Tuesday, January 28, 2014

Huwag Mag-akala



Sa ating buhay, madalas tayong mag-akala sa mga bagay na walang katiyakan o kakahinatnan. Pilit natin  inaakala na ang paraan sa mga nakikita nating mga bagay ay siya ring paraan na nagpapatunay o ang paraan na siyang katunayan. At ang ating mga saloobin at mga asal ay kumakatawan at nagbibigay patunay sa mga pag-aakalang ito.
   Hindi pa naman nangyayari, mayroon na tayong konklusyon para dito. Palagi tayong nakaabang na makita ang mga bagay na hindi pa nagaganap, at ang maging bulag sa mga dakilang leksiyon na nakaharap sa ating mga mata. Kung minsan, higit tayong nakakiling sa sarili nating takbo ng buhay, kung kaya’t tinatanggihan natin ang mga pambihira at magagandang oportunidad nang dahil lamang na wala tayong kaalaman kung papaano ang mga ito gagawin.
   Ang buhay ay maaaring maikli o maaaring mahaba: depende kung papaano mo ito ipapamuhay. Dalawa ang iyong pagpipilian, ang kontrolin ang iyong isipan o hayaan ang isipan na kontrolin ka nito.

Basta Makaraos Lamang



Sa araw na ito, huminto at limiing mabuti kung ano ang ginagawa mo ngayon, bakit mo ito ginagawa, at kung saan ka patungo. Mahalagang malaman mo kung bakit nais mong sa direksiyon ito ikaw pumunta. At kung ang buhay mo ay walang direksiyon, patama-tama, at bahala na—ito ang pamumuhay na ...basta makaraos na lamang. Ang taguri dito, ay "isang kahig, isang tuka."
   Karamihan ng tao ay tahasang nabubuhay sa pagkukunwari. Patuloy na hindi matanggap ang kanilang kalagayan o kinasadlakan. Nagbubulag-bulagan sa mga katotohanang nakapaligid sa kanila. Matapos ang maraming mga taon na basta makaraos, sige na lang, patuloy na isang kahig-isang tuka, palaging nagbabaka-sakali—kaya nga, ganoon pa rin ang estado ng pamumuhay. Ang pakahig-kahig at patuka-tuka. Hanggang sa iasa na lamang ang kapalaran na tulad ng dati—ang basta makaraos. Sumuko na at nawalan ng pag-asa na matupad pa ang kanilang mga pangarap. Napakalungkot na sitwasyon ito.
Tanungin natin ang ating mga sarili:
   Pagmasdan ang ginagawa mo sa ngayon. Ito ba ang talagang nais mo? Nakukuha mo ba naman ang iyong mga naisin sa buhay, at nagagampanan mo ang tunay na hangad mong persona o nais na pagkatao? Kung hindi, papaano mo magagawa ang tungkol dito? Patuloy mo bang ipamumuhay ang pagkukunwari, na tila ang lahat ay ayos lamang para sa iyo? Gayong sa kaibuturan ng iyong puso, ay may hinahanap kang katuparan ng lahat mong pangarap para sa iyo?
   Huwag kang tumakas na tulad ng iba. Pinipilit na idaan sa limot ang mga kaganapan at katotohanan. Nililibang ang mga sarili ng mga panandaliang libangan, ng mga aliwang nakakasira sa halip na nakakatulong para umunlad, ng mga bisyong walang katuturan kundi lasunin ang isip at kalusugan. Pagmasdan ang mga tao na kinahumalingan ang pagkain, alak, droga, sugal, tsismis, at mga walang saysay na mga palabas sa telebisyon. Ano ang kanilang estado ng pamumuhay?—Mga kalituhan, kahirapan, at masidhing kapighatian.
   Ang mabuting gawa, ay hindi nagbubunga ng masama; subalit ang masamang gawa, ay pawang kapighatian na lubhang kaawa-awa.
   Hihintayin  mo pa bang matapos ang lahat, bago ka kumilos? Matitiis mo bang mausyami ang iyong mga pangarap, ang mapag-iwanan at manatiling laging kinakapos sa maraming bagay? Hindi malaya at walang kakayahang makamtan ang hinahangad na kaligayahan? Higit bang mainam ang hungkag na buhay at basta makaraos lamang?May kapirasong bubong at kapiranggot na tuyo ay ayos na?
   Narito ang bagay na kung saan ay makakatiyak ka. Ang mundo, sa kanyang patuloy na pag-ikot ay mag-iiba bukas kaysa araw na ito. Lahat ng iyong nakikita ay patuloy na nagbabago. Ang nakaraan ay lipas at limot na, ang hinaharap ay hindi pa maaninaw at malabo pa. Subalit ngayon sa araw na ito, ang hinihintay mong pagbabago ay nagaganap, kalakip nito ang mga positibong oportunidad ng mundo. Ang kailangan lamang ay maging handa ka at buong kasiglahan na harapin ito nang may pag-asa, matatag, at masikhay. At ang pinakamaganda at makakabuti para sa iyo na mga pagkakataon ay mapapasaiyo nang walang alinlangan.
   Ipinanganak kang orihinal at bukod-tangi sa lahat, huwag hayaan ang sarili na yumao bilang isang kopya. Huwag payagan ang iyong musika ay kasama mong malibing. Patugtugin ito habang may hininga ka pa.

Ngayon na



Sa pantasiya, o maging sa tunay na buhay—mayroon lamang na kasalukuyang sandali, ang Ngayon. Hindi mo masusukat ang panahon katulad ng paraan kung papaano sinusukat ang distansiya sa pagitan ng dalawang pook. Hindi nagdaraan ang panahon na tila may hinahabol, kusa itong nagaganap at walang hinihintay. Tayong mga tao ay matinding nahihirapan na pagtuunan ng ibayong pansin ang Kasalukuyan; Laman ng ating isipan ang Nakaraan; palagi nating iniisip ang mga bagay na ating mga nagawa, kung papaano higit nating mapapahusay ang mga ito, ang mga kinahinatnan ng ating mga pagkilos, at kung bakit hindi natin nagawang magpasiya na siyang kinakailangan. Nakatuon tayo palagi sa panghihinayang. 
   At maging sa Hinaharap; palagi tayong nakatingin dito, umaasa at naghihintay, kung ano ang ating mga gagawin bukas, papaano tayo magiging maingat at handa sa mangyayari, ano ang mga panganib na nag-aabang sa atin sa bawa’t pagkilos, papaano maiiwasan ang mga bagay na hindi natin sinasadya at kung papaano tayo makakarating sa ating paroroonan na palagi nating pinapangarap. Gayong ang pinakamahalaga sa lahat ay ang Ngayon.

Problema at Pasakit



Mapighati, masaklap, mahapdi, malungkot, at talaga namang mahirap ang Buhay. Ito ang kadalasan na maririnig sa mga taong pinoproblema ang mga problema. Ayon sa kanila ang buhay ay patuloy na mga serye ng problema. Karamihan ay sadyang tinanggap, na ang buhay ay nababalot ng mga balakid, mga kabiguan, at kawalan ng pag-asa. Patuloy na dumadaing, naninisi, at ipinagwawalang-bahala na ang lahat. Bawa’t pagbuka ng bibig, mga problema ang inuusal, mga isyung walang katapusan, at mga kasalanang walang kapatawaran. Laging may negatibong kulay ang bawa’t bagay, pati na ang pag-ulan, ihip ng hangin, at pagdilim ng langit ay may masamang kahulugan, maliban ang tanungin ang sarili kung bakit ang mga ito ay nakapangyayari.
   Gayong ang problema ay hindi pinag-uusapan, kundi nilulunasan. Higit ba nating idadaing at magrereklamo tungkol sa mga problema kaysa hanapin ang solusyon? Higit bang mabuti ang pumuna, mamintas, at manisi, kaysa ang kumilos at itama ang anumang pagkakamali? Nagiging mabigat lamang ang buhay kung ang proseso sa pakikibaka at paggawa ng solusyon para sa problema ay mahapdi. Hangga’t palaging naghihirap ang iyong kalooban, walang matinong solusyon ang makakalunas para maibsan ang kapighatian. Subalit narito ang buong proseso upang matagpuan ang kasagutan at makagawa ng solusyon na ang buhay ay makahulugan. Binibigyan ka nito ng mga paghamon upang maging matatag at laging handa sa malaking pagpapala na ipagkakaloob sa iyo ng tadhana.
   Ang mga problema ay hindi ipinupukol sa iyo nang wala kang magagawa tungkol dito. Ang mga problema ay siyang gumigising sa iyong katapangan at kawatasan. Tinutulungan ka ng mga ito na yumabong ang iyong mga kaalaman, mga katangian, at mga kakayahan. Pinipilit ng mga problema na mailabas mong lahat ang iyong potensiyal sa abot ng iyong makakaya. Tandaan, na ang mga bagay na nagpapasakit, ay siyang mga nagtuturo. Isang katalinuhan ang huwag katakutan at iwasan ang mga problema, bagkus ang magiliw na tanggapin ang mga ito bilang mga tagapagturo para sa ating kagalingan at kaunlaran.
   Bakit hindi natin palitan ang katagang problema ng katagang pagsubok? Nasa daloy lamang ng kataga at diwa nito ang pagkakaiba, subalit malaki ang magagawang pagbabago. Ang katagang problema ay tulad nito: Kapag nais mong pumunta sa isang pook, ngunit putol ang dalawa mong paa; ito ay problema, kung hindi ka sasakay sa wheel chair. Kapag may malubha kang sakit; ito ay problema, kung hindi ka magpapagamot. Kapag nagliliyab na ang kuwarto; ito ay problema, kung hindi ka tatawag ng bumbero…dahil masusunog na ang buong bahay mo.  
   Anupa’t ang mga bagay ay nagiging problema lamang at pasakit kapag walang pagkilos na iniuukol para dito, kundi ang magreklamo at dumaing na ang buhay ay sadyang napakahirap harapin.

Nasaan ang Diyos?



Naganap ito, maraming taon na ang lumipas, nang may isang lalake na palaging nagdarasal sa araw-araw, at humihiling na sana ay magpakita sa kanya ang Diyos.
   Ama kong Diyos, nais kong makita kita ng personal at makausap. Maghahanda ako ng malaki at masaganang piging para makasalo kita sa pagkain,” ang pakiusap nito.
   Dahil sa patuloy na pakiusap at pagmamakaawa niya, isang araw, ay nagpakita ang Diyos at nagsalita, Oo, ako ay darating.”
   Oh, Diyos ko, pinaligaya po ninyo ako. Kailan po Kayo darating? Kailangan bigyan po ninyo ako ng panahon para maihanda ang lahat para sa Inyo.”
   “Kung gayon, darating ako sa Biyernes, sa katanghaliang tapat.”
    Bago umalis ang Diyos, ang lalake ay nagtanong, “Maaari ko po bang maanyayahan ang aking mga kaibigan?”
   “Bakit naman hindi, sige anyayahan mo sila,” ang tugon ng Diyos. At madali Siyang naglaho.
   Inanyayahan ng lalake ang lahat niyang kaibigan at kakilala. Sinimulan niyang ihanda ang pinakamasasarap na pagkain. Ginastusan ng malaki at pinaganda ang pagdarausan ng dakilang piging. Pagdating ng Biyernes, isang malaking hapag-kainan ang nakahanda. Punong-puno ito ng masaganang tanghalian. Bawa’t isa ay naroon na, naggagandahan ang mga kasuotan na mamahaling terno at bestida. Kumikinang ang mga alahas na suot. Nakahanda na rin ang magandang kuwintas na mga bulaklak na isasabit sa Diyos at ang pabango na ipanghuhugas sa paa. Alam ng lalake na darating ang Diyos sa katanghalian, kaya lumabas silang lahat ng gusali at naghintay sa labas, subalit nang tumunog ang orasan sa ganap na alas-dose, ay nag-aalalang nagsalita ito, Ano ang nangyari? Hindi magagawa ng Diyos na sumira sa aming usapan. Hindi Siya mahuhuli sa oras. Ang mga tao ay mahuhuli na dumating, ngunit hindi ang Diyos.”   
   Bagama’t alinlangan at nababalisa na, nagpasiya siya na maghintay pa ng kalahating oras bilang paggalang. Subalit wala pa rin ang Diyos. Sa puntong ito, nag-anasan at nanggagalaiti na ang mga panauhin, “Hangal ka, ang sabi mo ay darating ang Diyos. Nagdududa na kami, na kalokohan ang lahat ng ito. Lubha namang kataka-taka na darating ang Diyos at sasalo pa sa iyo sa pagkain? Umalis na tayong lahat, walang mangyayari sa paghihintay natin!”
   Hintay, huwag muna kayong umalis! Pumasok tayo sa loob ng gusali at tignan natin baka naroon na Siya,” ang pakiusap ng lalake.
   Sa malaking pagkabigla at galit, nakita niya ang isang itim na aso na kumakain sa lamesa, lahat ng pagkain ay ginalaw at tinikman.Naku po! Kaya siguro hindi nakarating ang Diyos ay sinalaula ng asong ito ang mga pagkain.” Kumuha ng malaking panghambalos ang lalake at sinimulang pagpapaluin ang aso. Bugbog sa palo at umiiyak na tumakas ang aso.
   Humarap ang lalake sa kanyang mga panauhin at nagsalita, “Ano ang aking magagawa ngayon? Maging ang Diyos at pati kayo ay hindi na magagawang kumain pa, dahil nalawayan at nasalaula na ng aso ang ating mga handa. Alam ko kung bakit hindi nakarating ang Diyos, dahil sa nangyaring ito.” Sa matinding pagdaramdam ay pumasok sa silid ang lalake at lumuhod, sinimulang manalangin, nagtatanong kung bakit hindi nagpakita ang Diyos. Matapos ito, ay muling nagpakita sa lalake ang Diyos. Dangan nga lamang, marami Siyang mga sugat at nakabalot ng mga benda ang katawan.
   “Ano ang nangyari sa Inyo?” ang tanong ng lalake. “Naaksidente ba Kayo at lubhang nasaktan? 
   “Hindi ako naaksidente,” ang tugon ng Diyos. “Ang mga sugat ko ay ikaw ang may kagagawan!”

   Bakit ako ang sinisisi Ninyo, wala akong kinalaman sa nangyaring kapahamakan sa Inyo!” ang katwiran ng lalake.

“Sapagkat dumating Ako sa tamang sandali ng katanghalian at sinimulan Ko nang kumain. Nang bigla kang dumating at pinagpapalo Ako. Hinambalos mo Ako nang paulit-ulit, kaya nabali ang mga buto Ko,” ang pahayag ng Diyos.
   Ngunit hindi ko naman Kayo nakita, at talaga namang wala Kayo sa piging na inihanda ko,” ang paliwanag ng lalake habang kinakamot nito ang ulo.
   Nakakatiyak ka ba na talagang walang kumain ng iyong handa?” ang tanong ng Diyos.
   Mayroon po, may isang asong itim na kumain. Kaya lamang tumigil sa pagkain ay nang pagpapaluin ko,” ang may pagtatakang pahayag ng lalake.

   “At Sino naman ito, sa iyong palagay kung hindi Ako? Ang nais Ko lamang naman ay tunay na malasap ang linamnam ng iyong mga pagkain, kaya dumating Ako bilang aso.”
----------------------------
Idilat natin ang ating mga mata, bawa’t isa at bawa’t bagay ay nakapaloob ang Diyos o ang Batis, kailangan lamang ay manatili tayong handa para sa mga pagpapalang kaloob Niya mula sa bawa’t nabubuhay na bagay. Tuklasin kung papaano ang puwersa na ito ay inihahandog sa atin na nagkukubli bilang mga biyaya.