Sa gulang at hinog na 27 taong gulang, isinulat ni Gat
Jose Rizal ang kabubuan ng mga importanteng leksiyon na kanyang natutuhan. Hiniling na isulat ito ni Marcelo H. del Pilar noong Pebrero 1889, na may
titulong “Para sa mga Kababaihan ng Malolos,” patungkol
ito sa matatapang na kababaihan na walang takot na humiling sa pamahalaang
Kastila na sumakop noon sa Pilipinas, tungkol sa kanilang mga karapatan na makapag-aral sa gabi. Isinulat ito ni Rizal sa London, at tumutukoy sa magkakapantay ng karapatan at edukasyon, sa
pangangatwiran at relihiyon; na nagtatapos sa pahayag ng mga prinsipyo, “Pagsasaad ng mga Paninindigan”. Isa ito sa
mga kadahilanan na ikinasawi ng buhay ni Rizal noong barilin siya sa Bagumbayan
(Luneta Park), sa utos ng pamahalaang
Kastila.
Isang pagpapa-alaala
at pagpapahalaga sa ika-117 anibersaryo ng pagkabayani ni Gat Jose Rizal
tungkol sa mga nagawa niya noon para sa sambayanang Pilipino.
Pagsasaad ng mga
Paninindigan
Ang
pinakauna: Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa
kaduwagan at kapabayaan ng iba.
Ang ikalawa: Ang inaalipusta ng isa
ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa
umaalipusta.
Ang ikatlo: Ang kamangmangan ay
kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao; taong walang
sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba,
ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.
Ang ikaapat: Ang magtago ng sarili,
ay tumulong sa iba na magtago ng sa kanila, sapagkat kung papabayaan mo ang iyong
kapwa, ay papabayaan ka din nila; ang isang tinting ay madaling baliin, ngunit
ang mahirap na mabali ay ang isang bigkis na walis.
Ang ikalima: Kung ang babaeng
Pilipina ay hindi magbabago, siya ay walang karapatang magpalaki ng anak, kundi
gawing inahin o pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa
tahanan, sapagkat kung hindi ito magagawa, ipagkakanulo nang walang kamalayan,
ang asawa, mga anak, ang bayan, at ang lahat.
Ang ikaanim: Ang mga tao ay
ipinanganak na magkakatulad, nakahubad at walang tali. Hindi nilalang ng Diyos
upang maalipin, hindi bingyan ng isip para pabulag, at hindi hiniyasan ng
katwiran at nang maulol ng iba. Hindi kapalaluan and hindi pagsamba sa kapwa
tao, ang pagpapaliwanag ng isip at paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang
palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig na papaniigin ay
ang kanyang mga naisin na tila nasa matuwid at karapatdapat.
Ang ikapito: Linangin ninyo nang masinsinan kung anong
uri ng relihiyon na itinuturo sa atin. Tignan ninyong mabuti kung iyan talaga
ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panglunas sa kahirapan ng mga
mahihirap, at pang-aliw sa dusa ng mga nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng
mga itinuturo sa inyo, kung saan pinapatunguhan ng lahat ng mga sermon, ang
nasa ilalim at kabuluhan ng lahat ng mga misa, nobena, rosaryo, kalmen,
larawan, milagro, kandila, koreya, at ibat-iba pang iginigiit, inihihiyaw, at
isinusurot sa araw-araw sa inyong mga kalooban, mga tainga, at mga mata. At
hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa
malinis na relihiyon ni Kristo, at tignan ninyong maigi na ang inyong pagiging
Kristiyano ay kahalintulad ng inaalagaan na gatasang hayop, o kaparis ng
pinatatabang baboy; at ang maunawaan na hindi ito pinatataba at inuugoy sa
duyan dahil sa pagmamahal sa kaniya, kundi ang maipagbili sa malaking halaga upang
lalong magkakuwarta ang mga pari, mga ministro, at mga pastor.
---------------
Ngayon, higit na nating alam na bagama’t
may “kalayaan” kuno tayong ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, ito ay hungkag
ng kasarinlan. Sa dahilan na, pinalitan lamang ng mga huwad na Pilipino ang mga
mananakop na Kastila, upang magpatuloy ang sabwatan, pagsasamantala, at mga
pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ating lipunan. Ito ay nakapangyayari lamang sa pakikipagtulungan
ng mga naghaharing-uri, ng mga simbahan, at mga limatik na nagpapatakbo sa
ating departamento ng Edukasyon.
Hindi nakapagtataka, kung bakit walang hinto ang paglaki ng agwat ng mga mahihirap at mayayaman; patuiloy na naghihirap ang mga kapus-palad at patuloy naman sa pagyaman ang mga naghaharing-uri. Patunay lamang na makatotohanan ang mga "Tayu-tayo"; at "Kami-kami" lamang ---sa lahat ng sulok ng ating mga kapuluan.