Saturday, April 25, 2015

Matamang Pananalig

Isaayos ang mga bagay na may makabuluhang kakahinatnan.

“Doon sa mga sumusunod sa kawastuan at kaawaan ay matatagpuan ang buhay, katumpakan at kadakilaan.”  Mga Kawikaan 21:21

Ang tahakin ang landas ng pananalig ay hindi madali at maayos. Sa katotohanan, batbat ito ng mga balakid at mga pagsukò. Ang mga pakikibaka at kaakibat nitong mga suliranin na susuungin ay sadyang napakahirap at nakapagpapahina ng kalooban. Kailangan lamang na tratuhin ang mga yugyog at untog nito bilang positibong mga paalaala at pagsubok upang arukin kung tunay at dalisay ang nasa iyong puso.
   Ang pananalig ay pagsasaayos ng mga bagay na umaalipin at naglalayo sa iyo sa liwanag, ay kailangang mawakasan na. Hanggat patuloy na nakapikit ang iyong mga mata at matigas na ipinaglalaban ang iyong mga maling paniniwala sa tunay na kahulugan ng buhay, patuloy din ang kapangyarihan ng kadiliman sa pagbulag sa iyo para alipinin ka habang-buhay.

   Huwag matakot at maligalig sa mga yugyog at untog sa buhay, bahagi ito ng patuloy na paggising sa iyo para magbago at tahakin ang tamang landas na nakalaan para sa iyo.


Tunay na Kaligayahan

Anumang ating iniisip, ito ang ating gagawin at lilikhà ng ating kaganapan.

Upang mapanatilì ang hindi nagbabagong katamisan ng pakiramdám at mapayapang isip, isaisip lamang ang mga kaisipang dalisay at magiliw, at maging masaya sa tuwinà sa lahat ng pagkakataon, --ang ganitong pinagpalà na mga kundisyon na kalakip ang kagandahan ng pagkataó at pagdadala ng buhay ang siyang nararapat na pagtuunán ng lahat, at lalung-lalo na doon sa mga nagnanais na mabawasán ang kapighatiáng umaalipin sa mundo.
   Sinuman na mabigong itaás ang kanyang sarili sa ibabaw ng kagaspangán, kalaswaán, at kapanglawan, siya ay sadyang nalilihis sa tamang daan at nasasadlàk sa pagdadalamhatì. Hanggat patuloy na inaaliw niya ang kanyang sarili sa mga negatibo at nakakalasong mga pag-iisip, mga haka-haka at mga pag-aakalà, kailanman ay hindi niya magagawang makatakas sa bilangguan ng pagdurusá. Mistula siyang nakalublob sa kumunoy at unti-unting lumulubog upang hindi na makaahon pa.

   Subalit siya na patuloy na nabubuhay na may mabuting pakikitungò kahit kangino, umuunawà at hindi lumilihis sa matuwid na daan, siya ay mananatiling maligaya. Sa bawat araw, patuloy na nangingibabaw ang kanyang ulirang pagkatao, nananatiling mapayapa at malaya sa mga pagdurusá.


Hinog na Bunga

Anumang bagay kapag hinog na, makakatiyak ka sa taglay na kalidad nito.

Ang matamis at masayang pakiramdam ay maitutulad sa isang hinog na prutas, maging mangga o ubas man ito. Isa itong hinog na karanasan at kawatasan na nagpapaypay ng halimuyak at impluwensiya sa mga nakakaamoy at laging nagpapasaya sa mga pusong mapanglaw. Marami ang hindi nakakabatid na ang pagiging magiliw, masigla, at masayahing tao ay nakakahalina at nakakahawà. Tulad ito ng isang batu-balani na umaakit upang dumikit ang may katulad na kaisipan. Subalit itinataboy yaong mga salawahan, mapag-balatkayo at mga kaaway na lihim.
   Ang ating kapaligiran kailanma’y hindi balakid at mahirap na pakisamahan. Anumang suliranin na nakakaharap natin ay isang paghamon upang tayo ay tulungan na may matutuhan para maging matibay at matatag na matupad ang ating mga pangarap. Ang mga ito ay mga leksiyon na kailangang maipasà, para makaahon sa kinalalagyan. Hindi sa pag-iwas o pagtakas kundi sa pagharap at pakikibakà, tayo ay natututó, tumatalino, at nahihinog.

   Kung sakalimang kinahumalingan na ang umiwas kapag naiipit o nahihirapan, hindi ang kapaligiran o sinuman ang may kasalanan, bagkus humarap sa salamin at unawain ang taong nakatingin, dahil ito ang sanhì  kung bakit ka lugamì at patuloy sa pamimighatì. Kailanman ay hindi ka mahihinog at magiging perlas kung patuloy na sarado ang iyong isipan at ayaw tumanggap sa reyalidad na nagaganap sa iyong kapaligiran. Sa halip na umunlad patuloy ang iyong pag-urong at pagkapanis. Imulat ang mga mata sa katotohanan kung nais ng mga pagpapala.

Mga Lason sa Isipan

Hanggat inaaliw mo ang mga paniniwala na lumalason sa iyo, makakatiyak ka sa habang-buhay na pagdurusà.

Kawalan ng pag-asa, karaingan, pagkabalisà, at reklamó, pagpunà, paninisi, pakikialam, pagkondena, at mga paghihimutok sa buhay – ang mga ito ay tahasang paglason sa katinuan ng isipan. Sa patuloy na pagkahumaling sa kaisipang tulad ng mga ito, hindi kataka-taka na kasunod nito ang malulubhang mga karamdaman patungo sa kamatayan. Isa itong indikasyon ng maling mental na kundisyon, at doon sa mga dumadanas nito, kailangang lubayan na at iwasang aliwin pa ang mga sarili sa kahibangang ito. Sapagkat isa itong kanser na siyang unti-unting papatay sa sarili.
   Ang mundo ay patuloy sa pag-ikot, ang araw ay patuloy sa pagsilay, ang gabi ay patuloy sa paghimlay, anupat kahit huminto ka at anuman pa ang iyong gawin, ang mga ito ay hindi ka hihintayin. Marami tayong kailangan sa mundong ito, ngunit hindi kasama ang mga kasawian at kapighatian para pahirapan ka. Ang kailangan at siyang nararapat ay tahasang harapin at tamasahin ang kasiglahan, kagiliwan, at kasiyahan.
   Hintuan na ang kahangalan sa pagpapahirap sa sarili ng mga kapanglawan at mga karaingan sa buhay. Iwasan na ang mga daing at mga reklamo; takasan na ang mga paghihimagsik at kawalan ng pag-asa, tapusin na ang mga kabuktutan ng iba at magsimula nang mabuhay na malaya mula sa mga kamalian, mga kabiguan, at mga kapalaluan para lamang masunod ang mga kagustuhan ng iba.

   Kung nais mo ng katotohanan, maging totoo at tunay ka sa iyong sarili, at ang lahat sa iyong kapaligiran ay aayon sa iyo. Kung may paggalang ka sa sarili, ikaw ay igagalang din ng iba. Maging masayahin ka, at lahat ng nakapaligid sa iyo ay magiging masaya. At doon sa ayaw makisama sa iyo, hanggat maaga pa, ay iwasan na sila. Dahil naghahanap sila ng kanilang kauri para malunod din na katulad nila, wika nga,“Misery loves company.” Magagawa mong baguhin ang lahat ng bagay sa iyong paligid kung magagawa mong baguhin ang iyong sarili.


Kilalanin ang Sarili

Makakabuting alamin natin muna ang ating mga sarili, kaysa simulang makialam sa iba.
Isang maestro karpintero na kasama ng kanyang mga katulong ang naisipang akyatin ang bundok ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, sa paghahanap ng troso na magagawang tabla. Nakakita sila ng dambuhalang punong-kahoy; kahit na maghawak kamay ang limang katao at paikutang yakapin ang puno hindi pa rin nila mapagdugtong ang mga dulo ng kanilang mga kamay. Sadyang nakakalula ang laki ng puno at halos maabot na ang ulap sa pinaka-tuktok nito.
   “Huwag na nating pag-aksayahan pa ng panahon ang punong ito,” ang utos ng maestro karpintero. “Mauubos ang ating oras, at kailanman ay hindi natin mapuputol at maibubuwal ang puno na ito. Kung nais nating gumawa ng bangka; sa laki at bigat ng punong ito, tiyak lulubog lamang ang bangka. Kung ang gagawin naman natin ay gusali, kailangang tibayan nating maigi ang mga dingding, bubungan, at mga haligi para lalong tumibay. Iwanan na natin ang punong ito, dahil kung ito ang ating uunahin, wala tayong matatapos.”
   Nagpatuloy sa paghahanap ng kailangang troso ang grupo, nang magpahayag ang isang kasamahan, “Sayang naman ang malaking puno na iyon kung walang kabuluhan kahit kanino.”
   “Diyan ka nagkamali,” ang pakli ng maestro karpintero. “Ang punong-kahoy na iyon ay tunay sa kanyang naging kapalaran. Kung siya katulad lamang ng iba, matagal na siyang naputol at naging troso. Dahil may naiiba siyang kagitingan at katapangan, nagawa niyang maging kakaiba, at mananatili siyang buhay, nakatayo at lalong malakas sa mahabang panahon.”

   Nasa ating pagturing sa ating sarili kung nais nating maging agila sa himpapawid o maging ibong pipit na nagtatago sa matinik na siit. Nasa ating mga katangian at mga kakayahan kung anong kalidad sa buhay ang nais nating marating. Hanggat nakatingin at naghihintay sa iba, mananatili kang kopya at pamunasan ng iba.

Kapalaran o Kaganapan?

Kung hindi ka kikilos, ikaw ang kikilosin ng iba.

Mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng bulag na kapalaran at landas ng personal na kaganapan. Naisin man natin o hindi, nagkamulat na lamang tayo na may mga kamag-anak. Nagkaroon tayo ng mga magulang na hindi natin pinili at kapaligiran na nagpalaki sa atin. Ito ang kapalaran na itinakda para sa atin. Subalit nang tayo ay magkaisip, may kapangyarihan naman tayo na piliin at pagpasiyahan ang istorya ng ating magiging buhay; ang ating personal na kaganapan.
   Kapag kapalaran ang pag-uusapan, wala tayong kapangyarihan o kalayaan na makontrol ito. Mistula tayong mga robot na de susi na pinakikilos ng tadhana. Subalit sa personal na kaganapan, mayroong tayong misyon na kailangang tuparin; ang manifestasyon ng pagkakalitaw natin dito sa mundo. Dito nakatuon kung sino ikaw, ano ang iyong mga naisin sa buhay, kung saang direksiyon ikaw patungo, at kung papaano mo makakamtan ang mga ito. Sapagkat walang katuturan ang mabuhay pa kung hindi mo pinaglimi ang sariling buhay.

   Kung ang iyong mga hangarin ay nakabaon at naglalagablab sa iyong kaibuturan, ang Sansinukob ay makikiisa sa iyo. Subalit kung ikaw ay patama-tama at may padaskol na pamumuhay ito rin ang iyong kasasadlakan. Lagi lamang tanungin ang sarili, kung gaano na kalayo ang narating mo sa paglalakbay para matupad ang iyong mga pangarap. Kapag malinaw mong nasasagot ito, kailanman ay hindi ka maliligaw sa landas na iyong tinatalunton. Alalahanin, na tanging ikaw lamang ang gumaganap sa personal na istorya ng iyong buhay.


Lahat ay may Katapusan

Maging ang sandaling ito ay maglalahò, sa isang kurap lamang.
Ang buhay ay patuloy at kailanma’y hindi ka hihintayin nito. Bagamat may kanya-kanyang kabanata ang bawat panahon o istorya sa ating buhay, ito ay may  malaking kahalagahan kung anong antas sa pagkatao natin ang naganap at siya nating patuloy na ginagampanan. Ito ang tahasang magtatakda sa uri at kalidad ng ating pamumuhay. Narito ang kasaganaan o kasalatan, kaligayahan o kapighatian, at pagkabuhay o kamatayan.
   Sinuman ikaw ngayon, ito ang ginawa mo kahapon o sa nakaraan. Resulta ito ng mga pagpili at mga kapasiyang tinupad mo. Sakalimang ipagpapatuloy mo pa ang mga ito, makakatiyak ka sa magiging kalagayan mo sa hinaharap. Ngayon pa lamang ay nililikha mo na ito. Kung sadyang nais mo ng pagbabago, ngayon pa lamang ay sisimulan mo na ito.
   May mga pintuang isinasarado, ngunit mayroon ding mga pintuan na binubuksan, may mga kabanatang nagwawakas, subalit mayroon ding mga bagong kabanata na nagsisimula. Kung may kadiliman, mayroon ding liwanag. Anupat lahat ay may angking kasagutan; kung may problema, may solusyon. Ang mahapdi lamang, ay kung pinoproblema ang isang problema at pinag-aawayan pa na problemahin ito nang puspusan!
   Bawat bagay ay lumilipas, at ang tanging paraan na magagawa natin ay payagan ito na kusang maglaho. Lalo na ang mga mapapait na karanasan at mga walang katuturang nakaraan. Mga bagabag at karagdagang mga bagahe ito na nagpapahirap sa atin na makakilos nang maginhawa sa ating paglalakbay sa buhay.
   Hintuan na ang mga ligalig, ang walang hintong mga alitan, ang mga kapalaluan at mga kahangalan, sapagkat wala na itong puwang pa sa iyong kalooban. Isarado ang pinto, palitan ang istorya, baguhin ang kabanata, linisin ang bahay, pagpagin ang mga alikabok.

   Palitan na kung sinuman ka noon, at magbago na patungo sa tunay at nais mong maging ikaw, NGAYON!~

Tatlong Alituntunin

Wala kang aanihin, kung wala kang itinanim.
Magbungkal ng lupa. Kahit na mayroon kang mabuting binhi, kung wala ka namang pagtataniman na masaganang lupa, wala kang aanihing mabuting bunga. Bawat bagay ay may kalalagyan, subalit kung wala kang sapat na intensiyon sa ikakabuti nito at makakatulong sa iba, huwag nang pag-aksayahan pa ng panahon. Kung mahusay kang tagalikhà, kailangang batid mo kung papaano gamitin ang iyong potensiyal, mga kahalagahan, at hindi ka kuntento sa iyong pinaniniwalaan at nauunawaan. Sa sandaling pumasok na ang satispaksiyon sa diwa mo, simula na ito na mawalan ng saysay ang kalidad ng iyong nililikhà.
Magtanim nang puspusan. Ang lahat ng gawain ay bunga ng koneksiyon sa buhay. Hindi magagawa ng sinuman na magkulong sa tuktok ng isang tore; kailangan niya na magkaroon ng ugnayan sa kanyang kapwa, at ibahagi anuman ang mayroon sa kanya. Walang katuturan ang anumang karunungan at kaalaman kung hindi mo naman ito nagagamit para sa kaunlaran. Kung nais mong umani, matuto kang magtanim.

Umani nang masagana. Huwag magmadali, lahat ay may kanya-kanyang panahon. Sa pag-akyat sa hagdanan, kailangang tuntungan mo ang bawat baitang. Kung nais na maging bunga ang isang binhing buto, may mga kabanata itong susundin: Pagbungkal sa lupa, pagtanim ng binhi, pagdidilig at pag-aaruga sa halaman, pamumulaklak, pamumunga, pagpapahinog at pamimitas. Mapaklang kainin ang hilaw at hinog sa pilit, kung wala sa panahon at idinaan sa dahas at mabilisan, ito ay may aanihing kapinsalaán. 

Huwag Paakay sa mga Baliw


Huwag basta makisakay, ikaw ang magmaneho ng sarili mong sasakyan.

Lahat ay nagsimula sa kataga, bawat bagay na maisip natin kung walang pangalan hindi natin ito mabibigkas. Yaon lamang mga bagay na ating nalalaman at naranasan ang maaari nating pag-usapan. Sapagkat para saan pa, kung babanggitin mo sa akin ang kapurunggit mong alam at hindi ko nababatid ito at naranasan man lamang. Pag-aaksaya lamang ito ng panahon at mauuwi sa alitan. Subalit kung ito ay alam mo at alam ko din, para saan pa na pag-usapan pa ito kundi ang magtaltalan at magtsismisan na lamang.
   Maraming bagay tayong kinagisnan, kinahumalingan, at nakasanayan. Subalit iilan lamang sa atin ang ganap na nauunawaan kung kabutihan at hindi kasamaan ang tinutungo ng mga ito. Madali ang sumakay at makiayon sa paniniwala ng isang tao, ngunit ito nga ba ang kailangan mo para paunlarin ang iyong sarili? Ang patuloy na sumunod sa mga opinyon at ipinag-uutos ng iba? Huwag payagan na matapos ang iyong buhay na isang kopya, patugtugin and sariling musika habang ikaw ay buhay pa. Marami sa atin ang ganap na bulag at sarado ang isipan kapag pinipilit na gisingin sila ng iba. Dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. 
   Maihahalintulad ito sa isang tao na nalulunod dahil may hawak siyang malaki at mabigat na bato na nagpapalubog sa kanya at ayaw niyang bitiwan. Higit na mamatamisin pa niyang lumubog na kasama ang bato kaysa bitiwan ito at makaahon sa tubig para mailigtas ang kanyang sarili. Marami ang may ganitong saloobin, kahit baluktot at wala na sa panahon ang ipinaglalabang paniniwala pikit-mata pa ring ipinagtatanggol ito, kahit na mauwi pa sa matinding alitan at ibayong kapahamakan.

   Makakabuting iwasan sila at takbuhan, sapagkat ang pumatol sa mga baliw ay kamatayan ang hantungan.

Dalawang Katangian


Kung nais mo ng kaibigan, maging palakaibigan ka.

 Habang gumugulang ako, lalo kong napapatunayan na dalawa lamang katangian ng tao ang kailangang hinahanap mo sa kausap. Yaong pinag-iisip ka, at yaong nagagawa kang mangarap. Kailangan lamang na lagi kang handa sa mga oportunidad na dumarating sa iyo, dahil mabilis din itong mga naglalaho. Marami tayong nakikilala, subalit iilan lamang ang tumatawag sa atin ng pansin kung ang pagkakakilala ay mauuwi sa pakikipagkaibigan. Itaas mo man ang iyong kamay at bilangin ang mga daliri, bihira na lumabis dito ang mga tunay at sadyang matalik na mga kaibigan.
   Pinipili ang mga kaibigan: Nasa inyong pagsasama makilala kung patungo sa kaunlaran o kalayawan ang inyong tinutungo. May ibat-ibang uri at antas, karunungan, at mga gawain sila, ngunit may kanya-kanyang kahusayan sa kanilang mga piniling larangan. Sila ang mga walang kapaguran at satispaksiyon kundi ang gawin ang lahat ng kanilang mga makakaya. Walang pagkatakot na makagawa ng mali o mabigo, kahit hindi kilalanin ang kanilang mga ambag sa lipunan ay patuloy pa rin sa paglikha tungo sa kaunlaran ng sambayanan.
   May nagpahayag: “Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.” Naisin mo man o hindi, kapag laging ang mga kasama mo ay mga ibong pipit, kahit na agila ka at pilitin mo na maging hari sa himpapawid, ang makakaya mo lamang na ikampay sa iyong bagwis ay lumipad na tulad ng isang ibong pipit.

   Makiisa at makisama sa mga tao na gumagawa ng malaking kaibahan sa ating kapaligiran. 


Sapagkat ito ang nagkapagpapasaya sa atin. Mag-isip… at magagawa mong mangarap!