Wednesday, August 31, 2022

Mahusay Ka bang Makisama?

Kapag pakikipagkaibigan, tandaan ito, kung pakikisamâ naman, kalimutan ito. 

Marami ang nakakapuna sa tipo ng relasyon na may bahid ng “pakikisama.” Dahil mistula ito na isang pikit-matang obligasyon na walang hangganan. Kailangang marunong kang makibagay at makisunod sa anumang panahon, mga pagkakataon, at kahit na sa mga karaniwang bagay. Sapagkat pakikisama ang layunin, kailangan ang panunuyô. Walang iwanan at sisihan kahit na anuman ang mangyari. Alipin na nakabilanggo ang relasyong tulad nito. Hindi malaya at laging sunod-sunuran na tila may kinatatakutan.
   Sa katagang “pakikisama,” kinalimutan mo na ang tungkol sa iyong sarili basta magiliw kang tinatanggap ng iyong mga kasamahan. Isa itong PAKIKI-usap para lamang mai-SAMA anuman ang kahinatnan. Para masabi lamang na may grupo o pangkat kang sinasamahan. At kung ito ay walang makabuluhang layunin para sa kapakanan ng bawa’t isa, pakikisamâ ang umiiral dito at hindi pakikiunlad. Hindi kailangang ipakisama kung ang layunin mo ay mabuti at kapakinabangan ang tinutungo. Ang mabuting gawain na huwaran ay sinasamahan, hindi ipinapakisama.
   Kapag nagnanasang makisama at manuyo sa ibang tao, mapapansin natin na taliwas at sumasalungat ito sa tunay na pakikipagrelasyon. Hindi ito pantay kapag higit kang nakikisama kaysa sa normal at karaniwang relasyon. May paborito at nakikisama para higit kang tanggapin ng iba. Kapag ginagawa ito, naliligaw ka sa iyong tunay na layunin sa buhay. Ang tunay na pagkatao ay hindi ipinapakisama, kundi ipinapakilala sa gawa. Walang panunuyo, hindi amuyong, at palasunod.
   Sa ganang akin, ang pakikisamà ay pakikisamâ. Makipag-kaibigan nang walang pakikisamâng namamagitan.. Kung nais mo ng matalinong buhay, ipamuhay mo iyong paraan at paninindigan, hindi sa pahintulot o aprobal kung matatangap ka ng iba.
Sa dalawang tao na laging magkasama, ang relasyon ay magkapantay.Subalit kapag ang isa ay palautos at ang isa naman ay palasunod; nakikisama ang palasunod at bisyo na ang manuyo.

Magbago na Tayo

 

Ang Mahusay na Pinuno

 

Monday, August 08, 2022

Saloobin ang Batayan ng Kapalaran

 

  Naikuwento ito sa akin ng aking anak na si Jell; May isang bagong salta sa isang bayan sa Bataan ang nagtanong sa isang matandang lalaki na nakasalubong niya sa daan, "Pare, kamusta ang mga taong nakatira sa bayang ito; mga mababait ba, mga masunurin at marunong makisama?   

    Naudlot pansamantala ang matanda, subalit patanong ang naging tugon nito, "Bakit, ano bang mga pag-uugali ng mga tao sa pinanggalingan mo?"

    Tumaas ang kilay at nakasimangot ang bagong salta nang sumagot, "Doon sa pinanggalingan ko, masasama ang mga pag-uugali, puro tsismoso at tsismosa ang mga tao. Mga pakialamero sila sa buhay ng may buhay. Mga peste sila!"

    Pailing-iling at banayad na nagpahayag ang matanda, "Pasensiya ka na iho, ang mga tao din dito . . . ay katulad din ng mga tao sa pinanggalingan mo."  

    Nagbubusa na nagpatuloy sa paglakad ang bagong salta, pailing-iling ang ulo at sinisisi ang mundo kung bakit palagi siyang minamalas sa buhay.

    Maya-maya, habang naglalakad ang matanda ay may humintong sasakyan sa kanyang tabi. At ang sakay nito ay nagtanong, "Magandang araw sa inyo, magtatanong lamang ho ako. Tagarito ho ba kayo?

   "Oo naman, iho. Bakit mo naitanong? Ang mahinahong tugon ng matanda.

    "Biyahero po ako, at balak ko ho sanang lumipat ng tirahan dito para mapalapit sa trabaho kong pinapasukan. At nais ko hong may malaman tungkol sa mga kababayan ninyo. Mababait at mabubuti ho ba naman silang mga kapitbahay para sa inyo? Ang paliwanag ng lalaki.

    Napangiti ang matanda at nagtanong din, "Kamusta naman ang mga kapitbahay mo sa bayan ninyo?”

   Masiglang tumugon ang lalaki, “Doon po sa amin ay mababait at may mabubuting kalooban ang mga tao. Sila ay mga matulungin at handang dumamay sa anumang sandali, kahit kaninuman.”

   “Ganoon ba?” Ang malumanay na pagsang-ayon ng matanda, “Ang mga tagarito ay mababait at may mabubuting kalooban din. Sila ay mga matulungin at handang dumamay din sa anumang sandali, kahit kaninuman.”

   “Maraming salamat ho. Nawa'y pagpalain ho kayo ng Dakilang Maykapal! Ang masayang tugon ng lalaki at sumisipol pa ito nang umalis. Buong pasasalamat na umuusal sa sarili na sadyang napakapalad niya sa mga pagpapala na patuloy niyang natatanggap sa bawa’t sandali.

Dalawang uri ng saloobin ang namagitan dito, at dalawang kapalaran din ang tahasang magaganap. Hindi malayong makakamtan mo ang anumang bagay at sitwasyon kung sa simula pa lamang ay umiiral na ang posibleng kaganapan nito.
   Sa bawa’t pag-usad ng mga sandali, buong tibay itong maisasakatuparan. Dahil anuman ang nasa iyong kaisipan, ito ang siyang magiging pananalita at magpapakilos sa iyo. At sa kalaunan, ay siya mong magiging kapalaran.


   Kung ang hangarin mo'y maligayang buhay, iwasto mo ang iyong mga SALOOBIN at ang mga ninanasa mo'y kusang ipagkakaloob sa iyo. Simulan kaagad at ang lahat ay madali na lamang.

   Ano ba ang kahulugan ng saloobin? Upang ganap na maunawaan, pakitunghayan ang "Magandang Relasyon sa Buhay," Disyembre 14, 2011.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan