Pabatid Tanaw

Friday, June 24, 2016

Lasapin na ang Ligaya Ngayon!



    Isang umaga, sa may aplaya ng bayan ng Bagak, sa Bataan, nakaupo si Doming sa kanyang bangka, nagpapahinga at pinagmamasdan ang bukang-liwayway. Habang pinupunasan ang pawis sa noo ay napapangiti ito sa nahuli niyang maraming isda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang asawang si Trining habang inilalagay ang mga isda sa kanyang kalya upang dalhin na sa palengke at ipagbili. Nang makaalis na ang asawa, sumandal sa bangka si Doming upang makaidlip nang ilang sandali. Hindi pa niya naitatakip ang sambalillong buli sa kanyang mukha nang gulantangin siya ng boses ng isang lalaki.

   “Hoy, Doming, ‘gandang umaga sa iyo! Kamusta ang huli mo ngayong umaga, nakarami ka ba?” Ang bungad ng lalaki.
 
   “Magandang umaga naman po Mang Bestre, ayos naman po at dinala na ni Trining sa palengke upang itinda.” Ang mahinahong tugon ni Doming habang tumitindig at umupo sa gilid ng kanyang bangka.
   Nakaugalian na ni Mang Bestre ang maglakad tuwing umaga sa aplaya kapag maganda ang panahon bago ito magtungo sa kanyang pabrika. Isa si Mang Bestre sa mayayaman sa Bagak, at isa sa kanyang mga negosyo ang magpautang ng puhunan sa mga tindera, magsasaka, at mangingisda na kinakapos sa puhunan.

   Nakakunot ang noo nito nang magsalita, “Aba’y, Doming, ano pa ang ginagawa mo dito, bakit hindi ka pa pumalaot muli at manghuli pa ng maraming isda. Kailangang nangingisda ka pa kaysa nakasandal lamang dito at walang nang ginagawa.”


   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang napapangiti na tugon ni Doming sa pagkakagambala niya mula sa binabalak na pag-idlip.

  “Aba’y napakasimple lamang. Kung patuloy kang mangingisda, maraming ititinda si Trining at marami ang inyong kikitain. Nang sa gayon, may sapat kang salapi na makabili ng isa pang bangka na panghuli, mapapaupa mo ito at lalong mapapadami ang iyong mahuhuli. At mula sa dalawang bangkang ito, makabibili ka pa ulit ng isa  pang bangka na pauupahan mo rin. Hanggang sa makaipon ka at makabili ng malaking pangistang batil at malalaking lambat upang lalong maparami mo ang iyong mga huli.” Ang paliwanag ng negosyante.

   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang pag-uulit ni Doming. Napakamot sa batok ang negosyanteng si Mang Bestre at nayayamot na nagtanong, “Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ko?" Lumapit nang bahagya at nakapameywang na hinarap nito si Doming.

   “Kung magkakaroon ka ng maraming bangka na panghuli, makakabili ka ng higit na malaking pangistang batil at makakapunta ka sa malalayong pook na maraming isda, upang maparami mo ang iyong huli. Magkakaroon ka ng maraming tauhang maglilingkod sa iyo. Nasa bahay ka na lamang at uutusan mo na lamang sila na manghuli para sa iyo.” Ang naiinis na pangungulit ng negosyante.

   Minsan pa, inulit muli ni Doming ang tanong nito, “ At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang negosyante ay namumula na sa pagkainis, at nagagalit na. Pahiyaw itong nagsalita kay Doming, “Hindi mo pa rin alam?” Itinutok ang hintuturo nito sa mangingisda na mistulang amo at nagpatuloy sa pagsasalita habang pakumpas-kumpas ng kamay,“Makinig kang mabuti, dahil dito, ikaw ay magiging napakayaman at hindi mo na kailangan pang magtrabaho sa buong buhay! Magagawa mong palipasin ang maghapon na nakasandal na lamang dito sa aplaya, nakatingin sa paglubog ng araw at wala ka nang pakialam sa lahat. Makapag-papahinga ka hanggang ibig mo.”

   Lalong napangiti ang mangingisda, tumatango-tango . . , tumayo mula sa pagkakaupo at tumitig ng malalim kay Mang Bestre. At buong katiyakang nagpahayag,
   “At ano naman sa inyong palagay ang aking ginagawa ngayon? Ako ay nagpapahinga na. Kung hindi ninyo ako ginambala sa aking pamamahinga, marahil mahimbing at masaya na ako sa aking pagtulog.”
   Napatigalgal ang negosyante at nakasimangot na lumisan ito na iiling-iling sa malinaw na pagtugon ng mangingisda.
 
-------
   Ang magkaroon ng sapat na ikakabuhay at nakapagpapaligaya sa iyo ay magandang panuntunan sa buhay. Mainam at sadyang makakabuti ang magsumikap pang higit upang magtagumpay. Subalit kung mangangahulugan naman ito ng ibayong pagtitiis, pagpapakasakit, at mga paghihirap na ayaw mong mangyari sa iyo, at napipilitan ka na lamang, isang pagkakamali ito. Gayong magagawa namang maging maligaya sa anumang sandali. Tamasahin ang mga malilit na tagumpay, magpahinga at maglibang sa tuwina. Mula sa maliliit na tagumpay, ito’y nagpapatuloy sa higit pang malalaking tagumpay.
   At huwag kakaligtaan na anumang labis na higit pa sa iyong inaasahan o tinatanggap ay nakakasama kadalasan, kung wala kang paglalaanang makabuluhan para dito. Kaakibat ng pagyaman ang ibayong responsibilidad. Kung hindi ka handa para dito, huwag nang subukan pa at hindi ito nakalaan para sa iyo.
   Ang pagiging kuntento o ganap nang masaya sa kalagayan ay mahirap na matutuhang saloobin. Madali ang mahuli sa nakaumang na patibong ng pagkakataon na para kumita ng marami, kailangan ang ibayong magtrabaho nang walang puknat, gayong nakasasapat na ang kabuhayan at maaari nang lumigaya.
   Lumitaw tayo sa daigdig na hubad sa lahat ng bagay, at wala rin tayong madadalang kahit anuman sa ating paglisan. Ito ang nagdudumilat na katotohanan.

Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
aplaya, dalampasigan n. beach, seaside
paghitit, v. smoking
pangistang batil, n. big fishing boat
lambat, n. fishing net
bukang-liwayway, silahis ng araw n. dawn, sunrise
pumalaot, v. go back to the sea
sumandal, humilig v. lean, incline for support
idlip, n. nap
tulog, natutulog adv./adj. sleep, asleep
tigalgal, n. puzzlement, perplexity, bewilderment
simangot, n. sourface look,
puknat, sagwil adj. cease, interrupt
patibong, bitag, umang n. trap, lure, entrapment
saloobin, dinarama n. attitude, feeling
paglisan, n. at the end of life, death
tamasa, ikalugod, ikasaya v. enjoy, appreciate, be happy
hubad, salat adj. naked, without anything 
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, June 15, 2016

Bilang Tunay na PILIPINO

Ipinagmamalaki Ko Ito

Walang higit na magmamalasakit at wagas na magmamahal sa Pilipino kundi ang kanyang mga kapwa Pilipino. Napatunayan na ito ng ating mga bayani, na walang maaasahan sa mga banyaga at mga tagasunod nito kung palagi na lamang maghihintay sa kadiliman. Kinakailangang mula sa iyong sariling pawis at dugo makakamtan lamang ang tunay na kalayaan.
   Kung nais mong maging malaya at magampanan nang tuluyan ang iyong mga sagradong karapatan, bilang tunay na mamamayan ng Pilipinas, at hindi maging alila at palaboy ng lansangan, panindigan mo ang iyong tunay na pagka-Pilipino. May dugong kayumanggi, matapang, at nakahandang ipaglaban ang mga makataong karapatan, kaninuman, saanman, at magpakailanman.

Bilang AKO, ikaw, siya, at tayo, lahat ay magkakasama, walang iwanan at handang magpakasakit alang-alang sa bayan.

Ipalaganap natin ang pagmamahal sa kapwa Pilipino sapagkat . . .
Ang mga kabatirang Pilipino ay lumalaganap lamang kung ang mga ito’y pinagtutulungang palaganapin ng mga kapwa Pilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pinanggalingan, kasaysayan, at kinabukasan.
1Nais kong ipaalam ng AKO, ikaw, sila at tayo ay mga Pilipino rin at tunay na nagmamahal sa ating sariling bayan.
May paninindigan tayo, bilang AKOAlay sa Karapatdapat na Opisyal
2-      sapagkat mayroon AKOng isang lahi, isang wika, isang kapatiran, at isang bansa.
3-      sapagkat lagi kong nararamdaman na AKO’y may tungkuling nararapat gampanan para sa ikakapayapa at ikakaunlad ng aking bansa.
4-      sapagkat nais kong ipagbunyi at ipagmalaki na AKO ay mula sa diwang kayumanggi.
5-      sapagkat dito ko lamang maipapakita na AKO’y nakikiisa sa mga adhikaing maka-Pilipino.
6-      sapagkat batid ko na Pilipino lamang ang higit na makauunawa sa kapwa niya Pilipino.
7-      sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa, magkakaroon ng pagbabago sa aking bansa.
8-      sapagkat naniniwala AKO na ang pakikiisa sa mga adhikain maka-Pilipino ay pagiging makabayan.
9-      sapagkat pinatutunayan nito na AKO’y may kasaysayang natatangi at maipagmamalaki sa buong daigdig.
10-   sapagkat nais kong malaman ng lahat kong kababayan na may mga adhikaing nakikipaglaban para ating mga karapatan at kapakanan.
11-   sapagkat ang aking mga kaibigan, kaanak, at kakilala ay makikinabang kung malalaman nila ito.
12-   sapagkat kung ang lahat ng Pilipino ay magmamahal sa sariling bayan, patuloy ang ispirito ng bayanihan saan mang sulok ng ating kapuluan at maging sa buong mundo.
13-   sapagkat marami na ang nakalilimot at hindi maunawaan ang kahulugan ng pagkakaisa at ispirito ng bayanihan para sa kaunlaran ng ating bansa.
14-   sapagkat dito ko lamang mapapatunayan na AKO’y may karapatan na tawaging Pilipino.
15-   sapagkat naipapakilala ko na may sarili AKOng lahing Pilipino na lubos na nagmamahal sa akin.
16-   sapagkat pinalalakas nito ang aking pagtitiwala sa sarili na mayroon AKOng pinanggalingan, pupuntahan, at mauuwian sa lahat ng sandali.
17-   sapagkat mayroon AKOng mga magigiting at dakilang bayani na nakipaglaban para sa aming Kasarinlan.
18-   sapagkat ikinagagalak ko at inaanyayahan ang lahat sa likas na kagandahan ng ating kapuluan.
19-   sapagkat nagmamalasakit AKO sa kapakanan at kaunlaran ng aking sambayanan.
20-   sapagkat ang tagumpay ng kapwa ko Pilipino ay tagumpay ko rin. At ang kanilang kapighatian ay pagdadalamhati para sa akin.
21-   sapagkat nais kong magkaroon ng pagbabago, kapayapaan, at kaunlaran sa aking bansa.
22-    …sapagkat kung hindi AKO tutulong, sino ang makakatulong naman sa akin, kapag AKO’y nangailangan ng tulong? Higit na makauunawa ang kapwa ko Pilipino kaysa banyaga na walang kabatiran sa aking bansa.
23-   …sapagkat nais kong matupad ang aking pagiging ganap na Pilipino.
24-   sapagkat bilang Pilipino, maipapahayag ko kung sino ako, ano ang aking mga naisin, at kung saan ako patungo. Hindi ko matatanggap ang pagiging Pilipino kung wala akong pakialam sa mga kaganapan ng sarili kong pamayanan.
25-   sapagkat ang lumilingon sa pinanggalingan ay makakarating sa paroroonan.

26-   sapagkat magagawa kong makiharap at makipagsabayan kahit sinumang banyaga, kung iginagalang at inuuna ko ang aking sariling bansa. Hindi ang gumagaya, nangungopya, at nagpupumilit na maging katulad nila.
27-   sapagkat sa anumang larangan na aking ginagawa, isang katangian ang kabatiran kung AKO ay tunay na Pilipino.
28-   sapagkat nagdudumilat ang katotohanan; sa anyo, sa kulay ng balat, sa hugis ng ilong, at sa punto ng aking pananalita na AKO ay tunay na Pilipino.
29-   sapagkat kahit na AKO ay bawalan, takpan, itago, at supilin, lilitaw pa rin ang aking pagiging Pilipino. Kailanma'y hindi ko ito maitatatwa o maipagkakaila kahit sinuman ang kaharap ko.
30-   sapagkat mula sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, AKO ay tunay na Pilipino.
31-   sapagkat ang magmamahal lamang nang higit sa Pilipino, ay ang kapwa niya Pilipino
Kaya bilang Pilipino tumutulong AKO sa pagpapalaganap ng mga katutubo at kabatirang Pilipino. Lumalaban at handang magpakasakit alang-alang sa Inang-bayan. At malaki ang ating paniniwala, maraming mga Pilipino na kahit saan mang panig ng mundo ang nakikiisa at nagtataguyod para dito. Ito ang lantarang katotohanan!
SAPAGKAT may pagmamahal at pagmamalasakit tayo sa pagiging PILIPINO, sa ating SAMBAYANAN, at sa bansang PILIPINAS, ang Perlas ng Silangan.
 
 MABUHAY TAYONG LAHAT!

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, June 14, 2016

Araw ng Kataksilan


Ano ang Kahulugan ng katagang KALAYAAN?

   Ang Kalayaan ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung mayroon ka nito, walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at nilalayon sa buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Malaya kang lumikha, humimok, magtatag, at magsagawa ng mga makabuluhang bagay sa ikakaunlad ng iyong sarili, mga kasamahan, at maging ang iyong pamayanan. Wala kang magiging anuman na agam-agam o inaala-ala, maging maliit o malaki man, sa paggawa ng mga ito. Mapayapa, mahusay, at maligaya ka sa pagtupad ng mga tungkulin bilang masunuring mamamayan.

   Ang pagiging malaya ay isang katangian ng pagiging makapangyarihan, may sariling kapasiyahan nang walang anumang pinapangambahan, hindi nakasandig, umaasa o nakatali sa iba, matatag at taas noong ipinaglalaban ang pansariling kapakanan at kagalingan para sa lahat. Walang nangingibabaw o nakapangyayari sa iyong mga karapatang pantao. Hindi ka naghihinala, nangangamba, o maging natatakot man sa iyong kapwa sa sariling lipunang ginagalawan, at higit na nag-aalala sa uri ng iyong pamahalaan.

   Sa kabubuang lahat, ang wastong katawagan nito ay KASARINLAN. Nagsasarili, may natatanging kapasiyahan, paninindigan, taas noong humaharap sa iba nang walang nagsusulsol o sinusunod, at walang bahid ng anumang pag-aalinlangan.


   Ito nga ba ang siyang nagaganap sa ating minamahal ng bansang Pilipinas? Totoo o tunay bang tayo ay may kasarinlan?

   Kung matiwasay ang iyong kalooban, hindi mo lalagyang ng katakot-takot na kandado ang iyong mga pintuan, ang padilimin ang iyong mga durungawan ng mga rehas na bakal na mistulang nakabilanggo ka sa iyong tahanan. At sa iyong araw-araw nang pagpasok sa trabaho at pagganap ng tungkulin, hindi ka nangangamba sa mga taong kahalubilo mo na ikaw ay mabiktima ng kanilang mga karahasan.

  Subalit kung ganito ang nananaig sa iyong mga ligalig, pagkatakot, mga pangamba, at kawalan ng katarungan sa iyong kapaligiran . . .
Hindi ka Malaya


    Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina, hindi ka malaya. Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, hindi ka malaya. Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan, hindi ka malaya. Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga pagkakataon, hindi ka malaya. Hangga’t may inaapi at may nang-aapi, may mga kabuktutan, mga katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang mapasukang trabaho at mga pagkakataon, hindi tayo malaya.

   Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa kamahalan, hindi ka malaya. Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo. Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan. Hindi ka malaya.

   Lahat ay may katumbas na pagod, panahon, pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito, tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.

   Sa isang bansa na tulad ng sa atin, sa tuwing sumasapit ang “Araw ng Kalayaan” ang ating pamahalaan ay mistulang isang bugaw (pimp) na nagkukumahog na ipangalandiri ang ating bansa na kawangis ang isang pampan (prostitute). Hindi ba nila nababatid na ang paghihimagsik na sinimulan ni Gat Andres Bonifacio at tinutulan ni Gat Jose Rizal ay hindi pa tapos? Noong tayo’y magwagi laban sa pamahalaang Kastila, pumalit naman ang mga Amerikano at sila naman ang ating nakalaban. Dahil sa panghihimasok na ito, nasangkot tayo sa digmaang Hapon at Amerikano.  

Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?

   Hindi natin malilimot ang kabuktutan ginawa ng mga Amerikano sa malakihang pagpatay sa Kalookan, sa Balangiga ng Samar, sa katampalasanan sa Isabela, taksil na pagpatay kay Heneral Makaryo Sakay, at sa marami pang iba. Hindi ba ito alam ng ating mga"kagalang-galang" na mga punong-bayan? Mga gising ba silang nagtutulog-tulugan? Mahirap talagang gisingin ang mga nagtutulog-tulugan.

   "Ow, natapos na ito. Noon pa 'yon, nakaraan na. Bakit paksa pa rin ngayon." Ang tanong ng nakabasa nito. Tumugon ang kasama niya, "Dahil may nagpapahirap pa rin sa atin. Ito ang may kontrol sa ating kabuhayan at pumipigil sa pag-unlad ng ating mga industriya. Mga dayuhang banyaga pa rin ang nasusunod sa ating lipunan." "Oo nga naman," ang pakli naman noong isa, "Noon, pumapangalawa tayo sa Hapon sa kaunlaran sa katimugang Asya, ngayon naman kulelat tayo sa lahat." Sumabad ang isa pa nilang kasamahan, "Pero, pagdating naman sa pangungurakot at corruption, number one tayo sa buong Asya! . . . di bah?"

Ang makalimot sa kasaysayan ay isang kataksilan, sa pag-uulit muli ng dating kapahamakan.

   Na ang ipangkaloob sa atin noong 1946 na kalayaan daw ng mga Amerikano(July 4, same date of their independence) matapos ang digmaan laban sa Hapon, ay isang huwad at hindi makatarungang pananamantala ng isang makapangyarihang bansa laban sa winasak at binusabos na bansang Pilipinas. Gayong “Open City”ang Maynila, dinurog nila ito at ganap na winasak. Pagmamalaking sagot ng isang tagabombang sundalong Kano, kung bakit patuloy nilang binobomba ang Maynila na pumatay ng maraming sibilyan, gayong wala ng labanan at sumuko na ang mga Hapon, “Ito ang utos ng mga nakakataas sa amin, at ang mga bomba ay hindi na namin maibabalik pa. Kailangang ihulog ito upang magaan kaming makabalik sa aming paliparang barko (aircraft carrier).”Ang balikwas na tugong patanong ng reporter (mamamahayag) na nagtanong, “Bakit hindi ninyo na lamang inihulog sa dagat ang mga bomba?”

   Pinalitan natin ang ika-apat ng Hulyo ng mga Amerikano, ng ika-12 ng Hunyo, bilang pagdakila sa tunay na petsa sa “Araw ng Kalayaan” ito’y nang ipahayag sa Kabite ang unang Republika ng Pilipinas. Ngunit pansamantala lamang ito, ang sumunod na kaganapan ay sagupaang Pilipino at Amerikano noong panahon ni Heneral Emilio Aguinaldo.

  Hanggang ngayon ay patuloy ba ang paglalaban. Ang sinimulang himagsikan noon ay nagaganap ngayon. Dangan nga lamang, ibang kaparaanan naman ang tunggalian. Ang pagkontrol sa ating kabuhayang bansa at ang pagpigil sa maging malawak ang mga industriya nito. Bagama’t napaalis natin ang mga base militar ng mga Amerikano sa ating bansa, patuloy naman silang narito. Pakita lamang sa publiko ang hindi hayagang pakikialam, ngunit patuloy naman ang pagpapadala ng kanilang mga kawal at humihimpil sa iba’t-ibang panig ng ating kapuluan, lalo na sa katimugang Mindanaw. Nilapatan ito ng paimbabaw na taguri, “Balikatan” isa daw na pagsasanay militar ito. Para saan ito, sino ba ang ating mga kaaway? Kanino ito inihahanda? Sa labas ba ng ating bansa, wala tayong kakayahan para dito?  O, sa loob mismo ng bansa natin ito inihahanda, para doon ba sa mga nagigising na mga Pilipino?

   Hindi katakataka ang walang awa at pataksil na pagpatay ng mga tauhan ng pamahalaan sa mga kababayan nating may makabayang layunin. Sa halip na pahalagahan dahil ipinaglalaban nito ang mga karapatang pantao ng mga nakakarami,ay pinupuksa nila at pinipilit na itago ang katotohanan sa ating lipunan.

   Upang maging makatotohanan ito, sumulpot ang hindi matalo-talong maliit na pangkat ng Abu Sayyaf at nagpatuloy ang katigasan ng lulubog-lilitaw na NPA o BHB, Bagong Hukbo ng Bayan. Na ginagamit sa mga halalan at panakot sa mga mamamayan. Sino ang nasa likod ng mga ito, na patuloy na tumutustos? Saan nila kinukuha ang kanilang mga makabagong armas? Sino ang tunay na may kapangyarihang nagpapasunod sa kanila? Sino ang may pakana ng mga kahina-hinalang mga pagpapasabog ng bomba sa Kalakhang Maynila at Mindanaw? Bakit mistulang patapon o para sa pagpapakamatay lamang ang mga karaniwan nating kawal, sa bala at bomba ay laging mintis, mumurahing kagamitan, at sa  mga pagsasanay ay laging kinakapos? Ito ba'y tahasang sinasadya, at maging combat shoes ay yari lamang sa suwelas na karton na kapag nabasa ay natatanggal?

  Sino ang talagang nakikinabang sa mga kaganapang naghahari sa ating lipunan?
  Humalili at patuloy ang mga dating naghaharing-uri, sila rin noong panahon ng Kastila, Amerikano, Hapon, (collaborators) at hanggang ngayon, sila pa rin ang namamayani sa lahat ng kabuhayan, mga negosyo, ari-arian, at pagpapatakbo ng ating pamahalaan. Kung sila ay mga tunay na Pilipino, sa halip na umunlad tayo, bakit lalo lamang tayong naghihirap? Palaki at hindi paliit ang agwat ng mayayaman at mga mahihirap? Kailangan pa bang umalis ng bansa ang marami sa atin (pati ako) at magpaalipin sa mga banyaga? Ito ba ang kalayaang Pilipino na kailangan nating ipagdiwang tuwing ika-12 ng Hunyo?

  Malaya nga ba tayo? Sino ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri? Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanunging mo ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.

Isang katotohanang hindi mapapasubalian:
 Ang pananatili ng PMA (President’s Military Academy, the real name; and not Phil. Military Academy,  a misnomer), gayong hindi naman tayo imperyalistang bansa na nagpaparami ng sinasakop na mga bansa, ay mayroon tayong dalubhasang pamantasang militar na kinopya sa West Point ng mga Amerikano. Taun-taon marami ang nagtatapos dito sa pagka-dalubhasa, subalit matinding nakapanlulumo at kahina-hinakit, isang pangkat lamang na tulisan o terorista, hindi nito matalo. Para saan ang malaking salaping ginugugol sa pananatili nito? Para kanino? Para sa taong bayan? Ang supilin ang mga makabayang layunin na nagtataguyod para sa kaunlaran ng bansa.

Ito ang tunay na nangyayari sa ating bansa.
   Marami ang heneral at mga pinuno kaysa mga kawal sa ating militarya o sandatahang lakas. Sa sobrang dami, halos lahat ng matataas na puwesto sa mga departamento at maging gabinete ng pamahalaan ay hawak nila. Walang pagbabago, bagkus lalong lumalala ang mga katiwalian kapag sila ang may hawak sa panunungkulan. Sinumang nagiging Pangulo ng ating bansa ay malaki ang pagtakot sa kanila, nakayukod ang ulo at sunod-sunuran sa kanilang mga kagustuhan. Pati na ang pagiging mga sugo o kinatawan (Ambassadorship) sa ibang bansa ay nasalaula na rin ng mga nagretirong heneral. Ang kanilang pinag-aralan ay kung papaano ang pumatay at mamamatay sa digmaan. Ang ipagtanggol ang sambayanan, hindi ang magnegosyo at magpayaman sa puwesto, mandaya sa halalan, at patayin ng pataksil at walang kalaban-laban ang mga nagpapahayag ng karapatang pantao. Kabila-kabila ang mga kaso ng kanilang mga pagnanakaw, pagpapayaman, at ang pagpapanatili nila sa puwesto ng mga bayarang pinuno ng bayan, magmula sa Pangulo ng bansa hanggang sa Kapitan ng Barangay. Ang PMA ay nagpapatuloy para sa naghaharing-uri sa ating bansa. Hindi ito para sa bayan, tulad ng mapait na katotohanang nangyayari sa ating bansa, noon at magpahanggang ngayon.  

   "Ow," sabat na naman nitong katabi ko, "Wala na bang natira sa mga heneral na nanggaling sa PMA na matino at makabayan?" Bigla ang tugon ng isa naman, "Wala na, kung mayroon man, may busal ang bibig at may laman ang bulsa." Susog ng pangatlo, "Totoo 'yan, kung mayroon man, kahit iilan, lalantad sila at lalabanan ang mga kabulukan sa militar, ang pandaraya at pakikialam nito sa halalan." At pagwawakas pa, "Wala ng matino sa kanilang lahat, kaya nga nagpapatuloy ang kabuktutan at kalagiman sa ating bansa. Dapat buwaging na ang PMA, hindi ito para sa sambayanan, pampahirap lamang ito. Isa pa, saan natin gagamiting digmaan ang mga napakaraming heneral na ito kundi ang sugpuin ang ating sariling mga makabayang mamamayan."

Patotoo o pruweba para dito?  Magbasa lamang sa ating mga pahayagan, sa mga balita sa telebisyon at mapapatunayan mo ito, kaya lamang ibayong pamamanglaw ang sasaiyo matapos mong mabatid ang mga ito. Kasuklam-suklam na ang lahat. Wala na bang magagaling at matitino sa Pilipinas at halos pawang mga heneral ang mga namumuno ngayon sa pamahalaan. Mistula ng garison ng militar ang ating bansa. Sino ang makakalimot sa mga pangalang ito, Palpalan, Esperon, Ligot o si "Limot", Garcia, Reyes at napakarami pang iba, napakahaba ang listahan. Ang nakagigimbal pa, mayroong full military honors and gun salute at karapatang mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Dahil bayani ngayon ang magnakaw. Mayroon pang isang matinding magnanakaw at dating panggulo, marami itong pekeng medalya at nais ding mailibing at matawag na bayani. Pinagtatalunan ngayon kung ang pagiging diktador at masibang pagnanakaw nito ay kailangang ipagbunyi at parangalan. Marami ang kamag-anak at kawangis na buwaya sa kongreso ang pumirma upang mangyari ito. Bakit hindi na lamang alisin ang "mga" at "i" sa Libingan ng mga Bayani at tawaging Libingan ng Bayan ito. O, dili kaya... para masaya ang lahat, ang tamang tawag ay Libingan ng mga Magnanakaw.

  Hangga’t umiiral ang mga ito sa ating bansa,
HINDI KAILANMAN, TAYO . . . MAGIGING MALAYA !

Isa lamang pang-uuto at pagtatakip ng mga nakapanlulumong huwad ang mga parada  sa “Araw ng Kalayaan”  ooops, mali pala ito, ang tumpak na taguri ay “Araw ng Kataksilan” 
na ginaganap sa Rizal Park at sa maraming dako ng ating kapuluan.



-----------------------------------------------

Siyanga pala, bago ko malimutan. Mariing pinabulaanan ng pangalawang tagapagsalita sa Palasyo ang tungkol sa ginanap na "Araw ng Kalayaan" kuno, na kung saan, ang watawat na iwinagayway ni Penoy na may mga letrang K.K.K. ay hindi pala tungkol sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio na "Kagalang-galangan at Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" bagkus ay K.K.K. o ang pansariling katipunan ng mga naiibigan at kinagigiliwan ni Penoy, ito ay ang mga:
Kapamilya (dynasty), Kakampi (Liberal Party mates), Kaklase (classmates), Kabarilan (shooting buddies), Kakilala (Acquaintances), at Kabaklaan (sexcapades).
Bilang paglilinaw sa naunang pahayag ng kasamahan nila na pangunahing tagapagsalita, na sinang-ayunan naman ng pangatlong tagapagsalita ng palasyo. Ito, ayon sa mapag-kakatiwalaang ulat, ay isang paliwanag mula sa katatanggap pa lamang na pang-apat na tagapagsalita na magsisimula bukas.
Bagamat ilang araw na lamang ay matatapos na ang ating paghihirap sa "Matuwad na Daan" ng Administrasyong Penoy AquiNO. 


Saturday, June 11, 2016

Pilipino Ka nga Ba?

Bukas ay Araw ng Kalayaan, marapat lamang na muli nating sisirin at pakalimiin  kung ano ang tunay at wagas na itinitibok ng ating mga puso sa tuwing sasapit ang makabayang araw na ito.....

Pagmamahal sa Inang-Bayan

 
        Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, diwa, at kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa ang pag-awit nito, at sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin. 
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, walang nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino
   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 
   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 
   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit ng buo ang Lupang Hinirang at mabigkas ng tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansang aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino, nakalaan kang ibahagi ang ating awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi aawitin ang ating Lupang Hinirang.
   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? 
   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi maawit ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan. 
   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang banyaga na naghahanap ng sariling lungga.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan