Sunday, August 06, 2017

Sakìm at Walang Pagkasawà



 Kinakatakutan ang isang batis na nasa liblib ng kagubatan sa bundok ng Mariveles. Nababakuran ito ng mga itim at matutuwid na poste sa magkabilang panig, at kapansin-pansin kaagad kung napapadaan dito ang mga mangangahóy o mga namamanà (hunters). Ayon sa mga taga Bataan, mayroong isang matandang engkantado dito na naninirahan at lumilitaw lamang sa mga taong may katapangan na humarap sa kanya. Mahaba ang buhok pati na ang balbas nito at nakagagawa ng maraming kababalaghan. Kapag tinatamaan ng sikat ng araw ang napakagandang damit nito ay nagsasalimbayan ang iba’t-ibang kulay na nagmumula sa mga diyamanteng palamuti nito. May hawak itong makintab na tungkod na may kapangyarihan. At kapag nais magpakita ay mistula itong usok na biglang sumusulpot at mabilis ding nawawala.
   Isang taga lungsod ng Balanga ang nagpasiyang puntahan ito at harapin. Nais niyang patunayan sa mga kakilala na matapang siya at kung may katotohanan ang kumakalat na balita tungkol dito. Isang tag-araw, ay sinimulan niya ang paglalakbay, at makalipas ang ilang araw ay sinapit niya ang nakatagong batis sa pinakaliblib ng kagubatan. Tulad ng balita, napapalibutan ito ng mga itim at matutuwid na poste.
   Nilakad niyang paikot ang batis, naroong kumanta, sumayaw, hatawin at gawing tambol ang mga posteng itim na nakahilera sa batis, at magtampisaw sa tubig upang kumuha ng atensiyon sa makakarinig ng kanyang ingay. Ilang oras din ang nakalipas nang mapansin niya ang maliwanag na usok sa halamanan. Bagama’t sinagilahan siya ng takot at panginginig ng mga tuhod ay pinalakas niya ang kanyang tinig, “Sino ka man, ay magpakita sa akin! Hindi ako natatakot sa iyo!”
   Unti-unting nagkahubog ang maputing usok, hanggang lumantad ang matandang engkantado. At mahinahon itong nagtanong, “Bakit ka narito, may kailangan ka ba sa akin?”
   “Oo, nais kong pagkalooban mo ako ng kayamanan mo!” Ang mariing tugon ng lalaki na hinahabol ang paghinga sa matinding pananabik.
   Sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang tungkod ay pinalo ng engkantado ang tatlong maliliit na bato sa kanyang paanan. Bigla itong umusok at nang mapawi ay naging mga ginto ito. Napadilat at sumigid ang matinding paghahangad sa lalaki. Ilang saglit ding hindi siya nakahuma at nagsimulang mag-isip sa nagaganap na magandang kapalaran.

   “Kunin mo at humayo ka na. Nais kong mapag-isa sa katahimikan ng pook na ito.” Ang banayad na pakiusap ng engkantado.
   “Hindi, may  . . . kailangan pa . . .ako!” Ang mapusok at nagkakandautal sa pananabik na pag-uutos ng lalaki. 
   Muli, ikinumpas ang tungkod at hinataw ng matandang engkantado ang pito pang mga bato na magkakaiba ang laki. Tulad ng nauna, naging mga ginto rin ito.

   “Hayan pa ang iba, para sa iyong lahat ito. Iwanan mo na ang pook na ito sa kanyang pananahimik.” Ang may pag-suyong pakiusap ng engkantado.

   “Hindi, mayroon pa ako higit na mahalagang kailangan sa iyo!” Ang mariing pag-uutos ng lalaki sa matanda na halos mistulang siya na ang may karapatan at may-ari ng buong kagubatan.
   “Kailangan ko ang kapangyarihan na nasa iyo!” Ang mabalasik na muling pag-uutos ng walang pagkasawang lalaki.

   Bumalatay ang matinding kalungkutan sa matanda at nag-aalalang nakiusap muli ito sa lalaki, “Humayo ka na, sapat na ang mga gintong iyan sa iyong buong buhay. Lisanin mo na ang pook na ito at hayaan sa kanyang pananahimik.”
   “Balewala ang mga gintong iyan sa akin, ang nais ko’y higit pa riyan!” Ang mataginting na bulyaw ng lalaki sa matanda.

   “Ano pa ba ang talagang nais mong mapasaiyo?” Ang may pag-aalinlangan na tanong ng matanda.
   At marahas na sumagot na may paniniyak ang lalaki, “Nais kong mapasaakin ang tungkod na hawak mo!

   Biglang sumagitsit ang makapal na usok sa kinatatayuan ng lalaki, na sinalimbayan ng iba’t-ibang kulay na mga nakakabulag na liwanag. At nang humupa ito ay naging isang maitim at matuwid na malaking poste ang lalaki, na animo’y tungkod na nakabakod sa batis. Tulad ng kanyang mataos na kahilingan, hindi lamang napasakanya ang tungkod, at sa kanyang walang pagkasawang paghahangad, napuspos itong mabuti at naging kawangis siya ng tungkod.
   Hinaplos ng matandang engkantado ang bagong poste na nakadikit sa iba pang mga nakahilerang mga poste, at malungkot na umusal, “Ilan pa kayang tulad mo ang mangangahas at hindi magawang pahalagahan ang anumang biyayang nakamtan? Marami pa rin ang hindi masiyahan sakìm at walang pagkasawà.”

---------------------------------------------------------------------------------------------------o
Marami sa atin ang tulad nito, walang pagkasawa sa anumang mayroon sa kanila. Higit pa roon sa mga nasa katungkulan, hangga't may nakukuhang mga salapi at kapakinabangan ay hindi humihinto sa pagsasamantala, kahit na ang ninanakaw nila ay nakaukol sa mga kinakapos at mga nagdarahop sa lipunan. 
   Gayong sa huling sandali ng kanilang mga buhay, kahit na isang hibla ng sinulid ay wala silang madadalang anupaman. Bagay na sobra sa iyo, ay kinuha at inagaw mo lamang mula sa bibig ng iba. Panahon na, upang gisingin natin ang ating mga sarili na walang kahihinatnan ang maging palalo at nabubuhay sa karangyaan. Umaagaw lamang ito ng ibayong pansin upang ikaw ay maging biktima ng karahasang ikaw din ang may sanhi.
   Aba'y mag-isip tayong mabuti sa mga nangyayaring kaganapan sa ating kapaligiran. Hindi na gawang biro ang mga nagdudumilat na mga katotohanang nagaganap. Gumising!

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, August 03, 2017

Huling Araw Ko na Ngayon

Hindi pinag-uusapan kung saan ka ipinanganak, ano ang natapos mo, ang antas ng kalagayan mo sa buhay, at sa dami ng mga kakilala mo, bagkus kung ano ang ginagawa mo sa ngayon na kapaki-pakinabang at nakakatulong sa iyong kapwa.
  Ito ang huling araw ko sa mundong ito. Mamayang gabi muli akong matutulog at wala akong katiyakan kung muli din akong magigising. Sa kinabukasan, sakali mang pinagpala akong gisingin muli ay mayroon na naman akong 24 na oras para magampanan ang aking takdang tungkulin. At ako'y buong pusong nagpapasalamat sa biyayang ito.
   Gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya na tuparin ang aking pagkakalitaw sa mundong ito. Nais kong ipadama ang pagmamalasakit, pagmamahal, pang-unawa at anumang kabutihan gaano man ito kaliit nang walang hinihintay na anumang kapalit.
Ito ang aking panuntunan:
   Hindi ako isang banal na palasunod sa mga panuntunan ng ibang tao o tagapagsalita ng mga alituntunin at dogma ng relihiyon. At hindi maaaring mangyari ito sa akin hanggang sa lumisan ako sa mundong ito. Pakiusap ko lamang, huwag asahan o ipatupad sa akin ang mga bagay na hindi ko malirip at pawang pantasya. Wala akong kakayahang bigyan ito ng kahulugan o ipaliwanag ang mga bagay na ito. Sapagkat higit kong binibigyan ng pansin ang aking pagkakalitaw dito sa mundo; kung sino ako , saan ako patungo, at anong misyon ang itinalaga sa akin. May kanya-kanya tayong pakete na kailangang gampanan.
   Hangga’t wala akong ganap na kaalaman tungkol sa aking sarili, mistula akong tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Kahit saan direksiyon ay matulin akong ipapadpad. Ayaw kong mangyari ito sa akin.
   Marami akong nararapat na gawin sa buhay kong ito. Lalo na sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay. Wala akong panahon sa mga bagay na walang katuturan at hindi magawang maipaliwanag nang lubusan. Ang panahong uubusin ko para dito ay ilalaan ko na lamang na maging uliran at kapaki-pakinabang sa lipunang aking ginagalawan. Tungkulin ko ang maging handa, maalam, at dumaramay kahit kaninuman. Ginagawa ko ito nang walang hinihintay na kapalit o pangako ng mga bulaang propeta na paraiso. Wala sa sistema ko ang magpaka-banal at maging maamong tupa sa mundong ito ng pakikibaka. Bawa’t araw na dumaraan, kailangan lagi akong gising at nasa tamang katuwiran. Dahil kung ako ay pabaya, madudukutan ako nang gising. Binanggit ng kaibigan naming dalawang madre, "Huwag magtiwala, at lubusang magtiwala." Sa perang dolyar ng mga Amerikano, nakasulat ang, "IN GOD WE TRUST" Pinatutunayan nito, na kapag tao ang kaharap mo, hindi ito perpekto at nagbabago ang kaisipan sa tuwina. Palatandaan na huwag matulog nang gising.
   Lagi kong binabanggit maging noong nasa elementarya pa ako, “ Hindi ako nasa eskuwela para makakuha ng mataas na grado, kundi ang may matututuhan.” Sakali mang naging mataas ang marka ko, problema na ng guro ko ito. Hindi ako nakikipag-paligsahan kahit kanino, ang kakumpetensiya ko ay ang aking sarili lamang. Pilit kong nilalagpasan anuman ang aking nagawa kahapon. Ugali ko ang tignan nang masinsinan ang landas na aking tinatahak, at tanungin ang aking sarili: Ano ba ang aking intensiyon at ginagawa ko ito? Ang landas bang ito ay may puso? Kung umaayon at nasa tamang katuwiran ito, ang landas ay patungo sa kabutihan. At kung hindi naman, ay walang saysay na magpatuloy pa ako. Dahil pawang kabiguan lamang ang aking makakamit.
Sa ganang akin, ang tanging katotohanan lamang ay maging tunay ka; sa isip, sa salita, at sa gawa: Ang maging tunay na Pilipino
 Doon sa mga sumusulat sa akin, narito sa itaas ang aking kasagutan kung bakit ginagawa ko ang mga bagay na nagbibigay inspirasyon, mga paliwanag sa hindi maunawaan, at pagpapalaganap ng ating sariling wika. Doon sa mga hindi makaintindi o maunawaan ang isinasaad ng aking mga isinusulat, sori po, hindi ito para sa inyo.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, August 02, 2017

Kapahamakan ang Madaldal

Natutuhan ko na ang mga tao ay malilimutan kung ano ang sinabi mo, malilimutan din nila ang iyong nagawa, subalit hindi nila malilimutan magpakailanman kapag nasaktan mo ang kanilang damdamin.
Walang patutunguhan ang pagiging matabil ang dila. Marami itong kamag-anak: makating dila, madaldal, tsismoso/tsismosa, syete, usisero/usisera, sanga-sangang dila, traydor, ahas, atbp.
   Lagi kong naririnig sa matatanda na pakaingatan ang iyong mga salita. Lalong higit kapag ito’y nakakasakit ng damdamin. Magagawa mong saktan ang buong katawan ng isang tao at makakalimutan niya ito sa pagdaan ng panahon, subalit ang saktan ang kanyang damdamin ay habang buhay niyang daramdamin. Ang mga salita ay kapag may magandang layunin ay bumubuhay at kapag may maitim o masamang balak na mapaghiganti ay pumapatay.
  Ang katabilan ng dila o pagiging madaldal nang walang saysay ay isang kapahamakan. Mistula nitong ipinaparada o isinasambulat ang uri ng iyong pagkatao. Ang isda ay nahuhuli sa sariling bibig. Hangga’t matabil ay walang pakundangan ang iyong mga salita, ipinagkakanulo nito ang iyong sarili. At sa bandang huli, siyang maglalagay sa iyo sa matinding kapahamakan.
  Pakaingatan na hayagang ipaalam ang mga higit na mahahalagang bagay tungkol sa iyo sa mga taong hindi naman mahalaga sa iyo. Nawawalan ng katuturan at naglalaho ang kariktan ng iyong pribadong buhay. Ang sigla at intensiyon na kalakip nito ay humihina at tumitigil. Mapanganib ito lalo na kung hindi pa nasisimulan at nasa pundasyon pa lamang ang iyong mga lunggati. Katulad ng pinapakuluang tubig, hangga’t patuloy mong binubuksan ang takip at pinasisingaw ito, hindi mapapabilis ang pagkulo nito. Gayundin sa mga balakin, hangga’t ipinapahayag mo ito, napaparalisa ang mga pagkilos. Nagagawa pa ng mga maagap na unahan ka at gawin ang iyong mga binabalak.
   May mga tao din na nagdiriwang na tulad ng mga buwitre mula sa ating mga ideya o balakin. Sinasamantala nila ito na kilatisin, punahin, husgahan, at baligtarin kung ano ang mahalaga para sa iyo. Ito ang magpapahina at magpapatigil upang masimulan ang anumang nais mong matupad. Makakabuting sarilinin muna ang anumang binabalak, pag-aralang mabuti, alamin ang magiging resulta bago iparada ang mga ito sa mga negatibo, usisero, miserable at palapintasing mga tao.
   Marami sa atin ay nalalaman lamang kung papaano pipintasan at papatayin ang isang ideya kaysa pahalagahan ang kapakinabangan nito sa nakakarami. Doon sa mga makikitid ang isipan, higit na mahalaga para sa kanila na huwag kang magtagumpay at tuluyang mabigo ka, kaysa ang umunlad ka at madaig mo sila.
Magsanay na maging malihim at tahimik upang ang iyong kasiglahan at pagpupunyagi ay magpatuloy hanggang sa makamit ang minimithi mong tagumpay.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



Tuesday, August 01, 2017

Kapag may Problema, may Solusyon


Hanggat hindi binabago ang maling paraan,
laging may problema na walang kalunasan.

Kailangan Mabago ang mga Nakagawian
Noong kasagsagan ng pagtotroso sa Bataan, naglipana ang malalaking lagarian ng troso na gumagawa ng mga tabla sa maraming pook sa lalawigan. Halos magkakatabi ang mga ito, at laging nangangailangan ng mga manggagawa. Isang araw, isang matipunong lalaki ang nagprisinta sa kapatas ng lagarian sa Barangay Sta.Rosa, sa bayan ng Pilar. Dahil baguhan, pinagsanay muna ito ng ilang araw sa pagpalakol sa mga troso. At pinangakuan na kung mabilis itong matututo, ay madaragdagan ang kanyang sinasahod.
   Matapos ang pagsasanay, ay binigyan siya ng isang palakol at dinala sa kagubatan na kung saan doon siya magsisimulang pumutol ng mga punongkahoy.
   Sa unang araw, sa hangaring mapalaki ang kanyang kikitain at mapuri ng kapatas, maghapon nitong pinag-ibayo ang pamumutol ng troso at nagawa naman niyang makapagbuwal ng 22 puno.

   “Aba’y ginulat mo ako ngayon!  Kabagu-bago mo pa lamang ay nakagawa ka na ng 22 troso,” ang paghangang binigkas ng kapatas. “Magpatuloy ka pa, at tataas ang sahod mo. Bawa’t troso ay mayroon pang karagdagang bayad.”
   Lalong ikinatuwa ng lalaki ang huling binanggit ng kapatas, at kinabukasan lalong nagsumikap pang madagdagan ang bilang ng kanyang napuputol na mga puno. Subalit sa buong maghapon, 18 troso lamang ang kanyang nagawa.

   “Bukas, maaga akong gigising at sisimulan ko kaagad ang pamumutol, nang sa gayon ay makarami ako ng troso.” Ang pangakong usal nito upang mapalitan ang naging kakulangan na troso sa araw na ito.
   Kinabukasan, lalong pinag-ibayo niya ang pamumutol sa maghapon, ngunit nakaputol lamang siya ng 13 puno. At sa sumunod na araw ang nagawa lamang niya ay 9 na troso. Bawa’t araw, pakaunti nang pakaunti ang kanyang napuputol, gayong higit niyang pinag-iibayo ang lakas at pamumutol para dito.

   “Palagay ko’y nawawala na ang dati kong lakas at humihina na ako. Hindi ito ang trabahong angkop para sa akin,” ang may pangangatwirang bulong nito sa sarili. Minabuti niyang pasyalan sa opisina ang kapatas, upang humingi ng paumanhin sa pagbabago ng kanyang kakayahan sa pagputol, at magpaalam na sa kanyang trabaho.
   Isinalaysay ang lahat ng kanyang mga ginawa at ipinaliwanag na halos ubusin niyang lahat ang kanyang lakas maparami lamang ang bilang ng napuputol niyang mga troso. Subalit wala ring ibinunga bagkus lalong pa itong nangaunti.
   May pag-aalinlangan na nagtanong ang kapatas, Kailan mo huling inihasa ang talim ng iyong palakol?”

   Biglang nagitla at napabulalas ang lalaki, “Hah? Kailangan bang maghasa? Wala akong panahon para dito, kasi ang buong iniisip ko lamang ay maparami ang bilang ng napuputol kong mga puno!”  Ang walang kagatul-gatol nitong pangangatwiran.

----------------------------------------------------------------------------------------------o
Bihira ang gumagawa ng ganitong kaparaanan. Madalas sa pagmamadali, nakakalimutan ang pinakamahalagang bagay at mga pangunahing prioridad sa buhay. Kung saan komportable, maginhawa,  at hindi mahirap gawin, doon nakatutok ang atensiyon. Laging pag-iwas ang paraan kapag nasasalang na sa mga mahihirap na gawain. Kapag nais may paraan, ngunit kung hindi ay may dahilan. Walang patutunguhan ang mga ganitong asal, kung ang hangarin ay mapaunlad ang kalagayan sa buhay.
   Marami ang mabilis na sumusuko at nawawalan ng pag-asa,  kapag napaharap na sa tunay na paghamon at pagkilatis sa kanilang mga kakayahan. Gayong higit na mahalaga ito kaysa sa mga inuuna na madadaling mga gawain. May nagwika, "Kung ako ay bibigyan ng walong oras sa pagputol ng mga puno. Uubusin ko ang unang apat na oras sa paghahasa ng aking palakol."
    Pakatandaan lamang: Kung hindi makaya ang ginagawa, gumawa ng paraan, at kung wala pa ring magandang resulta, humingi naman ng tulong. Huwag mabilis na umiwas o takasan man ito. Gawin ang makakayang lahat at huminto lamang kung hinihingi na ng pagkakataon. Ang nagwawagi ay hindi umaayaw, at ang umaayaw ay hindi nagwawagi. Walang nilaga sa walang tiyaga. Anumang kasangkapan o katangian ang mayroon ka, nagangailangan ito ng pagsasaayos, paghahanda, at kailangang paghahasa.

Iba na ang matalim kaysa mapurol.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan