Ang Aking Naging Panuntunan
Noong ako ay nasa kolehiyo, sa
gabi ako nag-aaral. Tinustusan ko ito sa pamamagitan ng trabaho sa araw, sa pamamagitan ng paggguhit ng mga disenyo sa tatakan ng kamiseta. Palagi akong
kulang sa tulog sa pagnanais na matapos ang aking mga ginagawa. Isang
gabi sa kapuyatan, napasubsob ako sa lamesa habang gumuguhit at
nakatulog. Ito ang tulog na hindi ko malilimutan. Dahil may napag-inipan
ako na ginawa kong gabay magmula pa noon. Isang panag-inip na pambihira
at sadyang nararapat isagawa.
Sa panag-inip, naglalakad ako sa gubat at ito'y pabalik-balik, walang sapin ang aking mga paa. at hindi
ko makita ang aking pupuntahan. Iba't-iba ang nagiging kasama ko. Minsan
nakasakay ako sa dyip, sa kotse, sa tren, at sa huli ay bisikleta na
umiikot lamang. Palagi akong pasahero kaysa sa nagmamaneho. Napagod ako
at naiwang nag-iisa. Umupo na lamang ako sa isang silya sa may pintuan ng isang bahay,
nang may paos na tinig akong narinig. Una, natakot ako dahil hindi ko
mawatasan ito. Palakas nang palakas at nanggagaling sa kung saan, subalit wala
akong nakikita na hugis o anyo. Nagtatanong ito, at tatlong katanungan ang
aking narinig. Dumadagundong at paulit-ulit, hanggang sa humina at
mawala.
"Bakit ka Pilipino?"
"Ikaw ba ay mabuting tao?"
"Ano ngayon ang iyong ginagawa tungkol dito?"
Buhat pa noong magising ako, palagi nang umuukilkil ito sa aking
isipan.
"Bakit ka Pilipino?"
-Bakit nga ba? Sa dinami-daming lahi dito sa mundo, bakit nga ba ako ay Pilipino?
"Ikaw ba ay mabuting tao?"
-Naging palaisipan ito sa akin, papano nga ba ang maging mabuti?
"Ano ngayon ang iyong ginagawa tungkol dito?"
-Ano nga ba ang aking ginagawa upang mapatunayan ko sa aking sarili na ako ay huwaran sa paggawa ng mabuti?
Kaya't sinimulan ko kahit na sa mumunting kaparaanan, ay maipakilala
ko at magampanan nang taos sa puso ang kasagutan. At malaking bahagi
nito ang Lingkod Bayan na sinimulan ko noon pa, at ipinagpapatuloy hanggang ngayon.
Dalawa lamang ang kailangang pagsusulit na haharapin kung nais kong mabuhay nang matiwasay.
Una: Ang buhay bang ginagawa ko'y katulad nang nais kong maganap sa akin?
Pangalawa: Nagagalak ba ang mga tao sa aking paligid para dito?
Ito ang lagi kong inuuna, bago ako magsimula kahit na anong bagay.
Dito nakasalalay ang lahat kong mga pagkilos. Hindi buo ang aking
pagkatao, kapag sa maghapon ay wala akong nagawang kabutihan. Hindi ako
makakatulog nang mahimbing.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Sunday, April 19, 2020
Ang KATOTOHANAN ang siyang Magpapalaya sa Iyo
Labels:
Busilak
Iwasang Malito nang Hindi Magkamali
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)