Higit na may pagpapala ang nagbibigay, kaysa nanghihingi.
May isang kabataan na estudyante sa Balanga Community College ang naglalakad
na kasabay ng kanyang propesor sa pilosopiya. Tinagurian ang propesor na "kaibigan
ng mga mag-aaral" sa kanyang kabaitan at pagiging maunawain sa kanyang
mga estudyante.
Sa kanilang
paglalakad, naparaan sila sa isang ginagawang bahay at sa labas nito ay may
punongkahoy. Nakita nila ang nakasabit na damit sa mababang sanga,
at sa ibaba ng puno ay may isang pares ng sapatos. Naisip nila na ito’y
kasuotan ng isa sa mga karpinterong gumagawa sa loob ng bahay. Dahil dapithapon
na, matatapos na sa ginagawa ang karpintero at uuwi na ito.
Mabilis na nagpasiya
ang estudyante at nagpahayag sa propesor,
“Maestro, magandang pagkakataon ito na maging halimbawa sa ating talakayan
tungkol sa “Pagtulong sa Kapwa.”Ating paglaruan at subukang itago ang mga sapatos at magtago din tayo. Alamin
natin kung ano ang gagawin ng may-ari, kapag hindi niya nakita ang kanyang mga
sapatos. At kunwari ay tutulungan natin siya sa paghahanap ng kanyang sapatos.”
“Aking
batang kaibigan,” ang tugon ng propesor, “huwag nating gawing libangan ang
kasiphayuan ng mga dukhà. Subalit ikaw ay nakakariwasa, magagawa mong lalo tayong masiyahan
pati na sa mahirap na taong ito, kung maglalagay ka ng pera sa bawat sapatos,
at tayo ay magtatago sa talahiban. Mula doon ay panoorin natin kung ano ang
magagawa nito para sa kanya.”
Naglagay ng tig-iisang
limampung pisong papel sa bawat sapatos ang estudyante. Kasama ang propesor ay
nagtago sila sa kalapit na talahiban. Maya-maya pa ay lumabas na ang
karpintero, hinubad ang maruming kasuotang panggawa at isinuot ang kanyang
damit, subalit nang ipinapasok niya ang kanyang paa sa
isang sapatos ay nasalat nito ang pera. Kinapa at inalis niya ito mula sa
sapatos nang magulat ito sa hawak na limampung piso. Pinagmasdan niya itong
maigi, binaligtad, at sinuri nang maraming ulit. Tumingin sa kanyang
kapaligiran at nang walang makitang tao na mapagtatanungan tungkol sa pera, ay
masaya itong ibinulsa. At ipinagpatuloy ang pagsusuot sa isa pang sapatos.
Laking gulat muli nito nang makakuha ng isa pang limampung piso. Hindi na
nakayanan pa ang nadaramang kagalakan at bigla itong napaluhod; pinagdaop ang
mga kamay at tumingala sa kalangitan, at bumigkas nang malakas at walang
hanggang pasasalamat sa biyaya na kanyang natanggap--sa magagawa nito sa
kanyang asawang maysakit na naghihirap at hindi makabangon, sa mabibiling
tinapay na mapapakain sa kanyang nagugutom na tatlong anak, at sa mabibili
nitong kaunting pagkain na mababaon niya kinabukasan sa pagpasok muli sa
kanyang trabaho. Anupa’t tigib sa luha itong nagpapasalamat sa hindi nakikitang
kamay na tumugon sa mga karaingan ng kanyang pamilya.
Mula sa kanyang
kinalalagyan ay hindi makahuma ang estudyante sa narinig at nasaksihan.
Damang-dama niya ang sumasapusong damdamin ng karpintero. Napansin na lamang ng
estudyante na siya man ay lubos na napaluha nang punasan ng propesor ang kanyang
mukha na nabasa ng luha.
“Ngayon,” ang bigkas ng propesor habang
tinitiklop ang ipinunas na panyo, “hindi
ba higit kang naliligayahan sa iyong nagawa kaysa paglaruan natin siya
sa isang pagsubok?”
May kagalakang sumagot
ang mag-aaral, “Ang karanasang naituro
ninyo sa akin ngayon, kailanma’y hindi ko na malilimutan. Nadarama ko ang
katotohanan, na noon ay hindi ko ganap na nauunawaan: “Higit na pinagpapala ang magbigay
kaysa ang manghingi.”
--------------------------------
Ibigay mo nang may pagmamahal ang
anumang mayroon sa iyo, at ibayong higit pa ang iyong makakamtan. Ito ay
nasusulat at tunay na nagaganap sa araw-araw ng ating buhay. Wala nang hihigit
pang ligaya sa karanasang nililikha ng paglilingkod sa kapwa. Sapagkat kung
wala kang itinanim, wala ka ding aanihin. Nasa pag-iimpok kung nais mong may
madukot. Maibibigay mo lamang ang mga bagay na mayroon ka.
At pakatandaan: Makapagbibigay ka ng walang pagmamahal, subalit hindi mo
magagawang magmahal nang hindi ka magbibigay.