Thursday, June 28, 2018

Gumising Naman Tayo

Masiglang pagbati sa lahat, narito ang ilan sa mga patnubay na nakasanayan ko na. Pakibasa lamang at limiin ang mga ito. At higit na mahalaga, itanim sa isipan, isapuso at gawing bahagi ng pakikibaka sa buhay.
   Sa ating ginagawang paglalakbay, mahalaga na may mga tamang kaisipan na gumagabay sa atin sa mga panahong tayo ay nakakalimot at nawiwili sa mga panandaliang libangan.
------------
   Noong nagsimula akong mamasukan, napansin ko na sa siyam sa sampung ginagawa ko ay pawang mga kamalian, ngunit madalas kong binabago ang aking sistema sa bawat sitwasyon na ako ay nahaharap sa katulad na problema. Kahit magtagal ako sa aking ginagawa, pinipilit kong itama ang pagkakamali upang ito ay hindi na maulit pa. At sa ganitong paraan lamang napatunayan ko na lahat ng bagay ay posibleng mangyari kung tahasan mong ninanasa na magtagumpay sa buhay. Matututuhan mong kilalanin na ang bawat hadlang sa iyong daraanan ay mga paghamon upang lalo kang magsumikap at maging matatag. Ang mga pagkakamali ay sadyang nakaukol para lalong paghusayin ang iyong mga katangian at maging handa ka sa darating na malaking pagpapala.
   Pananatili, pagsisikhay at pagpupumilit sa kabila ng lahat ng mga balakid, kawalan ng pag-asa, at mga kaimposiblehan: ito ang nagpapatibay, na sa lahat ng mga bagay kapag masidhi ang iyong ninanasa, patuloy na maglalagablab ito hanggang sa makamtan ang tagumpay.
 
 

May Relihiyon Ka nga ba?

Ang Aking Relihiyon


Ang maturidad o paggulang ay nililikha ng mga mabuting relasyon 
at pakikiisa sa pamayanan.
Ito ang aking nalalaman, kailangang akuin mo ang responsibilidad sa espasyong kinalalagyan mo. Saan ka man nakatayo at ginagalawan mo ngayon, may tungkulin kang kaakibat nito. Alalahanin lamang na sa pangatlong batas ng Mosyon, na kung saan ay ipinapahayag nito na, "Sa bawat aksiyon ay mayroong kalakip na kapantay at kasalungat na reaksiyon." Ito ang batayan at formula kong pinaiiral sa araw-araw.
   Ito ang pinakaubod at pangunahing pagbuo ng aking panuntunan sa buhay. Binibigyan laya nito na malaman ko ang bawat kaisipan na aking maiisip at kung papaanong pagpili ang isasagawa ko at magiging kapasiyahan para mahusay ko itong magampanan.
   Batid ko nang lubusan na sa bawat kaisipan na aking inayunan ay may kaakibat na aksiyon na siyang lilikha ng kapantay o kasalungat na reaksiyon. Kaya nag-iingat ako sa bawat bagay na aking iniisip, dahil may kasunod na mga aksiyon ito. At ang mga ito ay kusang bumabalik. Kapag may itinanim, may aanihin. Anumang panukat ang inilapat mo, ito din ang isusukat sa iyo. Kapag dumura ka sa langit, sa mukha mo ito ibinabalik. Batas ito ng Karma. Ibabalik sa iyo nang higit pa ang anumang ginawa mo.
   Ang gintong kautusan ay katotohanan at hindi mababali, na kapag may ginawa ka sa iba, ito din ang gagawin nila para sa iyo. Oopss... Nagawa na ito. Mayroong kumikilos na enerhiya sa kapaligiran, at ito ay mabisa kong nararamdaman. Ang taguri dito ay konsiyusnes, konsensiya, budhi, kamalayan, o, kagisingan. Madalas, tinatawag ko itong Dakilang Kamalayan. At marami akong kakilala na ganito din ang pakiramdam nila, lalo na ang matalik kong kaibigan, na si Karina Pollock, hindi siya nag-aatubili na panindigan ito. Kung mayroon ka nito, umiindayog ka din at sumasayaw na tulad ng hangin at nagpapatangay sa mga pag-ihip nito. Mistula kang yagit na tinatangay ng daloy mula sa isang sibol at nakikiisa sa mga pagragasa nito. At ang daluydoy nito ay diretsong kasukat anuman ang nagaganap sa iyong puso. Kung saan ang Diyos ay nananahan, kung saan ang enerhiya ng sansinukob ay nananahan, kung saan ang kabanalan sa iyong kaibuturan ay nananahan. Gaano ba ang layo mula sa sentro, mula sa banal na pugad ng iyong sarili, mula sa iyong koneksiyon sa pinanggagalingan ng enerhiya. Ito ang naglalang sa iyo, gaano man pakaisipin mo ang iyong buhay, kahit ano pa man ang itawag mo para dito.
Ang mabilisang pagtupad ang magtuturo sa iyo na makapaglingkod sa Diyos kaysa basahin at talakayin nang buong buhay ang Bibliya.

Magsalamin Ka nga!

Titigan ang Sarili

Ang mabatid ang iyong layunin ang siyang nagbibigay
ng makabuluhan sa iyong buhay.
Sa anumang larangan, iwasang laging nakatunghay sa ginagawa ng iba. Hindi mo katungkulan ang magmasid at titigan nang puspusan ang ginagawa ng iyong kapitbahay. Kung kakumpetensiya mo naman sa negosyo, kaysa inaabangan at inaalam ang kanyang ginagawa, wala kang kontrol para dito. Ang may kontrol ka lamang ay sa iyong sarili. Iwasang mabalisa tungkol sa karibal at panghinaan ka ng loob sa bagay na ito.
   Katulad sa pagmamaneho ng kotse, kung lagi kang nakatingin sa back mirror at pilit na tinitignan ang mga sasakyan na nasa likod mo at sumusunod sa iyo, malamang nito pulutin ka para sa ospital o, sa sementeryo. Ang mainam ay tumutok ka sa harapan mo at maging maingat.
   Sa karera ng pabilisan ng takbo, ang enerhiya na lumingon at tignan ang takbo ng katunggali ay kabawasan ng lakas, at kapag nakita mong malapit ka na niyang abutan, matatakot ka at manghihina pa. Subalit kung ang lahat ng enerhiya mo ay uubusin para lalong bumilis ang iyong pagtakbo, malaki ang porsiyento na mananalo ka. Huwag aksayahin ang iyong lakas at panahon sa paglingon at pagtitig sa mga katunggali, kung ito ay may mga kakayahan o kung anuman ang ginagawa nila. Ang tunggalian ay hindi tungkol sa katunggali mo. Ito ay tungkol kung ano ang makakaya mong gawin, kailangan lamang na gawin ang tungkulin mo nang higit pa sa iyong makakaya para ikaw ay manalo. Kailangang ibigay mong lahat ang magagawa mo sa pagkakataong ito sa iyong sarili. Para sa iyong sarili.
Walang makapaghuhubog sa iyong buhay gaya ng pagtupad sa iyong mga tungkulin na pinili mong isagawa.

Tumakas Ka!

Tanikala ng Bilangguang Walang Rehas


Ang balatkayong pamumuhay ay isang hungkag na buhay; ang simple at karaniwang pamumuhay ay isang mapayapang buhay.
 Marami ang hindi nakakaalam at kung alam naman ay hindi nakahanda sa mga patibong na nagkalat sa paligid. Nagugulat na lamang sila kung bakit napatali sa isang relasyon na hindi inaasahan, sa trabahong hindi naman pinangarap, sa usapin na kinasangkutan nang wala namang kinalaman, at sa buhay na pawang pagkukunwari, sa mga pretensiyon at sa mga ipokritong asal na nagpapahamak. Gayong madalas na may nagbubulong, ano ang nararapat gawin, at papaano magagawa ito. Mahirap ang magsinungaling kapag budhi na ang humihiyaw. Lalo na ang magpanggap ng isang pagkatao na hindi naman ikaw.
   Huwag piliting manggaya at tumulad sa iba, isa kang pambihira at hindi isang kopya. Kailanman ay hindi mo mailalabas ang nakatago mong potensiyal upang makarating sa iyong patutunguhan. Hindi mo magagawa ito. Sa dahilang gaano man kalaki ang natanggap mo, o maging mataas na posisyon ang nahawakan mo, ganito ding sakripisyo ang isusukli mo. Subalit lahat ng ito ay mapapasaiyo kung gagamitin mo sa kagalingang panlahat. Ang intensiyon mo ang namamatnubay at nagdedetermina ng mga resuta nito. Simulan at ang lahat ay madali na lamang.
Doon sa mahilig sumunod at gumaya sa iba, lagi silang naliligaw ng landas.

May Narinig Ka ba?

Pakinggan ang mga Bulong


Kapag malinaw kang makinig, pinasisigla nito ang iyong buhay.
Ang sansinukob ay patuloy na kinakausap tayo. Una, sa mga bulong. Kasunod nito ang mga sitwasyon, mga kalagayan at kundisyon, at mga oportunidad para gisingin tayo sakalimang patuloy tayo sa pag-idlip. Kung tayo naman ay nakatulog, kinakausap tayo sa panag-inip. At kung talagang tulog, bangungot ang kaulayaw mo at gigising sa iyo.  
   Dito sa bulong, nakabatay ito sa iyong pakiramdam, binibigyan ka ng pagkakataon na maglimi, tulad ng "Ano ba 'yan?" "Bakit ganito 'yan?'  "Sino ba 'yan?" "Papaano 'yan?" "Walang saysay 'yan." O, "Makabuluhan ba 'yan." "May mapapala ba ikaw dyan?" "Mapapahamak ka dyan", "Kung gagawin mo 'yan, masaya ka ba?" Ikaw higit sa lahat ang tanging masusunod para dito. Ang tanong; Sino ang nagpapadala nito at ibinubulong pa sa iyo? Kung hindi mo papahalagahan at ipagwawalang bahala ang mga bulong na ito, lalakas ito, palakas nang palakas, dumadagundong at rumirindi sa iyong utak. At kung patuloy pang ayaw mong intindihin, at tumatakas ka sa mga panandaliang aliwan, mistula na itong malaking bato na winawasak ang katinuan ng iyong isipan. Hindi ka ba nagtataka kung laging bugnutin, at nababagot ka na sa buhay? Ito ang dahilan kung bakit nawawalan ka na ng pag-asa, malungkot at laging masalimoot ang iyong buhay. Sapagkat wala kang sapat na atensiyon sa mga bulong na ipinapadala sa iyo bilang sagot sa iyong mga panalangin.
Ang pinakamatalinong mga sandali ay yaong sumang-ayon ka sa Diyos.

Ikaw ang Lahat sa Mundo Mo


Kapag maramot ka, kusang lumilihis at sadyang iniiwasan ka ng kasaganaan.
Ang biyaya at mga pagpapala ay patuloy. Wala itong humpay doon sa mga nakabukas ang mga palad. Subalit maramot ito para doon sa mga nakakimis; mga kamao ito na nakahandang manuntok. Wala kang bagay na masasapo kung matigas na nakabigkis ang iyong mga palad. Ang kasaganaan ay nakalutang at patuloy na naghahanap ng lalagpakan. Kung hindi ka nakahandang sapuhin ito, lalaging mailap sa iyo ang kasaganaan. May mahiwagang kamay na nagpapala, at may mga kamay ka para tanggapin ito nang higit pa sa inaasahan mo. Maraming bagay ang kusang nagaganap na hindi mo nalalaman na ikaw ay inihahanda para dito. At ang katotohanan para sa akin, at sa bawat isa sa atin, bawat bagay maliit o malaki man ito na nangyayari sa iyong buhay ay isang paghahanda para sa iyo sa nakatakdang pagpapala na darating.
   Maraming tao ang nakakaalam ng kanilang layunin kung bakit narito sila sa mundong ito. At kung ang mga ito ay hindi mo pa alam; kung sino ka, ano ang mga naisin mo, at saan nais mo pumunta, ito ang pangunahin mong lunggati na kailangang puspusan na alamin. Sapagkat kung hindi mo papahalagahan ito, patuloy lamang na paikut-ikot at bahala na ang aatupagin mo. Sa sandaling mabatid mo kung ano ang dapat gawin at magampanan ito kaagad nang maaga, walang balakid ang makakapigil pa sa iyo para makamit mo ang tagumpay na iyong minimithi.
Ang mahusay na paggamit sa buhay ay aksayahin ito sa bagay na walang hanggan.

Bilangguang Walang Rehas


Mga produkto tayo ng ating nakaraan, ngunit hindi kailangan 
na maging bilanggo tayo nito.
Ang layunin sa bawat hakbang at mga kabanata na nagaganap sa ating buhay ay ang maunawaan na nililikha nito na kasama ang Ultimong Tagalikha. Kung wala kang kabatiran tungkol sa bagay na ito, inilalagay mo lamang ang iyong sarili sa isang kahapis-hapis at nakakaawang kalagayan. Kapag sa sarili mo lamang ikaw laging nakatuon, patuloy kang nakikipagsapalaran anuman ang maging kahinatnan nito. Natanggap ko na hindi ko ito makakaya na magawang mag-isa. Hindi ako makakaligtas sa mundong ito kung ang sarili ko lamang ang paniniwalaan ko. Wala akong sapat na kakayahan na gampanan ito. Wala akong kapangyarihan na magawa ito, Kahit sinuman ay walang kapangyarihan na makagawa nito. Sino sa atin ang may kapangyarihan na piliin ang kanyang magiging mga magulang? Papaano mo magagawa o mapipigil man lamang ang punlay na nanggaling sa iyong ama at pumisa sa itlog ng iyong ina upang lumitaw ka sa mundong ito? Hindi ba isang malaking kababalaghan ito? Napakaraming mga pagpili at mga kapasiyahan ang mga nagdaan at pinagtagpo ang lahat ng mga kaganapan, para lalangin ka at narito sa mundong ito, ngayon. Ito ay himala at isang pagbubunyi.
   Kapag kinikilala mo ang misteryo ng paglalang, lahat ng mga kaganapan sa pinagmulan nito, saliksikin mo man nang maraming ulit at piliting maunawaan para mabatid ang lahat ng mga ito, pawang mga katanungan lamang ang tanging maiiwan na walang mga kasagutan. Kailangan na malaman mo ito, ang katunayan na narito ako at humihinga pa, ang siyang mahalaga. Ikaw na nariyan na ang siyang mahalaga. Lahat tayo, ...ngayon, sa mga sandaling ito, ang mahalaga.  
   Walang bagay sa aking buhay ang naganap dahil sa suwerte o kapalaran, wala. Anuman ang mayroon ako, ito ay nanggaling sa biyaya at pagpapala, karamihan ay mula sa banal na kaganapan. Hindi ako naniniwala sa suwerte. Sa ganang akin, ang suwerte ay isang preparasyon para masunggaban ang oportunidad kapag tinukso ka nito. Magiging mapalad ka kung ikaw ay nakahanda sa anumang oportunidad na dumarating sa iyo.
Hindi mo magagawang tuparin ang iyong layunin kung lagi kang nakatuon sa pagpaplano.