Sunday, January 25, 2015

Kahulugan ng "Namaste"



Mahal kita maging sinuman ka man.
Dahil AKO ay ikaw, at ikaw ay AKO.

Sa pagbigkas ng katagang Namaste! Nabibigyan nito ng malalim na pagpapahalaga at paggalang ang pagkatao ng kaharap. Kultura ito ng mga Hindu sa Indiya tuwing may dumarating at umaalis; parehong nakadaop ang mga palad na nakadikit sa dibdib at yumuyukod na magkaharap. Isang paniniwala na mayroong Banal na nagniningas sa kaibuturan ng bawat isa sa atin; pakikipag-isa ng kaluluwa sa kaluluwa.
Ang kahulugan nito ay;
   “Aking pinapahalagahan ang nasa kaibuturan mo na kung saan ang buong sansinukob ay naninirahan. Dinadakila ko ang nasa kalooban mong liwanag, pag-ibig, katotohanan, kapayapaan, at kawatasan.’
   Mapitagan kong pinahahalagahan ang Kabanalan na nasa kaibuturan mo.
   Makumbaba kong iginagalang ang iyong mga likas na katangian.
   Kinikilala ko ang iyong mga mahusay na kakayahan.sa iyong mga gawâ.
   at Nagpupugay ako sa pambihira mong pagkatao at natatanging kahalagahan.”

Makikita din ang kaugaliang ito sa mga Hapon at Koreano. May nahahawig ito sa ating kultura; ang pagmamano sa matatanda, isang uri din ng paggalang kung dumarating at umaalis, ngunit unti-unting nawawala na ito at bihira ko nang makita maging sa mga lalawigan. Sa panahon ngayon, tuluyan ng nahawa tayo sa mga kulturang kanluran. Pati na ang pantawag na kuya, ate, sangko, dite, ay kumukupas na rin at lalo na ang pamumupo. Bagamat magkakaiba ang gulang, may bata at matanda, sa relasyon ay wala nang galangan. Huwag pagtakhan kung karaniwan na ang mga alitan, mga pagtatalo, at hiwalayan sa pamilya.
   Tuluyan nga bang nakakalimot na tayo? Magkagayunman, …
Nagpupugay AKO at bumabati ng Pagpapahalaga, Pagkilala, at Pagkakaisa sa Iyo.


Friday, January 23, 2015

Kahulugan ng "Compassion"



Ano ang kahulugan ng “compassion” sa wikang Pilipino?
   Para doon sa mga sumulat (e-mail) sa akin tungkol sa kahulugan ng “mercy” at “compassion” sa wikang Pilipino. Narito ang pahiwatig ko:
    compassion, n. to bear, suffer : sympathetic consciousness of other's distress together to alleviate it
Salin sa wikang Pilipino: pagmamalasakit
    Compassion = Pagmamalasakit   Pagma-mahal at ma-lasakit. Pagmamahal na walang pasakit. Mula sa katagang malasakit, nakikiramay sa pighati (trials and tribulations), nakikihati, kahit na masakit ang dadanasin ay buong pusong tatanggapin, maipadama lamang ang pagmamahal sa kapwa. Hindi lamang nakikiisa at may simpatiya sa karaingan ng iba, nakahandang tumulong  nang walang hinihintay na anumang kapalit. Pagkalingà. 
Malaki ang kaibahan nito sa “pity” at “mercy”
    pity, n. showing sorrow, feeling distressed or unhappy  Pilipino: habag, awà, hinayang (nadama lamang)
    mercy n. disposition to show kindness (kabutihan) Pilipino: dalang-habag, patawad, kaawaan, kawanggawa (may gagawing pagkilos)

Salamat sa inyong pagsubaysubay sa AtP,
   Kuya Jes,  wagasmalaya.blogspot.com

Nang Dahil sa Pag-ibig



Kung walang isyu walang pagtatalo, kapag may napuna may sakuna.
Naging bahagi na sa araw-araw ang pangungulit ni Aling Karya sa asawa na si Mang Susing. Lagi siyang may isyù; sa bawat kibòt may punà, sa bawat katagà may katugón na paliwanag, sa bawat gawin may kabuntót na pangaral. Mahusay o mapasamá man ang ginagawa ni Mang Susing may kaakibát ang asawa na payô. Mistula si Mang Susing na tumutulay sa alambre sa araw-araw, at kailangang maging maingat ito sa pagsasalita at sa pagsagot para hindi mapagalitan. At kung magkamalî si Mang Susing, simula na ito ng giyera at mga repasô ni Aling Karya ng mga maling nakaraan ng asawa– ang hindi matapus-tapos na mga alipustâ at panunumbát.
   Sa katagalan, nagpasiyá si Mang Susing na tumahimik na lamang kahit na patuloy ang paninitâ at paghamón ni Aling Karya. Mahilig itong magbantâ at paboritong mantrá nito ay “My way or the highway!”  Naging ugali na ni Mang Susing ang magkulong sa kanyang kuwarto sa tuwing may masamang hangin sa paligid.
   Isang gabi, naanyayahan sila sa isang piging at kasalukuyang naghahapunan kasama ang mga kaibigan, nang simulang punahin si Mang Susing ng asawa; Bakit ‘yan ang isnuot mo, hindi ba ang sabi ko ay mura lamang ‘yan! Dapat ang isinuot mo ay yaong mamahalin;” Bakit ka nakatayo d’yan, ikuha mo ako ng plato at damihan mo ng ulam!;” “Iwasan mo ang makuwentò na tila nakikiusap ka sa iba, huwag mong gawing kawawa ang sarili mo!;” Nalimutan ko ang isang bag ko, tatlo lamang ang nadala ko, umuwi ka nga at kunin mo ‘yong kulay berde, mamaya ka na kumain, pagbalik mo!” Hindi na nakapagpigil pa si Mang Susing at sumambulat ang kinukuyom nitong damdamin sa kadadalan ni Aling Karya sa harap ng mga kaibigan.
   Lahat ay nagulat at bagamat nag-aalala ay nagtanong, “Bakit ano’ng nangyari at sumiklab ka? Dinugtungan pa ito ng, Bakit hindi ka na lamang nagtimpì, at sinirà mo ang iyong pangako na kailanman ay hindi mo papatulan ang iyong asawa?”
   Kasi, napatunayan ko ngayon, na ang dahilan kaya umaabusò ang aking asawa ay hindi ako palasagot at hinahayaan ko na siya ang manguna sa mga usapan at pati sa mga desisyon sa aming buhay. Kung ipagpapatuloy ko na manahimik para iwasan siya, napansin ko hindi siya masayá. Kasi, kaligayahan na niya ang pumuna at mamintas.”
   “Bakit, may inseguridad ba sa pagitan ninyo?” Ang may pagtatakang tanong ng katabi.
   “Wala ‘yan sa akin, siya ang may inseguridad sa kanyang sarili, at ang mga nakikita niya ay mga repleksiyon nito.” Ang paliwanag ni Mang Susing., “kailangan kasi, na may maiinis siya at ito ang nagpapaligaya sa kanya. Kailangan palaging may pagtatalo para siya manalo.’
   Sa katunayan, ang ginawa ko kangina ay isang tanda ng pag-ibig. Ito ay isang uri ng pagmamahal ko sa kanya. Nagawa ko, ... na maintindihan niya ang nakakaaliw sa kanya, at ipinarating ko itong malakas upang patunayan na nadinig ko ang kanyang mga pakiusap!”

Kahit ano ang haba ng prusisyón, sa simbahan pa rin ang tulóy. Magdasal ka man at taimtim na humiling, walang mangyayari kung hindi gagawin.

Wednesday, January 21, 2015

Pasayahin ang Buhay



Magagawa mong sumayá kung laging kasayahán
ang iniisip mo.

Hindi natin makaailâ o maiiwasán ang kapangyarihan ng isipang positibó. Kung palaging iniisip natin ang maganda at mabuting mga bagay, hindi natin magagawang mag-isip pa ng mga negatibó o mga pangit na bagay, pati masamang mga imahinasyon. Sapagkat kapag lagi tayong natatakot at nangangamba; pawang mga bagabag at samutsaring mga pangitain ang ating iisipin. Mga pag-aakala ito na walang batayan at sumisira sa katinuan ng ating isipan
   Hindi ka mapaparusahan magalit ka man, ang magpaparusa sa iyo ay ang galit mo, ito ang lason na unti-unting wawasak sa iyo upang masira ang iyong relasyon sa iba. Madaling masupil ito; ang susi nito – tahasang palitan lamang ang negatibo o pangitaing iniisip ng mga positibo at makakatulong na mga pagkilos, kahit na anuman ang iyong iniisip o nadarama. Kumilos kaagad at gawin ang nararapat kaysa mabagabag ng mga maling pag-aakala o hinalà, at kusang mawawala ang nagpapagulo sa iyong isipan.
   Talos natin na kapag ang isang bagay ay patuloy mong iniisip, palaki ito nang palaki hanggang maging laman at ugali na ito ng iyong isipan. Mapabuti o mapasama man ito, ito ang magpapasumod sa sarili. Higit na mabuti na palitan ang pagkasuklam at pagkainggit ng pagmamahal at paghanga. Kung nais ng rosas na bulaklak, huwag hawakan ang tinik kundi samyuin ang bango nito. Kung may makitang maganda at kaibig-ibig gayahin at ipamuhay ito. Kung pangit naman at nakakasira sa pagkatao, suriin ang sariling kaisipan, nakatanim ito sa iyo at anumang nakikita mo ay repleksiyon nito.
   Isa sa mga pinakamasayang sandali kailanman ay kapag matapang na natanggap mo at hinayaan ang mga bagay na hindi mo na mababago. Wala kang kontrol sa iba, ang tanging may kontrol ka lamang ay sa sarili mo. Tandaan lamang; kapag pinalungkot ka ng mga nakikita mo, hintuan ito, hindi ito ang problema. Ang kaisipan mo ang problema.
Hinuhubog tayo ng ating mga kaisipan, anumang ating iniisip; magiging ito tayo.