Ano ang Kahulugan ng katagang KALAYAAN?
Ang Kalayaan
ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung mayroon ka nito,
walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at nilalayon sa
buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na magpapaunlad at
magpapaligaya sa iyo. Malaya kang lumikha, humimok, magtatag, at
magsagawa ng mga makabuluhang bagay sa ikakaunlad ng iyong sarili, mga
kasamahan, at maging ang iyong pamayanan. Wala kang magiging anuman na
agam-agam o inaala-ala, maging maliit o malaki man, sa paggawa ng mga
ito. Mapayapa, mahusay, at maligaya ka sa pagtupad ng mga tungkulin
bilang masunuring mamamayan.
Ang pagiging malaya ay isang katangian
ng pagiging makapangyarihan, may sariling kapasiyahan nang walang
anumang pinapangambahan, hindi nakasandig, umaasa o nakatali sa iba,
matatag at taas noong ipinaglalaban ang pansariling kapakanan at
kagalingan para sa lahat. Walang nangingibabaw o nakapangyayari sa iyong
mga karapatang pantao. Hindi ka naghihinala, nangangamba, o maging
natatakot man sa iyong kapwa sa sariling lipunang ginagalawan, at higit
na nag-aalala sa uri ng iyong pamahalaan.
Sa kabubuang lahat, ang wastong katawagan nito ay KASARINLAN.
Nagsasarili, may natatanging kapasiyahan, paninindigan, taas noong
humaharap sa iba nang walang nagsusulsol o sinusunod, at walang bahid ng
anumang pag-aalinlangan.
Ito nga ba ang siyang nagaganap sa ating minamahal ng bansang Pilipinas? Totoo o tunay bang tayo ay may kasarinlan?
Kung matiwasay ang iyong kalooban, hindi
mo lalagyang ng katakot-takot na kandado ang iyong mga pintuan, ang
padilimin ang iyong mga durungawan ng mga rehas na bakal na mistulang
nakabilanggo ka sa iyong tahanan. At sa iyong araw-araw nang pagpasok sa
trabaho at pagganap ng tungkulin, hindi ka nangangamba sa mga taong
kahalubilo mo na ikaw ay mabiktima ng kanilang mga karahasan.
Subalit kung ganito ang nananaig sa iyong
mga ligalig, pagkatakot, mga pangamba, at kawalan ng katarungan sa
iyong kapaligiran . . .
Hindi ka Malaya
Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina,
hindi ka malaya. Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa,
hindi ka malaya. Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan,
hindi ka malaya.
Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng
karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga
pagkakataon,
hindi ka malaya.
Hangga’t may inaapi at may nang-aapi, may mga kabuktutan, mga
katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang
katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang
mapasukang trabaho at mga pagkakataon,
hindi tayo malaya.
Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa
isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang
makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa
kamahalan, hindi ka malaya.
Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At
ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala
ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa
iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo.
Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan. Hindi ka malaya.
Lahat ay may katumbas na pagod, panahon,
pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito,
tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.
Sa isang bansa na tulad ng sa atin, sa tuwing sumasapit ang “Araw ng Kalayaan” ang ating pamahalaan ay mistulang isang bugaw (pimp) na nagkukumahog na ipangalandiri ang ating bansa na kawangis ang isang pampan (prostitute).
Hindi ba nila nababatid na ang paghihimagsik na sinimulan ni Gat Andres
Bonifacio at tinutulan ni Gat Jose Rizal ay hindi pa tapos? Noong
tayo’y magwagi laban sa pamahalaang Kastila, pumalit naman ang mga
Amerikano at sila naman ang ating nakalaban. Dahil sa panghihimasok na
ito, nasangkot tayo sa digmaang Hapon at Amerikano.
Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?
Hindi natin malilimot ang kabuktutan
ginawa ng mga Amerikano sa malakihang pagpatay sa Kalookan, sa Balangiga
ng Samar, sa katampalasanan sa Isabela, taksil na pagpatay kay Heneral
Makaryo Sakay, at sa marami pang iba. Hindi ba ito alam ng ating mga"kagalang-galang" na mga punong-bayan? Mga gising ba silang nagtutulog-tulugan? Mahirap talagang gisingin ang mga nagtutulog-tulugan.
"Ow, natapos na ito. Noon pa 'yon, nakaraan na. Bakit paksa pa rin ngayon." Ang
tanong ng nakabasa nito. Tumugon ang kasama niya, "Dahil may
nagpapahirap pa rin sa atin. Ito ang may kontrol sa ating kabuhayan at
pumipigil sa pag-unlad ng ating mga industriya. Mga dayuhang banyaga pa
rin ang nasusunod sa ating lipunan." "Oo nga naman," ang pakli naman
noong isa, "Noon, pumapangalawa tayo sa Hapon sa kaunlaran sa katimugang
Asya, ngayon naman kulelat tayo sa lahat." Sumabad ang isa pa nilang
kasamahan, "Pero, pagdating naman sa pangungurakot at corruption, number one tayo sa buong Asya! . . . di bah?"
Ang makalimot sa kasaysayan ay isang kataksilan, sa pag-uulit muli ng dating kapahamakan.
Na ang ipangkaloob sa atin noong 1946 na kalayaan daw ng mga Amerikano(July 4, same date of their independence) matapos
ang digmaan laban sa Hapon, ay isang huwad at hindi makatarungang
pananamantala ng isang makapangyarihang bansa laban sa winasak at
binusabos na bansang Pilipinas. Gayong “Open City”ang Maynila, dinurog
nila ito at ganap na winasak. Pagmamalaking sagot ng isang tagabombang
sundalong Kano, kung bakit patuloy nilang binobomba ang Maynila na
pumatay ng maraming sibilyan, gayong wala ng labanan at sumuko na ang
mga Hapon, “Ito ang utos ng mga
nakakataas sa amin, at ang mga bomba ay hindi na namin maibabalik pa.
Kailangang ihulog ito upang magaan kaming makabalik sa aming paliparang
barko (aircraft carrier).”Ang balikwas na tugong patanong ng reporter (mamamahayag) na nagtanong, “Bakit hindi ninyo na lamang inihulog sa dagat ang mga bomba?”
Pinalitan natin ang ika-apat ng Hulyo ng
mga Amerikano, ng ika-12 ng Hunyo, bilang pagdakila sa tunay na petsa
sa “Araw ng Kalayaan” ito’y nang ipahayag sa Kabite ang unang Republika
ng Pilipinas. Ngunit pansamantala lamang ito, ang sumunod na kaganapan
ay sagupaang Pilipino at Amerikano noong panahon ni Heneral Emilio
Aguinaldo.
Hanggang ngayon ay patuloy ba ang
paglalaban. Ang sinimulang himagsikan noon ay nagaganap ngayon. Dangan
nga lamang, ibang kaparaanan naman ang tunggalian. Ang pagkontrol sa
ating kabuhayang bansa at ang pagpigil sa maging malawak ang mga
industriya nito. Bagama’t napaalis natin ang mga base militar ng mga
Amerikano sa ating bansa, patuloy naman silang narito. Pakita lamang sa
publiko ang hindi hayagang pakikialam, ngunit patuloy naman ang
pagpapadala ng kanilang mga kawal at humihimpil sa iba’t-ibang panig ng
ating kapuluan, lalo na sa katimugang Mindanaw. Nilapatan ito ng
paimbabaw na taguri, “Balikatan” isa daw na pagsasanay militar ito.
Para saan ito, sino ba ang ating mga kaaway? Kanino ito inihahanda? Sa
labas ba ng ating bansa, wala tayong kakayahan para dito? O, sa loob
mismo ng bansa natin ito inihahanda, para doon ba sa mga nagigising na
mga Pilipino?
Hindi katakataka ang walang awa at pataksil na pagpatay ng mga tauhan ng pamahalaan sa mga kababayan nating may makabayang layunin.
Sa halip na pahalagahan dahil ipinaglalaban nito ang mga karapatang
pantao ng mga nakakarami,ay pinupuksa nila at pinipilit na itago ang
katotohanan sa ating lipunan.
Upang maging makatotohanan ito, sumulpot
ang hindi matalo-talong maliit na pangkat ng Abu Sayyaf at nagpatuloy
ang katigasan ng lulubog-lilitaw na NPA o BHB, Bagong Hukbo ng Bayan.
Na ginagamit sa mga halalan at panakot sa mga mamamayan. Sino ang nasa
likod ng mga ito, na patuloy na tumutustos? Saan nila kinukuha ang
kanilang mga makabagong armas? Sino ang tunay na may kapangyarihang
nagpapasunod sa kanila? Sino ang may pakana ng mga kahina-hinalang mga
pagpapasabog ng bomba sa Kalakhang Maynila at Mindanaw? Bakit mistulang
patapon o para sa pagpapakamatay lamang ang mga karaniwan nating kawal,
sa bala at bomba ay laging mintis, mumurahing kagamitan, at sa mga
pagsasanay ay laging kinakapos? Ito ba'y tahasang sinasadya, at maging combat shoes ay yari lamang sa suwelas na karton na kapag nabasa ay natatanggal?
Sino ang talagang nakikinabang sa mga kaganapang naghahari sa ating lipunan?
Humalili at patuloy ang mga dating naghaharing-uri, sila rin noong panahon ng Kastila, Amerikano, Hapon, (collaborators) at
hanggang ngayon, sila pa rin ang namamayani sa lahat ng kabuhayan, mga
negosyo, ari-arian, at pagpapatakbo ng ating pamahalaan. Kung sila ay
mga tunay na Pilipino, sa halip na umunlad tayo, bakit lalo lamang
tayong naghihirap? Palaki at hindi paliit ang agwat ng mayayaman at mga
mahihirap? Kailangan pa bang umalis ng bansa ang marami sa atin (pati
ako) at magpaalipin sa mga banyaga? Ito ba ang kalayaang Pilipino na kailangan nating ipagdiwang tuwing ika-12 ng Hunyo?
Malaya nga ba tayo? Sino
ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at
namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin
lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng
awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa
iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga
kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang
sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang
magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang
ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri?
Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanunging mo
ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol
nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang
nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.
Isang katotohanang hindi mapapasubalian:
Ang pananatili ng PMA (President’s Military Academy, the real name; and not Phil. Military Academy, a misnomer),
gayong hindi naman tayo imperyalistang bansa na nagpaparami ng
sinasakop na mga bansa, ay mayroon tayong dalubhasang pamantasang
militar na kinopya sa West Point ng
mga Amerikano. Taun-taon marami ang nagtatapos dito sa pagka-dalubhasa,
subalit matinding nakapanlulumo at kahina-hinakit, isang pangkat lamang
na tulisan o terorista, hindi nito matalo. Para saan ang malaking salaping ginugugol sa pananatili nito? Para kanino? Para sa taong bayan? Ang supilin ang mga makabayang layunin na nagtataguyod para sa kaunlaran ng bansa.
Ito ang tunay na nangyayari sa ating bansa.
Marami ang heneral at mga pinuno kaysa mga kawal sa ating militarya o
sandatahang lakas. Sa sobrang dami, halos lahat ng matataas na puwesto
sa mga departamento at maging gabinete ng pamahalaan ay hawak nila.
Walang pagbabago, bagkus lalong lumalala ang mga katiwalian kapag sila
ang may hawak sa panunungkulan. Sinumang nagiging Pangulo ng ating bansa
ay malaki ang pagtakot sa kanila, nakayukod ang ulo at sunod-sunuran sa
kanilang mga kagustuhan. Pati na ang pagiging mga sugo o kinatawan (Ambassadorship) sa
ibang bansa ay nasalaula na rin ng mga nagretirong heneral. Ang
kanilang pinag-aralan ay kung papaano ang pumatay at mamamatay sa
digmaan. Ang ipagtanggol ang sambayanan, hindi ang magnegosyo at
magpayaman sa puwesto, mandaya sa halalan, at patayin ng pataksil at
walang kalaban-laban ang mga nagpapahayag ng karapatang pantao.
Kabila-kabila ang mga kaso ng kanilang mga pagnanakaw, pagpapayaman, at
ang pagpapanatili nila sa puwesto ng mga bayarang pinuno ng bayan,
magmula sa Pangulo ng bansa hanggang sa Kapitan ng Barangay. Ang PMA ay
nagpapatuloy para sa naghaharing-uri sa ating bansa. Hindi ito para sa
bayan, tulad ng mapait na katotohanang nangyayari sa ating bansa, noon
at magpahanggang ngayon.
"Ow," sabat na naman nitong katabi ko, "Wala na bang natira sa mga heneral na nanggaling sa PMA na matino at makabayan?" Bigla ang tugon ng isa naman, "Wala na, kung mayroon man, may busal ang bibig at may laman ang bulsa." Susog ng pangatlo,
"Totoo 'yan, kung mayroon man, kahit iilan, lalantad sila at lalabanan
ang mga kabulukan sa militar, ang pandaraya at pakikialam nito sa
halalan." At pagwawakas pa, "Wala ng matino sa kanilang lahat,
kaya nga nagpapatuloy ang kabuktutan at kalagiman sa ating bansa. Dapat
buwaging na ang PMA, hindi ito para sa sambayanan, pampahirap lamang
ito. Isa pa, saan natin gagamiting digmaan ang mga napakaraming heneral
na ito kundi ang sugpuin ang ating sariling mga makabayang mamamayan."
Patotoo o pruweba para dito? Magbasa lamang sa ating mga
pahayagan, sa mga balita sa telebisyon at mapapatunayan mo ito, kaya
lamang ibayong pamamanglaw ang sasaiyo matapos mong mabatid ang mga ito.
Kasuklam-suklam na ang lahat. Wala na bang magagaling at matitino sa
Pilipinas at halos pawang mga heneral ang mga namumuno ngayon sa
pamahalaan. Mistula ng garison ng militar ang ating bansa. Sino ang
makakalimot sa mga pangalang ito, Palpalan, Esperon, Ligot o si "Limot",
Garcia, Reyes at napakarami pang iba, napakahaba ang listahan. Ang
nakagigimbal pa, mayroong full military honors and gun salute at
karapatang mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Dahil bayani ngayon ang
magnakaw. Mayroon pang isang matinding magnanakaw at dating panggulo,
marami itong pekeng medalya at nais ding mailibing at matawag na bayani.
Pinagtatalunan ngayon kung ang pagiging diktador at masibang pagnanakaw
nito ay kailangang ipagbunyi at parangalan. Marami ang kamag-anak at
kawangis na buwaya sa kongreso ang pumirma upang mangyari ito. Bakit
hindi na lamang alisin ang "mga" at "i" sa Libingan ng mga Bayani at
tawaging Libingan ng Bayan ito. O, dili kaya... para masaya ang lahat,
ang tamang tawag ay Libingan ng mga Magnanakaw.
Hangga’t umiiral ang mga ito sa ating bansa,
HINDI KAILANMAN, TAYO . . . MAGIGING MALAYA !
Isa lamang pang-uuto at pagtatakip ng
mga nakapanlulumong huwad ang mga parada sa “Araw ng Kalayaan” ooops,
mali pala ito, ang tumpak na taguri ay “Araw ng Kataksilan”
na ginaganap sa Rizal Park at sa maraming dako ng ating kapuluan.
-----------------------------------------------
Siyanga
pala, bago ko malimutan. Mariing pinabulaanan ng pangalawang
tagapagsalita sa Palasyo ang tungkol sa ginanap na "Araw ng Kalayaan" kuno, na
kung saan, ang watawat na iwinagayway ni Penoy na may mga letrang K.K.K. ay hindi pala tungkol sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio na "Kagalang-galangan at Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" bagkus ay K.K.K. o ang pansariling katipunan ng mga naiibigan at kinagigiliwan ni Penoy, ito ay ang mga:
Kapamilya (dynasty), Kakampi (Liberal Party mates), Kaklase (classmates), Kabarilan (shooting buddies), Kakilala (Acquaintances), at Kabaklaan (sexcapades).
Bilang
paglilinaw sa naunang pahayag ng kasamahan nila na pangunahing
tagapagsalita, na sinang-ayunan naman ng pangatlong tagapagsalita ng
palasyo. Ito, ayon sa mapag-kakatiwalaang ulat, ay isang paliwanag mula
sa katatanggap pa lamang na pang-apat na tagapagsalita na magsisimula
bukas.
Bagamat ilang araw na lamang ay matatapos na ang ating paghihirap sa "Matuwad na Daan" ng Administrasyong Penoy AquiNO.