Thursday, October 31, 2019

Damahin Natin ang Haplos-Personal


Ang hanapin ay respeto, hindi ang atensiyon.
Pagmamahal. Koneksiyon. Kapayapaan. Kaligayahan.
Tayo ay mapaghanap nang higit pa sa ating buhay. Lalo na doon sa mga bagay na higit na magpapasaya at pumapayapa sa ating kalooban. At kahit na mayroon tayong mga paraan na makipag-ugnay sa iba, ang maabalang paghila ng sosyal media (facebook, twitter, instagram, atbp.) at teknolohiya ay madalas na nag-iiwan sa atin ng pakiramdam na kulang pa ang koneksiyon, kulang ang kasiyahan, kulang ang relasyon, at pahapyaw lamang ang haplos ng pagmamahal.
Bakit?
Sapagkat kinukulang ng haplos na personal. Mga bagay na nagagawa lamang nang harapan, nakikita, nahahawakan, nayayakap, at napaglilingkuran. Ito ang mga pagkilos na nakapagbibigay ng maaliwalas na koneksiyon, para sa ating mga sarili, sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kaibigan, mga kasamahan at maging sa mga estranghero sa araw-araw.
   Kahit na tayo ay abala sa sosyal media;
     Huwag nating kalimutan na ngumiti, at bigkasin ang "Magandang umaga" sa bawat isa na makakasalubong para masinulang masigla ang maghapon na positibo ang enerhiya. Walang mawawala at may pakinabang pa kung bibigkasin nang harapan ang, "Maraming salamat."
     Huwag nating sayangin ang araw na ito na walang haplos ng tawanan at kasayahan. Ang tumawa ay medisina.
     Huwag nating kaligtaan na tumawag, sumulat o mag-email sa mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan. Ang simpleng pangungumusta ay nag-iiwan nang makabuluhang ugnayan at kapayapaan sa ating kalooban. Huwag nating kakalimutan: Bagay na hindi pinahalagahan ikaw ay iiwanan.
     Huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi tayo nakakatulong sa pangangailangan ng iba. Kung walang itinanim ay wala ding aanihin: Ibigay muna bago makuha.
     Huwag tayong lubhang magpagumon o mawili sa sosyal media at masidhing nakapokus sa selpon.
Lahat tayo ay nakadarama hindi lamang ng koneksiyon, kundi sa mga bagay na nakapag-iiwan ng malalim na pagtanggap at pagpapahalaga; ang maalab na pakiramdam ng matalik na pakikiisa, pagdadamayan, at pagmamalasakit sa isa't-isa: na nagagawa lamang ng haplos-personal.  
jesseguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
wagasmalaya.blogspot.com

Sa Akin Simula ng Lahat

Walang higit na magmamalasakit at wagas na magmamahal sa Pilipino kundi ang kanyang mga kapwa Pilipino. Napatunayan na ito ng ating mga bayani, na walang maaasahan sa mga banyaga at mga tagasunod nito kung palagi na lamang maghihintay sa kadiliman. Kinakailangang mula sa iyong sariling pawis at dugo makakamtan lamang ang tunay na kalayaan.
   Kung nais mong maging malaya at magampanan nang tuluyan ang iyong mga sagradong karapatan, bilang tunay na mamamayan ng Pilipinas, at hindi maging alila at palaboy ng lansangan, panindigan mo ang iyong tunay na pagka-Pilipino. May dugong kayumanggi, matapang, at nakahandang ipaglaban ang mga makataong karapatan, kaninuman, saanman, at magpakailanman.

Bilang AKO, ikaw, siya, at tayo, mismomg lahat ay magkakasama, walang iwanan at handang magpakasakit alang-alang sa bayan.

Ipalaganap natin ang pagmamahal sa kapwa Pilipino sapagkat . . .
Ang mga kabatirang Pilipino ay lumalaganap lamang kung ang mga ito’y pinagtutulungang palaganapin ng mga kapwa Pilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pinanggalingan, kasaysayan, at kinabukasan.
1Nais kong ipaalam ng AKO, ikaw, sila at tayo ay mga Pilipino rin at tunay na nagmamahal sa ating sariling bayan.
May paninindigan tayo, bilang AKOAlay sa Karapatdapat na Opisyal
2-      sapagkat mayroon AKOng isang lahi, isang wika, isang kapatiran, at isang bansa.
3-      sapagkat lagi kong nararamdaman na AKO’y may tungkuling nararapat gampanan para sa ikakapayapa at ikakaunlad ng aking bansa.
4-      sapagkat nais kong ipagbunyi at ipagmalaki na AKO ay mula sa diwang kayumanggi.
5-      sapagkat dito ko lamang maipapakita na AKO’y nakikiisa sa mga adhikaing maka-Pilipino.
6-      sapagkat batid ko na Pilipino lamang ang higit na makauunawa sa kapwa niya Pilipino.
7-      sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa, magkakaroon ng pagbabago sa aking bansa.
8-      sapagkat naniniwala AKO na ang pakikiisa sa mga adhikain maka-Pilipino ay pagiging makabayan.
9-      sapagkat pinatutunayan nito na AKO’y may kasaysayang natatangi at maipagmamalaki sa buong daigdig.
10-   sapagkat nais kong malaman ng lahat kong kababayan na may mga adhikaing nakikipaglaban para ating mga karapatan at kapakanan.
11-   sapagkat ang aking mga kaibigan, kaanak, at kakilala ay makikinabang kung malalaman nila ito.
12-   sapagkat kung ang lahat ng Pilipino ay magmamahal sa sariling bayan, patuloy ang ispirito ng bayanihan saan mang sulok ng ating kapuluan at maging sa buong mundo.
13-   sapagkat marami na ang nakalilimot at hindi maunawaan ang kahulugan ng pagkakaisa at ispirito ng bayanihan para sa kaunlaran ng ating bansa.
14-   sapagkat dito ko lamang mapapatunayan na AKO’y may karapatan na tawaging Pilipino.
15-   sapagkat naipapakilala ko na may sarili AKOng lahing Pilipino na lubos na nagmamahal sa akin.
16-   sapagkat pinalalakas nito ang aking pagtitiwala sa sarili na mayroon AKOng pinanggalingan, pupuntahan, at mauuwian sa lahat ng sandali.
17-   sapagkat mayroon AKOng mga magigiting at dakilang bayani na nakipaglaban para sa aming Kasarinlan.
18-   sapagkat ikinagagalak ko at inaanyayahan ang lahat sa likas na kagandahan ng ating kapuluan.
19-   sapagkat nagmamalasakit AKO sa kapakanan at kaunlaran ng aking sambayanan.
20-   sapagkat ang tagumpay ng kapwa ko Pilipino ay tagumpay ko rin. At ang kanilang kapighatian ay pagdadalamhati para sa akin.
21-   sapagkat nais kong magkaroon ng pagbabago, kapayapaan, at kaunlaran sa aking bansa.
22-    …sapagkat kung hindi AKO tutulong, sino ang makakatulong naman sa akin, kapag AKO’y nangailangan ng tulong? Higit na makauunawa ang kapwa ko Pilipino kaysa banyaga na walang kabatiran sa aking bansa.
23-   …sapagkat nais kong matupad ang aking pagiging ganap na Pilipino.
24-   sapagkat bilang Pilipino, maipapahayag ko kung sino ako, ano ang aking mga naisin, at kung saan ako patungo. Hindi ko matatanggap ang pagiging Pilipino kung wala akong pakialam sa mga kaganapan ng sarili kong pamayanan.
25-   sapagkat ang lumilingon sa pinanggalingan ay makakarating sa paroroonan.

26-   sapagkat magagawa kong makiharap at makipagsabayan kahit sinumang banyaga, kung iginagalang at inuuna ko ang aking sariling bansa. Hindi ang gumagaya, nangungopya, at nagpupumilit na maging katulad nila.
27-   sapagkat sa anumang larangan na aking ginagawa, isang katangian ang kabatiran kung AKO ay tunay na Pilipino.
28-   sapagkat nagdudumilat ang katotohanan; sa anyo, kulay ng balat, hugis ng ilong, at punto ng aking pananalita na AKO ay tunay na Pilipino.
29-   sapagkat kahit na AKO ay bawalan, takpan, itago, at supilin, lilitaw pa rin ang aking pagiging Pilipino. Kailanma'y hindi ko ito maitatatwa o maipagkakaila sinuman ang kaharap ko.
30-   sapagkat mula sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, AKO ay tunay na Pilipino.
31-   sapagkat ang magmamahal lamang nang higit sa Pilipino, ay ang kapwa niya Pilipino
Kaya bilang Pilipino tumutulong AKO sa pagpapalaganap ng mga katutubo at kabatirang Pilipino. Lumalaban at handang magpakasakit alang-alang sa Inang-bayan. At malaki ang ating paniniwala, na maraming mga Pilipino kahit saan mang panig ng mundo ang nakikiisa at nagtataguyod para dito. 
SAPAGKAT may pagmamahal at pagmamalasakit tayo sa pagiging PILIPINO, sa ating SAMBAYANAN, at sa bansang PILIPINAS, ang Perlas ng Silangan.
 MABUHAY TAYONG LAHAT!

Ipinagmamalaki Ko ang Aking Pagka-Pilipino

AKO, tunay na Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang diwang kayumanggi, sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay taga- pagpatuloy  ng magiting  at makulay kong kasaysayan noon,  ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Laging akong handa na ipagtanggol  ang aking  lahi  at  pamayanan  nito  sa  anumang  kapahamakan,  kalapastangan,  at kapighatian.
   Ako ay wagas na mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang Pilipino.
   Likas ang yaman ng aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan nito, sa 7,107 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain, sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng Silangan.
   Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.
 Maraming nang dayuhang banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito; Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,    
                                                            AKO, tunay na PILIPINO
 

AKO ay Tunay na Pilipino


Sino ba ang matatawag na tunay na Pilipino? Kailangan pa ba ito?
Hindi pa ba sapat ang na tawagin kang Pilipino? Bakit kailangan pang may kalakip na tunay? Dahil marami ba ang huwad at nagpapanggap na Pilipino? Kung ang ama at ang ina ay taal na mga Pilipino, tama bang bansagan kang tunay na Pilipino?
Ano ba ang kaibahan ng katawagang Pilipino sa “ tunay na Pilipino”?
Ikaw ay Pilipino, kapag mamamayan ka ng Pilipinas.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ama at ina mo ay mga Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ina mo ay Pilipino, may sapat na gulang, at pinili mong maging Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag naturalisado ka nang naaayon sa batas ng Pilipinas.
Totoo nga ba?
Madaling akuin o banggitin, ako ay Pilipino. Pilipinas ang bansa ko. Ang mga magulang ko ay taal na mga Pilipino. Mamamayan ako ng Pilipinas. At nakapagsalita ako ng Pilipino. Kaya, Pilipino ako.

Ngunit nagagampanan mo naman ba ang pagiging Pilipino mo, upang nararapat at wagas kang matawag na tunay na Pilipino? Liripin ang isinasaad ng pahimakas na ito, "Tunay na Pilipino ka nga ba?"
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa anyo't kilos pati salita, pakilala mo'y Pilipino ka.
Subalit sa puso't diwa at mga gawa,
   kapag tungkol sa bayang Pilipinas ay kinukutya.
Pilipino ka bang naturingan kung laman ng iyong isip ay banyaga,
   tinatawanan kulturang Pilipino at iyong inaalipusta.
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa kapighatian ng Pilipinas, umid ang iyong dila.
Sa mga karaingan ay bingi kang tuluyan.
Mistula kang bulag sa iyong mga nasasaksihan.
Tinatamad ka ni dumampi man lamang.
Lagi kang umiiwas at maraming kadahilanan.
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Hindi magunita, ni malirip, at sa isip ay sumagi,
   ito ang iyong lahi na diwang kayumanggi.
Kaya't bansag lamang na Pilipino kang naturingan.
Dahil anuman ang mangyari sa iyong Inang-bayan,
   tumatakas ka at walang pakialam.
Papaano nga ba ito?
Madali ang maging tao, subalit mahirap ang magpakatao, o maging makatao.
Sa paghahalintulad;
   Madali ang maging Pilipino, subalit mahirap ang magpaka-Pilipino, o maging maka-Pilipino.
   Madali ang tawaging Pilipino, subalit sa pag-iisip, sa pananalita, at mga gawa ay hindi Pilipino, hindi maka-Pilipino, at walang pagmamalasakit o pagpapahalaga anumang tungkol o nauukol sa Pilipino.
Subalit, ikaw ay tunay na Pilipino,
             Kapag nagagampanan mo sa isip, sa salita, at mga gawa ang pagiging Pilipino.
                         Kapag ipinagmamalaki at ikinararangal mo ang pagiging Pilipino.
Kapag nagmamalasakit at nagpapahalaga ka sa katutubong kultura at kasaysayan ng lahing Pilipino.
           Kapag buong giting mong ipinagtatanggol ang makatarungang karapatan bilang Pilipino.
   Kapag nakikiisa at tumutulong ka sa pagbabago ng Pilipinas tungo sa malayang pagkakaisa na;
                            makaDiyos, makapamilya, makabayan, makakalikasan, at makatarungan.

Sa mga katangiang ito, mayroon kang kagitingan, kabayanihan, at karapatan na bigkasin ang
                                                        AKO, tunay na Pilipino
Malaki ang kaibahan at karaniwang tawag na Pilipino sa napapanahong tawag na tunay na Pilipino.
Katulad ng isinasaad sa ating Panatang Makabayan simula pa noong tayo'y nag-aaral sa mababang paaralan:
Panatang Makabayan
 
Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.