Friday, September 30, 2011

Tatlong Kawatasan

Hangga’t mangmang ka, ang kasakiman ay hindi mawawala sa iyo.

   Nagalak ang lalaki nang makita niyang may nahuling ibong maya ang kanyang bitag. Subalit nang inaalis na niya sa pagkakahuli ang maya ay bigla siyang nasindak nang bigla itong nagsalita, “Maawa ka sa naman sa akin, marami ka nang kinain na karne ng baka, baboy, at manok sa buong buhay mo. Bakit naggugutom ka pa? Ang kaunting karne mula sa maliit kong buto ay hindi makakabusog sa iyo. Kung pakakawalan mo ako, bibigyan kita ng tatlong kawatasan. Magkakaroon ka ng dakilang katalinuhan na makakatulong sa iyo sa maraming pagkakataon.  Ang una, sasabihin ko sa ibabaw ng iyong palad. Ang pangalawa, sasabihin ko sa iyo mula sa bubungan ng iyong bahay. At ang pangatlo, ay sasabihin ko sa iyo mula sa sanga sa itaas ng punong mangga.”

   Bagama’t kinakabahan sa pagsasalita ng ibon ay napalunok sa kasabikan ang lalaki sa pambihirang pagkakataon na ipagkakaloob ng maya. Madaling pinawalan ng lalaki ang maya at dumapo kaagad ito sa nakalahad niyang palad.

   Pakinggan mo itong mabuti, Una: Huwag kang maniniwala sa mga kabulastugan, kahit sinuman ang nagsabi nito.” Ang pahayag ng ibon habang ikinakampay ang kanyang mga pakpak. At biglang umigpaw ito ng lipad at dumapo sa bubungan ng bahay ng lalaki.

   Pangalawa: Huwag magdalamhati sa nakaraan. Lipas na ito. Kailanman huwag panghinayangan kung anuman ang nangyari.” Ang pahayag ng maya habang nagpalipat-lipat ng lipad sa bubungan.

   Siyanga pala,” ang pagpapatuloy ng maya, “sa loob ng aking dibdib ay may nakabaong malaking perlas na kasinlaki ng itlog ng manok. Ito’y pamana para sa iyo at sa iyong mga anak, ngunit pinaalpas mo ang pagkakataon na mapasaiyo ito. Magkakaroon ka sana ng pinakamalaking perlas sa buong mundo, kaya lamang hindi ka pa handa para ibigay ito sa iyo.”

   Nang marinig ito ng lalaki, ay bigla itong napaupo sa lupa at nagpalahaw ng matinding panangis. Tinalo pa ang nanganganak na babae sa ingay ng bunganga nito sa panghihinayang. At mistulang kinakatay na baboy na humahagulgol sa kasiphayuan.

   Nagsalita ang ibon: “Hindi ba kasasabi ko lamang na huwag magdalamhati kung anuman ang nakalipas? Hindi ba binanggit ko rin na huwag maniwala sa mga kabulastugan?” 

   Dugtong pa nito, “Ang aking katawan ay napakaliit. Ang aking dibdib ay manipis at makipot, hindi nito makakayang maglaman ng perlas na kasinlaki ng itlog ng manok.”

   Ahh, ganoon ba?” Ang nahimasmasang pakli ng lalaki habang kinakamot ang batok nito.
Kung gayon, puwede bang sabihin mo sa akin ang pangatlo?” Ang samo ng lalaki sa ibon na lumipad at dumapo sa sanga ng punong mangga.

   Pangatlo: Huwag magmungkahi sa taong nangangarap ng gising at laging tulog. Huwag magtapon ng binhing buto sa buhangin o magtapon ng perlas sa baboy. Pagsasayang lamang ito ng panahon at ikagagalit ng baboy.” Ang pangwawakas na pahayag ng ibon, at bago pa ito lumipad palayo ay nagpa-alaala,
Dahil isa kang hangal at walang kabatiran sa takbo ng mundo; mananatili kang hangal sa buong buhay mo!” At mabilis na lumipad ang ibon hanggang sa mawala ito sa paningin ng lalaki. 

Sa sama ng loob sa nasayang na pagkakataon, ay namamanglaw na pumasok ang lalaki sa kanyang bahay at pilit na pinaglilimi ang habilin ng ibong maya.

-------
Ang matalinong tao ay isinusulat kung anuman ang kanyang iniisip, ang mangmang ay nakakalimutan kung anuman ang kanyang iniisip, subalit ang hangal ay pinarurusahan ang kanyang sarili kung anuman ang kanyang iniisip. Sapagkat karapatan niya ito; dangan nga lamang, inaabuso niya ang pribelehiyong ito.


Thursday, September 29, 2011

Magpakasaya na Ngayon!


Siya na masaya sa ginagawa niya at nasisiyahan sa nagawa niya ay maligaya.

Papaano mo ba tinatamasa ang kasayahan sa maghapon?
   Maaaring wala tayong gawin na anumang trabaho sa maghapon, kundi magpahinga, magbasa, maglibang, mamasyal, o matulog lamang. At higit pa ang mag-isa at magbulay-bulay tungkol sa sarili. Kaya, sa maghapong ito, huwag tayong kabahan at matakot sa buhay, huwag mangamba o mabagabag man, huwag isipin ang kamatayan na anino ng buhay; huwag matakot na maging masaya, huwag paniwalaan na pagkatapos ng kasayahan, ang kasunod nito ay kapighatian. Wala itong katotohanan.

   Ang kailangan lamang ay magpakasaya at tamasahin ang buhay sa lahat ng sandali.

   Kahit man lamang ngayong araw na ito, magpakasaya tayo kahit na isang araw lamang; ang kalimutan ang kahapon at ang kinabukasan. Huwag nating subukang lunasan ang buong problema ng buhay nang minsanan.

   Sinumang tao ay magagawang maging masaya kung ito’y pahihintulutan niya. Isaisip natin na maging masaya sa maghapong ito, at ituon sa kaligayahang ating hinahanap---para sa ating pamilya, sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga karelasyon, at sa ating mga pangarap. Kalimutan muna natin ang daigdig, ito’y iinog pa rin, kahit tayo ay huminto at magsaya. Kung sakali man hindi natin makuha ang ating mga naisin, maaari namang naisin natin kung anuman ang nakuha natin.

   Kaya ngayong araw na ito, magkasundo tayo, magbigayan, magmalasakit, gumawa ng nakalulugod sa puso, pumuri, magpahalaga, at magsaya. Sa araw na ito, iwasan natin ang pumuna, ang pumintas, o ang manuya sa iba kung ano ang kanilang ginawa, ginagawa, at hindi ginawa. Sa halip na pansinin ang kamalian, magpatawad tayo at kalimutan ang nangyari.

Magbulay-bulay sa mga ito:
7 na pinakamahalagang kataga:  Kailanman, hindi ko magagawang ikaw ay malimutan.
6 na pinakamahalagang kataga: May maitutulong ba ako sa iyo?
5 na pinakamahalagang kataga: Ipinagmamalaki kita, kahit kanino man.
4 na pinakamahalagang kataga: Ano ang iyong opinyon?
3 na pinakamahalagang kataga: Kung nais mo.
2 na pinakamahalagang kataga: Maraming salamat.
1 na pinakamainam na katagang huwag nang babanggitin pa sa pangungusap: Ako.

   Sa araw na ito, ang pinili ko ay mabuhay. Hindi ang maging abala at mabagabag sa walang hintong problema. Na tanggapin na bahagi ito ng mga may buhay, at yaong mga nakahimlay na sa huling hantungan lamang ang walang mga problema.

   Sa bawat umaga; mula sa aking pagkagising, higit kong pinipili ang kaligayahan, kapayapaan, at pagmamahal. Sa abot ng aking makakaya, pinaka-iiwasan ko ang maging negatibo, ang makadama ng mahapding kasakitan, at masangkot sa masalimoot na kaganapan. Ang maging malaya sa tuwina, at may matatag na pananalig na magampanan ang aking mga tungkulin---kaya pinili ko ang buhay, upang magpakasaya sa araw na ito.

Karagdagang Kaalaman-------10 Mga Kawikaan
1-Hangga’t hindi ka masaya kung sino ka, kailanman ay hindi ka magiging masaya anuman ang makamtan mo sa iyong buhay.
-------
2-Ang sisihin mo ang iyong sarili at manatiling malungkot, ay hindi lamang pag-aaksaya ng lakas at panahon, bagkus ito’y pinakamasamang ugali na ipinapataw mo sa iyong sarili.
-------
3-Pananatilihin kong may ngiti ang aking mukha at puso kahit na may pighati sa araw na ito.
-------
4-Magagawa ko lamang na pasayahin ang aking sarili kung nagagawa kong pasayahin ang iba.
-------
5-Napag-aralan ko mula sa karanasan, na ang malaking bahagi ng ating kaligayahan o kapighatian ay batay sa ating mga kapasiyahan at hindi sa mga kaganapan.
-------
6-Gawing saloobin ang magpasalamat; at magpasalamat sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo, na may kabatiran na ang bawa’t hakbang mo ay patungo sa pagkakaroon ng higit na maunlad na sitwasyon kaysa dati.

7-Magtrabaho na parang mabubuhay ka ng habang panahon, at magpakasaya sa buhay na parang ito na ang iyong huling araw.

8-Dalawang bilanggo ang nasa may bintana ng kulungan; ang isa ang nakikita ay ang mga putik sa lupa, at ang isa naman ay ang mga bituin sa kalangitan.

9-Huwag aksayahin ang iyong mga gintong panahon sa pagtanong ng, “Bakit ang mundo ay laging masalimoot?” Walang kang maisasagot dito, sa halip ang itanong mo ay, “Papaano ko ba ito magagawang matiwasay?” At dito, may magagawa kang kasagutan.

10-Ang kahapon ay isa na lamang panag-inip, ang kinabukasan naman ay isang pananaw pa. Subalit ngayon na nagpapakasaya ka, bawa’t kahapon ay masayang panag-inip, at ang bawa’t bukas na darating ay pananaw na may pag-asa. Kaya nga, pagindapatin ang araw na ito at patuloy na magsaya. Ito ang iyong dakilang araw.

   Ang kaligayahan ay tulad ng batis na laging sumisibol. Kung nais mo ay kaligayahan sa loob ng isang oras, ang gawin mo ay umidlip ka; Kung nais mo naman ay kaligayahan sa loob ng isang araw, mamingwit ka ng isda sa ilog o dagat; Kung ang nais mo naman ay kaligayahan sa loob ng isang linggo, pumasyal ka sa tahanan ng malayong kaibigan; kung nais mong kaligayahan ay sa loob ng isang buwan, tumulong ka sa iyong kaanak; kung ang nais mo namang kaligayahan ay sa loob ng isang taon, magmahal ka ng iyong kasintahan o kabiyak; Subalit kung ang hangad mong kaligayahan ay para sa buong buhay, maglingkod ka sa iyong kapwa.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


May Kabuluhan o Walang Katuturan?

Kung relihiyoso ka at hindi mo natutuhan ang pagkakaiba ng mabuti at masama; gaya nang nakikita sa iyong mga gawain, ang iyong relihiyon ay walang katuturan at mapanganib.

   Nangyari ito sa bundok ng Mariveles, sa lalawigan ng Bataan. Isang araw, hinimok ng pantas ang kanyang mga disipulo na mamasyal sa makahoy na bahagi ng kagubatan. Habang sila ay naglalakad, may nadaanan silang mga magtotroso na pumuputol ng malaki at mataas na punongkahoy. 

   Isang disipulo ang nagtanong sa isang namumutol, “Puputulin din ninyo ba ang mga tuyo na at wala ng dahon na mga puno?

   Umiiling na sumagot ito, “Hindi. Ang mga punong iyan ay walang katuturan, dapat lamang silang panggatong!

    Nang makarating na ang pantas at mga disipulo nito sa paanan ng bundok, naparaan sila sa isang dampa ng magbubukid. Nang makita sila nito ay inanyayahan silang mananghalian sa kanyang dampa. Mabilis na nag-utos ang magbubukid sa kanyang anak na lalaki na humuli ng manok, katayin ito at iluto. 

   “Alin sa dalawang manok ang kakatayin ko, Tatay?” Ang tanong nito sa ama, “'Yon bang pumuputak o ‘yong hindi pumuputak?

   Ang malinaw na tugon ng ama, “Patayin mo ang hindi pumuputak, dahil wala siyang katuturan!

   Kinagabihan, nang makauwi na ang namasyal na pangkat sa itaas ng bundok, isa sa mga disipulo ay nagtanong sa pantas, “Mahal naming maestro, paki-paliwanag nga po ninyo sa amin; bakit ang walang katuturan na punongkahoy ay hindi pinuputol, at ang walang katuturang manok ay kinakatay.” 

   Nag-aalinlangan namang susog ng isa pang disipulo, “Sa buhay na ito, papaano natin malalaman kung may kabuluhan o walang katuturan ang mga bagay?

   Napangiti ang butihing pantas at banayad na tumugon, “Mga anak, hindi na ninyo kailangan pa na mag-alinlangan, kung may kabuluhan o walang katuturan ang mga bagay. Gawin lamang na angkop at lapat ang inyong mga sarili sa tama at mali; sa may kabuluhan at walang katuturan, at magiging matiwasay ang inyong pakikibaka sa buhay.

    "Hindi natin mauunawaang sapat ang mga samut-saring kabuluhan at katuturang nakapaligid sa atin; subalit makakaya naman nating pag-aralan kung anong kaparaanan ang makakabuti sa atin."  Ang pagwawakas na paliwanag ng pantas.

-------
Mabisang Aral: Lahat ng mga bagay ay may kaukulang kalalagyan. Anumang walang katuturan sa iyo ay mahalaga naman sa iba; at ang may kabuluhan sa iyo ay wala namang katuturan sa iba.
   Ang refrigerator ay walang katuturan sa Antartika dahil nababalot ito ng niyebe at sukdulan ang ginaw, subalit sa disyerto ng Sahara na sukdulan ang init ay may kabuluhan ito.
  Maraming bagay na tinatawanan natin noon na walang katuturan; tulad ng mga arbularyo lamang daw silang naturingan noon, na patapal-tapal ng dahon, pagpapainom ng katas ng mga sari-saring halaman, at pahilot-hilot sa ating mga katawan kapag may karamdaman. Ngunit ito ay napatunayan at may kabuluhan na ngayon, at siya nating pinagtutuunan ng pansin kaysa mga synthetic pills na gawang-tao na sumisira sa ating mga internal organs at sanhi pa ng malubhang kanser na nakakamatay.
   Sa pagitan ng kasinungalian at walang katuturang katotohanan, na ipinangangalandakan ng iba ay walang itong ipinagkaiba. Ang ginto o salapi na nakabaon at itinatagong mahigpit ay walang katuturan o kahalagahan. At maging nababalutan ka man ng katakot-takot na diploma at mga katibayan ng iyong karunungan, hangga’t hindi mo ito nagagamit ay walang katuturan. Tulad ng computer at internet, kung wala kang kaalaman nito, anong katuturan nito para sa iyo? Bagay na hindi mo alam, maaaring makatulong o makapahamak.

   Nasa iyong diskarte na lamang kung papano mo ito makakayang ilapat, at maging angkop sa iyong pagdadala sa sarili. Dahil narito ang ikakatagumpay mo.

Tatlo ang uri ng katalinuhan:
Una: Nauunawaan mo ang kahalagahan ng mga bagay.
Pangalawa: Nagpapahalaga ka sa mga nauunawaan ng iba.
Pangatlo: Wala kang nauunawaang kahalagahan ng mga bagay at pagpapahalaga sa pang-unawa ng iba.
   Paala-ala: Ang una ay pinakamabisa, ang pangalawa ay mabuting pakikitungo. Samantalang ang pangatlo ay walang katuturan at ikapapahamak mo.

Karagdagang Kaalaman-------10 Mga KAWIKAAN
1-Maganda sana ang kanyang intensiyon, dangan nga lamang wala itong katuturan hangga’t hindi niya isinasagawa.
-------
2-Sa aking paningin, napatunayan ko, na ang taguri sa isang walang katuturang tao ay walanghiya, kapag dalawa na ito, ang taguri ay magkapanyerong abogado o pulitiko, at kapag tatlo at parami na ang tawag naman dito ay Batasan.
-------
3-Hindi totoong walang katuturan ang mahihilig sa katamaran. Sila ay lantarang huwaran na huwag pamarisan.
-------
4-Hindi ako tanga. Nagkataon lamang na walang katuturan ang mga ginagawa ko. Kaya nga pinipilit kong libangin ang aking sarili sa panonood ng telebisyon at pagsubaybay sa buhay ng mga artista at manlalaro ng basketbol.
-------
5-Anumang kabatiran na natamo sa pagdaan ng maraming taon ay walang katuturang handog sa iyo, hangga’t hindi mo ito naibabahagi sa iyong kapwa.
-------
6-Kapag ang dalawang tao na magkasama ay laging nagkakasundo, ang isa dito ay walang katuturan. At kung hindi naman sila nagkakasundo, pareho silang walang katuturan.
-------
7-Bagama’t hindi nagawa ang iyong plano na gawin, hindi ito nangangahulugan na wala na itong katuturan.
-------
8-At ito ang tama, kung magagawa mong sakdal na walang katuturan ang maghapon, nang sakdal na walang katuturang asal, natutuhan mo na kung papaano mabuhay ng walang ligalig.
------
9-Ang mga bagabag ay walang katuturang pag-aksayahan ng panahon sa mga bagay na hindi na natin mababago pa. At lalong higit doon sa hindi na mangyayari pa.
-------
10-Kung walang kaalaman, ang anumang pagkilos ay walang katuturan; at ang kaalaman na walang pagkilos, ay hindi lamang walang katuturan, mapanganib pa ito.

~~~~~~~
At siyanga pala, mangyari lamang po na ipasa (email, twitter, facebook, etc.) ito sa inyong mga kaibigan, kaanak, at mga kasamahan. Sapagkat kung kayo po ay nasisiyahan at nadaragdagan ang inyong kaalaman sa ating tunay na kulturang Pilipino, marapat po nating ibahagi ito sa iba.
    May pangamba po kasi ako na kapag laging nakatikom ang inyong mga palad, nais ninyong manuntok, hindi palabigay, at natutulog. Dalawa lamang ang pagpipilian: May Kabuluhan o Walang Katuturan!

Maraming Salamat Po!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Tuesday, September 27, 2011

Ang Taga-supot sa Tindahan

Ang Pulubi at ang Kanyang Kayamanan

Kinasasabikan ko ang mapag-isa, upang kilalanin mabuti ang aking sarili.

   May isang pulubi na nanghihingi ng limos sa may gilid ng simbahan sa loob ng tatlumpong taon. Isang araw isang lalaki ang lumabas ng simbahan at napadaan sa kinauupuan ng pulubi.

   “Palimos po, mahabag po kayo sa isang matandang pulubi,” ang paanas ng samo ng pulubi sabay taas ng hawak nitong basyong lata at pilit na idinuduldol sa harapan ng lalaki.

   “Wala akong maibibigay sa inyo, “ ang wika ng lalaki, subalit napahinto ito nang mapansin niya ang kahong kahoy na inuupuan ng pulubi. “Ano iyang inuupuan mo? Tila antigong kahon at may nakaukit pa na maraming dekorasyon.

   “Walang kuwenta ito, napulot ko lamang sa basurahan maraming taon na ang nakakalipas. Mainam kasing upuan at lapat sa puwitan ko.” Ang paliwanag ng pulubi.

   “Nagawa mo bang buksan iyan upang malaman mo, kung anong laman sa loob?” Ang usisa ng lalaki.

   “Hindi,” ang pairap na tugon ng pulubi. “Para saan pa, makapal na sa kalawang ang susian at ang mga bisagra nito ay dikit-dikit na. Wala itong mahalagang laman, kaya nga itinapon na, eh!

   Lalong nasabik ang lalaki nang malamang hindi pa nabubuksan ang kahon. Sa kanyang pangmalas, mamahaling kahon ito at ginagamit ng mayayaman na lalagyan ng kanilang mga mahahalagang alahas. Muli nagsalita ang lalaki sa pulubi,  “Puwede mo bang buksan?

   “Wala akong pambukas,” ang pasimagot na tugon ng pulubi upang matapos na lamang ang pangungulit ng lalaki.

   Kumuha ng screwdriver ang lalaki sa kanyang kotse at iniabot ito sa pulubi. Pinagtiyagaang buksan ng pulubi ang lumang kahon na napipilitan at bubulong-bulong sa inis nito sa lalaki. Mga ilang sandali din ang lumipas at nabuksan niya ito. Biglang nanlaki ang kanilang mga mata, hindi sila makapaniwala, at umapaw ang kanilang kagalakan nang makita nilang puno ito ng baryang ginto. 

   "Isa lamang akong estranghero na napadaan sa iyo at walang anumang maibibigay na limos. At sinabi ko sa iyong buksan mo ang iyong kahong upuan, at tignan ang loob nito. Narito pala ang iyong kayamanan na malaon nang naghihintay sa iyo." Ang paliwanag ng lalaki.

-------
Katulad ng parabolang ito tungkol sa antigong kahon; kung ano ang laman nito sa loob, ay gayon din sa iyong kalooban. Kung ano ang tunay ding nilalaman nito. Bakit hindi mo subuking alamin kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso. Alam mo bang narito ang tunay mong kayamanan na malaon na ring naghihintay sa iyo na makamtan mo?
    Kailangan lamang itong buksan nang malaman mo kung sino kang talaga.
   Tanggapin mo ang katotohanan na; Hindi ikaw ang naiisip mong ikaw. Kung anuman ang nabuo mong pagkatao na iniisip mong kabubuan mo; ay bunga lamang ng lahat ng mga paniniwalang ipinaalam sa iyo, nalalaman mo, ginagaya mo, nakakasanayan mo, nararanasan mo, at isinasagawa mo. Subalit hindi ito mismo ang buo mong pagkatao, at hindi rin ito ang kumakatawan at nakapangyayari sa iyo.

   Mayroong higit pang busilak at wagas na gumagabay sa iyo. Ito ang nasa kaloob-looban ng iyong pagkatao. Ito ang laging gumigising sa iyo at nagbibigay ng mga bagabag, mga panag-inip, at kung minsan ay mga bangungot. Laging kumakatok na iyong dinggin at pagbuksan. Ito ang susi sa iyong minimithing kaligayahan sa buhay.

   Bawa’t isa sa atin ay naghahangad ng lubos na kaligayahan, at walang anumang mga kapighatian. Hangga’t nadarama natin ang ibayong pagmamahal sa sarili, at ang kaligayahan nararanasan natin ay bunga ng pagmamahal na ito, makakamit natin ang kaligayahang inaasam. Ito ang ating kalikasan na siya nating nararanasan sa araw-araw sa ating pagkilos ng natutulog. Kailangan nating gumising at alamin ang ating sarili. At magsisimula ito sa katanungang, sino ako?

Ang Batang Pastol


Ang sikreto ng buhay ay katapatan at parehas na kasunduan; hindi ang balatkayo o mapagkunwaring samahan.

   Sa buhay, kailangan nating iwaksi ang palalong ugali. Malaking bahagi nito ay bunga ng mapagkunwaring pamumuhay. Unawaing mabuti kung saan nagmumula ito sa ating mga sarili. Doon ba sa hangarin na mapuri at hangaan ng marami? O dili kaya, sa panibugho at pagiging mainggitin at nais makigaya sa mga nakikita sa kapaligiran?  

   Marami ang balatkayo at mapagkunwari sa ating paligid na gumagamit ng salamangka at matatamis na salita upang makaakit. Kapag nahumaling ka sa mapagkunwaring nilang paraan, ito ang iyong kapahamakan.

Ang mga katangian ng palalong ugali:
   Pagyayabang na walang katotohanan
   Pagkainggit na walang katuwiran
   Pagkagalit na walang kadahilanan
   Pananalita na walang kabatiran
   Pagbabago na walang kaunlaran
   Pag-uusisa na walang kapupuntahan
   Pagtitiwala na walang katiyakan
   Paglalaban na walang kapakinabangan
   Pangungutya na walang katarungan
   Pangangaral na walang kawatasan
  
   Doon sa may Ala-uli ay may isang batang pastol ng mga kambing. Isinusuga niya ang kanyang mga alaga tuwing umaga at ibinabalik ang mga ito sa kanilang kuwadra sa kinahapunan. Minsan magtatakipsilim na, habang itinatali niya ang mga kambing ay naubusan siya ng panaling lubid at isang inahing kambing ang nakakawala pa.

   Nabalisa ang pastol at naisip na ito’y mapapalayo. At dahil padilim na ay mahihirapan siyang mahuli ito. Pinilit niyang maghanap ng pantali, at maging ang mga baging ay sinubukan niya, ngunit hindi niya magawang makabuo ng matibay na panali. Hindi niya malaman ang gagawin nang maalaala niya si pastor Mateo na kanilang kapitbahay. Mabilis niya itong pinuntahan at humingi ng payo.

   Iminungkahi ng pastor na hawakan sa sungay ang kambing at hilahin doon sa pagtataliang poste sa kuwadra. “Magkunwaring may hawak kang panaling lubid, at magkunwari ding tinatalian mo ang kambing. Tiyakin lamang na nakikita at nararamdaman ng kambing ang iyong ginagawa, at ito’y hindi na aalis pa upang makalayo.” Ang paalaala pa ng pastor.

   At ito nga ang ginawa ng batang pastol, nagkunwari siyang may hawak na lubid at itinali ito sa kambing, at ipinakita niya sa kambing na itinali din niya ang dulo ng kunwaring lubid sa poste. Paulit-ulit pa niya itong ipinakita na hinihigpitan niya ang pagkakatali.

   Kinaumagahan, nang bumalik ang pastol sa kuwadra ay nakita niya ang inahing kambing na nanatiling nasa tabi ng poste sa magdamag. Tulad ng dati, pinakawalan niya ang mga kambing at lahat ay matuling naglabasan sa kuwadra. Itinataboy niya ang mga ito sa madamong sugahan, nang mapansin niya na wala sa pangkat ang inahing kambing. Bumalik siya sa kuwadra at nakita niya itong nasa tabi pa ng poste kung saan ito kunwaring nakatali at hindi makaalis.

   Binulyawang pataboy ng pastol ang kambing na lumabas ng kuwadra, ngunit tumingin lamang ito sa kanya at hindi kumilos. Hinatak niya ito sa sungay, ngunit ayaw lumakad at sumunod sa kanya. Nagumilahanan ang batang pastol, kung bakit hindi niya mapasunod ang kambing. Muli siyang nagbalik kay pastor Mateo at isinalaysay ang nangyari.

   At ang wika nito, “Patuloy pang iniisip ng kambing na nakatali siya, kaya hindi ito makakalis sa tabi ng poste. Bumalik ka at magkunwari kang muli, ipakita mong kinakalagan mo siya. Kapag nalaman ng kambing, na hindi siya nakatali, lalabas na rin ito sa kuwadra upang manginain.”

    Mabilis na ginawa ito ng pastol, at ang kambing ay masiglang lumabas ng kuwadra at sumama sa pangkat na nanginginain sa madamong sugahan.

-------
Isa lamang itong paglalarawan kung ano ang namamagitan sa atin kung pinangingibabawan tayo ng mga maling paniniwala at pag-aakala. Kawangis natin ang kambing na itinatali ang ating mga sarili sa mga bagay na walang katotohanan. Marami sa atin ang mahiligin sa pagkukunwari at nagpupumilit na mamuhay nang wala sa katotohanan.
   Kahit hindi kaya, ay pinipilit kayahin kahit mabaon sa kahirapan. Pikit-matang umuutang upang maipakitang may kakayahan. Kung ano ang mayroon sa kapitbahay, kailangang itong mahigitan o mapantayan man. Tuwing dumarating ang mga kapistahan, kaarawan, at maging karaniwang pagtitipon sa bahay, pilit na ipinapakita ang kakayahang huwad, para lamang mapuri at hangaan ng mga bisita.
   Lipas na ang mga ganitong sistema. Panahon na upang alisin natin ang puwing na nakahalang sa ating mga mata at titigang mabuti ang mga pagkukunwari sa ating harapan. Matuto tayong piilin ang tunay kaysa huwad, ang katotohanan kaysa impostor o balatkayo, ang tama kaysa mali, lalo na ang kabutihan kaysa kabuktutan. Ang pagpapakumbaba kaysa kapalaluan.

   Isa lamang ang pipiliin: Kaligayahan o Kapighatian?

   Malaya tayo, dangan nga lamang tayo mismo ang nagbibilanggo sa ating mga sarili kapag pinahihintulutan nating maging alipin ng mga pagkukunwari at kapalaluan sa ating buhay. Kung ano ang totoo at tama, ito ang ating gampanan--- at ang nagdudumilat na katotohanan ang magpapalaya sa atin.

   Kailangan natin ang marami pang pastor Mateo na gigising sa ating matinding pagkakahimbing. Panahon na upang talikdan natin ang ating maling kinaugalian at harapin ng buong giting ang tunay nating buhay, na walang bahid o katiting man ng kapalaluan o maging bulag sa pagkukunwari.

Maraming pantasya at kahiwagaan na bagay lamang sa mga balatkayo na ipangaral. At masuyong paniwalaan ito ng mga hangal.