Tuesday, January 31, 2023

Huwag Maliitin ang Sarili

 


Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago para sa iyong kaunlaran.
   Hindi mo ba napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o 'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao. Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
   Kung nais mong mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,' 'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp. Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming tumatakas sa responsibilidad at katotohanan.  Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhan na kawalan ng pag-asa sa buhay.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, January 30, 2023

Iwasang Maligalig, Hindi Ka nito Patatahimikin

 

Subukan na masidhing limiin ang mga ito:

Unang tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ... may problema ka ba?"   Sagot: "Oo."
Tanong: "Malulunasan mo ba ito?"   Sagot: "Oo."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema mo pa?
Malulunasan mo pala...
-------------------------------------o
Pangalawang Tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ...may problema ka ba?" Sagot: "Mayroon."
Tanong: "Malulunasan mo ba ito?" Sagot: "Hindi."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema mo pa?
Wala ka naman palang magagawang solusyon.

Mayroon lamang isang landas tungo sa Kaligayahan, ...ang tigilan ang mga kaligaligan sa mga bagay na wala tayong kapangyarihan o kakayahan na malunasan.
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan