Kapag ginagawa mo ang mga bagay na kailangan mong
gawin kapag ninanasa mong magawa ang mga ito, ang maghapon ay sumasaiyo kapag
nagagawa mo ang mga bagay na hinahangad mong magawa kapag nais mong magawa ang
mga ito.
Kung ang
iyong buhay ay nagbabago – o dili kaya ay ninanais mong mangyayari ito, at
mayroon kang IsangIsip, IsangSalita, at IsangGawa
… ikaw ay isang tunay na Pilipino.
Ang tunay na Pilipino
… ay laging gumagawa ng kakaibang bagay mula sa
pangkaraniwan. Sadyang palangiti at puno ng pag-asa sa buhay. Humuhuni ng himig
at sumasayaw sa kalsada patungo sa kanyang gawain sa maghapon. Kapag nasulyapan
ang isang estranghero ay tumititig sa mga mata nito at bumibigkas ng pag-ibig
sa unang pagkikita. Paminsan-minsan, ang tunay na
Pilipino ay nagmumungkahi ng isang ideya na walang kaugnayan at
hindi pa nasusubukan, subalit matibay niyang pinapaniwalaan. May matibay na
pananalig at matatag na paninindigan na siya ay makakagawa ng malaking kaibahan
sa kanyang kapaligiran at pamayanan.
Ang tunay na Pilipino
… ay hindi natatakot sa liwanag at hindi nagkukubli
sa kadiliman. Hindi rin niya ikinahihiya ang matagal nang mga hinaing, at
maging mamangha sa mga bagong pagtuklas at imbensiyon. Kapag nadama niya na ang
panahon ay tama, iniiwanan niya ang lahat at tinatahak ang landas ng kanyang
pangarap na marubdob niyang ninanasa. Batid niya ang kanyang mga katangian at
kakayahan, at maging mga kakulangan at kahinaan. Kung nahaharap sa mga panganib
at balakid ay nakahandang umiwas at makipagtagisan kung kinakailangan.
Ang tunay na Pilipino
… ay hindi ikinahihiya ang kanyang pinagmulan, ang
lahi ng kanyang angkan, ang kulay ng kanyang balat, ay hindi lumilimot sa mga tradisyon,
mga kultura, at mga paniniwala ng kanyang bayan. Ipinagmamalaki niya ang
kanyang bansa at nagpupugay sa kanyang mga bayani. Mataimtim ang pananalig at
lubusang tagatangkilik at tagapagtaguyod ng lahat na mga bagay tungkol sa
pagiging Pilipino. Nakakintal sa kanyang puso ang bayanihan, may sariling kusa
at huwarang tagapaglingkod ng sambayanan.
Ang tunay na Pilipino
… ay may isang salita, hindi mapaghinala kundi
mapagtiwala, walang personalan at maging ang maling akala, bukas ang palad at
madaling kausap. Hindi balimbing at kaladkarin. Matibay ang mga prinsipyo at kahit
nag-iisa ay ipinaglalaban ang mga ito.
Sa Isip, sa Salita, at sa Gawa ay
IsangPilipino.