Pabatid Tanaw

Thursday, January 25, 2018

Kahulugan ng "Namaste"



Mahal kita maging sinuman ka man.
Dahil AKO ay ikaw, at ikaw ay AKO.

Sa pagbigkas ng katagang Namaste! -nabibigyan nito ng malalim na pagpapahalaga at paggalang ang pagkatao ng kaharap. Kultura ito ng mga Hindu sa Indiya tuwing may dumarating at umaalis; parehong nakadaop ang mga palad na nakadikit sa dibdib at yumuyukod na magkaharap. Isang paniniwala na mayroong Banal na nagniningas sa kaibuturan ng bawat isa sa atin; ang pakikipag-isa ng kaluluwa sa kaluluwa.
Ang kahulugan nito ay;
   “Aking pinapahalagahan ang nasa kaibuturan mo na kung saan ang buong sansinukob ay naninirahan. Dinadakila ko ang nasa kalooban mong liwanag, pag-ibig, katotohanan, kapayapaan, at kawatasan.’
   Mapitagan kong pinahahalagahan ang Kabanalan na nasa kaibuturan mo.
   Mapakumbaba kong iginagalang ang iyong mga likas na katangian.
   Kinikilala ko ang iyong mga mahusay na kakayahan.sa iyong mga gawâ.
   at Nagpupugay ako sa pambihira mong pagkatao at natatanging kahalagahan.”
Makikita din ang kaugaliang ito sa mga Hapon at Koreano. May nahahawig ito sa ating kultura; ang pagmamano sa matatanda, isang uri din ng paggalang kung dumarating at umaalis, ngunit unti-unting nawawala na ito at bihira na nating makita maging sa mga lalawigan. Sa panahon ngayon, tuluyan nang nahawa tayo sa mga kulturang kanluran. Pati na ang pantawag na tiya, tiyo, manong, kuya, ate, sangko, dite, ay kumukupas na rin at lalo na ang pamumupo. Bagamat magkakaiba ang gulang, may bata at matanda, sa mga relasyon ay wala nang galangan. Huwag pagtakhan kung karaniwan na ang mga alitan, mga pagtatalo, at hiwalayan sa pamilya.
   Tuluyan nga bang nakakalimot na tayo? Magkagayunman, …
Nagpupugay AKO at bumabati ng Pagpapahalaga, Pagkilala, at Pagkakaisa sa Iyo.
 

Sunday, January 14, 2018

Pakinggan Mo AKO



   Narito pa ang 100 Kawikaan na gumigising at nagpa-paalaala sa atin. Binibigyan nito ng makabuluhang pagsulyap ang ating mga saloobin at pananaw. Mahalaga na alamin at paglimiing mabuti ang mga ito, at maging kalasag sa ating araw-araw na pakikibaka sa mapagbirong tadhana.
   Pag-ukulan ito ng pansin, sumubaybay at magkaroon ng panibagong inspirasyon, pamantayan, at mabisang kaparaanan upang magtagumpay.

                                                                                                          Jesse Navarro Guevara
                                                                                                         AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                         Lungsod ng Balanga, Bataan

 201- Ang bata ay hindi maaaring turuan ng sinumang namumuhi sa kanya.

202- Kamangha-mangha ka sa ganap na pagiging ikaw.

203- Dalawang tao lamang ang nakakabagot, ang madaldal at ang walang naririnig.

204- Nais kong tumakbo, ngunit sa layo lamang na magagawang maalaala mo ako.

205- Huwag idagan sa iba ang bagay na hindi mo nais na pasanin sa iyong sarili.

206- Pumili ng gawain na talagang ibig mo, at kailanman sa bawat araw ng iyong buhay ay hindi ka na gagawa pa.

207- Lahat ay nagbabago. Ang mga kaibigan ay lumilisan. Ang mga kagamitan ay naluluma at nasisira. Ang yaman ay nawawala. Ang mga papuri ay naglalaho. At ang buhay ay hindi humihinto kahit kanino man. Nararapat lamang na harapin ito nang buong kagitingan.

208- Sa tatlong kaparaanan ay nagiging matalino tayo.
          Una, sa pagbubulay-bulay, na siyang marangal.
          Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali.
          At pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamahapdi.

209- Walang sinuman ang may kinapuntahan sa daigdig sa pagiging kuntento lamang.

210- Pakaisipin lamang ang trahedyang susuungin kung sakali man, kapag hindi naturuang
        manghinala ang mga bata.

211- Ang pagmamahal ay maliwanag na nag-aalab kaysa sa sikat ng araw.

212- Harapin kung ano ang matuwid, ang iwaglit ito ay tanda ng karuwagan.

213- Ang isang makasalanang tao ay mapanganib; alinman ang sandata niya, maging baril o Biblia.

214- Kung minsan kailangan mong malimutan ang nais mong maalaala na hindi nararapat sa iyo.

215- Walang nagpatiwakal habang nagbabasa ng mabuting aklat, subalit marami ang nagbabalak
         habang sinusubukang magsulat nito.

216- Ang mga bagay ay pasama bago maging mabuti. Kaya pakatandaan;
         kung sino ang umapi sa iyo at kung sino ang nagpahalaga sa iyo.

217- Siya na natututo subalit hindi nag-iisip, ay nawaglit.
        Siya na nag-iisip subalit hindi natututo ay nasa ibayong panganib.

218- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi bawat isa ay
                                          nakikita ito.

219- Isang araw, nahuli ko ang aking sarili na napapangiti nang walang kadahilanan, at napaglimi kong iniisip pala kita. Ako ba'y ginagayuma mo?

220- Naririnig ko at aking nalilimutan. Nakikita ko at aking naaalaala. Ginagawa ko at aking nauunawaan.

Patnubay ng Buhay



karugtong....
221- Kapag may itinatangi ka, makapagsasalita ka. Kapag umiibig ka, bawat isa ay nakapagsasalita.

222- Kung ako’y naglalakad kasama ang dalawang tao, bawat isa sa kanila ay magiging guro ko.
        Kukunin ko ang mabubuting puntos ng isa at aking gagayahin ang mga ito, at ang masasamang  
        puntos naman ng isa ay aking itatama sa aking sarili. Sa ganitong paraan lamang lumiliwanag 
        ang aking daan.

223- Ang pinakamasaklap na kamaliang magagawa ninuman ay ang ganap na matakot makagawa 
         nito. 

224- Kung walong oras ang kailangan para putulin ang isang punongkahoy, aaksayahin ko ang anim 
         na oras sa paghahasa ng aking palakol.

225- Madali ang mamuhi at mahirap ang umibig. Ito ang takbo na nagpapaikot sa mga bagay.
        Lahat ng mga mabubuting bagay ay napakahirap isakatuparan; at ang mga masasamang
        bagay at napakadaling makuha.

226- Anuman ang kayang pangarapin ninuman, nagagawa ito ng iba
        na maging makatotohanan.

227- Haraping totohanan ang buhay. Kapag buhay ka, iwinawasiwas mo
         ang iyong mga kamay, tumatalon ka at lumilikha ng lagabog,
         humahalakhak, at nakikipag-usap sa mga tao.Sapagkat ang buhay 
         ay pawang pagkilos, at ito'y kabaligtaran ng kamatayan.

228- Ang edukasyon ay hindi upang punuin 
      ang timba, bagkus ang magsindi ng apoy. 

229- Ang mga bata ay bihirang gayahin ang mga binigkas mo. Sa katunayan, palagi nilang inuulit 
         ang mga ito, kataga sa kataga sa lahat nang hindi mo dapat na binigkas. 

230- Maaaring nanggaling tayo sa ibat’-ibang barko, subalit ngayon ay sama-sama na tayo
        sa iisang bangka.

231- Lalong kahiya-hiya ang hindi ka na pagkatiwalaan ng iyong mga kaibigan, 
         kaysa ang dayain ka nila.

232- Ang buhay ay karaniwan lamang, subalit pinipilit natin na maging masalimoot ito.

233- Alamin ang kaparaanang ginagamit ng tao, pansinin ang kanyang mga hangarin,
       pagmasdan ang kanyang mga aliwan. Ang tao kailanman ay hindi maitatago ang
       kanyang tunay na katauhan.

234- Kailanman huwag makipagkaibigan sa isang tao na hindi nakahihigit sa iyo. Bakit po? Dahil 
         makikilala kang lubusan sa mga tao na lagi mong pinakikisamahan.

235- Kailangan natin ang pasasalamat. Kahit maging sa mga mumunting bagay.

236- Kailanman ay huwag ibigay ang espada sa taong hindi marunong sumayaw.

237- Mahal ko ang musika, salamat sa pakikiisa mo sa akin noong walang sinumang nakiisa para sa akin. Nakasayaw kita kahit na paiba-iba ang tugtugin.

238- Ang mga malulungkuting tao ay nagagalit kapag binabanggit mo ang tungkol sa kaligayahan.

239- Yaon lamang na mga pinakamatalino at pinakatanga ang ayaw magbago.

240- Kahit na alam kong magugunaw ang mundo bukas, itatanim ko pa rin ang aking punong mangga.

Bagong Pag-asa

karugtong...
241- Kung iniisip mong magastos ang edukasyon, 
         subukan ang kamangmangan.

242- Ang katalinuhan na hindi ginagamit ay mistulang ginto na nakabaon sa lupa.

243- Sa ganang akin, ang tanging pag-asa na makakasalba sa kaligtasan ng sangkatauhan
        ay sa pamamagitan ng pagtuturo.

244- Ang talento ay tulad ng koryente. Hindi natin naiintindihan ang elektrisidad. Ginagamit natin 
         ito.
     
245- Ang mabubuting salita ay maiikli at madaling bigkasin, subalit ang alingawngaw nito’y
        walang katapusan.

246- Natutuhan ko na ang mahina ay malulupit, at ang pagiging mahinahon
        ay maaasahan lamang mula sa malalakas.

247- Kung ang pangarap mo’y mula sa kaibuturan ng iyong puso,
        ipagpatuloy ito. Kung hindi, ang sanlibutan ay makikibahagi sa iyong
        mga karaingan.

248- Laging tanungin ang sarili kung gaano ang paghakbang mo patungo sa iyong mga pangarap. Kapag nasagot mo ito, makakarating ka sa iyong pupuntahan.

249- Ang maging magalang sa karupukan at kahalagahan ng bawat tao ay unang sagisag ng 
        pagiging matalino.

250- Ang pag-ibig ay tulad ng isang alingasngas, bawat isa ay nagsasalita tungkol dito,
        subalit sinuman ay walang ganap na naiintindihan.

251- Ang dalawang pagsubok upang ganap na matuklasan ang 
         katauhan; kayamanan at kahirapan.

252- Hindi kung nasaan ka, bagkus kung sino ka, ang lumilikha 
        ng iyong kaligayahan

253- Karamihan ng tao ay palaging dumarating sa tamang oras sa              mga pook na inaasahan nilang kapuri-puri sila.

254- Nangangailangan ng maraming mabubuting gawa upang magkaroon ng mabuting reputasyon. 
         At isa lamang kamalian upang ito’y mawasak.

255- Sinuman na laging nanghihimasok sa kapalaran ng iba, ay hindi matutuklasan
        ang nakalaan para sa kanya.

256- Magdasal tayo, hindi upang gumaan ang ating mga dalahin.
        Bagkus, ang magkaroon ng malakas na balikat sa pagpasan.

257- Kapag ang dalawang tao ay laging magkasundo sa lahat ng bagay, ang isa dito ay hindi 
         na kailangan.

258- Wala nang hihigit pang kasiyahan kapag laging tama sa oras ang iyong pagdating sa tipanan.

259- Tatlo bagay lamang ang dala ng aking mga ninuno;  palakol, araro, at aklat. Ang aklat ay Biblia.

260- Kung nais mong kumbinsihin ang iba sa relihiyon mo, ipamuhay mo ito.

Gising Ka na ba?

karugtong...
261- Kapag naulit muli ang dating pagkakamali, hindi na ito kamalian, kahibangan na ito at kapag
         nasundan pa, bisyo na ito.

262- Kapag ipinagtatanggol mo ang iyong mga pagkakamali, nangangahulugan lamang ito
        na wala kang balak na magbago.

263- Ang panibugho ay bulag at walang nalalaman kundi ang hamakin ang kadakilaan ng iba.

264- Maraming mahabang daan patungo sa pagkasuklam, ngunit ang panibugho ang pinakamaikli
        sa lahat ng daan.

265- May ilang tao na nakatakdang magmahalan sa isa’t-isa, subalit hindi ito 
         nangangahulugang magsasama sila.

266- Anuman ang sinasagap ng ating isip ay siyang makapangyayari sa ating 
         kaisipan; at saanman, alinman, at anumang sandali ay lalabas mula sa 
         ating bibig. 

267- Ang pagmamahal ay hindi inilagay sa puso upang manatili. Ang 
         pagmamahal ay hindi pagmamahal, hanggat hindi ka nagmamahal.

268- Dalawa lamang na matagalang pamana na ating maaasahang maibigay sa ating mga anak.
        Isa rito ang mga ugat, ang pangalawa ay mga pakpak.

269- Malimit pintasan ng iba ang mga taong kinaiingitan nila.

270- Kung ibig mong magamit nang wasto ang panahon mo, kailangang alam mo kung ano ang 
         mahalaga at ibigay dito ang lahat ng makakaya mo.

271- Ang matagumpay ay yaong masidhing gumagawa sa mahabang panahon nang walang tigil.

272- Karamihan sa mga dakilang katangian tulad ng pananalig, pagtitiis, pagtitiyaga,
        at pag-asa ay nagmula lamang lahat sa kabiguan.

273- Ang taong hindi magawang magalit kapag may kasamaang nagaganap, ay walang kasiglahang 
        makagawa ng kabutihan.

274- Hanggat patuloy nating binabalak ang mga gagawin, patuloy din ang ating mga kabiguan.

275- Kung anong ginagawa mo kapag wala kang magawa, ang tunay na naglalantad kung sino kang 
         talaga.

276- Ang pag-ibig ay pandikit para mabuo ang pagmamahalan, at  
         ang panibugho naman ang panglusaw upang ito ay paghiwalayin.

277- Gaano man ang iyong kayamanan, hindi mo na maibabalik pa ang 
         nakaraan.

278- Wala nang hihigit pang panlulumo kapag nakikita mo ang mga tao na 
          may ibayong  kakayahan, ay nakatulala lamang sa mga pagkakataong 
          nasa kanilang harapan.

279- Hindi sa marami tayong kaalaman, ang mahalaga ay kung papaano natin magagamit ang ating nalalaman.

280- Ang lihim ng pagdarasal, ay ang pagdarasal ng lihim.

Lisanin ang Karimlan

karugtong...
281- Nais mong makaganti sa mga taong humahamak sa iyo? Paunlarin mo ang iyong sarili. 

282- Ang manangis dahil nakagawa ka ng kasalanan ay nakakalungkot, subalit ang itama
        ang kasalanang ito ay talaga namang nakakasiya.

283- Walang sinumang makapagpapataas sa kanyang reputasyon sa pamamagitan ng
         pagbababa o pagmamaliit sa reputasyong ng iba.

284- Madalas ang mga tao ay ayaw masangkot at tumulong sa iba, hindi dahil wala silang
        kakayahan o pagnanais na makatulong, kundi kulang sila ng pagtitiwala sa mga sarili
        at katiyakan na makakagawa sila ng kaibahan.

285- Ang matalinong tao, nag-iisip bago magsalita. Ang mangmang, nagsasalita bago mag-isip.

286- Ang paglilingkod sa kapwa ang ating upa sa ating kinalalagyan dito sa 
         mundo.

287- Tatlo lamang kataga ang lihim ng pagsasama; "Oo, aking mahal."
         Sa Inggles, dalawang kataga lamang, "Yes, dear."
 
288- Karamihan sa atin ay hindi matanggap ang tagumpay. 
Lalo na’t iba ang nagkagawa nito.

289- Kung ang paghihiganti ay matamis, bakit nag-iiwan ito ng hapdi at kapaitan?

290- Ang unang hakbang upang tumalino ka ay ang tanggapin mo na ikaw ay mangmang.

291- Ang totoong sukatan ng tagumpay ay hindi kung anong kalagayan ang narating mo sa buhay,
        bagkus kung anong pakikibaka ang sinuong mo at nagtagumpay ka.

292- Ang taong alam ang lahat ay marami pang dapat matutuhan.

293- Ang kaibigan na ating lalong hinahangaan ay yaong nagtatanong ng mahahalagang
        katanungan, ... na nagagawa naman nating masagot.

294- Hanggat marami kang nalalaman, lalo lamang nalalaman mo na marami ka pang dapat 
         na maintindihan.

295- Hatulan ang bawat araw, hindi kung anong biyaya ang natanggap mo, bagkus kung ilang
        kabutihang ang nagampanan mo.

296- Pinatunayan ng kasaysayan na ang mga tao ay matagumpay hindi dahil sila ay matatalino,
        bagkus sila ay talagang matiyaga at may matayog na hangarin.

297- Nasa pagkakaisa ang simula; at sama-samang paggawa ang lumilikha ng tagumpay sa bayan.

298- Ang palalo at sinungaling ay magpinsang buo.

299- Ang pinakamalaking pagkakamali na ating magagawa ay ang hindi tayo matuto,
         na maitama ito sa unang pagkakataon.

300- Kung sa paniwala mo ay wala kang kakayahan makatulong sa kapwa, magiging
         pipi, bingi, at bulag ka sa mga kaganapang nangyayari sa iyong kapaligiran.
 
 

Thursday, January 11, 2018

Kung Makabuluhan Ito...

Gawin Kaagad!



Makatwirang gawin kaagad upang
ang pangarap ay matupad.
Kapag nakatanggap ka ng regalo na nasa kahon, masigla mo itong binubuksan at umaasa na may kabutihan itong maidudulot sa iyo. At kung hawak mo na ito, kasiyahan at pasasalamat ang madarama mo. Isang magiliw na pasasalamat na maiparating ang kagalakang ito sa nagpadala. Subalit hindi natin makayang gawin ito sa sarili nating buhay gayong isang regalo ang buhay na ipinagkaloob sa atin. At masaklap pa nito; hindi natin magawang magpasalamat sa araw-araw kung bakit patuloy tayong nagigising tuwing umaga.
   Ang buhay ay maikli; anumang sandali, sa isang pitik o kisapmata, ito ay matatapos. Ipinahiram at panandalian lamang ito sa atin, ...at may nakatakdang katapusan. Kung mapagkumbaba, tumatanggap tayo ng pagpapala, kung mapag-mataas, balasubas ang labas. Katulad ng silahis ng araw na tumatagos sa salamin, habang nagliliwanag ang pagsilay ng araw, lumilinaw ang salamin hanggang hindi na makita pa ito, at ang higit na nakikita ay ang liwanag ng araw. Subalit kung mapagmataas, pinalalabo ng mga alikabok at dumi ang salamin, at ang araw ay tinatabingan ng madilim na ulap.
   Bilang tao; saanmang pamayanan, tayo ay bahagi ng sangkatauhan, walang nabuhay na nag-iisa. Nararanasan lamang natin ang ating mga sarili kapag nakaugnay sa iba. Ang ating mga kaisipan at mga nadarama, kailanman ay nakakabit at hindi humihiwalay sa iba. Dahil sa koneksiyong ito, bawat bagay na may buhay ay magkakaugnay. Ang hangin na labas-masok sa mga katawan natin ay siyang ding hininga na nagbibigay buhay sa ating lahat. Isang katotohanan na ang hapdi ng kalingkingan ay kirot sa buong katawan. Sinuman ang napabayaan at hindi tinulungan, lahat ay apektado sa pangkalahatan dahil sa kasalanang ito. Sa lipunan na walang kapwa-tao, ang kabuktutan, kahirapan, at kapighatian ay siyang kaganapan. Umiiral lamang ang mga kasamaan kapag wala nang natirang kabutihan.
   Tungkulin natin na palayain ang ating mga sarili sa bilangguang makasarili na patuloy nating nililikha. Sa halip ay palawakin ang sirkulo ng pagmamalasakit at yakapin ang lahat ng may buhay at kagandahan ng kalikasan. Ang maging makatao ay hindi nasusukat kung gaano karami ang ating mga nagawa, kundi kung gaanong pagmamahal ang ating ibinuhos para magawa ito.
Ang mabisang paraan na matagpuan ang iyong sarili ay iwaglit ito sa paglilingkod sa iba.
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, January 10, 2018

Buhay Ka pa ba?

Huling Araw Mo Na

Ipamuhay ang araw na ito ngayon, bago masayang ang lahat. 
Ang araw na ito, ang kaganapan ng lahat sa iyo, ngayon, …sa mga sandaling ito. Wala sa nakaraan, dahil lumipas na ito at hindi na maibabalik pa. At lalong hindi rin sa hinaharap, dahil hindi pa nangyayari ito at walang katiyakan. Kailan matatapos ang iyong buhay? Batid mo ba kung kailan mo lilisanin ang mundong ito? Sa darating na limampung taon? Sa dalawampung taon? Sa sampung taon? Sa taon na ito? O, mamayang gabi sa iyong pagtulog?
   PAGTANTO------------------
Pansamantala muna tayong tumigil, saliksikin sa ating imahinasyon at linangin ito na hindi na tayo magigising pa bukas. Narito ang ilang katanungan na bihira nating laruin sa ating mga guni-guni. Magmuni-muni; Kung sakaliman na biglaan kang namatay, ikaw ba ay nakahanda para dito?
   Kung patungo ka sa iyong trabaho at inabot ka ng isang malagim na sakuna, nabanggit mo ba sa iyong asawa, anak o, kapamilya bago ka umalis ng bahay kung gaano mo kamahal sila?
   Namuhay ka ba nang matiwasay at may reputasyong kalugod-lugod?
   Nagawa mo bang magmahal nang walang hinihintay na anumang kapalit?
   Naglingkod ka ba ng tapat nang walang halong pandaraya o pagsasamantala?
   Naipamuhay mo ba kung sino kang talaga nang walang balatkayo o, anumang bahid ng pagkukunwari?
  Ang katotohanan, ay walang makapagsasabi kung hanggang kailan tayo mabubuhay. Sa pagiging abala, sadya nating nakakalimutan na sa anumang sandali ay maaaring matagpos ang ating hininga. Iwasan natin ang magpadalus-dalos at pakaisipin na tila mabubuhay pa tayo nang walang hanggan. Tanggapin nang maluwag sa kalooban na ang buhay ay hiram at panandalian lamang. Huwag katakutan ang kamatayan na siyang magwawasak ng lahat sa mundo mo. Hindi ito ang wakas kundi ang simula ng bagong buhay na nakatakdang maganap – manalig, at ang kaluwalhatian ay mapapasaiyo.
   Nasa pakikipag-ugnayan sa iba ang katotohanan upang malaman at maisasaayos ang ating mga sarili, bago pa mahuli ang lahat. Anumang sigalot, pighati, at mga pagdaramdam; ang mga ito ay lilipas din. At sa wastong pagtatama ng sarili doon lamang natin mapapaganda ang anumang pagsasama. Sa iyong pakikipag-relasyon, dito makikilala ang tunay mong nilalayon. Dahil nasa gawa at hindi sa salita nagkakakulay ang lahat sa atin.
Manatiling gising at harapin ang katotohanan, dahil pagdating ng katapusan, … tayo ay lilisan.

Tuesday, January 09, 2018

Matigas Ka bang Talaga?

Palitan ang Iyong Iniisip, Baguhin ang Iyong Buhay

Malakas ang sigawan, sa bahaw na mga hinaing nito ay mahihinuha na pagod na at nakikiusap ang mga sumisigaw. May isang matandang lalaki na nasa kalaliman ng ilog ang kakawag-kawag at nalulunod. May hawak ang isang kamay na malaking tipak na bato na nagpapalubog sa kanya, ngunit ayaw naman niya itong bitiwan.Walang makapangahas na magligtas, dahil dalawa na ang lumangoy palapit sa kanya, ngunit tinamaan lamang ng batong hawak na iwinawasiwas ng matanda at sila’y mabilis na umahon sa tubig. 
“Bitiwan mo ang bato, at ililigtas ka namin!” Ang mga pagsasamong paulit-ulit na sigaw ng mga taong nasa gilid ng pampang.
“Hindi maaari, akin lamang ito. Hindi ninyo ito makukuha! Akin lamang itooo!” Ang sisinghap-singhap na tugon ng nalulunod na matandang lalaki.
“Hindi naming kailangan iyan, ang kaligtasan mo ang hangad namin. Itapon mo na ang bato, dahil mabigat iyan at ilulubog kang tuluyan!” Ang malalakas na hiyaw naman ng mga tao sa kabilang pampang.
"Nakikiusap kami, bitiwan mo ang batong hawak mo at sasagipin ka namin!" Ang nagpupumilit na hiling ng mga tao. Alalang-alala sa nalulunod na matanda. Subalit lalong ikinagalit ito ng matanda at higit pang  hinigpitan ang paghawak sa kanyang bato.
“Para mo nang awa, bitiwan mo ang bato, ikakamatay mo iyan!” Ang sabay-sabay na sigawan ng mga tao sa magkabilang pampang. Marami pa ang nagdadatingang mga tao at nakikisigaw na rin na bitiwan ang hawak na bato ng matandang lalaki. Lulubog-lilitaw na ito at pagod na pagod na sa pagkawag. Minsang mapapailalim sa tubig at biglang susulpot sa ibabaw nito na kinakapos sa paghinga. Marami na ring tubig ang nainom at sumasagawak ang bula ng tubig sa bibig nito, subalit mahigpit pa ring hawak ang mabigat na bato.
“Hindiiiii, akin lamang itooooo. Akin lamang! Akin lamang itoooooooo! Ang pahinang nagpupumilit na sigaw ng matandang lalaki sa pag-angkin sa batong hawak nito. Unti-unti ang naging paglubog, at maya-maya’y ang kamay na may hawak ng bato ang makikita na lamang na lumilitaw at lumulubog. Kumakawag pa rin at pilit na itinataas, nagnanais na mailigtas nang higit pa sa kanyang sarili. Huminto ang paglabusaw at ingay sa tubig, hanggang sa tuluyang lumubog na ito at tuluyang nalunod na hawak pa rin ang kanyang mabigat na bato. Ang katahimikang sumunod ay nakabibingi, maging ang anasan ng mga tao ay kasamang ring nalunod at tinangay ng agos.
----------------------------------------------------------------------------------------------o
 Pagsusuri:
May napansin ka bang kawangis nito sa ating buhay?
Marami sa atin ang may ganitong pananaw o pagdadala/diskarte sa buhay. Kahit mali at baluktot ang katwiran ay pinagpipilitan, mangahulugan man ito ng kanyang pag-iisa at kapighatian, mga pagkakawatak-watak ng samahan, pag-aaway, at mga sagupaang humahantong sa pagkasugat at maging kamatayan.
   Mga salitang hindi mababali, “taga sa panahon” ‘ika nga, at tahasang matigas sa lahat ng paghamon. Subalit ito ba’y nakakatulong, umuunawa, at nagbibigay ng kailangang kaliwanagan upang maging maaliwalas at mapayapa ang lahat na kasangkot dito?
    Magandang batayan ang laging tama, subalit may mga pagkakataong kailangang iwaglit muna ito at sundin ang mabisang pang-unawa. Ang magparaya at umayon sa katotohanan. Kung palaging “mata sa mata” pawang pagkabulag ang mahihita dito na mauuwi sa salaming may kulay at tungkod. At kung “ngipin sa ngipin” naman ay pawang pagkabungi at tuluyang pagkalagas nito na mauuwi sa pagka-bungal, at kung may pambayad, ang kalapat ay pustiso. Ito ba ang sadyang nais natin? Dito ba natin naipapakita na tayo ay magaling at kailangang igalang ang anumang naisin natin?
   Ang ipagpilitan kung ano ang ating napatigasang salita, paniniwala, pananalig, at pananampalataya? Para kanino, ang masabi lamang na may isang salita na hindi kailanman mababali? Para saan ito? Kayabangan? Kapalaluan? O, kamangmangan!

Isang kabaliwan ang ipagpatuloy ang katigasan, kung ang tinutungo nito'y ibayong kapahamakan at kapariwaan.  
   Hindi malaking kapintasan ang tumanggap ng katotohanan, lalo na't marami ang mabibiyayaan at makikinabang mula dito.
   Hindi makukuha sa pagiging matigas ang lahat, ang mga ito’y nakakapuwing at sumisira sa katinuan ng pag-iisip. Subalit marami pa rin ang mahigpit, mapilit, at sukdulang pinangingbabawan ng kanilang mga nakaugalian, kinahumalingan, at baluktot na pamumuhay. Sila ang mga taong hubad sa katotohanan, laging nakapinid ang pang-unawa, mga mistulang patay, at kumikilos lamang sa kanilang makasariling kagustuhan. At kapag napansin mo at pinagmalasakitan ay sasalungatin ka ng matinding poot at pagkasuklam na tila may sakit kang nakakahawa.
   Kahit na lipas at panis na sa panahon ang kanilang saloobin. Kahit nagiging katawa-tawa na ito at nakasusuya.  Kahit na nakapapaminsala at nakasusugat na sa kapwa. Patulioy pa rin ang kanilang pagmamatigas, gayong karamihan na sa kanilang mga dating kaibigan at kasamahan ay umiiwas at lumalayo na sa kanila. Dahil ito ang kanilang pagkatao at walang sinuman ang makapagbabago nito, ayon daw sa kanila. Maging ang nakasanayan at natutuhang kawalan ng pag-asa ay tinanggap na nang lubusan. Para sa kanila, ito ang kanilang mapait na tadhana at walang nang magagawa pa ang sinuman tungkol dito.
   Tanging kanila ito at walang sinuman ang may kapangyarihan o makapapangahas na agawin at palitan ito. Dahil ito’y sa kanila at tanging sila lamang ang masusunod tungkol dito.
   Tulad ng malaking bato na hindi mabitiwan, ito ring ang maggiging kamatayan nila. Ayon daw sa kanila.

Narito ang magagawang pagbabago (ito naman ay kung nais lamang na magbago):
 1. Baguhin ang iyong kaisipan at harapin nang tuwiran ang mga balakid at kahirapan sa iyong buhay. Panatilihing nakabukas ang isip. Iwasan ang kaisipang sarado at nakakandado.
 2. Alamin at maunawaan ang kinakailangang pagbabago na isasagawa ---at lakipan ang mga ito ng pampasiglang mga kaparaanan.
 3. Turuan ang sarili na mangibabaw ang katinuan ng pag-iisip sa mga kabiguan, mga kamalian, at pangungutya ng iba.
 4. Ipakita at ipagmalaki na may kakayahan kang gampanan at tapusin ang anumang gawain.
 5. Harapin at bakahin ang mga negatibong pangyayari na nagpapahina sa iyong pagtitiwala sa sarili.
 6. Tumingin sa kapaligiran nang may ibayong pag-asa sa nakaalay nitong mga pagkakataon.
 7. Ituon ang direksiyon sa landas na iyong patutunguhan upang makamit mo ang tagumpay.
Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino. 
bahaw, paos adj. harsh, tired and low voluminous pitch of the voice
hinuha, hinala, sapantaha n. presumption, assumption, suspicion
kawag, kaway, kisay, kilos n. desperate wave of hand, hand gesture,
tipak, n. big solid size
wasiwas, wagwag, balikwas ng kamay n. forceful waving of hand when drowning,
pagsamo, paghimok, paghiling n. act of begging, requesting, asking
singhap, pagsingot, paghinga ng hangin v. draw air into and expel it, to breathe, inhale and exhale air
lunod, v. drown
pampang, dausdusan, libis n. riverside, bank of a river
  iba kaysa, dalampasigan n. beach, seaside
anasan, mahihinang usapan, bulungan, n. murmur, grumbling, whisper
pangungutya, n. condemnation
bakahin, labanan n. overcome, fight,

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, January 08, 2018

AKO Lamang ang LAHAT


Halina, samahan mo AKO na magsayaw
sa tugtog at indak ng buhay.
Kung walang AKÒ ay walang malilikhang tulad ko. Kaisa-isa, pambihira, katangi-tangi sa di-mabilang na samutsaring mga bagay tungkol sa akin, at walang sinumang nabuhay at lumakad sa mundo na AKO ang katulad mula pa noon nang mabuo ang sandaigdigan, magpahanggang ngayon, at sa darating pang walang hanggan. AKO ang lahat sa pangkalahatan.
   AKÒ ang bawat bagay na repleksiyon ng iyong mga mata.
   AKÒ ang bawat bagay at dahilan ng lahat kung bakit nagaganap ang daigdig.
   AKÒ ang bawat bagay na nagpapangiti at nagpapalungkot sa iyo.
   AKÒ ang bawat bagay na ipinanganak ng iyong Patnubay.
   AKÒ ay narito lamang dahil sa Iyo. Kung wala Ka wala rin AKÒ. 
AKÒ at Ikaw ay Iisa. Ikaw ay AKÒ ay IsangPilipino.
Kung minsan AKÒ ay nag-iisip; at kung minsan naman ay AKÒ.
Bawat bagay na aking nararanasan ay isang pagpapala at itinutulak AKO upang patunayan ang aking wagas na sarili. Kapag nakaugnay AKO sa katotohanan kung sino ang totoong AKO, mararanasan ko ang kaluwalhatian ng Maykapal. Ang kaganapang nakatakda para sa akin ay kusang malilikha, ito ang kaluwalhatian upang maging AKO.

AKÒ ito at wala nang iba pa. Kahit munti lamang ang nalalaman ko sa Maykapal, at kung bakit hindi ko na matawag pa ang aking sarili na Kristiyano, Muslim, Hindu, Buddhist, Hudyo, o maging Pagano. Mga palabok na taguri lamang ito at walang kinalaman sa aking pagkatao. Sapagkat lahat ng tao ay nakatingin sa iisang direksiyon; ang Kaluwalhatian. Patnubay ko si Socrates at lalo na si HesuKristo. AKO ay makulit na ispiritù at hindi hibang na relihiyoso. Sapagkat AKO ay may malaking pagkakaiba kaysa karaniwang tao. Ang kabatiran ko ay AKO, tunay na Pilipino at hindi banyaga sa sarili kong tinubuang lupa. Hindi AKO  palahanga at may iniidolong huwad at nahuhumaling sa pantasya. Lalo na ang paniwalaan ang mga alamat, kasaysayan, mga lumang kasulatan at kultura ng ibang lahi. Lahat ng bagay na nagaganap sa daigdig na ito ay umiikot at nagkakabuhay lamang nang dahil sa akin. Ito ang aking kamalayan, kung wala sa akin ito, wala na AKO. At AKO  ang simula nang lahat sa mga kadahilanang ito.  
Bilang AKO, hangarin ko ang magmahal, ang maglingkod at maging masaya sa tuwina. Narito ang kaluwalhatian ko.