Friday, March 15, 2013
Tuesday, March 12, 2013
Saturday, March 09, 2013
Nasa Disiplina Lamang
Naging islogan noong panahon na may batas militar sa
Pilipinas, ang “Sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Ito ang pangunahing elemento ng tagumpay.
Nakapaloob dito ang pagsisikap, pagtitiyaga, at pagpapanatili ng iyong mga
lunggati. Kung walang disiplina, walang matatag na pamantayang susundin.
Isa sa mga kulturang aking kinalulugdan ay tungkol
sa bansang Hapon. Nakaugalian ko nang pagmasdan ang mga Hapones. Talaga namang
may disiplina at organisado ang kanilang mga pagkilos. Napanood ko nang
nakaraang linggo, sa YouTube, ang ‘Japan From Inside Le Japon A double Tour’
na ipinapakita ang nagagawa ng disiplina.
Ito’y tungkol sa kanilang sistema sa loob ng kanilang bilangguan sa Fuchu,
Japan. Saludo at talagang humanga ako sa kanilang pamamalakad. Kung ganito ang
magagawa sa mga bilangguan sa ating bansa, ay mababawasan ang mga lumalayang bilanggo
na makagawa pa ng krimen at maging kriminal muli sa ating lipunan.
Kagabi, napanood ko naman ang dokumentaryong ‘Jiro Dreams of Sushi’ Ito’y isang
kuwento tungkol sa naging buhay ng 85 taong gulang na Hapones, si Jiro Ono, na
itinanghal ng marami bilang pinakamagaling na Sushi Chef sa buong
mundo. Siya ang may-ari at punong kusinero sa likod ng matagumpay na kainan na Sukibayashi Jiro, mayroong 10 upuan lamang
ito, at ang pagkaing sushi lamang ang inihahain. Nasa isang maliit na panig
ito ng isang istasyon sa subway ng
tren sa Tokyo. Bagama’t karaniwan ang pagkakakilanlan, ito ang kauna-unahang
restoran sa ganitong uri, na pinagkalooban ng 3-star na parangal ng
tanyag na Michelin Guide rating. Ito
ay bihirang igawad, at siyang pinakamataas na parangal na maipagkakaloob sa mga
pangunahing at nagpapaligsahang restoran sa buong mundo.
3-Star
First
in quality
First
in originality
First
in consistency
Paulit-ulit at patuloy na dinarayo ang Sukibayashi Jiro, ng mga mahiligin sa pagkaing
sushi
sa buong mundo. Kailangan mong magpalista (in
advance), maghintay ng maraming buwan, at kayang gumastos para lamang
magkaroon ng karapatang makaupo, at matikman ang pambihirang linamnam ng mga pagkain sa restorang ito.
Ang kuwentong ito ay isang makahulugan at
marangyang meditasyon tungkol sa trabaho, pamilya, at sining ng disiplina para
makamit ang perpeksiyon ng iyong gawain o ambisyon sa buhay.
Limang
atribusyon, ayon kay Jiro para ito magampanan:
1.Kailangang
seryosuhin ang trabaho at gawin ang lahat sa abot nang makakaya.
2.
Pinagsusumikapang paunlarin ang mga kakayahan.
3.
Pagpapanatili ng kalinisan sa lahat ng bagay.
4.
Pagka-mainipin at makulit na magawa ang mga bagay sa sariling pamamaraan.
5.
Kailangang nalulukuban ito ng pasiyon.
Ang
kanyang tagubilin:
Laging magsumikap na paunlarin ang sarili.
Palaging nakatuon sa magagawa pa at magpapataas sa antas ng trabaho.
Laging magsumikap na paunlarin ang sarili.
Palaging nakatuon sa magagawa pa at magpapataas sa antas ng trabaho.
Kailangan
ang tatlong P: Pagtuon, Pagpapahalaga, at Pagmamalasakit
Mga
pambihira at kamangha-manghang mga tao lamang ang may kakayahang magawa ito.
Labels:
Balanga
Umiinog ang Lahat sa Relasyon
Ang pagkamulat ay ang
pagniniig sa lahat ng mga bagay.
Dalawang katotohanan ang mahalagang nakapaloob sa
isang ekstra-ordinaryong pagmamahal. Kailangang talos mo at inilalapat ang mga
ito, lalung-lalo na kapag umiibig ka. Ito ay ang ‘pagbibigay ng pahintulot’ at
ang ‘panindigan ang responsibilidad.’
Mabighani at napakasimple nito sa pakikipagrelasyon upang magpatuloy bilang mga
pangunahing sangkap sa matiwasay at mabulaklak na pagsasama.
Marami ang nagtataka, kung bakit kailangang
maunawaan at ipamuhay ang dalawang katotohanang ito. Sa relasyon, ito ang umiinog
na dalawang katotohanan na nakapaloob sa patuloy na kaligayahan, katiwasayan, kaunawaan,
at kapayapaan.
Bakit may pahintulot? Sapagkat kung hindi mo tatanggapin ang reyalidad at pahihintulutan itong mangyari, palagi kang mamimighati, sa dahilang pinipilit mong makontrol ito at pangunahan nang naaayon sa iyong kagustuhan lamang. Bagama't kapiling natin sa pagsasama ang mga alitan, magagawa naman itong mabawasan kapag lalong may mga pahintulot. Nangyayari lamang magpatuloy ang mga kagalitan, pagkainis, ligalig, walang pasensiya o pagkabigo, dahil hindi mo pinapayagan ang mga ito. Pilit mong ninanasang makontrol at maiwasan, subalit lalong nagiging mahapdi. Normal at karaniwan ang mga ito. Hangga't pinagtutuunan mo ng pansin lalong lumalaki.
Hindi kailangan na magbigay ng pahintulot sa isang bagay para matanggap ito. Malaki ang pagkakaiba ng pahintulot at pagtanggap. Ang pagbibigay ng permiso o pahintulot ay hindi para sa iba, bagkus ito'y tungkol sa iyo. Ang pagbibigay ng pahintulot ay ang proseso na kung saan ay binabago mo ang estado ng iyong emosyon mula sa pamimighati tungo sa walang kapighatian. Kahit hindi ka pumapayag, mababawasan ang iyong kapighatian kung matatanggap mo ito at pinapahintulutan. Kung problema na, huwag nang problemahin pa, ...bagkus ang humanap ng solusyon at malunasan ito.
Kailangan pa bang panindigan ang responsibilidad? Nararapat lamang, sapagkat ang magmahal ay isang responsibilidad. Kung pabaya ka, natural lamang na pabayaan ka din. Bagay na hindi mo inilagaan, ikaw ay iiwanan.
May responsibilidad ka sa iyong emosyon na ituon at pagyamanin ang iyong relasyon sa sarili at magawa itong maipadama sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iba.
May responsibilidad ka sa iyong pakikipag-komunikasyon at nalalaman ang kapangyarihan ng mga salita at ipinapakitang mga pagkilos, kung nakakatulong o nakakapinsala. Pinapangalagaan ito kung tama at iniiwasan kung winawask ang relasyon.
May responsibilidad ka sa iyong mga kapasiyahan at maunawaan ang sariling kalayaan ng iyong damdamin at masuportahan ang kalayaan ng damdamin din ng iba. Lahat ng mga pagbabagong magaganap ay magmumula sa iyo at hindi mula sa iba. Ikaw ang makakagawa ng malaking kaibahan at hindi ang iba. Nasa iyong kapangyarihang lumikha ng mga solusyong iyong hinahanap. Kung nais mo ng pagbabago sa iyong kapaligiran, simulan ito sa iyong sarili.
Bawa’t bagay sa
pagdadala ng sarili ay umiinog sa mga relasyon.
Ang pinakapuso ng makataong karanasan ay mga
relasyon. Lahat tayo ay patuloy na nakikipag-relasyon; sa ating mga kapuso, sa
mga kaanak, sa mga alagang hayop, sa mga estranghero na nakilala, sa mga
kaibigan, sa mga kasamahan sa trabaho o maging sa paaralan; sa lahat ng bawa’t
aspeto ng ating kapaligiran. Anumang ating ginagawa, saanman tayo naroroon,
sinuman ang ating kasama; nakapangyayari at umiinog ang lahat sa relasyong namamagitan.
Kung wala kang kabatiran sa tamang pakikiharap sa
mga taong nakapaligid sa iyo, laging nakaumang ka sa mga panghihinayang o
pagsisisi tungkol sa nakaraan at mga pangamba sa hinaharap. Patuloy ang mga
pagkalito, mga pagkabugnot, at mga pagkabagot dulot ng walang katiyakang
paghihintay at kawalan ng pag-asa.
Hindi lamang ang magmahal, kailangan mayroon ding
mga abilidad at kakayahan kung papaano ito maipapadama. Kung nakakaranas ng mga
hindi pagkakaunawaan o alitan, ito’y dahil sa pagkontrol at pagtakas sa
responsibilidad.
Sa linya ng “It takes two to tango,” hindi
mangyayari ang alitan kung ang isa lamang ang pabaya. Kailangang parehong
nagpapabaya ang dalawa. Nagpapatuloy lamang ang pagtatalo, hindi
pagkakaunawaan, alitan, at humahantong sa hiwalayan, kung parehong nagmamatigas
ang dalawang panig at ayaw isuko ang pinanindigang mga katwiran.
Tatlong relasyon ang nakapaloob dito: Siya, Ikaw, at
ang Relasyon. Sa inyong pag-aaway ang higit na napipinsala ay ang relasyon. Dito
nakasalalay ang kakahinatnan ng pagsasama, kung magpapatuloy pa o wawakasan na
ang lahat.
Ang relasyon ay mistulang halaman na nasa paso;
inalagaan, dinidiligan, dinadamuhan, at pinayayabong, para patuloy na
mamulaklak. Kung wala kang abilidad o kakayahan para ito mapangalagaan,
talagang makakapiling mo sa tuwina ang mga pasakit at pangamba.
Kapag ang tanging pakay mo ay makatagpo ng tamang tao upang
makasama, pawang kabiguan lamang ang aanihin mo. Ang talagang hinahanap mo ay
ang tamang relasyon na
makapag-papadama sa iyo ng katiwasayan, kapayapaan, at kaligayahan. Ang tunay
na tanong ay hindi ang matagpuan ang tamang tao, bagkus kung papaano
matatagpuan ang tamang pakikipag-relasyon. Papaano ito magagawa? Sa mahusay at
tamang pakikipag-relasyon mo sa iyong sarili.
Lahat ng hinahanap mo ay matatagpuan lamang sa iyong
kalooban. Ito ang magsisimula sa lahat ng magaganap sa iyong mga pakikipag-relasyon. Lahat ay magsisimula sa
iyo. Ang pag-ibig ay manggagaling sa iyo. Kung wala kang pag-ibig sa iyong
sarili, wala kang kakayahan na maibigay ito sa iba. Hindi mo maaaring maibigay
ang wala sa iyo.
Kung batid mo na mayroon kang kakayahan na mapaganda
ang relasyon, ibubuhos mong lahat ang iyong makakaya para dito. Kung ito ang
tunay na itinitibok ng iyong puso, makakaya mong gawin kahit na mga imposibleng
bagay. Dahil kung nasaan ang iyong puso, naroon ang iyong kayamanan.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Busilak
Wednesday, March 06, 2013
Ang Maging Pilipino
Kahalintulad ng ating ina, anumang kahinatnan ng ating
bansa maging mabuti o masama man ay hindi natin maipagkakaila bilang mga anak. Dito tayo nagmula at sa kalaunan ay dito rin uuwi. Huwag nating kalimutan saan man tayo naroroon, sinuman ang ating kaharap, dala-dala natin ang ating lahi at bansa. Kasamang dumadaloy sa ating mga dugo ang lahing kayumanggi na ipinamana ng ating mga ninuno. Mula kay Lapulapu, Andres Bonifacio, Jose Rizal, at maraming iba pa, .... nananatili ang ating pagdakila at pagmamahal sa ating bayan.
Likas lamang na ipaglaban natin ito. Magpasiya at makialam kung ano ang tama at mali, kung ano ang nakakatulong at kung ano ang nakakapinsala.
Makibaka huwag matakot. Kaya lamang may nag-aapi, umaabuso, at nagpapasasa ay may pahintulot tayo. Kung hindi natin pinapayagan walang masamang kaganapan.
Ang ating ina ay nag-iisa lamang, walang katulad at walang katumbas. Walang makakapalit sa kanya magpakailanman. Pilipinas ang pangalan at ating Inangbayan. Ang pintasan, itatwa, at aglahiin siya ng kanyang mga anak ay tahasang pagpapahintulot sa mga banyaga o ibang lahi na gawin tayong mga alipin.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Bantayog
Sunday, March 03, 2013
Friday, March 01, 2013
Umunawa Nang Maunawaan
Patungo noon si Maestro Jose kasama ng kanyang disipulo sa Barangay Central, ang kanugnog na barangay ng Barangay Kupang, nang mabungaran nila sa isang sangang-daan ang isang magsasaka na pinipilit isingkaw ang kanyang kalabaw sa hihilahin nitong karomata.
Hindi tumitinag ang kalabaw kahit na buong lakas na hinahatak ito ng magsasaka. Sa matinding inis nito ay humulagpos sa kanyang bibig ang maraming tungayaw na ipinapangalan sa kalabaw, mga nanggagalaiting pagmumura na tila kulog na umaalingaw-ngaw at bumabulabog sa katahihimikan ng paligid.
Hindi pa ito nasiyahan sa walang
habas na panglalait, ay mabilis na pumulot ng kaputol na kahoy. Nang akmang
papaluin na ang walang imik na kalabaw ay marahang lumapit si Maestro Jose sa
magsasaka at mahinahong nangusap, “Huwag
naman sa ganyang paraan. Kailanman ay walang kakayahan ang kalabaw na
maintindihan anuman ang iyong binibigkas. Hindi iyan marunong ng ating wika,”
at ang dugtong pa ng Maestro, “Higit na
mainam kung magagawa mong maging mahinahon at pag-aralan ang kanyang
lenguwahe.”
Matapos ito ay tumalikod na ang
Maestro, at habang naglalakad ay nagbilin sa disipulo:
“Bago ka makipagtaltalan o makipagtalo
sa isang kalabaw, tandaan mo ang tagpong iyong nasaksihan kanina, … at sa buong
buhay mo ay makakaiwas ka sa kapighatian.”
"Tatandan ko pong maigi ito Maestro,"
ang nakangiting pakli ng disipulo habang patango-tango ang ulo.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)