Thursday, September 28, 2017

PILIPINO Ka nga ba?


 
        Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, sa diwa, at sa kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng mga pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin. 
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, kung BAKIT walang nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino
   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 
   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 
   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit nang buo ang Lupang Hinirang at mabigkas nang tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansa na aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino, nakalaan kang ibahagi ang ating Pambansang awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi aawitin ang ating Lupang Hinirang.
   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? Kahitt man lamang sa araw ng ating kasarinlan? Kaya mo nga ba? 
   At kung hindi naman, magsimula nang sauluhin ang mga ito. Ito naman ay kung nais mong matawag na isa kang Pilipino.
   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi makayang awitin ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan. 
   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang baog na banyaga na naghahanap ng sariling lungga.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

PILIPINAS, ang Pasyalan ng Bayan


Natutuhang Kawalan ng Pag-asa

Pinakuluang Palaka

Ipinapakita ng mga pag-aaral sa mga laboratoryo na ang palakà kapag inilagay sa isang batyà na may tubig  mula sa sapà, siya ay mananatiling buhay habang pinakukuluan ang tubig sa batyà. Habang unti-unting umiinit ang tubig, walang anumang reaksiyon ito sa palakà at ito ay mamamatay lamang kapag nagsimula nang kumulò ang tubig.
   Sa kabilang tagpo, kung ang buhay na palaka ay ihahagis sa katulad na batyà at may kumukulong tubig, sa isang iglap, mabilis itong tatalon para makaligtas. Mapapasò siya ng kumukulong tubig ngunit buhay siyang lumuluksó palayo sa batyà.
Nakasulat ito: Sa ating pagtunghay sa buhay, maitutulad tayo sa pinapakuluáng palakà. Hindi natin napapansin ang mga pagbabago sa kapaligiran at maging ang ating mga sarili. Kadalasan, iniisip natin na anumang bagay ay mabuti, o anumang masamà ay lilipas din, at panahon lamang ang makapagsasabi sa bandang huli kung kaligayahan o kapighatian ang ating tinutungò.
   May ilan sa atin, bagamat nasa huling yugto na ng kanilang mga buhay ay patuloy na inaapuyán ng mga  suliranin at mga maling paniniwala. Hindi pa nila magawang magbago, higit pa nilang mamatamising mamatay nang nakapalupót sa kanilang mga leeg ang mga baluktót nilang katwirán.
   Ang iba naman, kahit patuloy sa pagtabà ay hindi maawat-awat sa katakawan. Hanggang sa maging sakitin at ito ang maging dahilan ng kanilang kamatayan. Mayroon ding malakas magsigarilyo at uminom ng alak, na nagsimula sa isa, naging dalawa, at hanggang sa dumami na bilang bisyò at kahumalingan na ito, at sa kalaunan ay siyang pumapatay sa kanila.
   Doon sa mga tao (mga pinakuluáng palakà), ay may paniniwala na ang susi ay manatili sa tungkulin, maghintay, at patuloy na umasà. Higit na mabuti para sa kanila ang sumunod at huwag makialam kaysa masangkot at maparusahan. Hindi kataka-taka na gawin silang mga palabigasán at gatasán sa kanilang pagbabád sa tubig nang walang pakiramdam.

   Subalit doon sa lumulundag at sinasagpáng ang bawat oportunidad, umiiral sa kanila ang kalidad at kakayahan, pagsisikhay, at pagtupad sa kanilang mga pangarap.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, September 27, 2017

Ang Pulubi at ang Pastor


Sa isang kapilya ng Barangay Kupang ay may nagdarasal na pastor nang gambalain siya ng isang pulubi.

"Nagugutom ako, maaari bang bigyan mo ako ng pagkain?" ang amuki nito.

Ang pastor ay halos nagdidiliryo na sa taimtim niyang pagdarasal, paungol-ungol at halos makakamit na ang perpektong kawagasan ng ispiritong lumulukob sa kanya, ay hindi tumugon, nakapikit at nagpatuloy sa pag-ungol na tila idinuduyan.

"Pastor, talagang gutom na gutom na ako. Bigyan mo ako ng makakain", ang kalabit at pahibik ng pulubi.

Naiinis na dumilat ang pastor sa naramdamang kalabit sa kanyang kanang siko, "Ginulantang mo ang aking panalangin, istorbo ka!

"Pumunta ka sa bayan at doon ka humingi, kahit kanino, ay may magpapakain doon sa iyo!" - ang pabulyaw na utos ng pastor sa pulubi.

"Hindi mo ba nakikitang abala ako sa pagdarasal? Pinipilit kong makipag-ugnayan sa aking anghel nang gambalain mo ang aking panalangin," ang naiiritang himutok ng pastor.

Napangiti ang pulubi sa tinuran ng pastor at tumugon, "Nagpakumbaba ang Diyos, bumaba mula sa langit nang higit na mababa pa kaysa mga tao, hinugasan ang kanilang mga paa, ibinalita ang katotohanan, ibinigay ang Kanyang buhay para sa kanila, subalit walang nakakilala sa Kanya." 
Siya na nagsasabing minamahal ang Diyos;  ay hindi nakakakita, at nakakalimutan ang kanyang kapatid, ...ay nagsisinungaling."
Kung mismong nasa iyong tabi ay hindi mo magawang mahalin, papaano mo magagawang mahalin yaong hindi mo nakikita."
Pagkaturing nito ay biglang nagbagong anyo ang pulubi at naging anghel.

"Nakapanghihinayang, halos makakamit mo na ang kaluwalhatian at makakausap ako, subalit minabuti mo pa ang maging makasarili," ang malungkot na pahayag ng anghel at lumipad na lumisan ito.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Estatwang Bato



Ikinuwento ito ng aking ama noong ako’y nasa elementarya pa, “Mayroong isang matalinong lalake noon na madalas dumalaw sa aming nayon. Marami sa aking mga kanayon ang laging nanunumbàt sa kanya dahil sa kakaiba niyang ugali kapag pinupuna at pinipintasán. Lagi siyang nakangiti at sa halip na sumagot ng pabalang para makaganti ay inaayunan pa at pinagpapalà ang nagpukol ng maanghang na salita laban sa kanya.
   Isang araw ay naparaan ito sa aming bahay, nang isang pangkat na mga kalalakihan at kababaihan ang dumating na galing sa bukid at nagsimulang insultuhin siya sa kanyang pananamit. Gaya ng dating nakagawian nito, lumapit siya sa pangkat at pumikit, kasabay ng panalangin na pagpalain ng Diyos sa umagang ito ang nasabing pangkat.
   Nang makaaraan na ang pangkat, isa sa aming kapitbahay ang nakaismid na nagpahapyaw: “Kung anu-anong pintás at insultò ang ginawa nila sa iyo, at sa halip na ipagtanggol mo ang iyong sarili, tinugon mo pa sila nang magiliw at may kasunod pang panalangin ng pagpapala, at naggagalaiting nanuyà “Ano ka ba, estatwang bato na walang pakiramdam?”
   At ang matalinong tao na ito ay mahinahong sumagot, “Bawat isa, sinuman sa atin ay maihahandog lamang kung ano ang mayroon sa kanya.”
-------------o
Buhat noon, tinandaan ko na ang makahulugang kuwento na ito bilang aral kapag pinupuna at pinipintasan ako ng iba. Tatlong sitwasyon ang natutuhan ko; Una, hindi nila matanggap ang naging kalagayan ko sa buhay; Pangalawa, pinipilit nilang mabalik ako sa dati na mababa pang higit kaysa kanila sa pamamagitan ng mga salaulang palayaw at paninirang-puri; at Pangatlo, Lagi silang nakaabang at naghihintay ng pagkakataon na ako ay magkamalì, dahil isang selebrasyón para sa kanila na maikalat ito para hiyain ako.
   Higit ko silang pinasasalamatan kaysa mga kaibigan ko, sapagkat nang dahil sa kanila lalo pa akong naging maingat at nagsumikap pa nang husto para paunlarin ang aking sarili.
   Talagang katotohanan; na kapag pinigà mo ang kalamansì, walang lalabas dito kundi kung ano ang mayroon dito, …ang katas ng kalamansì.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, September 26, 2017

Mahapdi ang may Kagalit


Sa paninirahan, mamuhay nang nakatindig sa lupa. Sa pag-iisip, gawin itong simpleng bagay lamang. Sa hidwaan, maging pantay at mapagbigay. Sa pamamahala, iwasan ang pag-kontrol. Sa trabaho, gawin kung saan ka masaya. Sa buhay pamilya, laging naroroon ka. 

Sino sa atin ang walang kagalit?
 
Abnormal at namumuhay lamang na mag-isa sa bundok ang walang kagalit. Hangga’t kabilang ka sa lipunan ng mga tao, hindi mo maiiwasang may makagalit. Kahit na ano ang gawin mo, magaan man o mabigat ito, may natulungan o hindi natulungan, nakabuti o nakapinsala man, mayroon pa ring sasabihin, pupurihin, pupunahin at pipintasin. May matutuwa, may maiinis, at may magagalit. Wala kang itulak at kabigin. Lahat ay may kanya-kanyang opinyon. Ang mahalaga sa lahat, ay ang panatilihin mong kumikilos ka at sinusunod ang sarili mong opinyon.
   Hindi maiiwasan ang hidwaan sa ating buhay. Laging may tunggalian, kumpetensiya, labanan, at lamangan. Hangga’t may paligsahan, may nananalo at may natatalo. Bahagi na rin nito ang balatkayo, pagsasamantala, at pandaraya. Kung tulog ka, malilinlang ka nang gising at harapang madudukutan nang walang nalalaman.
   Marami ang naniniwala na mayroon lamang na dalawang opsiyon na mapagpipilian sakalimang ang hidwaan ay mangyari. Kailangan lamang na umatungal na tulad ng lion at ilapat ang ating paninindigan. O, ang tumahimik na tulad ng maamong tupa at pagbigyan ang katunggali. Bawa’t kapasiyahang ito ay may kaukulang kasagutan at kakahinatnan.
   Ang paggalang na maasahan mo mula sa kagalit ay batay lamang sa ipinapakita mo; ang maging lion o maging tupa. Nasa ating kakayahan kung palaban o paatras, pasulong o paurong, pa-kaibigan o pa-kaaway, pagkakagalit o pagkakasundo. Alinman dito, ang iyong budhi ang tahasang masusunod; kapayapaan o karahasan, kaligayahan o kapighatian. Tanging sa iyo lamang ang kapasiyahan, at responsibilidad mo ang magiging resulta nito.
   Ang hidwaan ay mistulang anghang at palabok. Tulad sa pagkain, para lalo itong maging malasa, nilalagyan ng paanghang o palabok na nagpapa-linamnam. Sa buhay, ang hidwaan ang nagpapatalino, nagpapalakas, at nagpapatapang sa iyo na makibaka sa mga pagsubok na dumarating. Ang paglalaban ay isang pagpili. Ang iyong kapasiyahan ang magtatakda kung magiging maligaya ka o mapighati sa kapalarang ninanais mo.
   Palaban ka ba o palasuko?

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan