Pabatid Tanaw

Saturday, June 06, 2015

Ang Kaharian ng Langit

Minsan ay inanyayahan ni Raha Dimasupil ang kilalang pantas sa bundok ng Mariveles na dalawin siya sa kanyang kaharian sa bayan ng Bagak sa Bataan.
   Sa kanilang pag-uusap, nasambit ng raha sa pantas, “Ako ay naiinggit sa iyo bilang pantas at banal na tao, ikaw ay kuntento na kahit sa mumunting mga bagay.” At dugtong pa ng raha, “Kahit simpleng okasyon lamang ay tila isang malaking piging na para sa iyo, lagi kang nakangiti kahit lahat ng nakapaligid sa iyo ay pawang nakasimangot sa problema. May simpleng pamumuhay ka ngunit mariwasâ sa lahat ng mga bagay sa kabundukan.”
   Napangiti ang butihing pantas, “Ako ang nararapat na mainggit sa iyo, o dakilang raha, bilang kuntento na sa mga karangyaan at kasaganaan kaysa akin. Sa ganag akin, masaya na ako sa musika ng mga ibon at mga kuliglig sa kagubatan; kasiyahan ko na ang tanawin ang mga nagnining-ning na mga bituin tuwing maaliwaslas ang gabi; nalulugod ako sa mga lagaslas ng tubig sa mga ilog at mga talón; nakikiliti at nagagalak ako sa mga ihip at haplos ng hangin sa aking katawan sa mga kaparangan. May pagsilay ako ng araw sa maghapon at tinatanglawan naman ng buwan sa gabi, sapagkat nasa aking kaibuturan ang Kaharian ng Langit at ang Diyos ay nasa aking kaluluwa, subalit sa ganang iyo, mayroon ka lamang na kaharian sa bayan ng Bagak.”
   Bagamat nagitla ang raha sa tinuran ng pantas, napatango ang ulo nito at naunawaan ang pahayag.

Sa Ikaanim na Araw

Mayroong grupo ng mga banal na pantas na nagtipun-tipon sa lungsod ng Balanga para talakayin ang katanungan kung bakit nilikhà ng Diyos ang tao sa ikaanim at huling araw bago Siya nagpahinga.
   Ang paliwanag ng punong-pantas, “Naisip Niya na simulan munang bubuin at organisahin ang buong Sansinukob, upang higit nating mapahalagahan ang Kanyang mga kamangha-manghang kapangyarihan.”
   Nagpahayag naman ang isang pantas, “Inunang nilikhà din Niya ang Dakilang Araw para silayan tayo ng pagpapala sa maghapon, at tanglawan ng Butihing Buwan sa magdamag.”
   Idinugtong ng isa pang pantas, “Nauna ding nilikhà ang mga kaparangan at kagubatan para liparan ng mga ibon at panirahan ng mga hayop, nilikhà rin ang mga karagatan at katubigan, at nilagyan ito ng mga nilalang na lumalangoy.”
   “At bakit sa ikaanim at huling araw lamang nilikhà ang tao?” ang magkakasabay nilang mga tanong, nang bumukas ang pinto at pumasok ang isang matandang babae na taga-Kupang, na hawak ang isang bendehado ng meryenda para sa mga pantas.
   Bakit hindi natin tanungin si Aling Entang kung bakit inihuli na likhàin ng Diyos ang tao.” Ang susog na isang nakanoot-noong pantas.
   Habang pinupunasan niya ng dimpô ang pawis sa kanyang sa noo, nakangiting nangusap si Aling Entang,Simpleng kasagutan lamang, “Dahil kung sakaliman na magmamataas tayo at magyayabang; ay maaala-ala natin na maging ang munti at hamak na lamok ay may kaukulang priyoridad sa pamantayan ng Maunawaing Diyos.”

  “Ay, siyanga pala,” ang sambit ng punong-pantas, “laging nasa huli at siyang may dominyon ang tao sa lahat ng mga nilalang sa mundo. Salamat, Aling Entang sa paala-ala mo.”

Ang Payong

Maging tag-araw o tag-ulan, nakaugalian na ng mga kababaihan natin ang magdala ng payong. Ginagamit din nila itong pananggalang kung may mabagsik na aso na humahabol sa kanila. Isang araw ng Linggo, bago pumasok ay iniwan ni Aling Entang ang kanyang payong sa may gilid ng pintuan ng kapilya tulad ng nakagawian niya.
   “Natanaw kita kangina mula sa bintana nang ikaw ay dumating,” ang pahayag ni pastor Mateo. Napansin mo ba kung ilang payong na ang naroon sa timbang kulay ube?”
   “Hindi ko man lamang napansin ito, pastor. Ano ba ang halaga pa nito kung ang nasa isipan ko ay ang manalangin sa araw na ito ng Linggo?”Ang may pagtatakang sagot ni Aling Entang.

   Magiliw na nagpaliwanag si pastor Mateo, “Sa buhay na ito, kung hindi mo mapag-uukulan ng pansin maging ang mumunting mga bagay sa iyong kapaligiran, kailanman ay hindi ka matututo ng anumang bagay. Alalahanin mo na yaong munting buhangin lamang ang nakakapuwing, at kapag pinagsasama-sama ang mga ito ay nakapagtatayo ng dambuhalang gusali. Upang magkaroon ng komunikasyon at ugnayan sa buhay, maglaan sa bawat sandali na ipukos ang iyong atensiyon sa kahalagahan nito—ito lamang ang sekreto upang ganap kang magising at hindi tuluyang makatulog sa takbo ng buhay.”

Tahakin ang Sariling Landas

Nakahanda po ako na iwanan ang lahat. Kung maaari lamang, tanggapin na ako bilang isang disipulo.” Ang pakiusap ng isang lalake sa punong-monghe at tagapamahala ng isang monasteryo.
   “Bakit ba nais mong maging disipulo?” Ang tanong ng isa pang monghe. Sa halip na sumagot ay ang lalake ang nagtanong, “Papaano ba mapipili ng isang tao ang kanyang landas na tatahakin?”
   Tumugon ang monghe, “Sa pamamagitan ng malayang kapasiyahan. Ang landas na nangangailangan ng malayang sakripisyo ay siyang tunay na landas.”
   Isang araw, sa pagmamadali ng monghe ay nabangga ng kanyang braso ang isang estante at mula dito ay nahulog ang isang mamahaling florera, sa isang iglap ay nasalo kaagad ito ng kasamang lalake, ngunit sa pagbagsak nito ay nabali ang isa niyang brasò.
   “Anong sakripisyo ang higit na mahalaga, ang makitang nabasag ang florera o ang mabakli ang brasò sa pagnanasang iligtas ang florera sa pagkabasag?”
    “Hindi ko po alam,” ang tugon ng lalake.
   “Kung gayon, huwag subukang gabayan ka ng pagpili sa pamamagitan ng sakripisyo. Ang sariling landas ay pinipili ng ating kapasidad na kusang hayaan ang bawat nating hakbang na maging malaya nang walang anuman ligalig habang tayo ay naglalakad.”
   Ano po ang ibig ninyong sabihin? ang may pagtatakang nasambit ng lalake.
   “Sa buhay, hayaan mong maging malaya ka sa pagpili nang walang isinasakripisyong kapasiyahan na maglilito sa iyo upang hindi ka maligaw sa landas na iyong tinatahak.”

Mga Paala-ala:
   Kailangan nating limutin ang ating iniisip kung sino tayo, para magawa nating kilalanin kung sino tayong talaga.
   Sa matinding pagnanasa nating makarating kaagad, madalas nating nakakalimutan ang pinakamahalagang bagay, ang tamasahin ang ating paglalakbay.
   Kailangan ng tao ang pumili at magpasiya, hindi basta na lamang tanggapin ang kanyang kapalaran.

Pagkakaiba ng Galit at Pagmamahal

Isang maestro ang nagtanong sa kanyang mga disipulo:
Bakit tayo humihiyaw kapag nagagalit? Bakit ang mga tao ay nagsisigawan sa isat-isa kapag sila ay nanggagalaiti na?’ Kung nasa tama ang katwiran mo, bakit kailangang ihiyaw mo pa ito para maunawaan ka?’ Dahil ba hindi ka nakakatiyak kung tama nga ito?”
   Ilang sandaling nag-isip ang mga disipulo, at isa sa kanila ang tumugon,,“Dahil nalimutan nating maging mahinahon, kaya nga naging marahas tayo at sumisigaw pa upang higit na maintindihan!”
“Kung gayon,” ang pahayag ng maestro, ‘bakit naman kailangan pang sumigaw kahit na kaharap mo lamang ang kausap?’ Hindi ba higit na mapayapa kung mahina ang boses dahil magkatabi lamang kayo?’ Bakit kailangan pang sigawan ang kaharap kapag ikaw ay nagagalit na?”
   Marami pang mga kadahilanan ang ipinaliwanag ng mga disipulo, subalit isa man ay hindi nakatugon at ikinagalak ng maestro.
Sa bandang huli siya ay nagpaliwanag:
“Kapag ang dalawang tao ay nagagalit sa isa’t-isa, ang kanilang mga puso ay magkalayò at malaking agwat ang pagitan. At halos hindi na magkakilala. Para mapaglapit ang kanilang mga puso, kailangan magsigawan sila para magkarinigan ang bawat isa. Kapag lalo silang nagagalit, kinakailangang ihiyaw nila nang buong lakas ang kanilang mga boses para tumagos sa kanilang mga puso dahil sa malaking distansiya nito sa isa’t-isa.”
Matapos ay may nagtanong sa maestro:
“Papaano naman kung may dalawang tao na nagmamahalan?” Nakangiting nagpahayag ang maestro,Hindi sila nagsisigawan, sa halip, mahinahon at magiliw silang nag-uusap, at madalas, sila’y nag-aanasan na lamang, bakit? Sapagkat ang kanilang mga puso ay magkalapit. Ang distansiya o agwat sa pagitan ng kanilang mga puso ay manipis at halos walang puwang o dingding.”
At sa huli ay idinugtong pa ito:

“Kapag sila ay nagmamahalan nang higit pa sa isa’t-isa, ano ang nagaganap?’ ‘Hindi na sila nag-uusap, mga bulong na lamang kapag magkadikit at magkayakap sila sa pag-ibig. ‘Sa kalaunan, hindi na nila kailangan pa ang magbulungan, tinititigan nila ang isa’t-isa at hinahayaang mag-usap na lamang ang kanilang mga puso. Ganito kung papaano tahasang magkalapit ang dalawang tao kapag sila ay wagas na nagmamahalan sa isa’t-isa.” 

Para sa iyo, ikaw... papaano ba ang nagaganap na pagmamahalan sa pagitan ninyo ng minamahal mo?

Lasing sa Kapangyarihan

Isang makapangyarihang engkangto ang nagnais na wasakin ang buong kaharian, winisikan niya ng mahiwagang pulbos na nakakalasing ang balon ng tubig na kung saan lahat ng mga tao na nasasakupan ng kaharian ay kumukuha ng kanilang maiinom. Lahat ng makainom nito ay nalalasing at nababaliw.
   Kinabukasan, ang buong populasyon na uminom sa balon ay nabaliw, ngunit hindi kasama ang hari at ang pamilya nito, dahil nakapag-imbak ito ng sapat na maiinom na tubig. At hindi nagawang lasunin ito ng engkangto.
   Nabalisa ang hari at pinilit na kontrolin ang sitwasyon sa pamamagitan ng magkakasunod na mga kautusan na nag-uutos na maisaayos ang seguridad at kalusugan ng publiko.
   Ang mga kapulisan, ang militarya, at mga inspektor na magpapatupad sana ay nakainom din ng may lasong tubig ay mga lasing at mga baliw na. At naisip nilang ang mga kapasiyahan ng hari ay walang katuturan at ipinasiya nilang huwag itong sundin.
   Nang malaman ng lahat ng nasasakupan ng kaharian ang mga kautusan, natiyak nilang nababaliw ang hari kung kayat nagpapatupad ito ng mga walang saysay na mga kautusan. Nagkaisa silang nagmartsa patungong palasyo at matinding tinuligsà ang hari na magbitiw na sa trono.
   Sa matinding panlulumó, naghanda ang hari para bitiwan na ang trono at lisanin ang palasyo, ngunit pinigilan siya ng reyna, at nagpahayag na; “Halika, magpunta tayo sa balon ng tubig at uminom din, nang sa gayon ay maging katulad din tayo nila.”
   Ang hari, ang reyna at mga pamilya nito ay uminom din ng tubig na nakakalasing at nakakabaliw. At matapos ito, ay nagsimula silang magdiskursó, magtawanan, at magdaldalan ng walang katuturan sa maghapon. Walang ginawa ang kaharian kundi ang paunlakan ang mga kagustuhan ng mga mayayaman at mapagsamantalang mga negosyante, pinayagan ang mga walang saysay na mga libangan sa telebisyon, radyo, at mga palabas sa mga sinehan. Hinayaan din na iisang pamilya lamang ang maghari sa bawat pamayanan. Pinayagan din ang mga bilihan ng boto tuwing may halalan, anupat lahat ay tuluyang nalasing sa kaganapan at nabaliw sa kanilang kalagayan. Madaling kumalat ang balita sa buong kaharian, at ang mga tao ay nagsimulang manumbalik ang pagtitiwala sa hari; Ngayon, dahil ang hari ay nagpapamalas ng kawatasan, bakit hindi natin siyang payagan na magpatuloy na maghari sa ating bansa?

   At ito nga ang tuluyang naganap, ...sa isang kaharian na kung tawagin ay Pilipitnas

Depende sa Iyo

“Lolo, papaano ko ba malalaman kung mali o tama ang pasiya ko?” ang tanong ng nababalisang apo.
“Simpleng kasagutan lamang, aking apo,” ang tugon ni lolo, “Kapag nakaramdam ka ng lungkot, hapdi, at panghihina sa iyong puso, ito ay mali. Subalit kung nagagalak ka at may ligaya kang nadarama at lumalakas ang iyong pakiramdam, ito ay tama. Kung ano ang nagpapatibok sa iyong puso, doon ka mamalagi.”
   “Pero lolo, kung may nais akong tamang desisyon, papaano ko ito susundin?” ang pangungulit ng apo.
   “Lumapit ka dine sa tabi ko at may ikukuwento ako sa iyo.” Ang itinugon ng lolo.

Buhay ba ang Ibon?
Matatapos na sa pagsasanay ang binata, at kailangan na niyang magsulit sa maestro. Katulad ng magagaling na estudyante, kailangan niyang hamunin ang maestro para lalong humusay ang paraan niya sa pag-iisip. Nakaisip siya ng pakaná; nanghuli siya ng munting pipit at kinulong niya ito sa kanang kamao at nagtungo siya sa kanyang maestro.
   “Maestro, ang ibong pipit ba na nasa loob ng aking kamao ay buhay pa o patay na?”
Ang plano ng binata ay ganito; kapag ang sagot ng maestro ay “Patay na! bubuksan niya ang kanyang kamao upang lumipad at makatakas ang ibon. Subalit kung ang magiging sagot ng maestro ay Buhay pa! Sisimulan niyang higpitan ang pagkimis ng kanyang kamao para ligisin at tuluyang patayin ang ibon; sa mga paraang ito, ang maestro ay magkakamaling sumagot ng tama alinman ang piliin niyang kasagutan.
   Dahil siya ay isang maestro, ito ang kanyang naging kasagutan:

   “Aking mahal na estudyante, ang tamang sagot ay depende sa iyo,” ang mahinahon na tugon ng maestro.
-----------------------------
Ganito ding kahatulan ang iginagawad ng tadhana tungkol sa ating buhay, depende sa iyo. Nasa iyo ang tanging kapangyarihan upang magpasiya kung nais mo ng Kaligayahan o Kapighatian. Sa mga sandaling ito, nasa iyong mga palad ang iyong kinabukasan, sapagkat ginagawa mo na ngayon sa araw na ito ang iyong kapalaran.

Napaglimi Ko Ito

Sa aking pag-iisa at binubulay-bulay ko ang mga sitwasyong nalalagay ako sa alanganin, kinakapa ko sa aking mga karanasan kung bakit naganap ito at kung papaano ko ito nagawang maiwasan. Madalas, narito ang mga kawikaan na nagsilbing gabay upang hindi ako mapahamak.
1- Kilalanin na ang mga tao ay siyang nasa dulo ng anumang pagsisikap, at hindi ginagamit bilang mga kadahilanan para makamtan ang mga naisin mo.

2-Siya na malupit sa mga hayop ay nagiging lapastangan at suwail sa kanyang pakikipag-ugnayan sa iba. Madaling kilalanin ang puso ng tao sa kanyang ginagawang pagtrato sa mga hayop. Lalong higit pa doon sa mga tao na mababa ang kalagayan sa buhay kaysa kanya.

3-Sa batas, ang isang tao ay maysala kapag nilabag niya ang karapatan ng iba. Sa moralidad o etika, siya ay nagkasala kung iniisip niyang gagawin niya ito. Manindigan nang naaayon sa iyong prinsipyo ng aksiyon upang maingat ito na magawang batas para sa buong sangkatauhan.

4-Bawat bagay na nakapag-iirita sa atin tungkol sa iba ay dinadala tayo na maunawaan natin ang ating mga sarili. Anumang nakikita natin sa iba ay siyang repleksiyong nagaganap mula sa ating mga isipan.

5-Ang kawalan ng pasasalamat ay siyang panuntunan ng mga lapastangan, mga suwail at mga taksil. Sapagkat walang puwang ang pasasalamat sa kanilang mga puso; dahil punong-puno ito na mga kabuktután upang patuloy na makapaminsalà sa iba.

6-Ang agham ay orginasadong kaalaman. Ang kawatasan ay organisadong buhay. Subalit ang pagkukumbaba  ang maganda at mabuting pakikitungo sa kapwa.

7-Hanggat hindi mo nalalagpasan ang ngitngit ng impiyerno sa iyong simbuyó, kailanman ay hindi ka magwawagi. Nasa nag-uumalab na pagnanasà lamang tahasang nakakamit ang mga lunggati sa buhay.

8-Ang metapisika ay isang madilim na karagatan na walang mga dalampasigan o parola, na kinalatan ng samutsaring mapangwasak na mga pilosopiya. Manindigan lamang doon sa mga prinsipiyo na may pagkakaisa, nakakatulong, at nakapag-papaunlad ng sambayanan.

9- Upang ganap na maging ikaw, kailangan ang patuloy na pagkilos. Bagamat ang pagkilos ay tanda ng walang katahimikan ng isipan, ang perpetwal na kapayapaan ay para doon lamang sa mga nakahimlay sa sementeryo.

10-Ang moralidad ay hindi sadyang doktrina kung papaano magagawa natin na maging masaya, kundi kung papaano magagawa nating magpahalaga at lubusang maging maligaya.

11-Kung minsan, iniiwasan ko ang masyadong kaalaman, para magkaroon ako ng puwang na maniwala. Sapagkat walang imposibleng bagay sa tao na may paniniwala.

12-Hindi kagustuhan ng Diyos na basta na lamang tayo maging masaya, kundi ang gawin nating maging masaya sa tuwina. Nilikha tayo na kawangis Niya, nararapat lamang na tayo ay maging mabuti, mapagmahal. at uliran; mga katangiang kusang umiiral sa ating mga puso kung tayo ay nananatiling masaya. 

Magdibersiyon Tayo

Minsan ay dumalaw ang isang binata sa monasteryo ng mga monghe. Nais kong maging isang monghe, kaya lamang, wala akong natutuhan sa takbo ng buhay. Kasi, sa buong buhay ko, pawang paglalaro ng chess ang itinuro ng aking ama sa akin. Hindi man lamang ako nakabanaag ng kamulatan sa buhay. At sa lahat ng ito, napag-alaman ko na lahat ng laro at mga paligsahan ay makasalanan. Dahil marami ang natatalo kaysa nananalo.”
   Umiiling na nagpahayag ang isang monghe, “Masasabing makasalanan ang mga laro ngunit nagsisilbi silang mga dibersiyon, at sino ang nakakaalam, maging ang monasteryong ito ay kailangan ang munting dibersiyon.”
   Dumating ang punong-monghe at nagpakuha  ng chess board, nag-utos siya sa isang monghe na makipaglaro sa binata. Subalit bago umpisan ang laro, nagbigay siya ng panuntunan:
   “Bagamat kailangan nating magdibersiyon, hindi natin pinapayagan ang bawat isa na maglaro ng chess hanggat gusto niya. Kaya nga, ang kailangan lamang natin ay mahuhusay na manlalaro sa paligsahang ito.” Bumaling ang punong-monghe sa binata, “Ito ang kasunduan binata, kapag tinalo mo ang katunggali mong monghe, ay lilisanin niya ang monasteryo at ikaw ang papalit sa kanyang iiwanang posisyon dito.”
   Seryoso ang punong-monghe. Naramdaman ng binata na siya ay makikipaglaro sa buhay ng monghe, at nagsimulang pawisan siya ng malamig, at ang chess board ay naging sentro ng kanilang mundo.
   Nagsimula ang monghe ng mga maling pagsulong. Mabilis na umatake ng pagsulong ang binata, ngunit nang masulyapan niya ang banal na anyo sa mukha ng katunggaling monghe; sa isang iglap, sinimulan niyang imali ang kanyang mga pagsulong. Ang intensiyon niya ay magwagi ang monghe. Higit na mabuti pa sa kanya ang matalo, kaysa matanggal sa posisyon ang monghe na nakakatulong sa sambayanan.
   Nasa tagpong ito nang biglang ibuwal ng punong-monghe ang mga piyon at itaob ang chess board.

   “Ibayo ang iyong natutunan kaysa naituro sa iyo!” ang pahayag nito, “Buong gilas mong naipakita kung papaano ang pokus ng atensiyon at disiplina mo  sa iyong sarili na manalo,  may kapasidad kang makipagtagisan ng talino kung nanaisin mo lamang.’ ‘At bukod-tangi pa dito, mayroon kang malasakit, at may kakayahan kang magsakripisyo alang-alang sa ulirang adhikain. Maligayang bati para sa iyo! Sapagkat ang sekreto ng buhay ay ang malaman kung papaano maibabalanse ang disiplina nang may pagmamalasakit.”

Pinakuluang Palaka

Ipinapakita ng mga pag-aaral sa mga laboratoryo na ang palakà kapag inilagay sa isang batyà na may tubig  mula sa sapà, siya ay mananatiling buhay habang pinakukuluan ang tubig sa batyà. Habang unti-unting umiinit ang tubig, walang anumang reaksiyon ito sa palakà at ito ay mamamatay lamang kapag nagsimula nang kumulò ang tubig.
   Sa kabilang tagpo, kung ang buhay na palaka ay ihahagis sa katulad na batyà at may kumukulong tubig, sa isang iglap, mabilis itong tatalon para makaligtas. Mapapasò siya ng kumukulong tubig ngunit buhay siyang lumuluksó palayo sa batyà.
Nakasulat ito: Sa ating pagtunghay sa buhay, maitutulad tayo sa pinapakuluáng palakà. Hindi natin napapansin ang mga pagbabago sa kapaligiran at maging ang ating mga sarili. Kadalasan, iniisip natin na anumang bagay ay mabuti, o anumang masamà ay lilipas din, at panahon lamang ang makapagsasabi sa bandang huli kung kaligayahan o kapighatian ang ating tinutungò.
   May ilan sa atin, bagamat nasa huling yugto na ng kanilang mga buhay ay patuloy na inaapuyán ng mga  suliranin at mga maling paniniwala. Hindi pa nila magawang magbago, higit pa nilang mamatamising mamatay nang nakapalupót sa kanilang mga leeg ang mga baluktót nilang katwirán.
   Ang iba naman, kahit patuloy sa pagtabà ay hindi maawat-awat sa katakawan. Hanggang sa maging sakitin at ito ang maging dahilan ng kanilang kamatayan. Mayroon ding malakas magsigarilyo at uminom ng alak, na nagsimula sa isa, naging dalawa, at hanggang sa dumami na bilang bisyò at kahumalingan na ito, at sa kalaunan ay siyang pumapatay sa kanila.
   Doon sa mga tao (mga pinakuluáng palakà), ay may paniniwala na ang susi ay manatili sa tungkulin, maghintay, at patuloy na umasà. Higit na mabuti para sa kanila ang sumunod at huwag makialam kaysa masangkot at maparusahan. Hindi kataka-taka na gawin silang mga palabigasán at gatasán sa kanilang pagbabád sa tubig nang walang pakiramdam.

   Subalit doon sa lumulundag at sinasagpáng ang bawat oportunidad, umiiral sa kanila ang kalidad at kakayahan, pagsisikhay, at pagtupad sa kanilang mga pangarap.