Minsan
ay inanyayahan ni Raha Dimasupil ang kilalang pantas sa bundok ng Mariveles na
dalawin siya sa kanyang kaharian sa bayan ng Bagak sa Bataan.
Sa kanilang pag-uusap, nasambit ng raha sa pantas, “Ako ay naiinggit sa iyo bilang pantas at
banal na tao, ikaw ay kuntento na kahit sa mumunting mga bagay.” At dugtong
pa ng raha, “Kahit simpleng okasyon
lamang ay tila isang malaking piging na para sa iyo, lagi kang nakangiti kahit
lahat ng nakapaligid sa iyo ay pawang nakasimangot sa problema. May simpleng
pamumuhay ka ngunit mariwasâ sa lahat ng mga bagay sa kabundukan.”
Napangiti ang butihing pantas, “Ako ang nararapat na mainggit sa iyo, o
dakilang raha, bilang kuntento na sa mga karangyaan
at kasaganaan kaysa akin. Sa ganag akin, masaya na ako sa musika ng mga ibon at mga
kuliglig sa kagubatan; kasiyahan ko na ang tanawin ang mga nagnining-ning na
mga bituin tuwing maaliwaslas ang gabi; nalulugod ako sa mga lagaslas ng tubig sa mga ilog at
mga talón; nakikiliti at nagagalak ako sa mga ihip at haplos ng hangin sa aking
katawan sa mga kaparangan. May pagsilay ako ng araw sa maghapon at tinatanglawan
naman ng buwan sa gabi, sapagkat nasa aking kaibuturan ang Kaharian ng Langit at ang Diyos
ay nasa aking kaluluwa, subalit sa ganang iyo, mayroon ka lamang na kaharian sa
bayan ng Bagak.”
Bagamat nagitla ang raha sa tinuran ng pantas,
napatango ang ulo nito at naunawaan ang pahayag.