Monday, February 25, 2019

Sapat ba ang Maniwala Lamang?


Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.
   Madalas na naririnig ko ito sa matatanda noon. Kasunod nito ang, "Ipakita mo at maniniwala ako." 
Hindi basta ako agad naniniwala, inaalam ko at kailangang maranasan ko. Kahit na ilang libo mo pang sabihin sa akin na ang prutas na natikman mo ay ubod ng sarap, hanggat hindi ko pa ito natitikman, pawang imahinasyon lamang, pantasya at mahika ang aaliw sa akin. Kailanman hindi mo ganap na mauunawaan ang isang bagay hanggat hindi pa ito nagaganap sa iyo.

   Narito ang ilan sa mga naganap sa buhay ko at tahasang naranasan ko ang taglay na kapangyarihan ng mga ito:
1. Sa buhay, kailangan mong malaman ang mga alituntunin, upang kapag nagkamali ka, magagawa mo itong maitama. Sapagkat madaling lunasan ang sigalot kapag alam mo ang solusyon.

2. Hindi tsansa sakalimang bumubuti ang buhay mo, kundi sa araw-araw na mga pagbabago na ginagawa mo para sa iyong kaunlaran. Ang itak, kaya lamang ito tumatalim ay kapag hinahasa. Dahil kinakalawang ito kapag laging nasa suksukan. Kung walang pagbabago, walang asenso.

3. Kapag nagsasayaw ka, ang layunin mo ay hindi ang tumapak at umikot saanmang sulok ng sahig, kundi ang masayang umindayog at tamasahin ang bawat hakbang sa saliw ng musika. Ganito ang paglalakbay sa buhay, nasa biyahe ang kaligayahan at hindi sa pupuntahan.

4. Alam ko
na... kung babaguhin mo ang pagtingin sa mga bagay, ang mga bagay na tinititigan mo ay nagbabago. Lalo na kung babaguhin mo ang mga katagang binibigkas mo, makakatiyak ka na may malaking pagbabago sa iyong buhay.

5. Kapag hinatulan mo ang iba, hindi sila ang sinusukat mo, kundi ang inilalantad mo ay ang uri ng iyong pagkatao. Sapagkat anumang bagay na nasa iyong isipan ay kusang humuhulagpos at nagpapakilala kung ano ang nasa loob.

6. Gaano man tratuhin ka ng sinuman, ito ay karma para sa kanila; kung papaano naman ang reaksiyon mo dito, ito ang para sa iyo.

7. Ang pagtatalo, awayan at mga alitan na kasangkot ka ay hindi magaganap at patuloy na mangyayari kung wala kang partisipasyon.

8. Kapag nagising ka mula sa pagtulog, hayaan na ang unang mga kataga na iyong bibigkasin ay "Salamat Po." Sapagkat ito ang magpapaala-ala sa iyo na simulan mo ang iyong araw nang may pasasalamat at pagmamalasakit.

9. Madalas, ang pinakamabisang kasagutan sa mainit na ulo ay tumahimik na lamang. At aliwin ang sarili sa isang nakakabinging katahimikan.

10. Sundin ang pitong I:
Igalang ang sarili.
Igalang ang iba.
Iwasan ang mga toxic at mga negatibo sa iyong buhay.
Iwasto ang iyong mga pagkilos.
Isaisip ang damdamin ng kausap.
Ilaan ang mga mahahalagang sandali sa mga nagpapaligaya sa iyo.
... at Isumbong sa Diyos anumang lumiligalig sa iyo.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mahalaga ang Edukasyon

SINO Ka nga ba?


 Ang paghanga ay nagsisimula kapag natapos na ang mga palabok na papuri at hayagang pagmamaliit sa sarili.
   
Sa mga umpukan at lalo na sa mga pagtitipon, kapag may nakasalamuha tayong mga bagong kakilala na tumawag sa atin nang pansin, ay nais natin silang makilala. Bakit nga ba hindi, kung mayroon tayong nakikitang mga katangian na ating hinahangaan at nais matularan. Subalit papaano naman, sa paghaharap na ito, ay magagawa mong maipakilala o ang maipaalam kung sino kang talaga.
   Ito ang kadalasang pinangangambahan ng marami, lalo na yaong mga hindi nakahanda at walang gaano mang maipapakilalang mga katangian o maipagmamalaking gawain. Urong-sulong at inaapuhap ang mga katagang nais mabigkas nang walang inaala-alang mga kapintasan.  Ang mga karaniwang naitutugon ay, “Ang aking pangalan ay . . . “ o dili kaya’y, “Ako’y isang guro lamang.”  “Taga baryo Makitid lamang ako.” At magwawakas sa, “Nagtapos lamang ako sa isang publikong pamantasan.” 
   Mapapansin na kalimitan ay may kalakip na kataga ng lamang sa mga ito. At sa madaling pang-unawa; nagpapahayag ito ng kakapusan at umiiral na pagmamaliit sa sariling pagkatao at kakayahan. Nahihiya na makilala ang tunay na pagkatao. Kung ito ang nais na maipakilala, ito rin ang magaganap na pagpapahalaga sa relasyong mamagitan. Kung walang nakikitang paggalang ang iyong kaharap sa iyo mismong sarili, ito rin ang uri ng paggalang ang makukuha mula sa kanya. Ang tanong, Bakit kailangan pang samahan ng lamang? Gayong sapat na ang banggitin ang ilang inpormasyon tungkol sa sarili. Tungkol ba ito sa pagiging mapagkumbaba? Kung ito ang dahilan; ang pagiging guro ba ay kababaan? Kung taga-baryo Makitid ka, isa ba itong kababaan? Ang pagtatapos ba sa publikong pamantasan ay kababaan? Maliban kung ikinakahiya ang mga pagkakakilanlan na ito sa personalidad ng isang tao. 
   Subalit ang mga ito ay hindi lubusang ipinakikilala kung sino kang talaga, maliban kung mababa ang pagpapakilala mo sa iyong sarili. Hangga’t ikinahihiya ng isang tao ang kanyang kalagayan sa buhay, nababawasan ang kanyang mga pagkakataon sa buhay. Sa dahilan na yaong mga tao na nakahandang tumulong sa kanya ay magsisimulang mag-alinlangan at umiwas na mahawa pa sa kanya. 
   Sinuman sa atin na nakakatiyak kung gaano ang kanyang mga katangian o maging mga kakayahan ay hindi pa rin lubusang nababatid na ang mga pagpapakilanlan na ito ay hindi resulta ng masidhing pagtuklas sa ating mga sarili, bagkus isang bagay na kusang “nangyari sa atin.” Napakadaling malaman kung papaano ito nangyari. Gaano ba kadalas na umupo tayo at sinimulang isa-isahin ang mga katangiang na sadyang nagpapakilala kung sino tayo? Mga katangian at kakayahan na sadyang maipagmamalaki natin kung sino tayong talaga. 
   Isang katotohanan na ang ating mga buhay ay masalimoot at lubhang matalinghaga. Sinuman ay hindi mapapasubalian na nabubuhay tayo sa isang lipunan na personal at makasarili; patuloy tayong binubomba araw-araw ng mga komersiyal at mga mensahe tungkol sa mga pahusayan, walang hintong mga tunggalian, at mga kompetisyon. Tinitingala ang mga kampeyon, pinupuri ang mga nanalo, at pinaparangalan ang mga magagaling. At kung hindi tayo kabilang sa mga ito, nagkakaroon tayo ng mga pag-aalinlangan sa ating mga sarili at ikinakahiya ang kawalan natin ng mga kakayahan. Kahit na ang simpleng pagsulat ng ating mga katangian upang mapag-aralan at pahusayin ay isang mahirap na gawain para sa atin. 
   Tulad sa paggagamot, hangga’t hindi nalalaman ang sanhi ng karamdaman, walang sapat na kagamutan para ito malunasan. Hangga’t hindi mo ganap na nababatid ang mga katangian mong taglay ay wala kang kakayahan na ito’y magamit para paunlarin sa iyong kapakinabangan.

  Dalawang konsepto ang may relasyon dito tungkol sa pagsasaayos upang personal mong makilala ang iyong sarili.
1-Pagsasaliksik.
       Ito ang relasyon mo sa iyong sarili na magkaroon ng aktibong pagtuklas at panunutunan tungkol sa iyong mga pananaw at inpormasyong pinaniniwalaan. Habang tayo ay nakikibaka sa buhay ay patuloy din ang mga bagong karanasan, mga bagong inter-aksiyon sa ibang tao, at mga bagong emosyon na nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang baguhin o palakasin ang sentrong aspeto ng ating pagkakakilanlan sa ating mga sarili. Ito ang nakapaghuhudyat kung papalitan natin ang ating trabaho, mapapangasawa, o hihintuan ang panonood ng walang kabuluhang palabas sa telebisyon. Nakakatulong din ito na maiwasan ang panghihina ng loob, paghamak sa sarili, at kawalan ng pag-asa.
2-Pagtatalaga
       Ito ang relasyong iniuukol mo sa iyong sarili na pagindapatin at pahalagahan ay iyong mga katangian at mga kakayahan sa iyong pagkatao. Anumang katangian at kakayahan na mayroon sa iyo ay nararapat mong ikarangal at ipagmalaki. Dahil ito ang magdadala sa iyo para lalo mong paghusayin. Walang sinumang makakagawa nito sa iyo kundi ikaw mismo. Kung wala kang tahasang pagsasaalang-alang ng iyong pagkatao, mistula kang ipa na ililipad sa isang bugso ng hangin. Manindigan! Paunlarin ang iyong sarili at magpakatatag. Simulang tumayo at panindigan ang mga makabuluhan at patungo sa kaunlaran ng iyong sarili. Kahit na bagyo o anumang daluyong, ang matatag na punongkahoy ay hindi magagawang maibuwal. 

 Ang pagpapakilala na nagsimula sa tunay na pakikipag-kaibigan ay may katiyakang magtatapos sa matalik na relasyon.   
Maaaring kaiba ang iyong personalidad, sino ba sa atin ang hindi, ngunit ang iyong pagkakakilanlan ay siyang susi mo sa tagumpay. Ang iyong pagkatao o karakter ay kalidad ng iyong mga personalidad; ang iyong trabaho, ang iyong samahan, ang iyong kalagayan sa buhay, mga paniniwala, ang iyong pagmamalasakit sa kapwa, at maging ang iyong mga nagagawang pagtulong sa iyong pamayanan--lahat ng mga ito ay kabubuan ng iyong pagkatao kung sino kang talaga. Higit pa ito kaysa pagkakakilala mo sa iyong sarili at sa mga nais mo pang magawa sa hinaharap. 
   Maging panatag at nakakatiyak sa iyong tunay na personalidad --- sapagkat ito ang lumilikha ng iyong pakikipagrelasyon sa iba. Ito ikaw ngayon, at sa mga darating pang mga araw sa iyong buhay. At kung magagawa mong komportableng masanay, may pagtitiwala at mapayapa ka sa pagdadala mo sa iyong katauhan, sinumang tao na iyong makakaharap; maging hari, presidente ng bansa, may mataas na posisyon o katungkulan sa pamahalaan, at maging karaniwang mamamayan ay wala kang itatago o pangangambahan. Malaya kang ipahayag na banggitin ang iyong pangalan, tirahan, at trabaho nang walang anumang pag-aatubili kundi ang ipagmalaki na ikaw ito at wala ng iba pa.

Ngayon, puwede na ba kitang makilala?

Hindi pa Huli ang Lahat

Kung may mga katanungan, tiyak na may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay, ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo? 

Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod: 
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan ng mga nangangailangan. 
2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran. 
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at walang kapakinabangan. 
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng mga paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap. 
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan na naghihintay ng mga papuri at mga palakpak.

6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, sa pananalita, may pansariling pananalig at pagtitiwala na sadyang naiiba sa karamihan. 
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.

   Kung mayroon ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, ang tagumpay ay laging nasa iyo. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at may matatag na paninindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay. Hindi kataka-takang ang kaunlaran at kapanatagan ay laging kakampi mo.

Batid Mo ba ang Iyong mga Kalakasan?


Ang tunay na kalakasan ay hindi nanggagaling mula sa pisikal na pagkilos, kundi mula sa walang pagkatalong katatagan.

 Kung aapuhapin mo ang iyong kaibuturan, may dalawang kalakasan dito ang namamayani. At kapag talos mo ang iyong birtúd o katauhan ay malaki ang maitutulong nito upang makilala ang pagkakaiba ng dalawang kalakasang ito. Bagama’t sila ay magkarelasyon; ang pisikal na kalakasan, at ispiritwal na kalakasan, malaki ang agwat ng kanilang mga tungkuling ginagampanan sa ating personalidad.
   Ang kalakasang pisikal ay may relasyon sa kalusugan ng iyong katawan at naaayon kung papaano mo inaaruga ito. Kung kumakain ka ng maling mga pagkain, nagpapakalango sa mga inuming nakakalasing, gumagamit ng ipinagbabawal na mga droga, malakas manigarilyo, walang ehersisyo o pagpapawis ng katawan, at madalas na nagpupuyat; sa kalaunan, ang iyong katawan ay susuko at tuluyang igugupo ng malubhang karamdaman. Kung ikaw ay mayroong karamdamang pisikal, ang iyong kalakasan ay apektado at walang sapat na kakayahang makagawa pa. Gaano man ang pagnanais mong makakilos nang ganap, ang iyong karamdaman ang paparalisa sa iyo.
   Ito rin ang nagpapahina sa iyong motibasyon para magpatuloy pa na tapusin ang anumang gawain na iyong sinimulan. Maging ang iyong mga pakiramdam at mga saloobin, kasama ng iyong pananaw at mga lunggati sa buhay ay pawang nalilito at wala na sa direksiyon. At kapag ito ay nagpatuloy, nawala na ang ispirito na gumagabay sa iyo.
   Ang ispirito na ito ay ang iyong pambihirang gabay na nagdudulot ng puwersa sa iyong buhay, ito ang pakiramdam na nagaganap sa iyo sa tuwing may mataas na kalakasang ispiritwal at mababa na kalakasang ispiritwal na naghahari sa iyong pagkatao.
   Sa karaniwang araw, ang iyong kalakasang ispiritwal ay maaaring tumaas o bumababa batay sa iyong ginagawa at mga pagbabago sa antas ng mga pakiramdam at saloobin mo. Kung ang ginagawa mo ay talagang naiibigan mo at nagpapasaya sa iyo, matapos ang maghapong paggawa, maaaring pisikal na mapagod ka, ngunit ispiritwal ka namang lumakas. Sakali namang inubos mo ang maghapon sa paggawa ng mga bagay na wala namang halaga sa iyo at napipilitan ka lamang dahil trabaho mo ito, at kailangan mo ang suweldo, makakaramdam ka ng matinding pisikal na kapaguran. Idagdag pa rito na bumaba ang kalakasang ispiritwal mo at kailangang lunasan ito sa pagtungga ng inuming may ispirito, at nakakalasing.
   Kapag mababa ang antas ng iyong ispirito, nawawalan ka ng gana o hilig na magsikhay pa, na paghusayin ang gawain, at mawalan ng pag-asa. Sanhi din ito na mabaling ang iyong panahon sa mga walang katuturang libangan, katakawan sa pagkain, tsismisan, at panandaliang aliwan para lamang takasan ang pamamanglaw na nadarama.
   Kung mataas ang iyong kalakasang ispiritwal, dinudulutan ka nito ng simbuyo o pasiyon para higit na pasiglahin ang iyong pakiramdam. Ito ang puno't-dulo sa anumang hangarin na nais mong makamtan. Narito ang sikreto upang lumakas at pasiglahin ang iyong pagnanais na matupad ang iyong mga pangarap. 

Nararamdaman mo ba ang ispirito na ito sa iyong sarili?
Kung wala pa ito sa iyo, apuhapin mo na ngayon sa iyong kalooban at simulan nang gamitin.

 Jesse Navarro Guevara
 Lungsod ng Balanga, Bataan

At Patuloy na Naniniwala pa AKO

Dalawang paraan lamang para mapatunayan ang katatagan ng isang tao, ang isa ay itulak pababa, at ang isa naman ay hatakin pataas.

 Ang kahusayan ay . . .
      Higit na pangangalaga kaysa iniisip ng iba ay tama lang;
      Higit na pakikipagsapalaran kaysa iniisip ng iba ay kaligtasan;
      Higit na pangangarap kaysa iniisip ng iba ay karaniwan;
      Higit na umaasa kaysa iniisip ng iba ay puwede na.
      Higit na pagsisikhay kaysa iniisip ng iba na ayos lang.

Naniniwala AKO
Kung nais mong pamunuan ang mga tao, lumakad sa likuran nila.

Naniniwala AKO
Hindi ang mga iyak at kaingayan, kundi ang mga paglipad ng mga bibe, at isa ang nanguna sa buong pangkat na lumipad at sumunod.

Naniniwala AKO
Saan man magtungo ang mga tao, kailangang sundan ko sila, dahil ako ang kanilang pinuno.

Naniniwala AKO
Ang pamumuno: Isang sining na magagawa mong ipagawa sa iba ang nais mong tapusin na gawain dahil nais niyang magawa ito.

Naniniwala AKO
Ang tunay na pinuno ay hindi kailangang mamuno, kuntento na siya na ituro lamang ang tamang daan.

Naniniwala AKO
Ang mga tao ay pinamumunuan lamang ng paglilingkod sa kanila; ang kautusan ay walang itinatangi.

Naniniwala AKO
Makilala na nakakalugod sa iba, lalo na kung namumuno ka, ang mamahala sa iba na may kabagsikan ay may isang kalamangan, subalit higit na mahusay ang kinalulugdan kaysa kinakatakutan.

Naniniwala AKO
Kung magagawa mong mabigyan ng lalong inspirasyon ang iba, na lalong may malaman pa, na lalong may magagawa pa, at lalong mapahusay ang kanilang mga kakayahan, ikaw ay isang  mahusay na pinuno.

Naniniwala AKO
Ang ultimong kasukatan ng isang tao ay hindi kung saan siya nakatindig sa mga sandali ng kapanatagan, bagkus kung saan siya nakatindig sa panahong ng mga paghamon at kontrobersiya.

Naniniwala AKO
Sinuman ay magagawang hawakan ang manibela kapag panatag ang karagatan.
(mula sa aklat na Ang maging Mahusay na Pinuno, ni Jesse N. Guevara, 2007)
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mahusay na Gawain

Ang pinakamataas na gantimpala sa kapaguran ng isang tao ay hindi ang nakukuha niya mula dito, bagkus kung anong pagkatao ang naganap sa kanya.

    Lahat tayo ay bahagi ng paggawa, ito ang nagbibigay ng pag-asa, pinagkakakitaan, pagtitiwala at nagpapalakas para sa ating mga katawan. Nasa ating mga pagkilos nakikilala kung papaano natin binibigyan ng pansin ang ikakatagumpay o ikakabigo ng mga gawaing ito. Anumang larangan o trabaho na ating ginagawa, mayroon itong mga paraan para mahusay itong maisagawa.
21 Paraan ng mga Mahusay na Gawain

1- Gawing mahusay ang trabaho sa paghamon sa iyong kakayahan na higitan pa ang nagawa kahapon.
  2- Gawing mahusay ang trabaho sa diwa ng pagtutulungan upang mapabilis ito.
  3- Gawing mahusay ang trabaho sa pag-iwas ng mga kadahilanan para hindi ito matapos.
  4- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbuhos ng lahat na iyong makakaya at panahon.
  5- Gawing mahusay ang trabaho sa patuloy ng paggawa nang walang pagliban.
  6- Gawing mahusay ang trabaho sa ikakasiya at ikakatagumpay ng lahat.
  7- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng mabuting halimbawa para tularan ito.
  8- Gawing mahusay ang trabaho sa pagpapakita ng integridad at pagmamalasakit.
  9- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng halaga at inaasahan mula sa iyo.
10- Gawing mahusay ang trabaho sa matiyagang pagtuon dito nang walang abala.
11- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtupad ng iyong mga pangako para sa ikakatapos nito.
12- Gawing mahusay ang trabaho sa pagsasanay ng mga katangian para lalong humusay.
13- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng malusog na katawan para ito maisagawa.
14- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng mabuting  panuntunang sinusunod sa paggawa.
15- Gawing mahusay ang trabaho sa pagdaragdag ng kabatiran tungkol sa ginagawa.
16- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng papuri sa iba bagama’t minimithi mo ito.
17- Gawing mahusay ang trabaho sa layunin at mga kapakinabangang magmumula dito.
18- Gawing mahusay ang trabaho sa paglikha ng solusyon kaysa maging bahagi ng problema.
19- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtuturo sa iba ng mga nararapat pang gawin.
20- Gawing mahusay ang trabaho sa paglalaan ng sapat na pahinga para sa kalakasan ng katawan.
21- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng kaibahan at inspirasyon sa iba na tularan ito.

Ang mabuting ideya ay 10 porsiyento, at kalakip nito ang implementasyon at masikhay na paggawa, at ang suwerte naman ay 90 porsiyento.

   Sa kabubuan ng iyong trabaho, marami itong daang-daan na posibleng mga kaparaanan at magagawang mga pagbabago o innovations; at sa dami ng iba’t-ibang mga tao na mayroon ding trabaho na tulad ng sa iyo, maraming kumbinasyon din ng kabatiran, sistema ng paggawa, tamang atensiyon sa gawain, kalakasan o kahinaan, at maging pagmamalasakit para dito. Ang kailangan lamang ay tamang pananaw, paninindigan at kasiyahang dulot nito para magtagumpay sa isang trabaho.

   Ikaw, papaano mo ba ituring ang iyong trabaho, nagkataon lamang ba ito o sadyang ito ang iyong pangarap na gawin? Dahil kung walang ningning sa iyong mga mata sa paggawa, at tuwing umaga ay kinakaladkad mo ang iyong mga paa papasok sa trabaho, aba’y magsimula ka nang mag-isip para magbago ng gawain, sapagkat sa kalaunan, mapinsalang karamdaman ang sasaiyo sa pagkabugnot at pagkabagot na naghahari sa iyong kalooban.

Kung mahal mo ang iyong trabaho, magigig maestro ka nito, subalit kung kinasusuklaman mo ito, siya ang iyong maestro.

   Ang matuto nang walang kaisipan ay isang kapaguran;  ang kaisipan na walang natututuhan ay kapahamakan.  Sa gawain, hindi basta lamang gumagawa, pinag-iisipan itong maigi kung mapapadali, makakatulong, at mapapakinabangan.

Ang lunggati ay hindi ang mabuhay magpakailanman. Ang lunggati ay ang makalikha ng bagay na may alaala nito. Kaya nga, huwag basta pakatitigan ang orasan. Gayahin ang ginagawa nito. Magpatuloy sa pagkilos. Humanap ng gawaing kinawiwilihan mo at kailanman, hindi ka na magtatrabaho pa sa araw-araw ng iyong buong buhay.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala AKO

Sa buhay na ito, kung nais mo ng pagbabago sa mga nakikita mo, simulan ito sa iyong sarili.

Naniniwala AKO
Ang pinakamahusay na bagay tungkol sa hinaharap ay dumarating lamang sa bawa’t isang araw na pagkakataon. Minsan lamang itong kumakatok na iyong dinggin; subalit kung masipag ka man, dadaigin ka ng maagap.

Naniniwala AKO
Ang tungkulin ng  pinuno ay makita ang hinaharap at mabatid ang kanyang organisasyon hindi bilang ito, bagkus kung ano ang kalalabasan o ikakatagumpay nito.

Naniniwala AKO
Isang serye ng mga karanasan ang buhay, bawa’t isa ay nagagawa tayong higit na matibay at matatag kaysa dati, kahit na mahirap itong mapatunayan. Dahil ang daigdig bagama’t masalimoot ay nalikha upang pagyamanin ang ating pagkatao, at kailangan nating matutuhan na ang mga kabiguan at mga karaingan na ating tinitiis, ay nakakatulong sa atin upang matatag na sumulong sa ikakatagumpay ng ating mga adhikain.

Naniniwala AKO
Ang pamumuno ay ang kapasidad na isalin ang bisyon sa reyalidad.

Naniniwala AKO
Ang tagumpay kailanma’y hindi natatapos, dahil ang nagawa mo kahapon ay makakaya mo pang mahigitan ngayon. Walang imposibleng bagay kung ang imahinasyon mo ay walang hanggan.

Naniniwala AKO
Ang dagdagan ng kaunti pa ang iyong ibinibigay kaysa inaasahan mula sa iyo ay isang mabuting paraan na higit na madagdagan ang iyong inaasahan.

Naniniwala AKO
Ang mga pinuno ay hindi ipinapanganak, sila ay ginawa. Sila ay nagsilitaw sa pagpupunyagi at mga sakripisyo, ito ang halaga na kung saan lahat tayo ay kailangang magbayad at magsakripisyo para makamit ang anumang lunggati na makabuluhan.

Naniniwala AKO
Ang bagabag ay siyang patubo na ibinayad ng mga taong nangutang ng kaguluhan.

Naniniwala AKO
Nakakamtan natin ang kalakasan, ang katapangan, at pagtitiwala sa bawa’t karanasan na kung saan ay huminto tayo at hinarap nang totohanan ang mga pagkatakot . . . kailangan nating gawin ang mga bagay na iniisip nating hindi makakaya.

Naniniwala AKO
Ang pamamahala ay ginagawa ang mga bagay na tama. Ang pamumuno ay ginagawa ang mga tamang bagay. (Mula sa aklat na Ang Maging Tunay na Pinuno, ni Jesse N. Guevara, 2007)


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala pa rin AKO

Ang mabuting ulo at mabuting puso ay makapangyarihang kumbinasyon.

 Naniniwala AKO

Ang pinakadakilang prinsipyo ng pamamahala sa mundo ay, “ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinahahalagahan ay yaong mga nagawa, hindi ang mga binabalak."
Naniniwala AKO
Kung nais mong malaman kung bakit ang iyong mga tauhan ay hindi makagawa nang mahusay, mangyari lamang na humarap ka sa salamin at pakatitigan ang iyong sarili. Sapagkat ang iyong pamumuno ang sanhi nito.
Naniniwala AKO
Ang patuloy na kabaitan ay marami ang napagtatagumpayan. Tulad ng araw na tinutunaw ang yelo, ang kabaitan ay nagagawa ang hindi pagkakaunawaan, kawalan ng pagtitiwala, paghihinala, at mga hidwaan na malusaw.
Naniniwala AKO
Ang pagiging uliran ay pangunahin at kritikal na panuntunan sa paglikha ng mga tamang kapasiyahan. Kung may pag-aalinlangan, mistula itong maliwanag na tanglaw sa madilim na daraanan.
Naniniwala AKO
Ang mga matatagumpay na tao ay yaong magagaling sa planong B.
Naniniwala AKO
Na ang walang sandatang katotohanan at walang kundisyon na pagmamahal ay siyang mapapatunayan sa dakong huli.
Naniniwala AKO
Makakakuha ng simpatiya at pagtulong mula sa iba hindi sa pagsiga ng apoy sa ilalim nila, bagkus sa paglikha ng lagablab sa kanilang mga puso na makiisa sa iyong layunin.
Naniniwala AKO
Kahit na ang pamumuno ay mahirap na ipaliwanag, ang isang katangian na karaniwan sa mga magagaling na pinuno ay ang abilidad na gawin ang mga bagay na mangyari.
Naniniwala AKO
Ang karakter ng isang tao ay hindi mapagyayaman sa pagiging tahimik at panatag sa kabila ng mga kaganapan sa kanyang kapaligiran. Sa pamamagitan lamang ng mga karanasan sa mga pagsubok at mga kapighatian; ang kaluluwa ay pinatitibay, ang pananaw ay pinalilinaw, ang ambisyon ay may inspirasyon, at ang tagumpay ay nakakamtan.
Naniniwala AKO
Ang kalidad kailanman ay hindi isang aksidente. Ito ay laging resulta nang matayog na hangarin, matapat na pagsisikhay, matalinong direksiyon at mahusay na pagsasagawa. Kinakatawan nito ang magaling na pagpili sa maraming mga alternatibo at mga pagkakataon. (Mula sa aklat na Ang Maging Tunay na Pinuno, ni Jesse N. Guevara, 2007)
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala pa AKO

Ang kahinaan ng saloobin ay nagiging kahinaan ng karakter o personalidad.

Naniniwala AKO
Maging mabagal sa pagpuna. At mabilis na magpahalaga.

Naniniwala AKO
Ang tao ay walang iba kundi ang produkto ng kanyang kaisipan. Anuman na kanyang iniisip, ito ang mangyayari sa kanya.

Naniniwala AKO
Ang pinakamainam na kasangkapan na panghalina sa iyong arsenal ng mga sandata sa pamumuno ay ang iyong integridad.

Naniniwala AKO
Wala silang pakialam kung gaano ang iyong nalalaman hanggang sa mabatid nila kung gaano ka magmalasakit.

Naniniwala AKO
Kung ang mga bagay ay tila nasa kontrol at malumanay sa pagkilos, ikaw ay mabagal at pahinto na.

Naniniwala AKO
Ang mga ulirang panuntunan ay tinatanglawan ang aking landas, at sa bawa’t pagkakataon, patuloy akong pinagpapala ng bagong katapangan na harapin ang buhay na masigla, may kagalakan, may kabutihan, may kagandahan, at may katotohanan. Wala na akong mahihiling pa sa aking kaluwalhatian.

Naniniwala AKO
Ang unang responsibilidad ng isang pinuno ay maintindihan ang reyalidad, ang pinakahuli ay bumigkas ng, “Salamat sa iyo.” Sa pagitan ng dalawang ito, ang pinuno ay nakalaang maging tagapaglingkod.

Naniniwala AKO
Ang kasiyahan ay nag-uugat sa kaligayahan ng tagumpay at ang mataos na pananalig sa makasining na sama-samang paggawa. Ito ang bayanihan at tradisyong Pilipino.

Naniniwala AKO
 Ang tunay na pagkakakilanlan ng pamumuno ay ang abilidad na mabatid ang isang problema bago ito maging isang kapahamakan.

Naniniwala AKO
Hindi lahat ng hinaharap ay magagawang baguhin. Subalit walang mababago hangga’t hindi ito hinaharap.  (Mula sa aklat na Ang Maging Tunay na Pinuno, ni Jesse N. Guevara, 2007)


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan