Ang diwa ng repleksiyong ito---ang hangarin na yumabong at umunlad. Ito ang mahalagang pagbabago na nagtutulak at humuhubog sa atin sa makabagong panahon---madalas na hinihimok tayo ng mga pagkakataon upang lumikha ng matayog na mga solusyon para sa bagong buhay.
Ito ang mahalaga sa mga sandaling ito.
Isang bagong pagkatao na higit na naiiba kaysa dati. Hindi madali ang gumawa ng mga resolusyon at isakatuparan ang mga ito nang puspusan. Isa itong napakahalagang tungkulin upang makalikha ng mga positibong pagbabago sa ating mga buhay. Subalit kung tayo ay matapat sa ating mga sarili, mag-ukol tayo ng pansin, kung gaano ang itatagal ng mga resolusyong ito; mga ilang oras, dalawang araw, maaaring dalawang linggo kung talagang tayo ay determinado. Katanungan: "Bakit kaya ang mga tulad nito na malalim at sadyang kinakailangan sa ating buhay, na may mabuting intensiyon ay madalas kusang napapanis at tuluyang nalilimutan ilang araw lamang, o maging ilang oras lamang, at balik-muli sa dating gawi, ugali, o bisyo? "Madali ang mangako at mabilis din ang mapako." Ang atin bang abilidad na tunay na magbago ay limitado doon sa mga panahon ng ating buhay kapag ang mga panlabas na puwersa at mga pagkakataon ay pinipilit na magbago?
May isang pangyayari tungkol sa isang tao; ito ang pahayag niya, Nang ako ay 45 taon ang gulang, ako ay matagumpay na negosyante, may karagdagang bigat na 60 lbs sa aking timbang, mataba ako at sadyang matakaw sa pagkain kapag may stress, at walang panahon na mag-ehersisyo dahil subsob ako sa trabaho. Sa kanyang ika-limang taon na kaarawan, ang aking anak na si Karlo ay nagbigay ng isang aklat sa akin tungkol sa pagsunod ng tamang kalusugan. Sa unang pahina, tinulungan siya na kanyang mommy na isulat ang mga salitang ito: Daddy, para sa aking ika-limang taon na kaarawan, nais kong maging malusog ka. Nais kong magtagal pa ang iyong buhay para palagi kitang makasama sa aking paglaki." Ang pakiusap na ito ng aking anak ang nagbukas sa aking isipan para baguhin ko ang aking pananaw tungkol sa aking istilo ng pamumuhay.
Ang karanasang ito ang siyang naghudyat para simulan ang bago, at malusog na lifestyle para sa taong ito. Subalit hindi ito ang unang pagkakataon na pinagpasiyahan niya na magbago. Maraming uri ng diyeta at sistema ng ehersisyo ang sinubukan niya, subalit laging nananaig ang stress sa kanyang trabaho at lagi niya itong nakakalimutan.
Ang mabilis na pagbabago ng perspektibo ay ang aksiyon mula sa kanyang anak. Ang pahayag nito ay siyang tuluyang gumising sa kanyang pagkakatulog. Ang kanyang pahayag, "Ang bawasan ang aking timbang bilang motibasyon ay may kakulangan, subalit ang mga pakiusap ng aking mga anak ay sadyang mabisa, minamahal ko sila at gagawin ko ang lahat para makagawa ng malusog na desisyon."
Isang Masaganang Bagong Taon sa Lahat!