Asintahing mabuti ang patatamaan
Bihasa at pinakamagaling sa pagtudla ng pana si Ismael. Marami na siyang sinalihang paligsahan na pawang siya ang tinanghal na kampeyon. Isang umaga, inanyayahan niya ang paboritong disipulo na panoorin ang kanyang pagpapakita ng kahusayan sa pagpana. Nakita na ito ng disipulo nang higit pa sa sandaang ulit, magkagayunma’y pinaunlakan niya ang maestro. Nagpunta sila sa kakahuyan sa likod ng monasteryo at dito ay may isang matayog na punong narra. Hinugot ni Ismael ang isang bulaklak mula sa kanyang kuwelyo at isinabit ito sa isang sanga.
Binuksan niya ang dalang maleta at kinuha ang tatlong bagay; ang
kanyang matikas na pana na yari pa sa mamahalin at matibay na kahoy,
isang matulis na busog, at puting panyo na may burda ng sampagita.
Ang maestro ay lumakad ng isandaang hakbang mula sa pinagsabitan ng
bulaklak. Nakaharap sa tutudlain, hiniling nito sa disipulo na piringan
siya ng puting panyo.
May pagtatakang sumunod ang disipulo sa ipinagagawa ng maestro.
“Ilang ulit mo na ba akong nakita sa marangal at sinaunang libangan ng pagpana?" Ang tanong ni Ismael.
“Bawat araw po,” ang mahinahon nitong sagot. “At lagi ninyo pong tinatamaan ang rosas mula sa layong tatlong daang hakbang. Kaya lamang po wala kayong piring.”
Nakapiring ng panyo, tinatagan ng maestro ang pagkakatayo, hinigit ng
buong lakas ang bagting, at itinutok ang busog sa rosas na nasa sanga,
at pinawalan ang busog.
Sumagitsit ang
busog sa hangin, subalit hindi nito tinamaan maging ang punong-kahoy,
nilagpasan ang tinudlang rosas ng malaking agwat.
“Tinamaan ko ba?" Ang tanong ng maestro habang inaalis ang piring na panyo.
“Hindi po, sa malayo po tumama," ang malungkot na tugon nito. “Akala ko po’y ipapakita ninyo sa akin ang kapangyarihan ng isip at kakanyahang makagawa ng kababalaghan.”
“Bakit mo nabanggit ito?” ang tanong ng maestro.
“Kasi po nakapiring kayo. Wala pa pong nakakatama sa tinutudla kapag nakapiring.” ang paliwanag ng disipulo.
"Makinig ka at tandaan ito, ipinakita ko dito ang pinakamahalagang leksiyon tungkol sa kapangyarihan ng isip,” ang pahayag ng maestro.
“Kapag may nais kang bagay, ituon at ibuhos mong lahat ang atensiyon at panahon mo
dito; sinuman ay hindi makakatama sa tinutudla kapag hindi niya ito
nakikita.”
Makabuluhang Aral:
Lahat ng proseso sa paglikha, pagtatayo, pagsusulat, at maging sa
pag-ibig – magkatulad ang mga panuntunan; kailangang nalalaman mo ang
iyong ginagawa upang hindi ka mabigo. Kapag hindi mo nakikita ang daan,
papaano ka makakarating sa iyong paroroonan?
Pananaw: Hindi
mo mahuhuli ng sabay ang dalawang labuyo. Ituon muna ang buong pansin
sa isa bago manghuli pa ng isa. Tulad sa pagtudla, isa lamang ang dapat
na patamaan. Kailanma’y walang matatapos sa gawaing iba't-iba at
watak-watak, laluna't hindi mo ito nakikita.