Saturday, July 29, 2017

IKAW ang Dahilan ng LAHAT!

Kapag may ligalig, ay may pagbabago na kailangang isaayos.
Bato bato sa langit... kailangang may tamaan kahit na magalit.

Ikaw ang may-akdà sa istoryá ng iyong buhay at tanging IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas) lamang ang may hawak ng panulat ng iyong sariling istorya upang ito ay magkatotoó. Ikaw ang kapitán ng iyong barko, ikaw ang tsuper ng iyong behikulo (ng iyong katawan), at ikaw ang maestro ng iyong tadhanà. Lahat ng mga bagay na nagaganap sa iyong buhay ay IKAW ang pumili at naggawad ng mga kapasiyahan. Kung anuman ang naging kalagayan mo sa ngayon, ikaw ang lumikha nito at wala kang dapat na sisihin. Lahat ng mga ito ay hindi mangyayari kung hindi mo pinahintulután. Kahit papaano, lahat ng tungkol sa iyo ay kasangkot ka, dahil sa hindi mo pagkibo, nagaganap ang mundo mo nang tulog, natutulog, at nagtutulog, tulogan ka.
   Kung nais mo ng pagbabago upang makaahon sa iyong kalagayan sa ngayon, simulan na maging malinaw at may katiyakan kung ano ang iyong talagang nais sa buhay, saang direksiyon mo nais na pumunta, at anong mga mahalagang bagay at mga pagkilos ang kailangan mong isagawa upang ito ay tahasang maganáp. Ang iyong mga kaisipan, mga pananalita, at mga aksiyon ay kailangang magkakatugmà at sumusuporta sa iyong tunay na mga ninanasà.
   May kapangyarihan kang pumili at may kapangyarihan din na piliin ang tamà. Walang iba kundi IKAW lamang ang makakagawa nito para sa iyo. Sakalimang iaasa mo pa ito sa iba, mananatili kang kopyà at lilisanin ang daigdig na ito na kailanman ay hindi mo nagawang tugtugin ang sarili mong musiká, na ...makaligtaán ang mga pangarap na nais mong makamit, na ...maging mailáp ang kaligayahan na patuloy mong ninanasà.
   Kung nais mong mahalina ang masasaya at positibong mga bagay… maging masayahin at positibo ka, na laging nasa makabuluhan at may katuturan ang iyong mga pinagkaka-abalahan. Sisirin ang iyong kaibuturan at ilabas ang lahat ng iyong mga potensiyal. Hanapin ang mga bagay na magpapasaya sa iyo, luminya sa mga gawaing kinagigiliwan mo, kahit walang kapalit o sahod ay ito pa rin ang gagawin mo. At kung may bayad o pasahod, bonus na lamang ito para sa iyo. Narito ang iyong tunay na mundo. Wala sa labas at sa mga panandaliang mga aliwan, mga pagtakas at kalayawan ng sarili.
Ang kaisipang inihanda mo, ang siyang tunay na magdedetermina sa susunod mo pang mga hakbang.
   Kumilos na, at ang lahat ay madali na lamang.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

May Layunin Ka nga ba?

Kung may mga katanungan, mayroong mga kasagutan

Magsimula: Pakawalan ang iyong Potensiyal


1-Laruin sa isipan na mayroon kang likas na abilidad na makamit ang anumang lunggati (goal) na inihanda sa iyong sarili. Ano ang tahasang nais mo na maging pagkatao, nais na magkaroon, at nais na mga gagawin?
2-Kilalanin ang mga aktibidad na nagdudulot sa iyo ng maginhawang pakiramdam tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay. Papaano ka makakagawa ng marami pang katulad nito?
3-Alamin ang takbo ng buhay mo sa iyong personal at trabaho ngayon, at kilalanin kung papaano ang iyong iniisip ay nililikha ang sarili mong daigdig. Ano ang dapat mong gawin o magagawa mong mabago pa?
4-Italaga ngayon na anuman ang iyong iniisip at binibigkas ay tungkol lamang sa mga bagay na kailangan mo sa iyong buhay, at umiwas na isipin o bigkasin ang mga bagay na hindi mo nais at walang katuturan. Saan at papaano mo ginugugol ang iyong mga mahahalagang sandali?
5-Tiyakin na ang sakripisyo na iyong paghihirapan para makamit ang iyong mga lunggati ay siyang pinakamahalaga para sa iyo, at italaga na handa kang magpunyagi sa abot ng iyong makakaya, simula sa araw na ito. Nakahanda ka bang magtiis at gawin ang lahat matupad lamang ang iyong mga pangarap?
6- Isaguni-guni na ikaw ay lubusan nang may garantiya ng tagumpay na makamit ang iyong mga lunggati at wala kang kinakatakutang anuman. Anong mga lunggati ang iyong inihahanda para sa iyong sarili?
7-Maghanda at itakda ang mga lunggati, masikhay na gawin ito sa araw-araw, at ang matupad ito ay siyang susi sa maligayang buhay. Anong pagkilos ang kailangan mong gawin kaagad bilang resulta sa iyong mga kasagutan sa mga katanungan na nasa itaas?

   Makakatiyak ka nang mahaba, malusog, at masaganang buhay habang patuloy kang nagpupunyagi na makamtan ang mga bagay na iyong minimithi sa buhay. Ang may dakilang layunin ay kaakibat ng mga maliliwanag na lunggati. Ito ang nagtutulak sa iyo upang ilabas lahat ang iyong mga nakatagong potensiyal para sa personal at propesyonal na tagumpay. Ang mga lunggati ay nagagawang lagpasan ang anumang humadlang sa iyo para madaling makamit ang iyong mga pangarap.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan







Monday, July 24, 2017

Diyos ko, patawarin mo po sila.

Nasaan ang Diyos?

   Nagninilay sa tabi ng batis ang matandang pantas nang gambalain siya ng isang lalaki. “Maestro, nais kong maging isang disipulo ninyo!” Ang bulalas nitong pakiusap. 

   “Bakit?” ang nagtatakang tugon ng matanda. Ilang saglit na hindi nakahuma ang lalaki at nagmamalaking sumagot, “Dahil nais kong matagpuan ang Diyos!”

   Biglang bumalikwas ang matanda, sinunggaban sa batok ang lalaki, hinila itong patungo sa tubig at buong lakas na inilubog ang ulo ng lalaki sa tubig. Matapos ang isang minuto na nakalubog, nagka-kakawag, at nagpupumilit na makaalpas ito sa mahigpit na pagkakahawak ng matanda, ay pinawalan nito ang lalaki na sumasagawak ang tubig sa bibig at hinahabol ang paghinga. Nang huminahon na ito ay nangusap ang matanda, Sabihin mo sa akin, ano ang tanging nasa isip mo nang ikaw ay nakalubog sa tubig?”

“Hangin!” ang humihingal na sagot ng lalaki.

   “Kung gayon,” ang mungkahi ng matandang pantas, “umuwi ka na at bumalik na lamang sa akin kapag nais mong matagpuan ang Diyos katulad ng pagnanais mong makahinga ng hangin.”

 Mga Simulain ng Buhay

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

ALAM MO BA ITO?

Kung saan ka nakaharap, ito ang iyong pupuntahan.
Patuloy at walang hanggan ang iyong kaganapan. Ang sansinukob ay laging lumalawak at walang hinto sa paglaki, at bilang bahagi ng sansinukob, ikaw din ay patuloy sa paglawak at pagyabong, pagkakaroon ng mga imahinasyon, pagsulpot ng mga bagong sibol na mga ideya, mga hangarin at mga pangarap. Habang nabubuhay ka, walang hinto din ang iyong mga oportunidad, upang ang iyong mga potensiyal na nakakulong sa iyong kaibuturan ay lubusang makawala at magampanan mo nang mahinusay ang tunay na dahilan kung bakit lumitaw ka sa mundong ito.  
Sino ka nga ba? Ano ba ang mga naisin mo sa buhay? At saan ka ba talagang direksiyon patungo?
   Ang problema lamang, mula sa pagkabata ay tinuruan ka na ng iyong mga kinagisnan, mga kapaligiran, edukasyon, at ng mga nakakatanda sa iyo na isantabi ang iyong mga ninanasá at umayón sa kalakalan at nakapangyayari (staus quo) ng lipunan at ng mga inaasahan ng ibang tao tungkol sa iyo.
   Ang puwáng sa pagitan kung ano ang talagang nais ng iyong kalooban at pagsunod sa mga kagawian at panuntunan ng iyong kapaligiran ay kung papaano mo ipapamuhay ang iyong buhay ay siyang lumilikha ng mabibigat na pagkaligalig at kapanglawan sa iyong sarili. Ito ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya.Tanungin lamang ang sarili sa sandaling ito; Maligaya ka nga ba ngayon?
   Kung nais mong ipamuhay ang iyong buhay nang naaayon sa iyong kagustuhan, nang hindi umaasa at pinapaakialaman ng ibang tao para mapatunayan mo nang lubos ang iyong potensiyal na mga katangian, kailangan takasan mo sila at lalo mo pang paghusayin ang iyong sarili. Maraming tao ang hindi magugustuhan ang iyong mga ginagawa, lalo na doon sa mga nalagpasan at nahigitan mo sa buhay, subalit ang mga tao na ito ay hindi ipinamumuhay ang iyong buhay. Hindi sila ang mapapahamak sakalimang magkamali ka, kundi ikaw, dahil ito ang sarili mong buhay!
Banal na tungkulin mo ang alamin kung sino, mga naisin at saan ka tahasang pupunta.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, July 13, 2017

Ang Lihim ng KALIGAYAHAN



Hindi kung ano ang mayroon ka, o kung sino ka man,
o anuman ang iyong ginagawa na nakapagpapasaya
o nakapagpapalungkot sa iyo.
Kundi kung ano ang iyong iniisip.

AKO lamang at wala nang iba pa.
 May isang napakayaman at matagumpay na tao sa lungsod ng Balanga. May-ari ito ng malalawak na lupain, mga taniman, mga paupahang bahay, at karamihan ng negosyo sa lungsod ay sa kanya, at kung hindi naman ay kasosyo siya. Mayroon itong malaking mansiyon na malapit sa ilog Talisay sa Barangay Kupang, at may maraming kasambahay na may kanya-kanyang tungkulin sa pag-aasikaso sa kanya. Marami itong salapi na kayang bilhin ang bawa't kanyang maibigan, at siya’y hinahangaan at ipinagmamalaki sa kanyang mga pagkakawanggawa. Ngunit sa kabila ng magandang kapalarang ito, may laging bumabalisa sa kanya at nananatili pa rin siya na malungkot.
   Patuloy ang mga bagabag at maraming gabing hindi siya makatulog. Malimit siyang naa-alimpungatan mula sa pagkakahimbing, pinagpapawisan, at laging napapatulala. Mayroon siyang hinahanap at napagkuro niyang, hindi siya maligaya.
   Hanggang isang araw, may nakapagbalita sa kanya tungkol sa isang nakatagong templo sa pinakaliblib na kagubatan ng isa sa maraming bundok sa lalawigan ng Bataan. Bihira ang nakakaalam nito, at ayon sa kanyang nalaman mayroon itong isang pambihirang silid na maraming makukulay na dekorasyon at napakaganda. Sa pinakagitna nito; ay may isang altar na tinatabingan ng malasutlang seda na kurtina, na may makikinang na burda sa buong palibot nito. At kung hahawiin ito, matatagpuan ang lihim ng kaligayahang minimithi ng sinuman. Anupa’t lalong nasabik siya; nagmamadaling gumayak at inayos ang lahat ng kakailanganin, salapi, mga tao at mga kagamitan, at sinimulang hanapin ang nakatagong templo sa mga kabundukan ng Bataan.
   Maraming buwan ang nakalipas sa paglalakbay, paghahanap, pagsuyod, at paggalugad sa lahat ng mga kagubatan ng maraming bundok sa Bataan, hanggang umabot siya sa tuktok ng pinakamataas na bundok ng Mariveles. Sa isang nakakubli at natatanging pook nito, ay may mga dambuhalang puno ng mga akasya, narra, at molave na nakapalibot dito, may mga hardin ng malalagong halamanan na may naggagandahang sari-saring makukulay na bulaklak, sa pinakagitna nito ay naroon ang kulay gintong templo na parang matagal nang naghihintay at nag-aanyaya  sa kanya.
   Matapos ang maraming buwang paghihirap, at halos maubos ang kanyang kabuhayan sa maraming taong tumulong sa kanya, alam niya na balewala lahat ang mga paghihirap na ito sa gantimpalang kanyang matatanggap sa araw na ito. Sa wakas, makakamtan na rin niya ang lihim ng kaligayahan.
   Sa matinding kagalakang nadarama, ay napaluhod ito at dumalangin ng taos-pusong pasasalamat. At matapos ito ay nagkukumahog na tumakbong papalapit sa templo, at pagdating sa pintuan ay mabilis na kumatok. “Tao po, tao po. Magandang hapon po sa inyo!” Ang buong kasabikang bulalas niya.
   Maya-maya pa ay isang nakangiting matandang pantas ang lumabas at inanyayahan siyang pumasok sa loob. Ipinagtapat niya sa pantas ang kanyang taimtim na hangarin at masidhing paghahanap na umabot sa mahigit na isang taon. Ipinaliwanag niya na kinalimutan at tinalikdan ang mga karangyaan at mga libangan upang mapagtuunan ng ibayong panahon ang paghahanap sa nakatagong templo. Ang kanyang malaking kayamanan na ginugol dito, at maraming taong kanyang kinatulong upang matagpuan lamang ito. At ngayong narito na siya, nais niyang makapasok sa pambihirang silid upang makamit ang lihim ng kaligayahan.
   Nakangiti at tahimik na tumatango-tango lamang ang matandang pantas sa lahat nang narinig, at kapagkuwa’y sinamahan siya na umakyat sa hagdanang patungo sa isang silid. Inakyat niya ito na naginginig ang kanyang mga tuhod sa matinding pananabik, pandalas ang lunok sa lanyang lalamunan, at napapaluhod sa pagmamadali. At pagharap sa pintuan ay halos hindi humihinga at nanginginig ang kamay na dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Halos himatayin ito sa tuwa sa naghahari niyang pananabik.
   Tamang lahat ang inpormasyong natanggap niya; isang pambihirang silid ito na maraming makukulay na dekorasyon at napakaganda. Sa pinakagitna nito ay may isang altar na tinatabingan ng kurtinang malasutlang seda na may makikinang na burda sa buong palibot at mga gilid nito. Muling nagkasunod-sunod ang kanyang lunok sa lalamunan niya sa matinding pananabik. Marahan siyang lumapit sa altar, hihinga-hinga, nag-antanda, at nanginginig ang tuhod at mga kamay na unti-unting hinawi ang kurtina ng malasutlang seda na tumatabing sa lihim ng kaligayahan.
   At bigla siyang napamulagat, nanlaki ang mga mata, at napanganga sa natunghayan. Nakita niya at nakamasid sa kanya, ang kanyang mismong sarili. Napamaang at hindi makapagsalita siya sa ilang sandali. Nakaharap siya sa isang malinaw na malaking salamin. Nagtataka siyang napakamot sa batok niya, inaapuhap at pinaglilimi kung anong ibig ipakahulugan nito. Nang bigla siyang tumawa ng malakas, “Ako pala ang lihim ng kaligayahan, ako din pala ang lulunas sa mga kapighatian ko, ang aking  isip, katawan, at kaluluwa ko . . . ako pala ang dahilan ng lahat,  . . . Nasa akin lamang, . . .  AKO lamang at wala nang iba pa.”

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------o
Panahon na upang ating maunawaan at tanggapin na ang kaligayahang ating hinahanap ay nasa ating kalooban lamang. Ang kaligayahan ay narito at kailangan lamang na damahin upang maipadama. Tayo ang pumipili at nagpapasiya kung anong damdamin ang ating ipadarama sa kapaligiran, sa mga bagay, sa mga taong ating karelasyon at malalapit sa ating puso. Anumang damdamin ang ating ipinapakita ay siya rin nating natatanggap. Nasa ating kapangyarihan ang kapasiyahang pumili kung ano ang magpapasaya at magpapalungkot sa atin. Anumang bagay sa ating harapan ay nagkakaroon lamang ng kahulugan sa pamamagitan ng ating kakayahan sa ipapangalan, ipapadama, at ipapakahulugan para rito.
Tayo ang lumilikha ng ating sariling daigdig ayon sa ating pangmalas at nais ipakahulugan dito. Kung may suot tayong salamin sa mata, ang ating nakikita ay ayon sa taas o baba ng grado nito. Walang kinalaman ang suot na salamin, ang may suot ang may kagagawan sa kanyang pinagmamasdan. Ang ating kaisipan ang lumilikha ng kaganapan nang ating nakikita. Ang daigdig ay daigdig, ang araw ay araw, ang gabi ay gabi. Subalit nagkakaroon lamang ito ng kahalagahan sa uri ng ating ipapahalaga sa mga ito.
   Masdan muli ang sarili sa salamin, sumimangot, ngumiti, ikunot ang noo, ngumiwi, palakihin ang mga mata, ngumuso, ibuka ang bibig, umiling at tumango, lahat ng ito’y susundin ng taong repleksiyon sa salamin. At sa mga taong kaharap mo at kinakausap, kapag ginagawa mo ang itsurang ito ng iyong mukha, ito ang mga inpormasyong ipinapahayag mo sa kausap. At ito rin ang kanilang nadarama sa kanilang mga puso. Sinusuklian lamang nila sa iyo ang iyong mga ipinapakita.
   Hindi ba may katotohanan na: Igalang mo ang iyong sarili at ikaw ay igagalang din ng iba. Magtanim ka ng mabuti, at mabuti ang aanihin mo. Pabaya ka sa buhay, pabaya din ang tadhana sa iyo. Wala kang hilig sa pag-aaral, kamangmangan ang sasaiyo. Katangahan ang ipinapasok sa kaisipan mo, pawang katangahan ang mga gagawin mo. Manood ka sa telebisyon nang walang katuturan, ang buhay mo ay magbubunga ng walang katuturan din. Kailanman, hindi nagbunga ang manga ng santol. Kung ano ang iyong itinanim siya mo ring aanihin.

   Muling tignan ang sarili sa salamin at kausapin ito, “Ikaw, ano ang iyong ginawa at patuloy na ginagawa sa iyong buhay, Maligaya ka ba ngayon?

   Nawa’y pawang oo, ang naging sagot mo.

   Harinawa.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, July 10, 2017

Kailangan Natin ang ABAKA


Hanggat hindi mo kilala ang iyong sarili,
patuloy kang mabibigo sa buhay.  
Ang abaka na isang uri ng saging at katutubo sa Pilipinas ay napakahalaga sa ekonomiya ng ating bansa. Dati-rati’y ginagawa itong matibay na lubid at sako, at pangunahing produkto ng Pilipinas noong araw nang hindi pa natutuklasan ang plastik at nylon. Pangkalahatan ding tinatawag na Manila hemp, na kinukuha mula sa puno at saha nito. Ngayon, inaani ito dahil sa matigas at matibay nitong hibla para sa mga supot ng tsaa, espesyal na mga produkto at pang-dekorasyong papel, salaang papel, at sa paggawa ng matibay na perang papel. Subalit hindi ito paksa natin ngayon, mayroon pang isang klase ng Abaka na mahalaga nating malaman, at ito ang tahasang nakakatulong sa atin sa mga panahon ng kagipitan.

   Sa Divisoria sa Maynila, may isang kariton na puno ng mga pinamiling paninda ang itinutulak ng matandang kargador nang makadumog ito sa nakahalang na paninda sa daan. Tumilapon ang mga kalya na may panindang lansones at kumalat ito sa kalsada. Mabilis na pinulot ang mga ito ng kargador sabay nang paghingi ng taos-pusong paumanhin, habang ang tindera ng lansones ay maingay na nagpuputak at minumura ang inakalang kahinaan ng ulo ng kargador. Nakapamaywang ang kaliwang kamay at sinusundot-sundot ng kanang hintuturo ang mukha ng kargador. Hindi pinansin ng tindera ang paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ng kargador. Mula ulo hanggang paa na humihiyaw na sinabon at inalipusta ito nang walang tigil. Nanatiling mahinahon at walang imik ang kargador na pinulot na lamang ang mga lansones at ibinalik sa mga kalya. Natigil lamang ang pagbubunganga at panlalait ng tindera nang may bumili ng lansones.
   Papalayo na ang nagtutulak na kargador; subalit mauunaligan pa na maingay na nagsusumbong ang matalak na tindera sa namimili ng lansones tungkol sa ginawang kapinsalaan ng kargador. Maraming tao ang nakapansin sa pananatiling tahimik at mahinahon ng kargador. Ang iba ay nagpasaring, “Kung sa aking nangyari ang ganyang pag-aglahi at pagmumura, papuputukin ko ang nguso ng tindera!” Sabat naman ng isa, “Halos apo na lamang ang tindera; nakapanliliit at hindi na iginalang ang matandang kargador, gayong hindi naman niya sinasadya ito.” Ayon naman sa katabi na sukdulang naiinis, “Itong tindera ang may kasalanan at inihalang ang kanyang paninda sa daraanan, siya pa ang may ganang magmura at walang hunos-dili sa pangungutya sa matanda.” At sinang-ayunan naman ito nang patango-tangong mga usisero sa bangketa.
   Nagtataka ang negosyante na may-ari ng mga bagahe sa kariton na itinutulak ng kargador, at may paghangang nagtanong ito, “Papaano po ninyo napanatiling tahimik at mahinahon sa kabila ng masasakit na alipusta at pagmumura ng tindera?”
   Madali lamang, ineng ko, “Habang nakatalikod ako sa kanya, ay inihulog ko sa butas ng kanal ang marami niyang lansones!”
------
Isang tagpo ito kung papaano sasayawan at pangangalagaan ang iyong saloobin sa kabila ng paglapastangan sa iyong pagkatao, datapwa’t mayroon pang isa na higit na magandang gamitin kapag nalagay sa ganitong pangyayari. Ito ay ang panuntunang ABaKa. Simpleng-simple at epektibo ito kung gagawing patakaran sa iyong buhay.
   Magagamit ito sa maraming tagpo at pangyayari, kapag may nakabangga, nakagalit, at nakainisan na mga taong naghahanap ng kanilang mapagbabalingan ng kanilang kapighatian. Mga inis-talo ang mga ito na kailangang paghandaan ng tamang paraan, upang hindi ka maging biktima ng kanilang kalupitan sa kapwa. Bigyan ng pansin ang isang tagpo; tulad ng batas sa trapiko, na kung saan dahil sa matinding galit o road rage ay marami ang napapahamak at nagbubuwis pa ng kanilang buhay.

Ang panuntunang ABaKa
Pakatandaan lamang ang tatlong titik na ABK o Abaka sa ating pagbigkas.
A – ay tumatayo bilang Aksaya. Kung nasa isang buhol-buhol at hindi gumagalaw na trapiko ang iyong sasakyan ito ay isang Aksaya at abala sa panahon at magastos pa sa gasolina. Isipin kaagad ang pananggalang na katagang aksaya upang maging ganap na handa sa mangyayari. Sapagkat sa ganitong tagpo, marami ang mainit ang ulo at magagalitin. Aksaya ang patulan pa sila.
Ba – ay tumatayo sa katanungang Bakit? Para saan ba ito? Ikakabuti o ikakasama? Magandang pagkakataon o nakakayamot na pagkakataon? Na sasagutin mo ng iyong tamang paniniwala, sa halip na magalit ay gamitin mo ang mga sandaling ito nang pagkaabala sa trapiko, sa isang makabuluhang bagay tulad ng pagplano, paglista ng mga gagawin pa, pagtawag sa mga mahal sa buhay, makabuluhang pakikipag-usap sa iyong mga pasahero, pagkakataon na manalangin at magpasalamat at walang nangyaring sakuna sa iyo, atbp.
Maaari ding isipin na kaya ka nagagahol ay pinipigilan ka (Blessing in disguise), isang nakakubling pagpapala, upang huwag masakuna kung ikaw ay mapapaaga sa iyong pupuntahan. Maraming bagay na mahiwaga at misteryoso na hindi natin batid, subalit ang padalos-dalos at walang pag-iingat ay laging humahantong sa kapahamakan. Ito ang tamang pagkakataon na magnilay upang sariwain ang mga pag-iingat sa trapiko.
Ka – ay tumatayo sa Kahahantungan. Ano ang mangyayari sa huli, kung matinding magagalit at papatulan mo ang lumalapastangan o nakikipag-away sa iyo? Ano ang iyong mapapala matapos ang pangyayaring ito? Sa pagiging matapang at higit na magaling? Sa pagiging tama at patuloy na pakikipaglaban sa kaharap? Kaysa tumawag ng nakakaalam o pulis at mamagitan sa inyong alitan?
   Madali ang pumasok sa away ngunit ang lumabas ay napakahirap. Panahon, salapi, at ibayong hirap ang kalakip nito, kasama na ang mga pagkatakot at mga bagabag sa gagawing paghihiganti ng nakalaban. Puwede naman na maiwasan ito sa simula pa lamang, upang hindi na lumaki pa at pagsisisihan sa dakong huli.
   Tamang lumaban kung ikaw ay tahasang inaapi at malalagay sa alanganin o kapahamakan. Makatwirang ipaglaban mo ang iyong karapatan, subalit kung wala ka namang mapapala; Ano ang Aksaya,  Bakit gagawin mo ito, para sa anong Kahahantungan nito para sa iyong makabuluhang kapakanan at maging sa kinabukasan ng iyong pamilya? Kapag saliwa at walang magandang patutunguhan ang iyong pagkilos, aba’y isipin ng maraming ulit ang iyong sarili at pamilya at magiging kinabukasan nito kung ikaw ay naabala, nagastusan, nakulong, at sa kasawiang palad ay yumao nang wala sa tamang panahon.

Abaka, lamang po ang tamang panuntunan.
Na ating kailangang kalasag at tanggulan sa magusot nating pakikibaka sa buhay.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan