Sunday, November 27, 2016

IsangPilipino; Noon, Ngayon, at Bukas




Ito ang Aking Sinusunod
Kailangang alisin mo ang mga paghatol at pamantayan; kung lunggati mong tamasahin ang kaligayahan na may masiglang adhikain sa buhay.

  Malaki ang aking paniniwala na lahat ng tao ay may likas na mga katangian para makamtan ang tagumpay. Dangan nga lamang patuloy na nauusyami ito ng maraming hadlang at hindi magawang pagyamanin. At marami sa atin, kung hindi magigising, tuluyang ikakapahamak nila ito at tahasang maghahari ang kapighatian sa kanilang buong buhay. Hindi ito dapat na mangyari. Mayroon tayong likas na kapangyarihan upang magtagumpay sa anumang larangan o industriya na hinahangad natin o ating nasimulan na. 

  Tungkol naman sa iyo, umaasa akong hindi ito ang nangyari, sa dahilang may hinahanap ka.  At ngayon ay nakatunghay at binabasa mo ang blog na ito. Bilang pagpapatunay na nais mong may malaman na makapagda-dagdag sa iyong kabatiran upang magtagumpay. Dahil hindi ka lumitaw dito sa mundo na walang dahilan at kapupuntahan.
 

 Sapagkat sa simula pa lamang; isa ka ng kampeon. Nang ipunla ng iyong ama ang kanyang similya (sperm cell) sa iyong ina sa kanilang pagtatalik. Sa isang pagpusit; batay sa kalusugan ng lalake ay mahigit na 180 milyon (66 million sperms/ml) hanggang 400 milyon ang mag-uunahang makarating upang mapisa ang itlog (egg cell) sa sinapupunan (uterus) ng babae. At isa lamang ang tatanghalin na kampeon, ang nakapisa (fertilize) ng itlog. At ito ay IKAW!

  Sa pag-uulit, sa napakaraming daan-daang milyong ito; tanging isa lamang ang magwawagi; ISA LAMANG . . . Ang pinakamapalad na nanalo, . . . ay IKAW.

 
   Subalit nang lumabas ka sa mundo, mistula ka na isang blangkong papel. At habang ikaw ay lumalaki at nagkakaisip, marami ang nagsusulat sa blangkong papel na ito; ang iyong pamilya at mga kaanak, ang iyong mga kapaligiran, ang iyong pinaniniwalaang relihiyon, ang iyong mga guro at uri ng iyong paaralan, ang iyong mga naging kasamahan, ang iyong naturingang mga kaibigan, at higit sa lahat ang kinalakihan mong lipunan. Anumang kahinaan, kabuktutan, kalakasan o kagalingang mayroon ang mga ito . . . na 'isinulat' sa iyo; ito ang nagtanim at nagpayabong sa katauhang naghahari ngayon sa iyong sarili. At nakapaloob dito ang kaligayahan at kapighatiang umiiral ngayon sa iyong puso.

   At kung napunta ka man o nakarating sa kalagayan mo ngayon, ginusto mo ito ayon sa iyong mga pinakinggan, natutuhan, naranasan, at pinaniniwalaan. Hindi kailanman ito mangyayari nang hindi mo pinahintulutan at wala kang partisipasyon. Ito ikaw… ngayon.

 Ang tanong, nasaan ngayon ang kampeon? Ang nagsimula ng lahat? Tila nawawala sa kabubuang larawan. Huwag mabahala, narito na ang wagasmalaya.blogspot.com at tinatalakay ito upang pukawin at paigtinging muli ang pagiging likas na kampeon mo.

 
Ito ang binubuhay na adhikain ng AKO, tunay na Pilipino.
Ano ang kahulugan ng ADHIKAIN

Ang mga Pagkakaiba:

Naisin , (wish) nasa, gusto, ibig  –isang pahapyaw na kataga na nagnanais makamit ang isang bagay na hindi matutupad, dahil walang pagkilos. Pag-asam lamang. Nakalutang at lumilipad - walang tuldok at katiyakan. Nais at Pangarap lamang.

Hangarin (desire) –ipinapahayag, umaasam na sana ay makamit ang minimithi - naghihintay ngunit naroon ang agam-agam na mabibigo, dahil naghahangad pa lamang. Nagpupumilit, gumagawa at laging nakaamba, at manaka-nakang kumikilos. Patuloy ang daloy ng pangarap.

Layunin (intention, motive) –isang hangarin na may pagkilos, at may puwersa (inner force) na dumadaloy upang tuparin ang hinahangad. Walang tuwirang tuldok o pagtatapos. Tinutupad ang pangarap. Patuloy na nangangarap.

Lunggati (goal) –isang nakakatiyak, nasusukat, at mayroong sapat na panahong inilaan para ito matapos, na kung saan lahat ng itinakdang mga gagawin ay itinutuon lamang para dito hanggang makamtan ang nilalayon. Itinalaga at nakaatang gawin ang pangarap anumang mangyari.

Adhikain (advocacy) – isang makabuluhang proseso na naghahangad, naglalayon, at nagsususog ng masidhing simulain tungo sa tagumpay. May kasamang marami pang iba sa malawakang pagkilos hanggang magtagumpay.

   Lahat ng mga ito ay nakabatay sa uri, klase, at sistema ng pagkilos; at nagtatapos sa inaasahang kaganapan at tagumpay. 

Narito ang mga layunin para sa adhikain ng AKO, tunay na Pilipino sa pagsambit ng mga pangungusap:

124 na mga Panuntunan ng Tunay na Tagumpay

1   -AKO ay isang Kampeon!
2-   Walang imposibleng bagay sa pagpupunyaging matibay.
3-   Magagawa ko lamang ang lahat kapag tunay at makabuluhan ang aking mga lunggati.
4-    Ang kaligayahan ay isang walang hintong lagablab sa kaibuturan ng aking puso.
5-    Ang tumawa ng madalas.
6-    AKO mismo ang hinahanap ko.
7-    Walang mali; anumang tungkol sa akin.
8-    Ang pahalagahan ang kagandahan at makita ko ang kabutihan ng iba.
9-    Anumang namimighati sa akin ay hindi ako.
10-  Kapag namali ako, mabilis na tanggapin at iparamdam ito sa nasangkot.


Mabuhay nang may inspirasyon magmula ngayon!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan