Isang
tagpo sa barberya ni Mang Lucio. Tulad ng dati, nakagawian na ni Kuya Bening
ang magbasa ng biblia tuwing magpapagupit. Sa araw na ito, ay wala ang suki
niyang barbero at mismong may-ari ng barberya na si Mang Lucio ang pumalit para
gupitan siya.
Kuya Bening:
Magandang
umaga po sa inyo.
Mang
Lucio: Magandang umaga din sa
iyo, iho. Kamusta na ang buhay natin?
Kuya Bening: Mabuti po naman, at patuloy ang pamilya ko na
pinagpapala ng Diyos.
Napakuno't noo si Mang Lucio at umiiling
sa narinig kay Kuya Bening, at nakaismid na nagpatuloy sa paggupit.
Mang Lucio: Eh, di patuloy din tulad ng dati
ang takbo ng buhay ninyo?
Kuya Bening:
Sa
tulong po ng Diyos, hindi po
naman Niya kami pinababayaan. Katulad din
po nang nangyayari sa
inyo.
Napahinto sa paggupit si Mang Lucio, at
napatawa nang malakas ngunit pailing-iling ang ulo.
Mang Lucio: Kamusta naman sa trabaho mo, iho?
Kuya Bening: Maganda po naman at sa susunod na buwan ay magiging manedyer
na po ako
sa departamento
namin.
Muling napahinto sa paggupit si Mang Lucio,
at nagsimulang lumungkot ang kanyang mukha.
Mang Lucio: Buti ka pa, 'yong panganay ko, natanggal na naman sa
trabaho niya. Wala
pang dalawang buwan sa kanyang pamamasukan
ang damuhong anak kong
'yon!. 'Yong pangalawa
ko namang anak, hanggang ngayon nasa ospital pa dahil
patuloy na lumalala ang
kanyang karamdaman. Puro barkada at alak kasi ang
inaatupag ng dyaske!
Nagka-hepatitis tuloy!
Kuya
Bening: Huwag po kayong malabis na mag-alala, manalangin po tayo sa Diyos at hindi
Niya tayo pababayaan.
Umasim ang mukha ni Mang Lucio sa narinig.
Natapos na ang gupitan, at habang pinapagpag ang mga nagupit na buhok sa telang
nakabalabal kay Kuya Bening, ay nanggagalaiting nagpahayag ng kanyang
kinikimkim na paniniwala si Mang Lucio.
Mang Lucio: Wala ang mga 'yan, hindi nakukuha sa panalangin at pa-diyus-diyus ang
buhay.
Bata pa ako hindi na
ako nagpapaniwala sa diyus. Gawa lang ng mga tao
'yan!Hindi totoo 'yan
kundi mga panakot lamang!
Habang tumatayo mula sa pagkakaupo ay nabigla
si Kuya Bening sa narinig, at nag-aalalang nagtanong.
Kuya Bening: Bakit po ninyo nabanggit 'yan?
Mang Lucio: Paglabas mo dito sa barberya, at kung pagmamasdan mo lamang ang mga tao
na nakapaligid sa iy,
... ay maiintindihan mo, ... na talagang walang diyus na
umiiral
sa mundong ito. At kung tunay na umiiral ang diyus, ipaliwanag mo nga
sa akin, kung bakit
maraming tao ang napapariwara, mga biktima ng mga
karahasan, mga nagkakasakit,
at mga naghihirap? Bakit napakaraming bata ang
mga palaboy sa lansangan? Patuloy ang droga,
korapsyon, mga patayan, at mga
pagnanakaw sa bansa
natin? At kung talagang ang diyus ay totoo, wala na sana
tayong mga kapighatian,
at mga kalungkutan sa mundong ito. Sana,
...disin sana
ay nilikha na lamang ng
diyus tayo... na laging masaya.
Napatigil si Kuya Bening sa kinatatayuan at
malungkot na napatitig kay Mang Lucio. Halos pabulong na nausal niya ang, "Patawarin po Ninyo siya at hindi niya
batid ang kanyang binabanggit."
Mang Lucio: Kung totoong may diyus, bakit niya pinapayagang mangyari ang mga paghihirap
na ito sa mundo?
Bagama't magkahalong awa at lungkot ang
nadarama ni Kuya Bening pinilit pa rin niyang ngumiti at nagpaalam na. Subalit
nang siya ay nasa labas na ng barberya ay nasulyapan niya sa may gilid ang
isang lalake na mahaba ang buhok. Bigla siyang napangiti sa kanyang naisip. Pinakiusapan
niya ang lalake na samahan siya sandali sa loob ng barberya at may ipapaliwanag
lamang kay Mang Lucio.
Kuya Bening: Alam po ninyo Mang Lucio, walang
barbero na umiiral dito sa mundo.
Mang Lucio: Anooo? At paano naman ako na isang barbero? Para
saan naman ba ako, ... at
anong itatawag mo sa
akin kapag gumugupit ako ng buhok ng tao?
Kuya Bening: Walang barbero po, Mang Lucio. Dahil kung may barbero, disin sana ay
wala
ng tao na may mahabang
buhok na tulad nito at katabi ko pa ngayon.
Mang Lucio: Mayroong mga barbero, at ako ay tulad din nila na gumugupit ng buhok ng
tao.
Ang problema lamang kung bakit may mahabang
buhok ang mga tao, dahil ayaw
nilang lumapit sa akin.
Kuya Bening: Eksakto! Tamang-tama ang tinuran ninyo!. Iyan talaga
ang punto at tahasang
kailangan natin. Ang
Diyos ay totoong umiiral sa mundong ito, dangan nga
lamang maraming tao
ang ayaw lumapit sa Kanya. Kung kaya't marami sa atin
ang mga nagdurusa, mga
namimighati at may miserableng mga pamumuhay sa
mundong ito.
Matapos ito, magiliw na nagpaalam si Kuya
Bening. "Maraming salamat po Mang Lucio, at magandang araw po sa inyo."
Napatulala si Mang Lucio nang ilang sandali,
at maya-maya pa ay ngumingiting naunawaan ang naganap na tagpo.
Umaasa po ako na naunawaan
din natin at maihahambing ang tagpong ito sa ating mga buhay.
Harinawa.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod
ng Balanga, Bataan
Ika-17
ng Agosto 2016