Tanging sa iyo, …
aking mahal na anak,
Hindi na magtatagal pa ang aking buhay.
Bilang na ang mga araw na ilalagi ko pa sa mundong ito. Ayon sa mga doktor na
sumuri sa akin, mapalad na ang umabot pa ako ng isang buwan.
Kahit na
sa kalagayang kong ito, lubos akong nagpapasalamat sa Dakilang Maykapal at pinagkalooban pa Niya na lumawig ang aking
buhay kahit na panandalian lamang, na… maging makabuluhan ang natitira ko pang
panahon dito sa mundo. Bagamat nalilito pa rin ako kung ano ang aking uunahin
sa natitirang mga mahahalagang sandali, hindi ko pa ganap na mailalarawan ang pinakamahalaga
sa lahat. Bawat sandali ay sadyang mahalaga at katangi-tangi. Lahat ay
nangangailangan ng masusing atensiyon. Hindi na tulad pa nang dati, ang
maaksaya sa walang kabuluhang mga bagay. Higit sa lahat ngayon, at pinakauna sa
lahat …ay ang tangi kong relasyon sa aking mga mahal sa buhay. Napaglimi ko na
kailangan kong makapiling kayo sa bawat sandali sa nalalabi ko pang mga araw.
Wala nang
halaga pa sa akin ang anumang yaman, bahay, alahas, materyal na bagay, mga
papuri o anumang kalayawan. Lahat ng ito ay mga palamuti na lamang at ganap
nang walang katuturan. Wala akong madadala, kahit pa isang hibla ng aking buhok
o ni isang totpik. Maging ang aking hiram na katawan ay aking iiwanan, hanggang
sa ito ay maging ganap na abo na lamang. Ito ang mahapding katotohanan na
kailangan kong tanggapin.
Kung
bibigyan ako ng Dakilang Maykapal ng isa pang pagkakataon at madurugtungan pa ang aking buhay, pipilitin
kong mabago ang lahat: Ang mga kaparaanan tungo sa makatao at huwarang
pamumuhay ay aking isasagawa. Sisikapin kong maging mapagmahal, palakaibigan,
matulungin at tagapagtaguyod ng katotohanan. Hindi ako magmamalabis at gagawa
ng kalapastanganan o pananakit sa aking kapwa. Hindi ako gagamit ng ibat-ibang
maskara o panlabas na anyo sa pakikisalamuha upang ikubli ang tunay kong
saloobin. Ang pagpuna o pagiging kritiko ay gagawing kong lihim at ako lamang ang nakakaalam, ngunit ang pagpuri at pagpapahalaga ay lantaran kong ipadarama. Bukas sa lahat ang aking puso at walang nakatago. Taas-noo kong
haharapin anumang paghamon sa ikauunlad ng lahat, mangahulugan man ito ng aking
pag-iisa. Kahit na matagumpay ako sa aking mga gawain, karaniwan lamang ang
aking gagawing pamumuhay. Kailanman, hindi ko ilalagay sa kapahamakan o maging
sa kahihiyan man ang aking pagkatao, at palagi kong isasaalang-alang ang reputasyon at kapakanan ng aking
pamilya. Itutuon ko ang aking buong buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa
kaluwalhatian ng Dakilang Maykapal.
Marami
akong natutuhan sa kalagayang kong ito. Nagising ako sa katotohanan na
lahat ay panandalian lamang. Ang hangarin na maakyat ang bundok o tagumpay
upang makamtan ang kaligayahan ay pawang humahantong lamang sa mapait na kabiguan.
Dahil, may panibago na namang pagsubok na naghihintay, muli't-muli ang
satispakyon ay lumilipas, … patuloy ito at wala nang katapusan. Magagawa mo naman na habang umaakyat
ng bundok ay maging maligaya ka na, kung ito'y iyong pahihintulutan. Kahit
nasaan ka man, nasa iyong pagsusuri sa sarili, hindi mula sa iba o sa
kapaligiran ang minimithi mong kaligayahan.
Habang
malinaw pa ang aking mga mata, itutuon ko ito sa magagandang tanawin at mga
mahahalagang panoorin. Hanggat nalalasap ko ang sarap ng pagkain, titikman ko
ang ibat-ibang putahe na angkop sa aking kalusugan. Kung ang tuhod ko nama'y
kaya pang ilakad, pupuntahan ko ang mga pambihirang pook upang aliwin ang aking
sarili. Sakaling may pang-amoy pa ako, lahat ng mga bulaklak sa aking daraanan
ay aking masidhing sasamyuin. Kapag buo pa ang aking pandinig, bibigyan ko nang
pansin ang mga kundiman at tumatagos sa pusong mga musika at awitin. Sa mga
pagtigil o paghihintay na mga sandali, babasahin ko ang mga dakilang aklat na
nakaligtaan ko noong ako ay abala pa sa maraming bagay. Paliligayahin ko ang
aking sarili sa tuwi-tuwina, sapagkat kapag ako'y maligaya, magagawa kong
magpaligaya ng iba, at higit sa lahat, ...ang kaligayahan ng aking pamilya.
Sasamantalahin ko ang lahat ng pagkakataon na ipagkakaloob sa akin upang ibayong mahalin ang aking mga
mahal sa buhay. Lantaran kong bibigkasin ang aking mga nadarama, hindi ang aking iniisip. Tulad ng pag-aaruga sa hardin ng halamanan, araw-araw ko itong
didiligin, payayabungin, at babantayan sa anumang kapahamakan. Yayapusin ko
kayo nang mahigpit at ipaparinig ang aking wagas na pagmamahal nang walang anumang bahid
ng anumang pag-aalinlangan. Tatanggapin ko nang maluwalhati anuman ang inyong
pag-uugali. Wala akong karapatang paghimasukan kayo kundi ang aking sarili
lamang. Ipapakita ko sa gawa at hindi sa salita ang lahat. Ipapabatid ko na ang
pag-ibig ay mahalaga at kinakailangang ipinadarama sa lahat ng sandali. At
tanging kaligayahan ninyo ang aking pinakahahangad. .. . .bago pa mahuli
ang lahat.
Pasensiya na… kung may
bahid ng lukot at nabasa ang liham na ito sapagkat… hindi ko mapigilan ang
pagluha. Sa dahilang… napakarami ang aking nagawang mga pagkakamali sa inyo.
Buong puso ako na humihingi ng patawad mula sa inyo…
Sana… sana
Sana, madugtungan pa ang aking
buhay. Kahit kaunti man lamang, . . . kung maaari sana. . .
Ang inyong ama,
Joshua Guevara
***
Isinulat ko ito matapos ang aking
paglalakbay galing sa Montreal, Ottawa, at Toronto sa bansang Canada nang
nakalipas na taon. Sa nakita at naranasan kong pamumuhay ng ibang pamilya doon,
nabatid kong ang tangi at sapat na kaligayahan lamang ay matatamo mula sa
sarili tungo sa pamilya, at sa kalauna'y ang pamayanan, hindi kanino pa man. Ito ang pinakamahalaga.