Palitan ang Iyong Iniisip, Baguhin ang Iyong Buhay
Malakas ang sigawan, sa bahaw na mga
hinaing nito ay mahihinuha na pagod na at nakikiusap ang mga sumisigaw.
May isang matandang lalaki na nasa kalaliman ng ilog ang kakawag-kawag
at nalulunod. May hawak ang isang kamay na malaking tipak na bato na
nagpapalubog sa kanya, ngunit ayaw naman niya itong bitiwan.Walang
makapangahas na magligtas, dahil dalawa na ang lumangoy palapit sa
kanya, ngunit tinamaan lamang ng batong hawak na iwinawasiwas ng matanda
at sila’y mabilis na umahon sa tubig.
“Bitiwan mo ang bato, at ililigtas ka namin!” Ang mga pagsasamong paulit-ulit na sigaw ng mga taong nasa gilid ng pampang.
“Hindi maaari, akin lamang ito. Hindi ninyo ito makukuha! Akin lamang itooo!” Ang sisinghap-singhap na tugon ng nalulunod na matandang lalaki.
“Hindi
naming kailangan iyan, ang kaligtasan mo ang hangad namin. Itapon mo na
ang bato, dahil mabigat iyan at ilulubog kang tuluyan!” Ang malalakas na hiyaw naman ng mga tao sa kabilang pampang.
"Nakikiusap kami, bitiwan mo ang batong hawak mo at sasagipin ka namin!" Ang
nagpupumilit na hiling ng mga tao. Alalang-alala sa nalulunod na
matanda. Subalit lalong ikinagalit ito ng matanda at higit pang
hinigpitan ang paghawak sa kanyang bato.
“Para mo nang awa, bitiwan mo ang bato, ikakamatay mo iyan!”
Ang sabay-sabay na sigawan ng mga tao sa magkabilang pampang. Marami pa
ang nagdadatingang mga tao at nakikisigaw na rin na bitiwan ang hawak
na bato ng matandang lalaki. Lulubog-lilitaw na ito at pagod na pagod na
sa pagkawag. Minsang mapapailalim sa tubig at biglang susulpot sa
ibabaw nito na kinakapos sa paghinga. Marami na ring tubig ang nainom at
sumasagawak ang bula ng tubig sa bibig nito, subalit mahigpit pa ring
hawak ang mabigat na bato.
“Hindiiiii, akin lamang itooooo. Akin lamang! Akin lamang itoooooooo! Ang
pahinang nagpupumilit na sigaw ng matandang lalaki sa pag-angkin sa
batong hawak nito. Unti-unti ang naging paglubog, at maya-maya’y ang
kamay na may hawak ng bato ang makikita na lamang na lumilitaw at
lumulubog. Kumakawag pa rin at pilit na itinataas, nagnanais na
mailigtas nang higit pa sa kanyang sarili. Huminto ang paglabusaw at
ingay sa tubig, hanggang sa tuluyang lumubog na ito at tuluyang nalunod
na hawak pa rin ang kanyang mabigat na bato. Ang katahimikang sumunod ay
nakabibingi, maging ang anasan ng mga tao ay kasamang ring nalunod at
tinangay ng agos.
----------------------------------------------------------------------------------------------o
Pagsusuri:
May napansin ka bang kawangis nito sa ating buhay?
Marami
sa atin ang may ganitong pananaw o pagdadala/diskarte sa buhay. Kahit
mali at baluktot ang katwiran ay pinagpipilitan, mangahulugan man ito ng
kanyang pag-iisa at kapighatian, mga pagkakawatak-watak ng samahan,
pag-aaway, at mga sagupaang humahantong sa pagkasugat at maging
kamatayan.
Mga salitang hindi mababali, “taga sa panahon” ‘ika nga, at tahasang matigas sa lahat ng paghamon.
Subalit ito ba’y nakakatulong, umuunawa, at nagbibigay ng kailangang
kaliwanagan upang maging maaliwalas at mapayapa ang lahat na kasangkot
dito?
Magandang batayan ang laging tama,
subalit may mga pagkakataong kailangang iwaglit muna ito at sundin ang
mabisang pang-unawa. Ang magparaya at umayon sa katotohanan. Kung
palaging “mata sa mata” pawang pagkabulag ang mahihita dito na mauuwi sa salaming may kulay at tungkod. At kung “ngipin sa ngipin”
naman ay pawang pagkabungi at tuluyang pagkalagas nito na mauuwi sa
pagka-bungal, at kung may pambayad, ang kalapat ay pustiso. Ito ba ang
sadyang nais natin? Dito ba natin naipapakita na tayo ay magaling at
kailangang igalang ang anumang naisin natin?
Ang ipagpilitan kung ano ang ating
napatigasang salita, paniniwala, pananalig, at pananampalataya? Para
kanino, ang masabi lamang na may isang salita na hindi kailanman
mababali? Para saan ito? Kayabangan? Kapalaluan? O, kamangmangan!
Isang kabaliwan ang ipagpatuloy ang katigasan, kung ang tinutungo nito'y ibayong kapahamakan at kapariwaan.
Hindi malaking kapintasan ang tumanggap ng katotohanan, lalo na't marami ang mabibiyayaan at makikinabang mula dito.
Hindi makukuha sa pagiging matigas
ang lahat, ang mga ito’y nakakapuwing at sumisira sa katinuan ng
pag-iisip. Subalit marami pa rin ang mahigpit, mapilit, at sukdulang
pinangingbabawan ng kanilang mga nakaugalian, kinahumalingan, at
baluktot na pamumuhay. Sila ang mga taong hubad sa katotohanan, laging
nakapinid ang pang-unawa, mga mistulang patay, at kumikilos lamang sa
kanilang makasariling kagustuhan. At kapag napansin mo at
pinagmalasakitan ay sasalungatin ka ng matinding poot at pagkasuklam na
tila may sakit kang nakakahawa.
Kahit na lipas at panis na sa panahon
ang kanilang saloobin. Kahit nagiging katawa-tawa na ito at nakasusuya.
Kahit na nakapapaminsala at nakasusugat na sa kapwa. Patulioy pa rin
ang kanilang pagmamatigas, gayong karamihan na sa kanilang mga dating
kaibigan at kasamahan ay umiiwas at lumalayo na sa kanila. Dahil ito ang
kanilang pagkatao at walang sinuman ang makapagbabago nito, ayon daw sa
kanila. Maging ang nakasanayan at natutuhang kawalan ng pag-asa ay
tinanggap na nang lubusan. Para sa kanila, ito ang kanilang mapait na tadhana at walang nang magagawa pa ang sinuman tungkol dito.
Tanging kanila ito at walang sinuman ang
may kapangyarihan o makapapangahas na agawin at palitan ito. Dahil
ito’y sa kanila at tanging sila lamang ang masusunod tungkol dito.
Tulad ng malaking bato na hindi mabitiwan, ito ring ang maggiging kamatayan nila. Ayon
daw sa kanila.
Narito ang magagawang pagbabago (ito naman ay kung nais lamang na magbago):
1. Baguhin
ang iyong kaisipan at harapin nang tuwiran ang mga balakid at kahirapan
sa iyong buhay. Panatilihing nakabukas ang isip. Iwasan ang kaisipang
sarado at nakakandado.
2. Alamin at maunawaan ang kinakailangang pagbabago na isasagawa ---at lakipan ang mga ito ng pampasiglang mga kaparaanan.
3. Turuan ang sarili na mangibabaw ang katinuan ng pag-iisip sa mga kabiguan, mga kamalian, at pangungutya ng iba.
4. Ipakita at ipagmalaki na may kakayahan kang gampanan at tapusin ang anumang gawain.
5. Harapin at bakahin ang mga negatibong pangyayari na nagpapahina sa iyong pagtitiwala sa sarili.
6. Tumingin sa kapaligiran nang may ibayong pag-asa sa nakaalay nitong mga pagkakataon.
7. Ituon ang direksiyon sa landas na iyong patutunguhan upang makamit mo ang tagumpay.
Talahuluganan, n. glossary
Ang mga
katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga
nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos,
at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at
angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang
paggamit ng ating wikang Pilipino.
bahaw, paos adj. harsh, tired and low voluminous pitch of the voice
hinuha, hinala, sapantaha n. presumption, assumption, suspicion
kawag, kaway, kisay, kilos n. desperate wave of hand, hand gesture,
tipak, n. big solid size
wasiwas, wagwag, balikwas ng kamay n. forceful waving of hand when drowning,
pagsamo, paghimok, paghiling n. act of begging, requesting, asking
singhap, pagsingot, paghinga ng hangin v. draw air into and expel it, to breathe, inhale and exhale air
lunod, v. drown
pampang, dausdusan, libis n. riverside, bank of a river
iba kaysa, dalampasigan n. beach, seaside
anasan, mahihinang usapan, bulungan, n. murmur, grumbling, whisper
pangungutya, n. condemnation
bakahin, labanan n. overcome, fight,
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan