Ang galit ay mabigat na bagahe na patuloy nating pinapasan,
at sa kalaunan ay ating kapahamakan.
Nakita at
naranasan na natin ang magalit at ito ay nagpapasulak ng dugo at nagpapainit sa
ulo. Ang resulta ay manggalaiti, mainis at kung magpapatuloy pa ay ang masuklam.
Pinahihina ng galit ang ating kalakasan at kasiglahan upang maging talunan at mabigo sa
ating mga ginagawa o pakikipag-relasyon sa iba.
Dati-rati ay normal at simpleng mga pagkilos
lamang, ngunit nang mahaluan ito ng pagkagalit ay naging isang karamdaman, na sumisira
sa katinuan ng ating isipan, at wala kang sapat na panahon o pagtitimpi na
maisaayos ito nang ganap. Simula na ito ng mga pag-aalinlangan sa mga gawain, pagkainis
sa sarili, at kawalan ng pagtitiwala. Sa halip na mahusay na makagawa,
napalitan ito ng patama-tama at basta makaraos na paggawa. Ang pagkagalit ay
mapaminsala at kapahamakan ang patutunguhan kung hindi maiiwasan.
Upang
maampat ang apoy, kailangang alisin ang pangunahing elemento nito sa
pagliliyab. Kung aalisin ang gatong na nagpapaliyab dito, titigil ang pagdingas
ng apoy. Ganito din kapag may alitan, nag-aaway o nagkakasakitan, kailangang
alisin ang pinagmumulan ng awayan na siyang nagpapasiklab o umaapoy dito. Ang
gatong sa walang katwiran na pagkagalit
ay ang maling paniniwala sa
pananalita at mga ikinikilos ng iba at kung papaano ito nakakaepekto sa
iyo. Walang
bagay na makakaapekto sa iyo kung wala kang pahintulot. Nagaganap lamang
ang
pagtatalo kung ikaw mismo ay sumasali sa nais mangyari ng iyong kausap
para
maging katunggali mo siya. Kung susubukang tignan ang sitwasyon na
nakatago sa ilalim
at hindi sa ibabaw, mauunawaan kung ano ang dahilan o motibo ng iba at
ng iyong isinusukling reaksiyon tungkol dito. May kakayahan kang ampatin
ang apoy na nagpapasiklab
dito para maging mapayapa ang lahat.
Sa dalawang nagtatalo, tumahimik lamang ang isa ay wala nang pagtatalunan pa.