonifacio, na hinirang noong 1896 sa Banlat, Pasong Tamo, lalawigan ng Morong (Rizal). Ang Supremong Sanggunian ang siya niyang naging gabinete. At si Emilo Aguinaldo, na hinirang naman noong 1899, at nagpatuloy ng pakikipaglaban sa mga Amerikano.
 
Kilala siya bilang “Ama ng Wikang Pambansa.”
 


Mga kababayan ko:
   May isang kaisipang nais kong lagi ninyong tatandaan. At ito ay: kayo ay Pilipino. Na ang Pilipinas ay inyong bayan, at ang tanging bayan na ibinigay ng Diyos sa inyo. Na dapat ninyo itong ingatan para sa inyong mga sarili, sa inyong mga anak, at sa mga anak ng inyong anak, hanggang sa katapusan ng mundo. Kailangan niyong mabuhay para sa bayan, at kung kinakailangan, mamatay para sa bayan.

    Dakila ang inyong bayan. Mayroon itong dakilang nakaraan, at dakilang kinabukasan. Ang Pilipinas ng kahapon ay naging dakila dahil sa pag-aalay ng buhay at yaman ng inyong mga bayani, martir, at sundalo. Ang Pilipinas ng ngayon ay pinararangalan ng taos-pusong pagmamahal ng mga pinunong di-makasarili at may lakas ng loob. Ang Pilipinas ng bukas ay magiging bayan ng kasaganaan, ng kaligayahan, at ng kalayaan. Isang Pilipinas na nakataas ang noo sa Kanlurang Pasipiko, tangan ang sariling kapalaran, hawak sa kanyang kamay ang ilaw ng kalayaan at demokrasya. Isang republika ng mga mamamayang marangal at may paninindigan na sabay-sabay nagsisikap mapabuti ang daigdig natin ngayon. 
MANUEL L. QUEZON

AKO, tunay na Pilipino

 Ika-21 ng Abril, 2009

  AKO, tunay na Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang diwang kayumanggi, sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay taga- pagpatuloy  ng magiting  at makulay kong kasaysayan noon,  ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Laging akong handa na ipagtanggol  ang aking  lahi  at  pamayanan  nito  sa  anumang  kapahamakan,  kalapastangan,  at kapighatian.
   Ako ay wagas na mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang Pilipino.
   Likas ang yaman ng aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan nito, sa 7,107 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain, sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng Silangan.  

   Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.

   Maraming ng dayuhang banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito; Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,    

AKO, tunay na PILIPINO

 

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa



Ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ay isa sa mga tulang isinulat ni Gat Andres Bonifacio at inaalay niya sa mga kasamahan sa KKK (Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan). Bahagi ito sa kanyang pagnanais ng himukin ang mga kakabayan na maging Tunay na Pilipino.


Philippine revolution flag kkk1.svg





Watawat ng Katipunan, 1892




Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip,
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal,
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang,
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki,
na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal napangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-alaala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanood.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilanta sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang pugal
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging lasap
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay mailit
ito’y kapalaran at tunay na langit.

Tayo ay IsangPilipino


Kawikaan 201: Mga Patnubay sa Buhay


   Narito pa ang 100 Kawikaan na gumigising at nagpa-paalaala sa atin. Binibigyan nito ng makabuluhang pagsulyap ang ating mga saloobin at pananaw. Mahalaga na alamin at paglimiing mabuti ang mga ito, at maging kalasag sa ating araw-araw na pakikibaka sa mapagbirong tadhana.
   Pag-ukulan ito ng pansin, sumubaybay at magkaroon ng panibagong inspirasyon, pamantayan, at mabisang kaparaanan upang magtagumpay.

                                                                                                         Jesse N. Guevara
                                                                                                         AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                         Lungsod ng Balanga, Bataan

 201- Ang bata ay hindi maaaring turuan ng sinumang namumuhi sa
         kanya.

202- Kamangha-mangha ka sa ganap na pagiging ikaw.

203- Dalawang tao lamang ang nakakabagot;
        ang madaldal at ang walang naririnig.


204- Nais kong tumakbo, ngunit sa layo lamang na magagawang maalaala mo ako.

205- Huwag idagan sa iba ang bagay na hindi mo nais 
           na pasanin sa iyong sarili.


206- Pumili ng gawain na talagang ibig mo, at kailanman sa bawat araw ng iyong buhay
         ay hindi ka na gagawa pa.

207- Lahat ay nagbabago. Ang mga kaibigan ay lumilisan. Ang mga kagamitan ay naluluma at nasisira.
        Ang yaman ay nawawala. Ang mga papuri ay naglalaho. At ang buhay ay hindi humihinto kahit
        kanino man. Nararapat lamang na harapin ito ng buong kagitingan.

208- Sa tatlong kaparaanan ay nagiging matalino tayo.
          Una, sa pagbubulay-bulay, na siyang marangal.
          Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali.
          At pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamahapdi.

209- Walang sinuman ang may kinapuntahan sa daigdig sa pagiging kuntento lamang.

210- Pakaisipin lamang ang trahedyang susuungin kung sakali man,
         kapag hindi naturuang manghinala ang mga bata.


211- Ang pagmamahal ay maliwanag na nag-aalab kaysa sa sikat ng araw.

212- Harapin kung ano ang matuwid, ang iwaglit ito ay tanda ng karuwagan.

213- Ang isang makasalanang tao ay mapanganib; alinman ang sandata niya, maging baril o Biblia.

214- Kung minsan kailangan mong malimutan ang nais mong maalaala na hindi nararapat sa iyo.

215- Walang nagpatiwakal habang nagbabasa ng mabuting aklat, subalit marami 
         ang nagbabalak habang sinusubukang magsulat nito.


216- Ang mga bagay ay pasama bago maging mabuti. Kaya pakatandaan;
         kung sino ang umapi sa iyo at kung sino ang nagpahalaga sa iyo.

217- Siya na natututo subalit hindi nag-iisip, ay nawaglit.
        Siya na nag-iisip subalit hindi natututo ay nasa ibayong panganib.

218- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi bawat isa ay nakikita ito.

219- Isang araw, nahuli ko ang aking sarili na napapangiti nang walang kadahilanan,
        at napaglimi kong iniisip pala kita.

220- Naririnig ko at aking nalilimutan. Nakikita ko at aking naaalaala. Ginagawa ko at aking nauunawaan.


221- Kapag may itinatangi ka, makapagsasalita ka. Kapag umiibig ka, bawat isa ay nakapagsasalita.

222- Kung ako’y naglalakad kasama ang dalawang tao, bawat isa sa kanila ay magiging guro ko.
        Kukunin ko ang mabubuting puntos ng isa at aking gagayahin ang mga ito, at ang masasamang    
        puntos naman ng isa ay aking itatama sa aking sarili.

223- Ang pinakamasaklap na kamaliang magagawa ninuman ay ang ganap na matakot makagawa nito. 

224- Kung walong oras ang kailangan para putulin ang isang punongkahoy, aaksayahin ko ang anim na                   oras sa paghahasa ng aking palakol.

225- Madali ang mamuhi at mahirap ang umibig. Ito ang takbo na nagpapaikot sa mga bagay.
        Lahat ng mga mabubuting bagay ay napakahirap isakatuparan; at ang mga masasamang
        bagay at napakadaling makuha.


226- Anuman ang kayang pangarapin ninuman, nagagawa ito ng iba
        na maging makatotohanan.

227- Haraping totohanan ang buhay. Kapag buhay ka, iwinawasiwas mo
         ang iyong mga kamay, tumatalon ka at lumilikha ng lagabog,
         humahalakhak, at nakikipag-usap sa mga tao.Sapagkat ang buhay ay
         pawang pagkilos, at ito'y kabaligtaran ng kamatayan.

228- Ang edukasyon ay hindi upang punuin 
      ang timba, bagkus ang magsindi ng apoy. 


229- Ang mga bata ay bihirang gayahin ang mga binigkas mo. Sa katunayan, palagi
         nilang inuulit ang mga ito, kataga sa kataga sa lahat ng hindi mo dapat na binigkas. 

230- Maaaring nanggaling tayo sa ibat’-ibang barko, subalit ngayon ay sama-sama na tayo
        sa iisang bangka.


231- Lalong kahiya-hiya ang hindi ka pagkatiwalaan ng iyong mga kaibigan, kaysa ang dayain ka nila.

232- Ang buhay ay karaniwan lamang, subalit pinipilit natin na maging masalimoot ito.

233- Alamin ang kaparaanang ginagamit ng tao, pansinin ang kanyang mga hangarin,
       pagmasdan ang kanyang mga aliwan. Ang tao kailanman ay hindi maitatago ang
       kanyang tunay na katauhan.

234- Kailanman huwag makipagkaibigan sa isang tao na hindi nakahihigit sa iyo.

235- Kailangan natin ang pasasalamat. Kahit maging sa mga mumunting bagay.


236- Kailanman ay huwag ibigay ang espada sa taong hindi marunong sumayaw.

237- Mahal ko ang musika, salamat sa pakikiisa mo sa akin noong walang sinumang nakiisa para sa akin.
        Nakasayaw kita kahit na paiba-iba ang tugtugin.

238- Ang mga malulungkuting tao ay nagagalit kapag binabanggit mo ang tungkol sa kaligayahan.

239- Yaon lamang na mga pinakamatalino at pinakatanga ang ayaw magbago.

240- Kahit na alam kong magugunaw ang mundo bukas, itatanim ko pa rin ang aking punong mangga.


241- Kung iniisip mong magastos ang edukasyon, 
         subukan ang kamangmangan.

242- Ang katalinuhang hindi ginagamit ay mistulang ginto na nakabaon sa lupa.

243- Sa ganang akin, ang tanging pag-asa na makakasalba sa kaligtasan ng sangkatauhan
        ay sa pamamagitan ng pagtuturo.

244- Ang talento ay tulad ng koryente. Hindi natin naiintindihan ang elektrisidad. Ginagamit natin ito.
     
245- Ang mabubuting salita ay maiikli at madaling bigkasin, subalit ang alingawngaw nito’y
        walang katapusan.


246- Natutuhan ko na ang mahina ay malulupit, at ang pagiging mahinahon ay maaasahan lamang
         mula sa malalakas.

247- Kung ang pangarap mo’y mula sa kaibuturan ng iyong puso, ipagpatuloy ito.
         Kung hindi, ang sanlibutan ay makikibahagi sa iyong mga karaingan.

248- Laging tanungin ang sarili kung gaano ang paghakbang mo patungo sa iyong mga pangarap. Kapag 
        nasagot mo ito, makakarating ka sa iyong pupuntahan.

249- Ang maging magalang sa karupukan at kahalagahan ng bawat tao,
        ay unang sagisag ng pagiging matalino.

250- Ang pag-ibig ay tulad ng isang alingasngas, bawat isa ay nagsasalita tungkol dito,
        subalit sinuman ay walang ganap na naiintindihan.


251- Ang dalawang pagsubok upang ganap na matuklasan ang katauhan;
         kayamanan at kahirapan.

252- Hindi kung nasaan ka, bagkus kung sino ka, ang lumilikha 
        ng iyong kaligayahan

253- Karamihan ng tao ay palaging dumarating sa tamang oras sa              mga pook na inaasahan nilang kapuri-puri sila.

254- Nangangailangan ng maraming mabubuting gawa upang 
        magkaroon ng mabuting reputasyon. At isa lamang kamalian upang ito’y mawasak.

255- Sinuman na laging nanghihimasok sa kapalaran ng iba, ay hindi matutuklasan
        ang nakalaan para sa kanya.


256- Magdasal tayo, hindi upang gumaan ang ating mga dalahin.
        Bagkus, ang magkaroon ng malakas na balikat sa pagpasan.

257- Kapag ang dalawang tao ay laging magkasundo sa lahat ng bagay, ang isa dito ay hindi kailangan.

258- Wala nang hihigit pang kasiyahan kapag laging tama sa oras ang iyong pagdating sa tipanan.

259- Tatlo bagay lamang ang dala ng aking mga ninuno;  palakol, araro, at aklat. Ang aklat ay Biblia.

260- Kung nais mong kumbinsihin ang iba sa relihiyon mo, ipamuhay mo ito.


261- Kapag naulit muli ang dating pagkakamali, hindi na ito kamalian. Kahibangan at bisyo na ito.

262- Kapag ipinagtatanggol mo ang iyong mga pagkakamali, nangangahulugan lamang ito
        na wala kang balak na magbago.

263- Ang panibugho ay bulag at walang nalalaman kundi ang hamakin ang kadakilaan ng iba.

264- Maraming mahabang daan patungo sa pagkasuklam, ngunit ang panibugho ang pinakamaikli
        sa lahat ng daan.

265- May ilang tao na nakatakdang magmahalan sa isa’t-isa, subalit hindi ito 
         nangangahulugang magsasama sila.


266- Anuman ang sinasagap ng ating isip ay siyang makapangyayari sa ating kaisipan; at saanman,    
         alinman, at anumang sandali, ay lalabas mula sa ating bibig. 

267- Ang pagmamahal ay hindi inilagay sa puso upang manatili. Ang pagmamahal ay hindi pagmamahal,
        hanggat hindi ka nagmamahal.

268- Dalawa lamang na matagalang pamana na ating maaasahang maibigay sa ating mga anak.
        Isa rito ang mga ugat, ang pangalawa ay mga pakpak.

269- Malimit pintasan ng iba ang mga taong kinaiingitan nila.

270- Kung ibig mong magamit ng wasto ang panahon mo, kailangang alam mo kung ano ang mahalaga at 
        ibigay dito ang lahat ng makakaya mo.


271- Ang matagumpay ay yaong masidhing gumagawa sa mahabang panahon nang walang tigil.

272- Karamihan sa mga dakilang katangian tulad ng pananalig, pagtitiis, pagtitiyaga,
        at pag-asa ay nagmula lamang lahat sa kabiguan.

273- Ang taong hindi magawang magalit kapag may kasamaang nagaganap,
        ay walang kasiglahang makagawa ng kabutihan.

274- Hanggat patuloy nating binabalak ang mga gagawin, patuloy din ang ating mga kabiguan.

275- Kung anong ginagawa mo kapag wala kang magawa, ang naglalantad kung sino ka.



276- Ang pag-ibig ay pandikit para mabuo ang pagmamahalan, at panibugho 
        naman ang panlusaw upang ito ay paghiwalayin.

277- Gaano man ang iyong kayamanan, hindi mo na maibabalik ang nakaraan.

278- Wala nang hihigit pang panlulumo kapag nakikita mo ang mga tao na may 
         ibayong  kakayahan, ay nakatulala lamang sa mga pagkakataong nasa
         kanilang harapan.

279- Hindi sa marami tayong kaalaman, ang mahalaga ay kung papaano natin
         magagamit ang ating nalalaman.

280- Ang lihim ng pagdarasal, ay ang pagdarasal ng lihim.


281- Nais mong makaganti sa mga taong humahamak sa iyo? Paunlarin mo ang iyong sarili. 

282- Ang manangis dahil nakagawa ka ng kasalanan ay nakakalungkot, subalit ang itama
        ang kasalanang ito ay nakakasiya.

283- Walang sinumang makapagpapataas sa kanyang reputasyon sa pamamagitan ng
         pagbababa sa reputasyong ng iba.

284- Madalas ang mga tao ay ayaw masangkot at tumulong sa iba, hindi dahil wala silang
        kakayahan o pagnanais na makatulong, kundi kulang sila ng pagtitiwala sa mga sarili
        at katiyakan na makakagawa sila ng kaibahan.

285- Ang matalinong tao, nag-iisip bago magsalita. Ang mangmang, nagsasalita bago mag-isip.


286- Ang paglilingkod sa kapwa ang ating upa sa ating kinalalagyan dito sa mundo.

287- Tatlo lamang kataga ang lihim ng pagsasama; "Oo, aking mahal."

288- Karamihan sa atin ay hindi matanggap ang tagumpay. Lalo na’t iba ang nagkamit nito.

289- Kung ang paghihiganti ay matamis, bakit nag-iiwan ito ng hapdi at kapaitan?

290- Ang unang hakbang upang tumalino ka ay ang tanggapin mo na ikaw ay mangmang.


291- Ang totoong sukatan ng tagumpay ay hindi kung anong kalagayan ang narating mo sa buhay,
        bagkus kung anong pakikibaka ang sinuong mo at nagtagumpay ka.

292- Ang taong alam ang lahat ay marami pang dapat matutuhan.

293- Ang kaibigan na ating lalong hinahangaan ay yaong nagtatanong ng mahahalagang
        katanungan na nagagawa naman nating masagot.

294- Hanggat marami kang nalalaman, lalo lamang nalalaman mo na marami ka pang dapat maintindihan.

295- Hatulan ang bawat araw, hindi kung anong biyaya ang natanggap mo, bagkus kung ilang
        kabutihang ang nagampanan mo.


296- Pinatunayan ng kasaysayan na ang mga tao ay matagumpay hindi dahil sila ay matatalino,
        bagkus sila ay talagang matiyaga at may matayog na hangarin.

297- Nasa pagkakaisa ang simula; at sama-samang paggawa ang lumilikha ng tagumpay sa bayan.

298- Ang palalo at sinungaling ay magpinsang buo.

299- Ang pinakamalaking pagkakamali na ating magagawa ay ang hindi tayo matuto,
         na maitama ito sa unang pagkakataon.

300- Kung sa paniwala mo ay wala kang kakayahan makatulong sa kapwa, magiging
         pipi, bingi, at bulag ka sa mga kaganapang nangyayari sa iyong kapaligiran.

may patuloy na karugtong
Kawikaan 301
Kawikaan 401
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001
   Subaybayan at higit na kawiwilihan ang mga mahahalagang patnubay sa ating buhay, ngayon, bukas, at magpakailanman. Isa itong mabunying paghahandog sa mga tunay na Pilipino!