Wednesday, October 24, 2018

Madali ang Magtiwala

Sa isang botika, napansin ng tindera ang naka-sambalilong lalaki na kangina pa pabalik-balik at panay ang tingin sa eskaparate ng mga gamot na pampatubo sa buhok. Mabilis niya itong nilapitan at tinanong, “Magandang umaga po, mayroon po ba kayong nagustuhan diyan sa nakahilerang mga gamot?”
   “Wala pa naman ineng, nais ko lamang kasing makatiyak kung may katotohanan ang nakasulat sa pakete, na magagawa nitong magpatubo ng buhok!” Ang may pag-aalalang tugon ng lalaki, at sabay na inalis ang suot na sambalilo. Wala na halos natitirang buhok sa kanyang bumbunan ngunit ginusot-gusot niya ito, upang patunayan sa tindera ang matinding hangarin niya na malunasan agad ang natitira pang ilang hibla.
   “Medyo, napahagikgik ang tindera, ngunit pinigil niya agad ito nang makitang namula ang mukha ng lalaki. Mabilis niyang dinampot ang isang dilaw na pakete at ito'y inialok sa kaharap, “Ito po ang bilhin ninyo, garantisado pong tutubo ang inyong buhok sa pamamagitan nito!” 
   “Nakakatiyak ka ba ineng, na tunay na mabisa iyan? Kung totoo ang sinasabi mo, papaano mo ito mapapatunayan?” Ang may paghihinalang paniniyak ng lalaki habang nagpapaypay ng kanyang sambalilo.
Higit pa po sa inaasahan ninyo,” buong pagtitiwala at pagmamalaking itinagilid ng tindera ang pakete at ipinakita ang nakadikit na suklay, “dahil po dito, bawa’t pakete po ay nilagyan naming ng suklay upang magamit sa tumubong buhok!”
-------
Sino ang hindi magagayuma kung ganito katindi ang pagtitiwalang ipinapahayag sa iyo. Ang mga tagpong ito; ang kailangan nating makita sa marami nating kababayan na nawawalan na ng ibayong pagtitiwala sa mga taong nakapaligid sa kanila.
   Sa 400 daang taon nang pananakop at ginawang panlilinlang ng mga Kastila, at halos 50 taong pang-uuto at panunulsol ng mga Amerikano, naging bahagi na ang kamulatang Pilipino na hindi agad maniwala sa mga ipinapangako ng kanyang kapwa. Laging nag-aalala, nagdududa, at naniniguro sa kalalabasan ng anumang bagay, usapan, at kasunduan.
   Sa isang banda, nakabuti din ito na maging mapanuri, sigurista, at laging handa sa anumang mangyayari. Subalit dinagsa tayo ng katakot-takot na sekta ng relihiyon, na nag-uutos na “Magdasal ka na lamang, at Diyos na ang bahala sa lahat!” Kaya nagpapatuloy at parami nang parami ang mga nanloloko at naloloko sa ating lipunan. Marami ang hindi nakakaalam, o kung nalalaman man, ay hindi isinasagawa ang katotohanang: “Nasa Diyos ang awa, ngunit nasa tao ang gawa!” Habilin nga ng matalik naming kaibigan na madre, “Mabuti ang magtiwala, ngunit iwasan ang lubusang pagtitiwala!”
   Madali ang magtiwala, ngunit napakahirap libangin ang sarili kung naging biktima ka ng pagtitiwala. Daig mo pa ang nadukutan sa pagiging mangmang sa takbo ng buhay. Ang nadukutan ng pitaka ay panandalian lamang at madaling palitan, maging ang laman nitong pera. Ngunit ang pagka-pahiya sa iyong sarili sa kalapastangang iginawad sa iyo ng iyong pinagkatiwalaan ay sumisigid sa kaibuturan ng iyong pagkatao. Ang respeto mo sa iyong sarili ay nadungisan at ang bahid nito’y matagal ding panahon na mananatili sa iyong puso.
   Madali din ang magpatawad, subalit ang lumimot ay hindi. Anumang sugat, gumaling man ito’y mag-iiwan pa rin ng peklat. Ang kristal na nabasag, bubuin mo man ay marami ng lamat.
   Nalulungkot at namimighati ako; at ito’y hindi sa ginawa niyang kalapastanganan sa akin, bagkus . . . anumang relasyon ang magaganap muli, ito’y hindi na tulad ng dati. Ngayon ay nakahanda na ako.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Anim na Talampakan


Ano ang mahalaga, kadakilaan o kayamanan? 
Masama ba ang maging mayaman, o ang kasakimang bumabalot upang maging mayaman?
Ang kasakimang walang hangganan ay higit pa sa kasamaang umaalipin sa iyo. Anumang yaman na iyong nakuha mula sa paggawa ng kasamaan, paglabag sa batas, pagsasamantala sa tungkulin, at mga pandaraya sa iyong kapwa ay kasuklam-suklam. Batik ito sa iyong pagkatao at sa angkang kinabibilangan mo. - Isang babala na nakapaskel sa isang opisina ng pamahalaan.

   Sa isang kuwento na may pamagat na, “Gaano Kalaking Lupain ang Kailangan ng Isang tao? Isinalaysay dito ang naging buhay ng isang magsasaka, na ang tanging kaligayahan niya ay matatamo lamang sa pagkakaroon niya ng maraming lupain. Sa pamamagitan ng matinding paggawa at imbing katusuhan, nagawa niyang patuloy na magkaroon ng maraming mga lupain. Hindi pa ito nasiyahan, nakipag-kasundo pa siya sa isang negosyante sa isang pambihirang negosasyon na kung saan lalong dadami ang kanyang mga lupain sa halagang isang milyong piso. Magiging kanyang lahat ang anumang lupain na ibigin niya, kung malalakad niya itong paikot mula sa pagsikat ng araw hanggang dapithapon. Sa kasakiman na maaangkin niya ang lahat nang naisin niyang lupain sa kaunting halaga ay pumayag ito sa kasunduan. Pagsikat ng araw, sinimulan niya agad ang paglakad at pinuntahang lahat ang mga lupaing kanyang natatanaw. Bawa’t makita niya ay kanyang nilakaran, naging ganid at walang pakundangang niyang sinamantala ang lahat ng pagkakataon. Lakad dito lakad doon ang puspusang ginawa niya at kahit humihingal na sa kapaguran ay hindi ito humihinto kahit saglit man lamang. Pagod na pagod na ito nang mapansin niyang palubog na ang araw. Napalayo na siyang lubusan sa kanyang pinanggalingan at kailangang dito rin siya makarating upang tuluyang makaikot. Humahagok na ito sa pagod, subalit paspas pa rin ito sa paglakad. Kailangan niyang umabot sa takdang oras at pook na kanilang napagkasunduan. Nahihilo at nabubuwal na, ngunit tatayong muli at lalakad, laging napapasubsob, titindig at lalakad muli, nagdidilim na ang kanyang paningin, kinakapos na sa paghinga, patuloy pa rin siyang lumalakad. Hanggang tuluyang mapasubasob ito at hindi na nakabangon. Nagkikisay at nalagutan ng hininga, ilang metro na lamang ang layo sa takdang pook na tipanan.
   Napapailing ang negosyanteng kausap sa kasunduan nang ilibing siya sa anim na talampakang hukay. Ito lamang ang nakalaan at nakatakdang lupa para sa kanya. Sapat na kabayaran sa lahat ng ginawa niyang paghihirap sa buong buhay.    
Anim na talampakang hukay na lupa lamang pala
ang katumbas ng lahat niyang paghihirap.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tumitig hindi ang tumingin


Masama ba ang maging mayaman? Ang maghangad ba nang labis sa nararapat mong matanggap ay masama? Ang kayamanan ba ay kakabit ng kasamaan?  

   Ang isang bagay ay hindi natin mapasusubalian kung ito’y masama o mabuti, ito’y nasa uri ng paggamit. Nababatay ito sa gagawin mong kapasiyahan at pagkilos. Anumang intensiyon o hangaring nakapaloob dito ay kusang lilitaw sa bandang huli, kung ito ay makakasama o makakabuti.  Ang isang patalim ay isang bagay lamang, nagkakaroon ito ng kabutihan o kasamaan sa taong humahawak nito. Kung ito’y gagamitin ng isang kriminal sa pagpatay sa isang tao, ito ay masama. Subalit kung gagamitin sa operasyon ng isang doktor upang magligtas ng buhay sa isang tao, ito ay mabuti. Nasa intensiyon nang paggamit kung ito’y para sa kabutihan o kasamaan. Sa madaling salita, anumang bagay  ay hindi masama at hindi rin mabuti. Nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan sa taong gagamit nito.
   May nagwika, “Ang salapi ay ugat ng kasamaan.” At ito’y sinusugan ng marami, lalo na yaong naghihirap at wala nang magawang pag-unlad sa buhay. Tinanggap ang kanilang lumalalang kawalan ng pag-asa sa pakikibaka sa buhay. Nakatunghay silang palagi sa lahat ng nagaganap na pag-angat sa kabuhayan ng sinuman sa kanilang pamayanan, maliban sa kanilang mga sarili. Sa halip na ikatuwa at ipagmalaki ang nagawang pagbabago ng ilan nilang kababayan, nilapatan nila ito ng paninira at matinding kapintasan. Nang sa gayon ay maibagsak nila ang anumang karangalan na tinamo ng mga ito at maging kasuklam-suklam sa paningin ng iba. Kaisipang talangka ito na sumisira sa magandang relasyon ng bawa’t isa sa pamayanan. Hindi nila nalalaman na ang kaunlaran ng kanilang kapitbahay ay kaunlaran sa pamayanan. Higit itong may kakayahang tumulong ngayon kaysa dating kalagayan nito sa buhay. Ngunit hindi ito ang naiisip ng iba, bagkus ang maling kaisipan na naungusan at naunahan silang umunlad sa buhay. 

“Ano kayang raket at pangungurakot ang ginawang diskarte niyan? Dati namang katulad ko lamang na mahirap iyan, eh” Ito ang pangunahing pambukas ng usapan upang simulan ang paninirang puri. 

   Iwasan at layuan ang mga ganitong uri ng tao. Pinipilit nilang itago at pagtakpan ang anumang kanilang kakulangan at kabiguang tinamo sa buhay. Pawang kapighatian lamang ang mapapala mula sa kanila. Binubulag ang mga ito ng matinding paninisi sa kanilang mga sarili na humahantong sa pagkainggit at masidhing panibugho na nagtatapos sa paninira at kung minsan ay nauuwi sa pananakit at pagpatay ng kanilang kapwa. Sila lamang ang nagpapalaganap na ituring ang salapi na salot ng lipunan. Na ang pagiging mayaman ay kaakibat ng pagiging masama. Na ang labis na yaman ay hindi na para sa iyo at ninakaw na lamang mula sa bibig ng iba. Katwiran ito ng mga tamad at palaasang tao. Kapag hindi nakuha ang kanilang gusto, lumilikha ng matinding kapinsalaan para sa iba na nakakahigit at mauunlad kaysa kanila.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Masamang Panginoon













 
 Higit kong nanaisin ang maging mayaman. Naranasan ko ang maging mahirap, at naranasan ko rin ang umangat sa buhay. Higit na masaya ang may salapi kaysa wala. Malaya kang mabibili ang anumang naisin mo hangga’t makakaya ng iyong yaman. Sadyang napakahirap ang maging maralita, lagi kang kinakapos sa lahat ng bagay na nangangailangan ng salapi na makakatulong, lalo na sa iyong edukasyon at kaunlaran. Kapag mayroon kang salapi, kulay rosas lahat ang iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay masaya ka at puno ng buhay. Lahat ay nagsisimula, umiikot, at nagtatapos sa salapi. Hindi ka makakakilos at makakagawa ng anumang hakbang nang hindi mangangailangan ng sapat na halaga para ito matupad.

   Mawawalang kabuluhan ang anumang iyong pagpupunyagi, tagumpay, at nalikhang yaman, kung ang lahat ng mga ito ay nagmula sa masamang kaparaanan. Ang kayamanan na nanggaling sa kasamaan ay walang magandang patutunguhan; walang karangalan, kasiraan ng angkan, at pagsasalaula lamang ng buhay. Ang kasiyahang makukuha sa masamang dahilan ay panandalian lamang at hindi ikaliligaya sa habang buhay. Subalit ang batik na nilikha nito sa iyong pagkatao ay mananatili sa maraming panahon, at anumang pagnanais mo na manumbalik ang dating pagtitiwala ng iyong kapwa ay daraan sa butas ng karayom at masusing pagsubok. At ito'y kung papahintulutan lamang ng mga pinagsamantalahan mo. Anumang sugat, maghilom man ay may maiiwanang peklat. Ito ang katotohanan.

   Ang kayamanan ay mabuti o masama, batay sa ginawang pagkuha at paggamit nito. Ang nakaw na yaman ay isang kabuktutan. At ang yamang tinamo mula sa mabuting paraan ngunit ipnagdamot sa harap ng karukhaan at ibayong kagutuman ay kasuklam-suklam. Subalit ang yamang nakatutulong na maiangat mula sa kapighatian ang iba ay kapuripuri. Ang kayamanan ay mahalaga kung ito ay nagagamit at nakakatulong sa  magagandang layunin na ikauunlad ng pamayanan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Mabisang Panglunas















Ang mga gawaing kapuri-puri ay higit na dakila at marangal. Lumalago at patuloy itong nagpapayaman sa mga taong ang tunay na layunin ay ang tumulong lamang sa kanilang kapwa. Higit silang maliligaya sa pagtupad ng kanilang dakilang layunin na makapagdulot ng kaligayahan sa iba. Hindi katakataka na ang kayamanan ay sumunod at nananatili sa kanilang buhay.  

Wala pa akong nakitang tao sa tanang buhay ko na dumanas ng ibayong kahirapan dahil lamang sa pagtulong sa iba. 

   Wala nang hihigit pa sa kayamanang naipunla nito sa kanilang puso at damdamin. Walang katumbas na anumang halaga ang kaligayahang ito. At ang karagdagang salapi na nagiging bunga nito ay mistula na lamang pinakapalabok o bonus sa mga kabutihang kanilang ginagampanan sa lipunan.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
imbi,buktot na kaisipan n. evil person
suklam, n. loathing, nausea, disgusting
katusuhan, n. shrewdness, mischievous, cleverness
ganid, gahaman, suwapang adj. greedy, bestial
subasob, subsob v. sliding face downfall,  face downfall with force
tipanan, n. rendezvous, agreed meeting place
tanang, kabubuan adj. entire, wholeness
tunghay, masdan, masid, tingnan v. view, look, watch, see
kaisipang-talangka, n. crab mentality
salot, peste n. vermin, pest
lago, laki, n. increase, growth
ungos, lagpas adj. surpass, protruding, extension, prominent
angkan, n. ancestry, lineage


Ang inyong kabayang Tilaok














Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan