Pabatid Tanaw

Thursday, July 31, 2014

Ulirang Pilipino

Kapag ginagawa mo ang mga bagay na kailangan mong gawin kapag ninanasa mong magawa ang mga ito, ang maghapon ay sumasaiyo kapag nagagawa mo ang mga bagay na hinahangad mong magawa kapag nais mong magawa ang mga ito.
   Kung ang iyong buhay ay nagbabago – o dili kaya ay ninanais mong mangyayari ito, at mayroon kang IsangIsip, IsangSalita, at IsangGawa … ikaw ay isang tunay na Pilipino.

Ang tunay na Pilipino
… ay laging gumagawa ng kakaibang bagay mula sa pangkaraniwan. Sadyang palangiti at puno ng pag-asa sa buhay. Humuhuni ng himig at sumasayaw sa kalsada patungo sa kanyang gawain sa maghapon. Kapag nasulyapan ang isang estranghero ay tumititig sa mga mata nito at bumibigkas ng pag-ibig sa unang pagkikita. Paminsan-minsan, ang tunay na Pilipino ay nagmumungkahi ng isang ideya na walang kaugnayan at hindi pa nasusubukan, subalit matibay niyang pinapaniwalaan. May matibay na pananalig at matatag na paninindigan na siya ay makakagawa ng malaking kaibahan sa kanyang kapaligiran at pamayanan.

Ang tunay na Pilipino
… ay hindi natatakot sa liwanag at hindi nagkukubli sa kadiliman. Hindi rin niya ikinahihiya ang matagal nang mga hinaing, at maging mamangha sa mga bagong pagtuklas at imbensiyon. Kapag nadama niya na ang panahon ay tama, iniiwanan niya ang lahat at tinatahak ang landas ng kanyang pangarap na marubdob niyang ninanasa. Batid niya ang kanyang mga katangian at kakayahan, at maging mga kakulangan at kahinaan. Kung nahaharap sa mga panganib at balakid ay nakahandang umiwas at makipagtagisan kung kinakailangan.

Ang tunay na Pilipino
… ay hindi ikinahihiya ang kanyang pinagmulan, ang lahi ng kanyang angkan, ang kulay ng kanyang balat, ay hindi lumilimot sa mga tradisyon, mga kultura, at mga paniniwala ng kanyang bayan. Ipinagmamalaki niya ang kanyang bansa at nagpupugay sa kanyang mga bayani. Mataimtim ang pananalig at lubusang tagatangkilik at tagapagtaguyod ng lahat na mga bagay tungkol sa pagiging Pilipino. Nakakintal sa kanyang puso ang bayanihan, may sariling kusa at huwarang tagapaglingkod ng sambayanan.

Ang tunay na Pilipino
… ay may isang salita, hindi mapaghinala kundi mapagtiwala, walang personalan at maging ang maling akala, bukas ang palad at madaling kausap. Hindi balimbing at kaladkarin. Matibay ang mga prinsipyo at kahit nag-iisa ay ipinaglalaban ang mga ito.


Sa Isip, sa Salita, at sa Gawa ay IsangPilipino.

Ang Mandirigma

Ang daigdig ay batbat ng mga alitan, mga awayan, mga labanan, mga tagisan, at mga paligsahan. Hindi maiiwasan ang samutsaring mga tunggalian na humahantong sa digmaan sa pagitan ng mga tao. Araw-araw ay maituturing na isang pakikibaka ang humalo sa lipunan ng mga tao. Kailangang gising at laging handa sa mga ulos at daluyong na ipupukol sa iyo. Mistula kang isang mandirigma na handang ipagtanggol ang iyong sarili. Katulad sa larangan ng digmaan, kung hindi ka isang mandirigma patuloy kang biktima ng mga kaganapan.
   Isa kang mandirigma kung nababatid mo ang takbo ng mundo. Marunong kang umindak at sumayaw sa lahat ng uri ng tunog at tugtog. Mababa ang loob at laging mapagparaya ngunit hindi naninikluhod at palasunod sa lahat. Hindi kailanman iniyuyuko ang ulo kahit kaninuman, at hindi din pinapayagan ang iba na yumukod sa kanya. Samantalang ang palasunod, sa kabilang dako, ay nakaluhod kaninuman na pinapaniwalaan niyang higit na makapangyarihan, at nagpapataw sa lahat ng tao na kanyang pinamamahalaan na magsiluhod din sa kanya.
   Ang mandirigma lamang ang nakakayang makapagtiis sa landas ng kawatasan. Mga kaalaman at inpormasyon na kapupulutan ng makabuluhan at nakakapag-paunlad ng pamayanan. Ito ang nakapagbibigay sa kanya ng mga inspirasyon at kagitingan na makagawa ng malaking kaibahan sa kanyang mga kababayan. Kailanman ay hindi siya nag-aatubili, sumusuko, at sinisisi o pinanghihinayangan ang mga sandali, at matatag na hinaharap ang bawa’t paghamon maging ito ay makabuluhan o walang katuturan. Ang mga paghamon o mga balakid na inihahadlang sa kanya ay simpleng mga paghamon lamang. Bagama’t hindi siya perpekto, ang bawa’t pagkilos niya ay maituturing na dakila at hindi pangkaraniwan, sapagkat ibinubuhos niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, nang buong puso at kaluluwa para sa kapayapaan at kaunlaran ng lahat.


   Ang mandirigma ay isang tunay na Pilipino. 

AKO ay Mandirigma

Ang pinakamahirap magawa sa mundong ito ay ang maangkin ang saloobin at paninindigan ng isang mandirigma. Walang saysay o kapupulutan ng aral ang palaging malungkutin, mareklamo o paladaing sa buhay, may damdamin na laging inaapi at kaawa-awa, at nadaragdagan pa ito ng mapaghinalang kaisipan na pawang negatibo. Huwag nang kumibo, magtiis na lamang at mawalan ng pag-asa sa buhay. Hindi ito mga katangian ng isang mandirigma.
   Malaki ang naitutulong ng ating mga pag-uugali kung papaano tayo pinalaki. Kung ano ang nagpapasiya sa bawa’t nating pagkilos, ay nakabatay kung papaano natin isinasaayos ang ating mga naisin at mga tamang kapasiyahan upang matupad ang ating mga pangarap. Ang tao ay siyang ubod at kabubuan ng lahat niyang mga naisin, ito ang nagtatakda ng kanyang pamumuhay, kapalaran, at kawakasan. At upang matahak ang tamang landas tungo sa magandang bukas, ginagampanan niya ang katauhan ng isang mandirigma.

   Bilang mandirigma:
… alam niya kung sino siya;
… laging gising at nakahanda sa anumang saglit;
… may nakalaang nakakatiyak na mga lunggati at mga prioridad;
… nakatuon sa kanyang mga kakayahan at nilulunasan
        ang mga balakid na humahadlang sa kanya;
… binabago ang “masasamang ugali” at pinapalitan ito ng mga ugali
        na walang mga pagkakautang at mariwasa sa buhay;
… kinikilala at binabago ang maling mga paniniwala at limitadong mga kaisipan;
… hinahalina ang mga positibong oportunidad at kaagad sinusunggaban ang mga ito;
… tinutuklas ang mga sikretong nakatago sa likod ng mga pagkakataon at mga kaganapan;
… pinag-aaralan ang mga pangunahing sangkap upang umusad nang pasulong;
… ginagamit ang mabisang patnubay ng kanyang intuwisyon;
… hinaharap ang pinakamalaking pagkatakot ng lahat; ang pagkatakot
       na hindi malabanan kung anuman ang mangyari;
… nalalaman kung papaano mabisang pamahalaan ang kanyang mga kabuhayan;
… matatag magplano ng kanyang badyet at mga prioridad;
… mahusay mag-estima at magbalanse ng kanyang kinikita at mga gastusin;
… nakalaang maglingkod at laging bukas ang palad sa mga kinakapos sa buhay;

… at tahasang tunay na Pilipino, sa Isip, sa Salita, at Gawa.

Totoo nga Ba?

Madali lamang ang dumausdos sa buhay; paniwalaan ang bawa’t bagay o paghinalaan ang bawa’t bagay. Sa magkatulad na paraan makakaraos tayo na mag-isip pa.

Ang mga dakilang isipan ay tinatalakay ang mga ideya.
  Ang mga karaniwang isipan ay tinatalakay ang mga balita.
    Ang maliliit na isipan ay tsismis at siyete ang libangan.
      Subalit yaong mga yagit ang isipan, Eat Bulaga ang kinahumalingan.

Hindi ko dinaramdam kung ikaw man ay nagsinungaling sa akin, ang bumabalisa sa akin ay magmula ngayon kailanman ay hindi na kita papaniwalaan pa.

Siya na palaging pumupuri sa iyo nang higit pa sa iyong inaasahan ay maaaring dinadaya ka o nagbabalak na dayain ka.
Tagubilin nga ni Ingkong Kiko Baltazar; “Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasahan, ito ay kaaway na lihim.”

Anumang bagay na kulang kaysa tahasang pagtupad sa mahalaga ay hilaw na pagtupad sa hindi mahalaga. Ang mabilisang paggawa sa mga bagay ay hindi maipapalit sa paggawa ng mga tamang bagay.

Tandaan ito: Kung walang hardinero, ay walang hardin  Kung walang itinanim, walang aanihin. Kailanman ay hindi mo matututuhan ang mga bagay na hindi mo pinag-aralan. At hindi ka ipapahamak ng mga salitang hindi mo binigkas.

Supilin ang Kaisipan

 Kung ano ang palagi mong iniisip, ito ang magiging ikaw. Anumang pasiya ang igagawad para dito ay iyong sentimyento o pakiramdam, isang talento o katangian, isang bagay na palaging gumigising sa iyo upang ikaw ay kumilos at magsikhay. Ang manatiling gising at laging nakahanda sa anumang balakid o paghamon na darating. Bilang mandirigma, kailangan mayroon ka nito, upang patuloy mong magampanan nang mahusay ang pakikibaka sa maghapon. Napakahalaga na ipaglaban mo na mapasaiyo ito sa iyong buong buhay.

   Ang tao ay siya ito, kung anuman ang iniisip nito sa maghapon.

   Ang ating kapalaran o tadhana ay kung papaano ang ating mga kaisipan ginagawa ang mga ito.

   Nagiging tayo at ating pagkatao ang anumang ating pinaglilimi.

   Ang isipan ay siyang lahat ng bagay; anumang iyong iniisip, ito ang magiging ikaw.

   Anumang iniisip ng tao mula sa kanyang puso, ito siya.

   Tatlong bagay lamang para humulagpos at hindi masupil ang kaisipan: kapag wagas na umiibig, talagang langong -lasing na, at hindi mapigilang pagkasuklam.

      Ang buhay na ating nalalaman ay tunay na higit pa sa mga serye ng kaisipan. Ang lahat ng bagay na iyong nalalaman na karanasan sa pisikal na mundo ay tunay na nagaganap muna sa iyong isipan. Lahat ng bagay na ating nararanasan ay produkto ng ating utak. Lahat ay iniisip muna natin bago tayo magpasiyang kumilos..., upang ito ay mangyari.
Alalahanin ang mga ito:
… kung ang iyong buhay ay mga serye ng mga kaisipan (at siya namang totoo), at
… kung nagiging ikaw ng anumang iyong iniisip (at umaayon ka dito), at
… may kapangyarihan ka ng pagpili at kapangyarihan na piliin ang tama (at nagagawa mo ito),

Kung gayon, higit na napakahalaga sa iyong buhay na kontrolin mo ang iyong isipan at pasunurin ito nang naayon sa iyong makabuluhang mga naisin, magagawa mong likhain ang buhay na iyong ninanasa sa pamamagitan ng kung ano ang higit na tama at makabuluhang isipin para sa iyong kapakanan.

Bukal sa Loob

Walang makakapigil sa iyo kundi ikaw lamang. Laluna’t ito ay bukal sa iyong kalooban. Harangan ka man ng sibat, hanggang sa kumulog at kumidlat, habang taimtim ang iyong pananalig at matibay ang iyong paninindigan, walang makakahadlang sa iyo kahit sinuman!
   Panatilihing nakabukas ang isipan sa mga pagbabago, harapin ang iyong mga kinakatakutan, at iwaksi ang mga pagsupil o pagkontrol na asal. Ituon ang pansin sa tagumpay ng iba at purihin sila, patuloy na magsaliksik at pag-aralan ang mga makabuluhang bagay, magsikhay, at magpunyagi. Hangga’t may tiyaga, may makakamit na nilaga. Kung hindi ka kikilos para sa iyong kapakanan, walang magtitiyagang kumilos para sa iyo. Sila man ay abala din sa kani-kanilang mga kapalaran.
   Ang kapalaran ay hindi isang pagkakataon o kusang nagaganap; lahat ng iyong ninanasa ay nangyayari lamang kapag pinag-ukulan mo ito ng tahasang pagkilos, pinagtitiyagaan at pinagtitiisan hanggang sa makamtan. Ito ay pinipili at pinagpapasiyahan. Hindi ito isang bagay na kailangang hintayin, asahan at siyang magaganap; isa itong bagay na kailangang mapagtagumpayan.
   Kalabisan na ang banggitin pa na, “Eto ang palad ko.” At maging “Wala akong magagawa, mahirap ang aming angkan, mahirap ang aking mga magulang, kaya natural lamang na mahirap din ako.” “Ipinanganak na ako na “Isang kahig, isang tuka.” Kalokohan lamang ang mangarap pa at umasa.” Kapag ganito ang uri ng mga isipan ang nakapangyayari sa tao, ito nga ang kanilang magiging kapalaran.

   Kumilos ka man at hindi, patuloy ang pag-ikot ng gulong ng palad. Hindi ka hihintayin ng panahon. Anumang piliin mo sa dalawang ito, kumilos at maghintay, ito ang iyong magiging kapalaran.

Mga Kasunduan

Ang iyong buhay ay gumugulong sa antas kung papaano mo ipinaiiral ang iyong mga kasunduan. Maging makatotohanan at may isang salita. Tinutupad ang mga pangako. Walang personalan sa mga relasyon. Hindi kailanman nagsasagawa ng mga hinala at mga pag-aakala. Kapag may gawain, ibinibigay ang lahat ng makakaya nang higit pa sa inaasahan ng iba. Maituturing na isang paghamon at mahusay na paggawa ang bawa’t nakaatang na gawain.

Saliksikin ang Sarili

Maglaan ng panahon para makapagsarili sa isang silid at seryosong maglimi. Alamin ang takbo ng sariling buhay kung pasulong, paliko o paatras. Kung ito ay walang pag-unlad, basta makaraos, at kung hindi kikilos ay walang mapapala.
   Pag-aralan kung papaano mapapatahimik ang sarili at magawang masupil ang kritikong tinig na laging bumubulong sa iyo. Bigyan ng sapat na atensiyon ang sarili. Sisirin ang kaibuturan ng puso, magsaliksik at alamin ang nagpapahirap ng kalooban. Kahit na sa madaling panahon ng paglilimi ay nakapagbibigay ng oportunidad na matuklasan ang nilalaman ng iyong puso sa direksiyon na nagtatakda sa iyong kapalaran at maging ng iyong buhay.

   Huwag kumilos, manatiling tahimik, tamasahin ang bawa’t saglit na pag-iisa. Manalangin, magpasalamat, at mag-meditasyon. Maggunam-gunam. Palakasin ang imahinasyon. Simplehan ang mga kahilingan. Kunin ang tamang balanse, ang kapayapaan at ang kaluwalhatian. Manatiling nakakonekta sa Dakilang Maykapal. Sundin ang itinitibok ng puso sa mga misteryo ng kaisipan.

Pagpapasalamat

Kapag lagi mong iginagawad ang pagpapasalamat, binabago mo ang bawa’t relasyon ng iyong buhay. Ang lahat ng iyong pagpapagod ay ginagantimpalaan ng higit pang positibong mga oportunidad at masaganang pamumuhay. Kung ang dasal na alam mo ay magpasalamat, ito ay sapat na. Walang tuwirang direksiyon patungo sa kaligayahan, kundi ang pagpapasalamat upang makarating dito.

Kaligayahan ang Maglingkod

Ang sikreto ng kaligayahan ay nasa paglilingkod. Ang iyong serbisyo sa iba ang magpapabago ng iyong atensiyon mula sa “Ano ba ang mapapala ko diyan?” kapalit ng “Ano ba ang maitutulong ko?” Magbigay nang higit pa upang may matanggap nang higit pa kaysa inaasahan.

   May nagwika, “Kapag laging nakatikom ang iyong mga palad at nakabulsa pa, walang babagsak na mga pagpapala para sa iyo. Yaon lamang na mga bukas ang mga palad ang nagkakamit ng mga biyaya ng tadhana." Ang mga mararamot lamang ang laging nagkakamot na kahit mumunting mga patak ay laging inaamot. Kung may kayamanan man sila na nakuha, ang mga ito ay nakabaon at nakatago, dahil sa pagkatakot na mawala pa. Gayong ang lahat ng mga bagay na ating hawak at maging ang ating mga sariling buhay ay pinahiram lamang sa atin. Mga panandalian lamang ang mga ito at may hangganan. Sa ating paglisan sa mundong ito, kahit isang totpik ay wala tayong madadala.
   Ang problema lamang dito, karamihan sa atin ay sadyang nakakalimot at laging abala sa lahat ng oras at nagagawang ipagdamot ang hiram na mga bagay.

Magmahal at Magpatawad

Sa pagmamahal, nagsisimula ka na maunawaan ang pangangailangan ng kahit sino at pinahahalagahan sila katulad ng pagpapahalaga mo sa iyong sarili. Sa pagpapatawad, nagsisimula kang iwaksi ang pagkagalit, panggagalaiti, at mga pagkatakot. Kapag ipinapadama ang pagmamahal masusuklian ito ng kapwa pagmamahal. Anuman ang iyong itinatanim ay siya mo ring aanihin. Hangga’t patuloy ang iyong pagpapatawad ang kapayapaan ay laging mapapasaiyo.

Takasan ang Bitag ng Paninisi

Ang paninisi ay isang pinakamataas at nakakahawang proseso, patuloy na nilulubid hanggang maging isang matibay na kable. Sa kasalukuyan, tayo ay namumuhay sa isang kultura na batbat ng paninisi, na kung saan ang ating mga hintuturo ay nakatutok kahit kanino maliban sa ating mga sarili, tumatakas sa responsibilidad, humahanap ng damay, lumilikha ng mga isyu, pumupuna, namimintas at nagpupumilit na maimpluwensiyahan kung ano ang ating iniisip, nadarama, at gagawin.
   Kapag may bagay na namali, ang unang magaganap sa karamihan natin kadalasan ay Sino ang dapat sisihin sa nangyari?” Ang paninisi ay nagsimula pa noon at may mahigit nang dalawang libong taon ang nakaraan. Sinisisi ni Adan si Eba kung bakit pareho silang pinalayas sa paraiso. At sinisisi naman ni Eba ang ahas na tumukso sa kanya. 
   Ang mga bitag o patibong na sadyang nagtatali at gumagapos sa atin ay yaong mga bagay na umiiral sa ating mga isipan. Bago tayo manisi, kinakailangan maunawaan muna natin kung magagawa natin na huwag magdahilan. Sa paghahanap ng tamang kasagutan sa pagitan ng pinagmulan, epekto o resulta, at paninisi, matutuklasan natin ang tamang kasagutan para matanggap ang mabisang kahatulan nang may kababaang loob, kung kinikilala ang posibilidad na tayo ay magkakamali. At ang pagkakamali ay inaamin para baguhin at maitama. Hindi ito tinatakasan at isinisisi sa iba.

   Kaysa inaakala na ang problema ay nakaatang sa iba, o maging wala tayong kabatiran na bahagi pala tayo sa pagkakamaling ito, kailangang patuloy tayo sa paghahanap kung ano ang tunay na pinagmulan ng mga problema at pagsumikapang malunasan ang mga ito, nang maiwasan natin na humatol at manisi sa iba.

Tamang Aksiyon

Sa isang libong milya na iyong tatahakin, ang unang hakbang ang pinakamahalaga. Makakakuha ka ng higit na satispaksiyon sa pag-aanalisa, pagplano, at paglilimi, subalit ang pagbabago ay nagsisimula lamang kapag ikaw ay humakbang. At tamang aksiyon ang kailangan.  Kahit na maliit na hakbang ay mahalaga, sapagkat ang mumunting mga pagbabago, kapag patuloy at masikhay, nagbubunga ang mga dakilang ideya ng mga makabuluhang resulta na kapaki-pakinabang. Magsimula nang kumilos ngayon . . . Walang anumang pag-aalinlangan, gawin na ito ngayon!


   Ang tumingin ay isang bagay. Ang titigan ang iyong tinignan ay isa pa. Ang maunawaan kung ano ang iyong tinititigan ay siyang pangatlo. Ang may matutuhan mula sa iyong naunawaan ay nananatiling ibang bagay pa. Subalit ang aksiyunan kung anuman ang iyong naintindihan ay siyang pinakamahalaga at tunay na makabuluhan.

Huwag Maghintay Lamang

   Magsagawa ng malaking aksiyon. Mayroong isang pinong balanse sa pagitan ng paggawa ng mga bagay na mangyayari at hayaan ang mga bagay na kusang mangyayari. Ang buhay ay palaging balanse sa pagitan ng sadyang pagkilos at hayaan kung anuman ang magaganap. Naisin mo man o hindi, kumilos ka man o hindi, ang iyong buhay ay magpapatuloy. Hindi hihintaying ng mundo sa pag-inog nito. Subalit ito ang tiyak, kung hindi ka kikilos, ikaw ang kikilosin. Walang makakapalit sa mabuting paggawa at pagpapatulo ng pawis para likhain ang karanasan ng buhay na iyong ninanasa. May kawikaan tayo, “ Tinutulungan lamang ng kalangitan yaong tinutulungan nila ang kanilang mga sarili.” Sa bawa’t araw, magsagawa ng bagay na makapagpapaunlad sa iyo at magpapasulong sa misyon mo dito sa mundo.

Sino Ka nga Ba?

May bumigkas, “Ipakilala mo sa aking kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo kung sino ka?
   Kung nais mong malaman kung ano ang magiging buhay mo sa darating na 5 taon mula ngayon, piliting limiin at kilalanin ang 10 tao na pinagbubuhusan mo ng iyong buong panahon. Subukan ding maala-ala ang ginugol mong panahon noon para sa kanila, kung sila man ay kasama mo pa rin hanggang ngayon. Ito ang tamang itanong mo sa iyong sarili: “Sila ba ay naging makabuluhan at nakakatulong sa iyo o walang katuturan at nakakasama pa?”
   Kung sila man ay mga pasakit at pawang kapighatian ang inihahatid sa iyo, simulang iwasan sila, bilisan ang pagtakbo at layuan sila! Sapagkat kapag hindi mo ito ginawa, patuloy na magiging mapanglaw at miserableng buhay ang iyong kakasamahin, dahil katulad sila ng sakit na ketong, na madali kang mahahawa. Subalit doon sa mga taong nagbibigay sa iyo ng mga pakpak, nagpapaunlad sa iyong kalagayan, at laging nakahandang tumulong sa iyo anumang oras, makisama ka nang lubusan sa kanila, at kailanman ay hindi ka mapapariwara.

   Sa uri at antas ng iyong pakikipag-relasyon kaninuman, mapabuti o mapasama man, ay siyang magtatakda kung anong personalidad o pagkatao ang magiging ikaw at ang klase o kalagayan ng buhay na iyong susuungin. Gawin ang higit na makakabuti para sa iyo, palibutan mo ang iyong sarili ng mga tao na nagpapahalaga, nag-uukol ng pagmamahal at pagmamalasakit sa iyo, … at kailanman ay hindi ka maliligaw ng landas.

Kawikaan ng Linggo

May angking kang talino kapag pinaniniwalaan mo ang kalahati ng anumang iyong naririnig. At sadyang pambihira ang iyong katalinuhan kapag nalalaman mo kung aling kalahati ang paniniwalaan.

Hindi ito tahanan, kung laging putak at hindi tilaok ang namamagitan, kundi bahay ng kapighatian.

Hindi ang kabiguan, kundi ang mababang puntirya ang siyang krimen.

Ang simbuyo ng damdamin o pasiyon ang siyang pinakamahalagang kayamanan sa daigdig. Tinatalo nito ang salapi, kapangyarihan at impluwensiya.

Kung mayroon kang kaalaman, hayaan ang iba na magsindi ng kanilang mga kandila mula dito.

Ang pagpupumilit na magtagumpay nang walang paghihirap at pagtitiis ay katulad ng pagpupumilit na umani nang wala namang itinanim.

Ang magbago at magbago para mapabuti ay dalawang magkahiwalay na mga bagay.

Ubod ng Kaganapan

Ito ang sikreto at siyang katotohanan na kailangang paniwalaan at tanggapin ang pangungusap na ito, sapagkat ito ang panimulang hakbang upang tahasang mapaunlad ang lahat ng mga bagay na umiinog sa iyong buhay: 
   Ang kasalukuyan mong buhay ay resulta ng mga pagpili na ginawa mo sa nakaraan. Katulad din nito ang siyang makapangyayari sa iyong hinaharap.

   Ikaw ang lahat na kabubuan ng iyong mga pagpili. Ikaw ay nasa kalagayan mo ngayong araw na ito sapagkat pinili mo na ilagay ang iyong sarili sa posisyong ito. Maaaring hindi mo nais kung saan ka man naroroon ngayon. Subalit kung pakakalimiin mo lamang ang tungkol dito, hindi maitatanggi ang katotohanan na ikaw mismo ang naglagay ng iyong sarili sa kalagayang ito. Dahil walang bagay na makapangyayari sa iyong buhay nang wala kang anumang pahintulot. Kung hindi mo nais na mapunta sa kalagayang ito, kahit papaano ay ipaglalaban mo nang walang humpay at ibayong pakikibaka upang hindi ito maganap.

Unawain ang mga ito:
    “Ano ba ang hinanakit mo? At bakit ayon sa iyo, hindi mo kagustuhan na tinanggal ka sa iyong trabaho? Sino ba ang nagprisinta upang makuha ang trabahong iyon, hindi ba ikaw? Kung hindi ka nagtatrabaho doon, hindi ka matatanggal!”

   “Ano ang ikinagagalit mo? Hindi ka dapat na maloko ng iba, dahil ayaw mong magpaloko? Kung gayon, bakit ka nakipagkasundo at nagbayad kaagad nang hindi mo inalam muna ang lahat? Sino ba ang nakipagkasundo, hindi ba ikaw? Kung wala kang permiso, kailanman ay hindi mangyayari na lokohin ka nang sinuman!”

   “Bakit ka nagsisisi, dahil ba nasaktan ka at aksidente ang nangyari? Hindi ba ikaw ang sumakay sa pinili mong sasakyan? Walang sinuman ang pumilit sa iyo na sumakay. Ikaw ang may responsibilidad sa iyong sarili. Ikaw ang may gustong sumakay sa traysikel kahit na wala sa tamang gulang and drayber. At nang mabundol kayo ng kotse, sinisisi mo ang drayber na kaskasero, gayong ikaw ang pumili at sumakay kaya ka napahamak.

   Ang mga kasagutan ay laging magkatulad. Ikaw ang may nais. Pinili mo na masangkot upang ang pangyayari ay maganap. Kailanman ay hindi ka masasangkot sa anumang kapahamakan kung hindi mo kagustuhan at wala kang pahintulot.

Huwag Kalimutan

Pakatandaan ito:
Nakukuha mo ang anumang iyong nakukuha sapagkat ginagawa mo ang anumang iyong ginagawa. At kung hindi mo nais ang anumang iyong nakukuha simulang baguhin kung anuman ang iyong ginagawa.
  
Maglaan ng anumang bagay na may halaga kahit kanino,
   … at ikaw ay may trabaho.
Maglaan ng anumang bagay na may halaga sa mga tao, nang paulit-ulit at walang hinto,
   … at ikaw ay may propesyon.
Maglaan ng anumang bagay na may dakilang halaga sa malaking bilang ng mga tao,
   … at ikaw ay may kayamanan.
Maglaan ng anumang bagay na may makabuluhang inspirasyon sa lahat ng mga tao,
 ... at ikaw ay may maiiwang pamana na walang hanggan.

Isang maikli at magandang tanawin:
kung saan tayo nanggaling; at kahit pausal man lamang ay magpasalamat tayo sa ating buhay at sa ating Maykapal.

Tamasahin ang mumunting mga bagay, dahil isang araw na sakalimang maala-ala natin; ang mga ito pala ay mga malalaking bagay.


Ang pinakamalaking balakid na humahadlang sa pagitan ng Tagumpay at Kabiguan, pati ng Panalo at Talunan ay maipapahayag lamang sa limang kataga: “ Wala akong sapat na panahon!”

Patnubay sa Maghapon

10 Mga Huwag na Huwag Gagawin
  1-Huwag ipagpabukas ang magagawa mo sa araw na ito.
  2-Huwag ipasa o ipagawa sa iba ang makakaya mong gawin para sa iyong sarili.
  3-Huwag gastusin ang pera na hindi mo pa kinikita.
  4-Huwag bilhin ang bagay na hindi mo magagamit dahil sa mura lamang ang halaga nito.
  5-Huwag maging palalo dahil higit na magastos ito kaysa mapinsalang mga bagay.
  6-Huwag sisihin ang sarili kung karampo’t lamang ang nasa hapag-kainan.
  7-Huwag mag-atubiling makagawa ng kaibahan, pinalalakas nito ang pananalig sa sarili.
  8-Huwag maghinala o mag-akala ng mga bagay na hindi pa nangyayari.
  9-Huwag pag-usapan ang mga problema, kundi ang gumawa ng solusyon.
10-Huwag basta magalit, magbilang ng sampu bago magsalita, at kung talagang galit na galit na, magbilang hanggang isang-daan.


Mapalad = Mahusay na Plano + Maingat na Pagsagawa

Pamilya Muna

Matatag kong pinapaniwalaan na ang pamilya ay isang matibay na moog at pundasyon ng lipunan, at siyang pinakadakilang kaganapan na pinagmulan natin. At naniniwala din ako na ang pinakamahalagang gawain na kailangang magawa natin ay nagsisimula sa ating mga tahahan.
   Higit na mahalaga bilang obligasyon mo kung anumang gawain o trabaho ang iyong ginagawa ang pagiging makatao at makapamilya, pati na ang iyong mga relasyon – sa iyong asawa, mga anak, katrabaho, at mga kaibigan – ang mga ito ang pinakamahalagang sandigan na iyong maitatatag. Sa katapusan ng iyong buhay, hindi mo kailanman panghihinayangan na pasadong muli ka sa isa pang pagsusulit, hindi ang manalo ng isa pang pagsubok o paligsahan, o ang mabigyang muli ng isa pang malaking proyekto. Ang higit na panghihinayangan mo ay ang panahong nagdaan na hindi mo nabigyan ng buhay na makasama ng iyong asawa, anak, kaibigan, at magulang . . . Ang iyong tagumpay bilang isang bahagi sa ating lipunan ay hindi nakadepende sa posisyon mo sa trabaho, o puwesto mo sa pamahalaan, at maging modelo ng kotse mo o salapi sa bangko, kundi kung ano ang nagaganap sa loob ng iyong tahanan.
   Napagtanto ko, bilang isang lipunan ng mga tao na masikhay na gumagawa sa iba’t-ibang larangan ng buhay at napabayaan ang sariling pamilya, ito na ang simula ng mga kaguluhan, kapighatian, at matinding kapahamakan sa loob ng tahanan at sa pamayanan.

Ang pamilya mismo ay isang kataga, “tayo” At isang karanasan, “tayo” na mentalidad. Walang “ikaw,” at “siya” kundi “tayo” at “kami.”

Huwag kalimutan na kapag kumikilos ka sa iyong pamilya, ang “mabagal” ay “mabilis” at ang “mabilis” ay “mabagal.”

Hindi natin kailangang magmahal. Pinagpapasiyahan nating magmahal.

Ang makagawa nang higit na maingat, patuloy at walang sawa, at sadyang magiliw na mumunting mga bagay ay hindi isang maliit na bagay.

Palaging mangusap tungkol sa iba na tila sila ay nakaharap din sa usapan.

Ang paraan kung papaano mo tinatrato ang anumang relasyon sa pamilya ang siyang tahasang makakaapekto sa bawa’t relasyon sa pamilya.

Laging kang magiging biktima hanggang hindi ka nagpapatawad.

Hindi ang tuklaw ng ahas ang siyang nakakagawa ng seryosong pinsala, kundi ang paghabol sa ahas na siyang lumalason sa puso.

Sa realidad, ang mga katapusan at mga paraan kung papaano ito ginawa – ang destinasyon at ang paglalakbay – ay magkakatulad.


Kapag nagpapalaki ka ng mga anak, nagpapalaki ka din ng mga apo. Ang balangkas ay nagpapatuloy. Hindi natatapos ang pagiging magulang kahit tumanda na ang mga anak.