Lahat nang iyong matutunghayan dito na mga
Kawikaan ay mabisang karagdagan sa iyong kabatiran at pananaw. Magagawa nitong mabago ang dating pangmalas mo sa isang pangyayari o naganap na talakayan. At lubos na maunawaan upang makatiyak ng tamang kasagutan sa anumang kinahaharap na suliranin.
Maaari ding magkaroon ng katanungan sa mga bagay na dati mong nakamulatan at patuloy pang panuntunan, gayong kalabisan na ito sa ngayon. Dahil sa mabilis na karagdagang inpormasyon lalo na sa internet. Maliban sa mga dakilang prinsipiyo na ginintuang pamantayan magpakailanman.
Kahit na saan mang larangan ang iyong ginagalawan, maging ito'y sa tungkulin, gawain, pamilya, o sa pakikipagkapwa --- sa mga kawikaan na narito'y muling mabubuksan ang iyong mga mata, sa mga sikretong laging hinahangad na magdadala sa iyo upang makamtang muli ang pagiging
tunay na Pilipino.
Hangarin nito ang mabigyan ka ng panibagong kasiglahan at inspirasyon; itapon ang dating mga pangungusap na humahadlang sa iyo upang magtagumpay, at matagpuan mo ang katotohanang magpapalaya sa iyo.
Gamitin ang pagkakataong ito sa iyong buhay na maging masagana at puno ng pagtuklas sa iyong sarili, kaunlaran, at pagbabago.
Jesse N. Guevara
AKO,tunay na Pilipino
Lungsod ng Balanga, Bataan
101- Alam mo bang anuman ang iyong
hinahanap, mayroon ka nito?
102- Walang kadakilaan kapag walang pagpapakumbaba, kabutihan,
at katotohanan.
103- Magpakaligaya habang nabubuhay, isang malaking pagkakamali
kapag hindi mo ito ginawa.
104- Mainam pang makita ng kaaway ko ang mabuti sa akin, kaysa makita ko
ang masama sa kanya.
105- Isipin ang puwang kapag ikaw ay nagsasalita, Maglaan ng sandali sa iba na katasin ang iyong ideya.
106- Karamihan sa tao ay nananabik na magmungkahi, kahit na ang pangangailangan
mo’y ang tulungan ka.
107- Dalawang bagay ang kailangan upang mabigkas ang katotohanan. Isa ang nagsasalita, at
ang isa nama’y nakikinig.
108- Isang bagay lamang ang mawiwika ko sa kamangmangan, pinag-uugatan ito ng mga pagtatalo.
109- Kapag nagagalit, bumilang hanggang lima; at kung tahasang galit na galit, gawin itong sandaan.
110- Hanggat patuloy kang nakakakita ng mga higante; nangangahulugan lamang ito na tumitingin
ka pa rin sa mundo, mula sa paningin ng isang bata.
111- Nabasa ko sa isang salamin ng tindahan; Ang sigarilyo at malimutan ang kaarawan
ng iyong asawa ay mapanganib sa iyong kalusugan.
112- Ugaliing patas sa iba; subalit maging gising sa tuwina, hanggang sila’y maging patas din sa iyo.
113- Sinumang tao na hindi humihingi ng pangaral, kadalasa’y wala pang asawa.
114- Kailanma’y huwag laruin ang laro ng iba. Ang paglaruan mo’y ang sarili mong laro.
115- Pinakamadali sa atin ang magbigay ng ibayong panahon sa mga mumunting bagay.
116- Hindi mapapasubalian, ang katamaran ay ugat ng kahirapan. Dangan nga lamang
marami ang nahuhumaling dito, at ginagawa itong aliwan.
117- Ang tangi lamang na makakamit mo kapag wala kang ginawa, ay pawang kabiguan.
118- Siya ay hindi mahirap, dahil sa kanyang maligayang halakhak.
119- Kalimitan hindi ko nakikita kung ano ang tinutudla ng isang tao. Ang nakikita ko lamang
ay pawang mga tinamaan niya.
120- Doon sa makakagawa --- ay gumagawa. Doon naman sa hindi makakagawa --- ay pumupuna.
121- Ang taong iniisip na nalalaman niya ang lahat ay tumigil na sa pag-iisip.
122- Ang mga pangaral ay tulad ng kabuti. Kapag hindi tumpak kung minsa’y nakakamatay.
123- Kapag ikaw ay tumatawa, tumawa mula sa puso mo. Walang mapapala kung may tinatawanan.
Ang katatawanang ito’y mauuwi lamang sa pagkamuhi.
124- Nasa mga paggawa --- hindi nang mga salita, ang mga katibayan ng pagmamahal.
125- Ang sinungaling at ang magnanakaw ay magkapatid.
126- Marami ang mga pagkakataon, ngunit kakaunti ang mga abilidad.
127- Hindi mo magagawang sukatin ang haba ng iyong buhay, subalit
malaya kang piliin ang hininga, lalim, taas, at kahalagahan nito.
128- Hindi ang pagkahulog ang masakit, bagkus ang lagabog nito.
129- Sikaping umunawa sa mga magkakaibang pananaw na hindi galing sa iyo. Ang pag-iisip, tulad
ng katawan, ay kinakailangang laging binabanat, upang napapasunod at maging matalas. Kapag
hinayaan, pupurol ito sa katigasan.
130- Nais mong makita ang kaliitan, kababawan, at kapangitan ng isang tao?
Bigyan mo siya ng katungkulang may kapangyarihan at lilitaw ang mga ito.
131- Ang hangal ay paulit-ulit na sinasabi ang gagawin niya; ang palalo ay laging ipinapahayag
ang mga nagawa niya. Ang matalino ay patuloy na gumagawa at nananatiling tahimik.
132- Bawat landas ay patungo sa magkatulad na lunggati: ang ipabatid sa iba ang ating katauhan.
133- Ang pinakamasamang kabuktutan ay ang wasakin ang katahimikan at maghasik ng kalagiman.
134- Ako ang may suot ng pantalon sa aking bahay. Ang asawa ko lamang ang pumipili ng pantalon
aking isusuot.
135- Huwag sikaping ikintal sa iba kung gaano ikaw katuso.
Bagkus ang magtagumpay sa pagiging matapat.
136- Hindi ka makapupunta kahit saan man,
hanggat hindi mo ito inuumpisahan.
137- Sa aming pag-uusap, nalaman ko na ang ehersisyo lamang niya
ay ang pagbuhat sa sarili niyang bangko,
138- Gaano man ang ating pagsusumikap, madali tayong nabibigo sa maraming bagay.
Kailangang ang magsumikap muna na makawala sa mga kamaliang gumagapos sa atin.
139- Ang makaunawa nang walang ginagawa, ay katulad ng pagbungkal sa lupa
na wala namang itinatanim.
140- Doon sa mga nais paluin ang aso, sila ay laging makakakita ng pamalo.
141- Tatlo lamang ang kailangan kung nais mong may magawa; mamuno, sumunod,
at tumabi sa gilid ng daan.
142- Magpunla ng mga butil ng pananalig, kung saan naghahasik ng ligalig ang mga masasama.
143- Huwag umupo lamang at hintayin ang magaganap, tumindig, hanapin,
at simulang gawin ang nais mo.
144- Ang pinakamainam na araw upang mabisa kang makagawa ay sa pagitan ng kahapon at bukas.
145- Alam mong hindi ka magiging katulad sa ninanais niya; sapagkat hindi ikaw ito,
kahit na masidhi ang iyong pagmamahal sa taong ito.
146- Ang dila ang mapanganib na kaaway.
147- Talaga namang bigo siya sa pag-ibig. Kadalasa’y nakikita ko siya sa mga pook pasyalan,
na hawak-hawak ang sarili niyang kamay.
148- Ang katalinuhan ay tulad ng ilog --- kapag ito’y malalim, wala itong nililikhang ingay.
149- Kung ang layunin mo’y makatarungan, huwag kang matakot na sansalain ng iba.
Harapin lamang ito, na hindi mo kailanman binibigo ang Diyos.
150- Sa kalikasan, lahat ng tao’y magkatulad. Sa edukasyon, malaki ang pinagkaiba.
151- Kapag nakikipag-talakayan sa mga tao, laging sikapin na
kinakausap sila. Hindi ang pag-usapan sila.
152- Ang daigdig ay binubuo ng nagbibigay at tumatanggap.
Naroon ako sa pangkat na nagbibigay, dahil may kapayapaan dito.
153- Higit na mabisa ang isang bulaklak na rosas sa buhay na tao,
kaysa sa magastos na korona sa libingan nito.
154- Sa kasalukuyan, lalong parami ang modelong bahay,
kaysa sa modelong pamilya.
155- Maaaring ang panahon ay salapi; sapagkat madaling pakiusapan ang isang tao na bigyan ka
ng panahon niya, kaysa ipahiram sa iyo ang kanyang salapi.
156- Ang pinakamabisang paraan upang hindi ka mabigo, tiyakin mong magtagumpay.
157- Pintasan mo ang kaibigan ng lihim,
at purihin siya sa harapan ng iba.
158- Paglimiin na ang buhay ay sumasayaw sa hangin. Pumailanglang ka na may magaang ispirito
sa ibabaw ng bawat bundok ng kagipitan, sakay ng mga pakpak ng wagas na kaligayahan.
159- Mahigpit mong yakapin ang iyong mga kaibigan; subalit doon sa mga kaaway ---
ay lalo mo pang higpitan, upang hindi na sila makakilos pa.
160- Kapag nagawa mong ang mga sandali mo’y mahalaga, sa tanang buhay mo ikaw ay maligaya.
161- Alam kong ako’y mahusay kaysa sa kanilang pangmalas. Kaya nga, lalo kong pinag-iibayo ito.
162- Kung nais mo’y magkaroon ng dangal,
huwag magtampisaw sa pusali.
163- Kapag ang pintuan ay nakapinid, babala ito na huwag pumasok kung walang pahintulot.
164- Kapag nanakit ang alak-alakan mo, pakiramdaman ang kanang tuhod mo.
165- Iwasang masangkot sa anumang paglalaban, kung wala ka namang mapapala dito,
kahit na ikaw ang manalo.
166- Ang pinakamasamang kabuktutan ay alipinin ang mga tao sa kahirapan,
ang alisan sila ng pagkakataon na magtagumpay, at huwag silang payagang umunlad.
167- Makipagtagisan ka, hindi ang manibugho. Laging isaisip ang kaunlaran mo.
168- Sakaling ako’y magkakasala, nanaisin ko pang ito’y labag sa Diyos, hindi sa pamahalaan ng tao.
Sapagkat sa Makapangyarihang Diyos; ako’y mapapatawad, samantalang sa pamahalaan ng tao;
ako’y ikukulong at mapapatay.
169- Huwag ipagwalang bahala ang kapighatian, pagsumikapang makawala sa kapinsalaan nito.
170- Kung nais mong manghiram ng salapi ng iba, makatwiran lamang na
ipakita mong ikaw ay masagana.
171- Anumang kapighatian ang nadarama mo sa ngayon, hindi ito ang tunay na ikaw.
172- Siya na laging nakatitig sa bolang kristal, ay magwawakas na kinakain ang mga bubog nito.
173- Masdan ang bawat problema na isang pagkakataon. Bawat isa na mapagtagumpayan mo,
nadadagdagan ang panustos mong kalakasan.
174- Pakiusap ko doon sa mga nakapinid ang kaisipan, ay ipinid din ang kanilang mga bibig.
175- Huwag magbigay ng pisong paninisi,
hanggat wala kang naibibigay na kusing na papuri.
176- Ang yumakap at maglambitin sa mga huwad at hindi kaibig-ibig,
ay sanhi ng sukdulang kapighatian.
177- Hindi mo kailangan pang sumigaw, kapag ang binibigkas
mo’y mga tamang salita.
178- Alam mong ipagpapatuloy mo pa rin ang iyong lunggati,
gaano man ang halaga at anuman ang mangyari.
179- Babala: Ang mga lasinggero at bugnutin
ay mga bigo at talunan.
180- Dalawa tao lamang ang kailangan upang magkaroon ng pagtatalo.
Ngunit ang isa lamang dito ang laging nasisisi.
181- Tanggapin ang iba kung anuman sila; hindi kung ano ang nais mo, at makakaakit ka
ng pagtangkilik ng mga kaibigan, saan ka man pumunta.
182- Napansin ko; tuwing ako’y nasa simbahan, marami ang nais maglingkod sa Diyos,
dangan nga lamang --- bilang mga tagapayo ng Diyos.
183- Ang tanggapin ang isang tao nang walang paghatol ay makatao, kaysa ang punahin
at hanapan ito ng kamalian.
184- Ang mga pahayagan ay laging luma ang balita, iba’t-ibang tao lamang ang nasasangkot.
185- Kung minsan humahanga ako sa iba,
nagawa nilang perpekto ang kanilang katamaran.
186- Upang lalong maging gising ang iyong kamalayan, titigan ang mga nakatagong katotohanan
sa likod ng palabas na anyo.
187- Walang kapangyarihan sa daigdig na magagawang magkasala ang isang tao,
kung wala siyang kagustuhan na mangyari ito.
188- Subukang purihin ang iyong asawa paminsan-minsan. Magugulat siya sa una,
subalit pahahalagahan niya ito.
189- Laging banggitin ang salitang, “Mahal kita.” Dahil ang buhay ay walang katiyakan.
190- Nais mong laging namimighati? Ihalintulad mo ang iyong sarili sa mga nakakahigit sa iyo.
191- Kagatin mo lamang ang iyong dila, wala kang magiging kaaway.
192- Hindi nasusukat ang isang tao sa laman ng kanyang bulsa; kung siya ay mayaman o mahirap,
bagkus sa kanyang pagkatao,
193- Lagi kong sinasambit, “Ang sitwasyong ito ay niyayanig ako,
ngunit matatag ako --- sapagkat higit pa ako sa anumang sitwasyon.”
194- Ang pinakamasamang kabuktutan ay ang manakit ng mga tao, at ilagay
ang kanilang mga buhay sa mapanganib na kalagayan.
195- Ang buong daigdig ay ikaw,
hindi ang nakikita ng iyong mga mata.
196- Ang pagkatao ay tulad ng isang salamin, kahit na munting bitak o gasgas ay makikita.
197- Tanggapin na ang buhay ay masalimoot, subalit mabuti.
198- Hanggat patuloy na nagbibigay-pala ka sa iba, ibayong dami pa ang iyong matatanggap
na masasaganang biyaya.
199- Pabayaan mo silang kunin ang lahat sa iyo, huwag lamang ang iyong kaluluwa at kaisipan.
200- Ang totoong batayan ng makabuluhang kagitingan ay ang pag-iwas sa paninirang-puri ng iba.
May patuloy na karugtong:
Kawikaan 201
Kawikaan 301
Kawikaan 401
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001
(Malapit nang lumabas ang lahat ng kawikaang narito sa isang makabuluhang aklat, Mga Pambihirang KAWIKAAN ng Ating Panahon. Masusing pinagsama sa kaniya-kanyang pangkat ang bawat paksa sa kaukulang kabanata. Isinalarawan at kapupulutan ng karagdagang kaalaman. Mainam na batayan at may paliwanag at talahulugan sa huli, upang ganap na maunawaan. Higit ninyong kawiwilihan ito. Hintayin.)