Saturday, August 25, 2018

Katangi-tanging Pagkatao

  


    Doon sa bayan ng Rosales, sa lalawigan ng Pangasinan, nakilala ko si Mang Tibo. Isa siyang traysikel drayber at tumutulong sa pagpapaaral ng higit sa sandaang estudyante sa kanilang matrikula, aklat, at kinakailangang mga gastusin hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang mga ito. Bagamat hindi sapat, malaki ang nagagawang tulong nito sa mga magulang ng mga nagsisipag-aral.
   Matandang binata ito at isang pamanking lalaki na kanyang pinalaki ang kasama lamang sa bahay. Ayon dito, nagsimula si Mang Tibo sa traysikad o de-tadyak noong kabataan pa nito at nang lumaon naging de-motor. Wala gaanong hilig kundi ang magtanim ng gulay sa kanyang bakuran at maglabas ng kanyang traysikel. Matipid at palaimpok sa kanyang kinikita. Palaging hindi tumatanggap ng bayad sa mga estudyanteng kilala niyang kinakapos sa buhay, at kadalasan siya pa ang nagbibigay ng baon sa mga ito. Naging takbuhan siya ng tulong na humantong sa pagpapaaral at pagtustos sa mga ito.
   Madali siyang makikilala sa terminal ng mga traysikel drayber na naghihintay ng mga pasahero. Siya lamang ang nakabalanggot ng buli, suot ang kupas na kamiseta na wala sa sukat, tagpi-tagping sinaunang pantalon, at magkaibang kulay na gomang tsinelas. Malimit may tali pa itong alambre upang hindi mahugot sa sugpungan.  Lahat nang ito ayon sa pamankin, ay ibinigay sa kanya, o napulot sa kanyang pamamasada. Nanghihinayang siya na gawing basahan ang mga kasuutan. Matiyaga niyang nililinis, sinusulsihan, at pagmamalaking isinusuot ang mga ito. Magagalitin kapag nagmungkahi kang bumili siya ng bagong damit. At kapag binigyan mo naman ng bago ay ipinagbibili ito at ginagawang pera. Yagit siyang turingan at mistulang pulubi kapag pagmamasdan. Subalit maligaya siya sa kanyang mga gawain, lalo na ang pagtulong sa mga estudyante.
   Kapag tinatanong kung bakit niya ginagawa ito, ang mabilis niyang sagot ay, “Hindi ko nadanasan ang bumili ng sariling damit, palaging pinagkaliitan na kasya sa akin ang aking isinusuot. Hanggat may magagamit, magtitiis ako. Kakaunti man ang aking kinikita, malaki naman ang aking hangaring makatulong. Dahil hindi ako nakapag-aral, kaligayahan ko na ang magpaaral.  Nais kong mag-aral silang mabuti, makatapos, at magkaroon ng mabuting trabaho. At maging mabubuting mamamayan sila na tumutulong sa ating bansa. Ito ang aking pangarap!”
  Noong 2009, matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy na sinundan pa ng malaking pagbaha sa bayan ng Rosales, ay ipinamahagi ni Mang Tibo ang natitira niyang pera sa bangko para sa mga estudyanteng nasalanta. Bagamat 83 taong gulang at wala nang kakayahan sa pamamasada ng traysikel,  naisipan naman niya ang magkumpuni ng makina nito. Nakapag-impok siya dito ng halagang siyam na libong piso at ito’y kanya ring itinustos sa pagpapaaral.
   Binawian siya ng buhay noong Agosto 27, 2010 sa isang klinika, kung saan doon siya isinugod ng kapwa traysikel drayber. Sa kanyang libing, nasaksihan ang mahabang pila ng maraming nakipagluksa. Iisa ang kanilang paghangang sinasambit,  ang pambihirang katangiang ipinamalas ni Mang Tibo, noong ito’y nabubuhay. Sadyang katangi-tangi at magandang ilarawan ito. Isa siyang tunay na Pilipino.

Manalig nang may Pagkilos


Sa may Pantingan, bayan ng Pilar sa Bataan, nakagawian nang dalawin ni pastor Mateo ang magbubukid na si Mang Berting, isa niyang kasimbahan. Madalang magsimba ito, at sa tuwing dumarating ang araw ng Linggo ay umiiwas at laging may kadahilanan.
    Isang umaga, nadatnan niya itong inilalabas mula sa kulungan ang mga alaga nitong kambing. Minabuti  ng pastor na samahan si Mang Berting patungo sa sugahan upang doon kausapin. Habang naglalakad sinamantala ng butihing pastor ang bawat sandali na ituro sa kanyang kasama ang tungkol sa masugid na pananampalataya.
  “Ka Berting, palagi mong ipagkakatiwala sa Panginoon anuman ang nasa iyo.” At dugtong pa ng pastor, “Kailanman, hindi tinatakasan ng Panginoon ang kanyang mga anak.” Malayo rin ang kanilang tinahak at ang paliwanagan ay patuloy pa rin. Pagdating sa sugahan na mga kambing ay nagpaalam na ang pastor, subalit bago ito umalis, nagpaalaala ito kay Mang Berting na itali ang mga alaga sa mga sanga ng puno upang hindi makalayo ang mga ito.
   Sumunod si Mang Berting at naghanap ng mga sanga sa kalapit na puno. Habang itinatali ang unang kambing, naalaala niya ang habilin ng pastor nang hapong yaon bago ito umalis.
   Bulong nito sa sarili, “Palagay ko sinusubukan ako ni pastor Mateo, kung gaano katatag ang aking  pananalig sa Diyos. Batid ko na ngayon, 'ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa aking sarili.' Sa katotohanang ito, ipinagkakatiwala ko sa Diyos ang aking mga kambing.”
   Kasabay ng mga pangungusap na ito, ay inihinto ni Mang Berting ang pagtatali at pinawalan ang mga kambing. “Magsihayo kayo, manginain hanggang ibig ninyo, at babalikan ko kayo bukas!” utos nito, sabay taboy sa mga alaga.
   Kinabukasan, pasipol-sipol pa na dumating si Mang Berting sa sugahan. Laking gulat niya nang kahit isa man sa kambing ay wala siyang dinatnan. Nanggagalaiti, humahangos itong nagtungo kaagad sa bahay ng pastor sa barangay Ala-uli, at paninising inulat ang kamaliang naganap.
  Pagbukas pa lamang sa pintuan ng bahay ay binatikos kapagdaka ang pastor, 
“Wala kang sapat na kaalaman pastor, tungkol sa Diyos. Kahapon ang paliwanag mo ay magtiwala ako nang ganap sa Panginoon. Tinupad ko ito nang buong puso. Hindi ko itinali ang aking mga kambing at ipinagkatiwala ko sa kanya nang lubos. Subalit ang nangyari ay nawala silang lahat. Wala akong makita kahit isa, gaano man ang aking paghahanap.” Ang nagsisising panaghoy ni Mang Berting, habang nakatalungko ito sa bangko.
   Mahinahon ang naging tugon ng pastor, “Nais ng Panginoon na bantayan ang iyong mga kambing, dangan nga lamang, ang nais Niya ay magamit ang iyong mga kamay na itali sila, subalit hindi mo pinahintulutan ang Panginoon upang ito’y mangyari.”
  “Alalahanin mo ka Berting, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” paalaala ng pastor.

Mapinsalang mga Parunggit



   Naritong muli ang isa pang karagdagan ng ating mga Parunggit. Tungkol ito sa mga kalagayan at mga pag-uugaling nakasanayan at naging maling katangian ng ilan nating kababayan. Sana naman ay mabago na ito. Hindi pa huli ang lahat.

  1. Kalatog-pinggan -walang makain, naghihirap, maralita

  2. Lulubog-lilitaw -walang katiyakan ang pakikiharap, pasulpot-sulpot, hindi maaasahan

  3. Amoy-pusali -mabaho, maruming-marumi, salaula

  4. Saksak sa likod -kaaway na lihim, taksil, mapagkanulo

  5. Patay-patay -hindi maaasahan, mahina ang loob, pukpukin, laging nakatulala

  6. Isang-kahig, isang tuka -walang tiyak na gawain, patama-tama, kumikilos lang kapag nagugutom

  7. Laking-bundok -walang pinag-aralan, babantayan, kailangang turuan,

  8. Pasang-krus -pabigat, mahirap kasamahin, dalahin sa buhay

  9. Pupuwit-puwit -nahihiya at hindi makaharap, laging nakadikit at susunod-sunod, amoyong

10. Pakitang-tao -mapagkunwari, balatkayo, balimbing, may maskara na kaiba sa tunay na mukha

11. Sala sa lamig, sala sa init -walang katiyakang pag-uugali, pabago-bago ng isip

12. Nasa loob ang kulo -tahimik subalit mapanganib, biglang umaagsaw, bugnutin

13. Makitid ang isip -mahirap umunawa, pinid na pag-uugali, ayaw maturuan

14. Pabalat-bunga -pakitang-tao, mapagkunwari, may pinagtatakpan, mandaraya

15. Kuskos-balungos -paladaing, nanghihingi na pansinin, maraming hinihiling


Kaibigan nga ba Kita?



Ang lalim ng pagkakaibigan ay hindi nakadepende sa haba ng pagkakakilala.

Bawat isa sa atin ay nagnanais na matagpuan ang sarili kung sino nga ba tayo at maramdaman na, ... mahalagang bahagi tayo ng mundo. Hindi bilang isang tao na kumakain lamang para mabuhay at nabubuhay para kumain lamang. Kundi ang madama natin ang pagtanggap at pagpapahalaga ng ibang tao, hindi lamang makilala ang ating mga kahusayan at mga pagtulong na nagagawa, bagkus kasama na rin ang ating mga kakulangan at mga kapintasan. 
   Hindi mo mahahawakan ang dulo ng isang patpat nang hindi maisasama ang kabilang dulo nito. Hindi mo makukuha ang iyong asawa nang hindi kasama ang mga kaanak nito. Hindi mo makakain nang buo ang isda, nang hindi aalisin ang lamang-loob at kaliskis nito, o ang saging kung kasama pati ang balat. Anupat lahat ng bagay ay may puwing na kalapat. Walang bagay dito sa mundo na kapag kinuha mo ay perpekto at kumpleto, kahit papaano ay may kapintasan ito.
   Bawat isa sa atin ay may hangaring maglaan ng panahon at makapagtatag ng mabuting relasyon. Sino ba sa atin ang ayaw na magkaroon ng matalik na kaibigan? Ng mapagmahal na asawa? Ng masunuring anak? Ng mabait na kapatid, kaanak, at kasamahan? At sinuman sa atin ay makakayang magawa ito, kahit na simple, karampot, at kalabit lamang. Basta iparamdam na may atensiyon ka at pagpapahalaga sa iba. Nariyan ang itaas ang kilay o kindat mo upang ipakita ang iyong pagsang-ayon o pagpayag. Nariyan ang pagngiti na nagpapahiwatig ng iyong pagkagiliw at kagalakan. Nariyan ang pagyakap mo na nakapagbibigay ng ginhawa. Nariyan ang paghaplos mo na nagsasabing narito ako sa tabi mo, at hindi kita kailanman iiwan. Nariyan ang pag-akbay bilang pagpapatunay na ipaglalaban mo siya. At marami pang iba... kung masigasig kang talaga na ipakilala ang iyong sarili para sa mabuting relasyon ay magagawa mo at madali lamang ito.
Kung sadyang gagawin mo.

jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com

Magbigay nang Pagbigyan


Higit na may pagpapala ang nagbibigay, kaysa nanghihingi.

May isang kabataan na estudyante sa Balanga Community College ang naglalakad na kasabay ng kanyang propesor sa pilosopiya. Tinagurian ang propesor na "kaibigan ng mga mag-aaral" sa kanyang kabaitan at pagiging maunawain sa kanyang mga estudyante.
   Sa kanilang paglalakad, naparaan sila sa isang ginagawang bahay at sa labas nito ay may punongkahoy. Nakita nila ang nakasabit na damit sa mababang sanga, at sa ibaba ng puno ay may isang pares ng sapatos. Naisip nila na ito’y kasuotan ng isa sa mga karpinterong gumagawa sa loob ng bahay. Dahil dapithapon na, matatapos na sa ginagawa ang karpintero at uuwi na ito. 

   Mabilis na nagpasiya ang estudyante at nagpahayag sa propesor, “Maestro, magandang pagkakataon ito na maging halimbawa sa ating talakayan tungkol sa “Pagtulong sa Kapwa.”Ating paglaruan at subukang itago ang mga sapatos at magtago din tayo. Alamin natin kung ano ang gagawin ng may-ari, kapag hindi niya nakita ang kanyang mga sapatos. At kunwari ay tutulungan natin siya sa paghahanap ng kanyang sapatos.”

“Aking batang kaibigan,” ang tugon ng propesor, “huwag nating gawing libangan ang kasiphayuan ng mga dukhà. Subalit ikaw ay nakakariwasa, magagawa mong lalo tayong masiyahan pati na sa mahirap na taong ito, kung maglalagay ka ng pera sa bawat sapatos, at tayo ay magtatago sa talahiban. Mula doon ay panoorin natin kung ano ang magagawa nito para sa kanya.”

   Naglagay ng tig-iisang limampung pisong papel sa bawat sapatos ang estudyante. Kasama ang propesor ay nagtago sila sa kalapit na talahiban. Maya-maya pa ay lumabas na ang karpintero, hinubad ang maruming kasuotang panggawa at isinuot ang kanyang damit, subalit nang ipinapasok niya ang kanyang paa sa isang sapatos ay nasalat nito ang pera. Kinapa at inalis niya ito mula sa sapatos nang magulat ito sa hawak na limampung piso. Pinagmasdan niya itong maigi, binaligtad, at sinuri nang maraming ulit. Tumingin sa kanyang kapaligiran at nang walang makitang tao na mapagtatanungan tungkol sa pera, ay masaya itong ibinulsa. At ipinagpatuloy ang pagsusuot sa isa pang sapatos. Laking gulat muli nito nang makakuha ng isa pang limampung piso. Hindi na nakayanan pa ang nadaramang kagalakan at bigla itong napaluhod; pinagdaop ang mga kamay at tumingala sa kalangitan, at bumigkas nang malakas at walang hanggang pasasalamat sa biyaya na kanyang natanggap--sa magagawa nito sa kanyang asawang maysakit na naghihirap at hindi makabangon, sa mabibiling tinapay na mapapakain sa kanyang nagugutom na tatlong anak, at sa mabibili nitong kaunting pagkain na mababaon niya kinabukasan sa pagpasok muli sa kanyang trabaho. Anupa’t tigib sa luha itong nagpapasalamat sa hindi nakikitang kamay na tumugon sa mga karaingan ng kanyang pamilya.

   Mula sa kanyang kinalalagyan ay hindi makahuma ang estudyante sa narinig at nasaksihan. Damang-dama niya ang sumasapusong damdamin ng karpintero. Napansin na lamang ng estudyante na siya man ay lubos na napaluha nang punasan ng propesor ang kanyang mukha na nabasa ng luha.

  “Ngayon,” ang bigkas ng propesor habang tinitiklop ang ipinunas na panyo, “hindi ba higit kang naliligayahan sa iyong nagawa kaysa paglaruan natin siya sa isang pagsubok?”

   May kagalakang sumagot ang mag-aaral, “Ang karanasang naituro ninyo sa akin ngayon, kailanma’y hindi ko na malilimutan. Nadarama ko ang katotohanan, na noon ay hindi ko ganap na nauunawaan: “Higit na pinagpapala ang magbigay kaysa ang manghingi.”

--------------------------------

Ibigay mo nang may pagmamahal ang anumang mayroon sa iyo, at ibayong higit pa ang iyong makakamtan. Ito ay nasusulat at tunay na nagaganap sa araw-araw ng ating buhay. Wala nang hihigit pang ligaya sa karanasang nililikha ng paglilingkod sa kapwa. Sapagkat kung wala kang itinanim, wala ka ding aanihin. Nasa pag-iimpok kung nais mong may madukot. Maibibigay mo lamang ang mga bagay na mayroon ka.

   At pakatandaan: Makapagbibigay ka nang walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal nang hindi ka magbibigay.