Wednesday, April 23, 2014

Pamantayan sa Usapan


Hindi kailangan na panghimasukan ang bawa’t pagtatalo 
kung walang paanyaya sa iyo.
Sa araw-araw nating pakikisalamuha sa maraming tao, bahagi na nito ang makasumpong tayo ng iba’t-ibang mga asal at kagawian. Bagama’t iniiwasan nating hatulan sila, ang magagawa lamang natin ay kontrolin ang ating mga sarili na huwag madamay pa sa kanilang mga kaugalian. Dahil naisin man o hindi  natin; mayroong mabuti, may masama, may maganda, may pangit, at katawa-tawa  na mga karanasan tayong natatamo mula sa kanila.  
  Narito ang 31 mahalagang mga leksiyon sa mga usapan na aking natutuhan at patuloy na pamantayan sa pakikiharap kaninuman:
  1- Huwag kalimutan ang kahalagahan ng matatag na unang impresiyon.
  2- Tiyakin na wala kang anumang pag-aalinlangan at nakahandang makipag-usap.
  3- Panatilihing nakangiti at nag-uukol ng kailangang atensiyon sa kausap.
  4- Maging malinaw, maikli, at may katapusan ang bawa’t pangungusap.
   5- Iwasan ang palinga-linga at tumitig sa mga mata ng kausap kapag nagsasalita.
  6- Palagiin na ipakilala ang sarili sa isang positibo, maganda, at ulirang personalidad.
  7- Maging mahinahon, magiliw, at matiyagang nakikinig sa usapan.
   8- Huwag patuloy na nagsasalita, tumigil, at pakinggan ang opinyon ng iba.
   9- Sabihin lamang ang mga totoo at aminin ang mga responsibilidad kapag inuusisa.
10- Ingatang nakapinid ang mga labi at ipakita sa aksiyon ang mga pananalita.
11- Gawing makabuluhan ang usapan nang walang personalan at anumang mga pang-uusig.
12- Iwasang ikuwento ang mga nakaraang kamalian at mga kabiguan. Mga pananakit lamang ito sa damdamin ng kausap.
13- Huwag ihalo sa usapan ang pribadong buhay at mga kapintasan ng sariling pamilya.
14- Tandaan na malaking kapahamakan ang laging naninisi ng iba. Sa halip ay magpatawad.
15- Maging maingat at gising kung saan patungo, ano ang intensiyon at ibubunga ng talakayan.
16- Iwasan ang maghinala at lalo na ang mag-akala, walang saysay ang patutunguhan nito.
17- Kung hindi nakaharap ang tao para ipagtanggol ang sarili niya, huwag siyang pag-usapan at idawit pa sa pagtatalo.
18- Huwag magpadala sa emosyon at kagalitan ang kausap kapag wala na ito sa katuwiran. Sa halip ay umunawa at payapain ang mga karaingan at mga pagkatakot ng kausap.
19- Manatiling masaya, may tawanan at kaibig-ibig sa bawa’t sandali ng pakikiharap sa iba. Pinahahaba nito ang ating mga buhay.
20- Pakaiwasan ang magalit sa kaharap, ipagkakanulo ka nito at mauuwi lamang ito sa alitan, nagiging sanhi pa ito ng mabigat na karamdaman.
21- Kung hindi na maganda at pasama na ang usapan, kaagad na putulin ito at baguhin na.
22- Ingatan na mahawa at makiisa sa dalamhati ng mga paninisi sa iba ng kausap.
23- Huwag sumagot, kung hindi ka naman tinatanong. Pagyayabang na lamang ito.
24- Pag-aralan ang pananalita, asal at mga gawi ng kausap kung magkakaugnay sa diwa ang mga ito.
25- Pakaiwasan ang humatol at magbigay ng sariling pahayag o komento; kung wala naman itong kinalaman sa usapan at pagsisimulan lamang ng panibagong argumento.
26- Maging makatao, walang kabuluhan at pagsasamantala ang magduyan at utuin ang kausap para kagiliwan ka nito at makuha lamang ang kanyang pagtitiwala.
27- Hindi isang negosyo at pagkakakitaan ang pakikipagkapwa, kundi isang salamin at pagpapakilala ng iyong tunay na pagkatao sa iba.
28- Huwag ipilit ang sariling katuwiran at manumpa para makuha lamang ang ninanasa. Isang matinding kalapastanganan ang gamitin at isangkot pa sa usapan ang Dakilang maykapal para lamang paniwalaan ang katuwiran. 
29- Kapag ikaw ay may kausap; pakaiwasan ang pumuna at pumintas, dahil ipinagkakanulo ka ng iyong mga inseguridad, kawalan ng pagtitiwala, at mga pagkatakot na siyang nagpapakilala ng iyong tunay na pagkatao.
30- Hangga’t kaharap ang kausap, maging mapayapa at mapanglunas ng kapighatian.
31- Palaging isipin na hindi ka mapapahamak ng mga salitang hindi mo kailanman na binigkas.

… Ang pinakamasaklap na sitwasyon ay kapag nais mo nang tapusin ang usapan at ang kausap mo ay ayaw tumigil at nanggagalaiti pa. Kaagad na mag-ingat, dahil kapag pumatol ka, simula na ito ng malawak pang mga pagtatalo. Ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga alitan, kundi ang abilidad na harapin ito nang may mga ngiti sa labi, umuunawa, at nagmamahal. Peryod.

Friday, April 11, 2014

Pahimakas



Ako ayPakinggan

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.
Kapag sa kalabuan ng aking mata ay nakabasag ako ng pinggan.
O, nakatapon ng sabaw sa hapag-kainan, huwag mo sana akong pagagalitan.
Dahil kahit ko pigilan ay maramdamin ako at madaling masaktan.

Maliit na ang mundo ng isang matanda…
Sa tuwinang sinisigawan, ay mistulang kaawa-awa.
Mahina na ang pandinig ko sa binibigkas mo ay hindi ko maintindihan.
Laging sinisisi at madalas na mabulyawan.

Ang mabuti ay pakisulat na lamang ang mga sinasabi mo.
Kung ako man ay uugod-ugod, ay pagpasensiyahan sana ako
Matanda na kasi ako, laging humihingal at mabagal kumilos,
Madali akong mahapo at mahina na ang aking mga tuhod.
.
Pagtiyagaan mo sana akong tulungan na makatayo.
Alalayan ako sumandali at madaling mahapo.
Tulad noong nag-aantalalan ka at nag-aaral na lumakad.
Nakabantay ako at sinasalo kita kapag nabubuwal ka.

Pagpasensiyahan mo din sana ako,
kung ako man ay nagiging makulit na.
At paulit-ulit na parang sirang plaka.
Ang hiling ko lamang ay makaunawa ka.

Nais ko lamang … na malaman mo.
At pakinggan ang hiling kong ito.
Huwag mo sana akong pagtatawanan,
o, pagsasawaan mang pakinggan.

Natatandaan mo pa ba noon, nang bata ka pa?
Makulit ka at nais mapasaiyo ang lahat ng ibig mo.
Kapag nais mo ng lobo, ay walang kang hinto,
At paulit-ulit sa akin nang iyong mga pagsamo.

Maghapon kang magmamaktol at mangungulit,
Hangga’t hindi mo nakukuha ang iyong ibig.
Gayunma'y, pinagtitiyagaan ko ang iyong kakulitan,
at bihira kong ipagkait anumang iyong maibigan.

Pagpasenyahan mo na rin sana ang aking amoy.
Masangsang na at sadyang amoy lupa pa.
Huwag mo naman sana ako ay pandirihan.
Pilitin na maligo at maglinis ng katawan.

Dahil mahina na ako at laging may sinat,
kapag nalamigan ay sakitin at nilalagnat.
Ayoko ko kasing mapulmunya at maabala ka pa.
Mahirap din para sa akin ang maging pabigat pa.
Siyanga pala, natatandaan mo ba noong bata ka pa?
Pinagtitiyagaan kitang habulin at hatakin sa ilalim ng kama.
Kapag ayaw mong maligo ay nagtatago ka.
Subalit hindi ako sumusuko at hinuhuli kita.

Pagpasensiyahan mo rin sana ako,
Kung ako nama’y masungit na madalas,
Dala na marahil ito ng aking pagkupas.
Masasakit ang kalamnan at namamanas.

At pahina nang pahina na ako sa mundong ito.
Pagtanda mo, ay maiintindihan mo rin ako.
Kapag may kaunti kang panahon para sa akin,
Pansinin naman ako at magkuwentuhan tayo.

Kahit sandali lamang ay masaya na ako.
Kasi nakakainip na sa bahay ang nagsosolo.
Walang makausap at laging namamanglaw.
Nakalimutan na ako at hindi nadadalaw.

Kung minsan naa-alaala ko,...ang Nanay mo.
Napapaluha ako hanggang sa mapansin ko,
umiiyak na pala ako at basa na ang larawan niya.
Ako'y namamanglaw at laging hinahanap siya.

Alam ko, anak,  na lagi kang abala sa trabaho mo
Kasi nasasabik na akong mayakap kitang muli,
At makausap kahit na sa ilang sandali.
Dahil kaligayahan ko na ang makita kita.

Sana, naman anak, pagbigyan mo na ako
Magkita tayo at magkuwentuhan naman tayo.
Ka-kahit hindi ka na interesado pa sa mga kuwento ko.
Sana naman ay mapagtiisan mo ako.

Natatandaan mo ba anak noong bata ka pa?
Tuwang-tuwa ka sa aking mga istorya.
Pinagtitiyagaan mong pakinggan at intindihin,
Lalo na kapag tungkol sa prinsesa at mga bituin.

Hiling mo lagi ay kuwentong tsikiting.
Tuwang-tuwa ka at sinasaliwan mo pa ito ng kanta.
Kumekendeng-kendeng ka at tawa nang tawa.
Hanggang sa makatulog ka sa sobrang saya.

Sana… laging nariyan ka sa aking tabi.
Kapag dumating ang sandali at ako ay magkasakit,
may mabigat na karamdaman at nakaratay sa banig.
Sana ay huwag kang magsawa sa akin na mag-alaga.

Pagpasenyahan mo din sana. . .
Kung marumihan ko ang kumot at kama.
Kahit ako ay mahina na, … ay pipilitin ko,
na mag-ingat, huwag ka na lang magalit pa.

Ang munti ko lamang na kahilingan…
ay pagtiyagaan mo sana akong bantayan,
sa mga huling sandali ng aking buhay.
Kinakapos na ako at hindi na magtatagal.

Sakalimang dumating na ang aking pagpanaw,
Nais ko lamang sana ay nasa aking tabi ikaw.
At magkahawak na mahigpit ang ating mga kamay.
Kailangan ko kasi ang iyong pagdamay.

Upang makayang harapin ang aking kamatayan.
May ngiti sa aking mga labi at nasisiyahan.
Huwag kang mag-alala kapag ako ay naroon na,
At ang Dakilang Lumikha ay makaharap ko na.

Masaya kong ibubulong ito sa Kanya,
Na ikaw ay pagpalain at patnubayan sa tuwina.
Dahil naging matulungin at mapagmahal ka,
na nagpaligaya sa iyong ama at ina.

 Anak ko,  . . . Mahal kita.

Tuesday, April 08, 2014

Maikling Kasaysayan ng Buhay

Sino ang taong nakaharap sa iyo sa salamin, at sino naman ang nag-oobserba sa iyo at ng repleksiyon mo sa salamin?

Narito ang isang maikling kasaysayan ng buhay na madalas na nagaganap sa atin. Mabagal na basahin at limiin ang tinutukoy ng mga kabanatang ito sa tunay na mga pangyayari sa ating buhay. Makikilala natin kung sino ang natutulog, nagtutulog-tulogan, at tahasang tulog sa pagharap sa buhay.
   Hangga’t iniiwasan natin na humarap sa salamin, at titigan nang maigi ang taong nakaharap sa atin, mananatili tayo na nakatingin sa mga tao o sa mga sitwasyon para may mapagbalingan ng paninisi. At hindi kataka-taka na patuloy din ang natatanggap nating paulit-ulit na resulta o kakahinatnan. Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag ito ay naulit ay hindi na ito pagkakamali, ugali na ito, at kung umulit pa, bisyo na ito. Sapagkat walang pagbabago hangga’t walang binabago.

Unang Kabanata
Naglalakad ako sa daan.
Mayroong isang malalim na balon sa tabing daan.
Nahulog ako.
Naligaw ako. . . Walang makatulong sa akin.
Hindi ko kasalanan ito.
Magpakailanman kong hahanapin ang paraan upang makaahon.

Pangalawang Kabanata
Naglalakad ako sa daan ding ito.
Mayroong isang malalim na balon sa tabing daan.
Nagkunwari ako na hindi ito nakikita.
Nahulog muli ako.
Hindi ako makapaniwala na ako ay napadaan muli dito.
Subalit hindi ko kasalanan ito.
Mahabang panahon din ang kailangan upang ako ay makaahon.

Pangatlong Kabanata
Naglalakad akong muli sa daan ding ito.
Mayroong isang malalim na balon sa tabing daan.
Naroon ito at nakikita ko.
Nahulog pa rin ako. . . isa na itong ugali . . . subalit,
nakadilat ang aking mga mata.
Nalalaman ko kung nasaan ako.
Kasalanan ko ito.
Mabilis akong umahon.

Pang-apat na Kabanata
Naglalakad na naman ako sa dating daan na ito.
Mayroong isang malalim na balon sa tabing daan.
Paikot ako na naglakad at lumisya.

Panglimang Kabanata
Naglakad ako sa kabilang daan.

Kung kikilalanin ang ating malaking pananagutan sa mga kamaliang ito, at naghahangad tayo na malunasan ang mga ito, kahit gaano man kahapdi, kailangan at puspusan nating itinatama ang mga ito, upang mapabilis na magawa ang makabuluhang pagbabago sa katuparan ng ating mga pangarap.