Pabatid Tanaw

Monday, December 30, 2013

Paalaala ni Rizal sa Makabagong Panahon


Sa gulang at hinog na 27 taong gulang, isinulat ni Gat Jose Rizal ang kabubuan ng mga importanteng leksiyon na kanyang natutuhan. Hiniling na isulat ito ni Marcelo H. del Pilar noong Pebrero 1889, na may titulong “Para sa mga Kababaihan ng Malolos,” patungkol ito sa matatapang na kababaihan na walang takot na humiling sa pamahalaang Kastila na sumakop noon sa Pilipinas, tungkol sa kanilang mga karapatan na makapag-aral sa gabi. Isinulat ito ni Rizal sa London, at tumutukoy sa magkakapantay ng karapatan at edukasyon, sa pangangatwiran at relihiyon; na nagtatapos sa pahayag ng mga prinsipyo,  “Pagsasaad ng mga Paninindigan”. Isa ito sa mga kadahilanan na ikinasawi ng buhay ni Rizal noong barilin siya sa Bagumbayan (Luneta Park), sa utos ng pamahalaang Kastila.
   Isang pagpapa-alaala at pagpapahalaga sa ika-117 anibersaryo ng pagkabayani ni Gat Jose Rizal tungkol sa mga nagawa niya noon para sa sambayanang Pilipino.

Pagsasaad ng mga Paninindigan
Ang pinakauna: Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.
Ang ikalawa: Ang inaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.
Ang ikatlo: Ang kamangmangan ay kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao; taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.
Ang ikaapat: Ang magtago ng sarili, ay tumulong sa iba na magtago ng sa kanila, sapagkat kung papabayaan mo ang iyong kapwa, ay papabayaan ka din nila; ang isang tinting ay madaling baliin, ngunit ang mahirap na mabali ay ang isang bigkis na walis.
Ang ikalima: Kung ang babaeng Pilipina ay hindi magbabago, siya ay walang karapatang magpalaki ng anak, kundi gawing inahin o pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa tahanan, sapagkat kung hindi ito magagawa, ipagkakanulo nang walang kamalayan, ang asawa, mga anak, ang bayan, at ang lahat.
Ang ikaanim: Ang mga tao ay ipinanganak na magkakatulad, nakahubad at walang tali. Hindi nilalang ng Diyos upang maalipin, hindi bingyan ng isip para pabulag, at hindi hiniyasan ng katwiran at nang maulol ng iba. Hindi kapalaluan and hindi pagsamba sa kapwa tao, ang pagpapaliwanag ng isip at paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig na papaniigin ay ang kanyang mga naisin na tila nasa matuwid at karapatdapat.
Ang ikapito: Linangin ninyo nang masinsinan kung anong uri ng relihiyon na itinuturo sa atin. Tignan ninyong mabuti kung iyan talaga ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panglunas sa kahirapan ng mga mahihirap, at pang-aliw sa dusa ng mga nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng mga itinuturo sa inyo, kung saan pinapatunguhan ng lahat ng mga sermon, ang nasa ilalim at kabuluhan ng lahat ng mga misa, nobena, rosaryo, kalmen, larawan, milagro, kandila, koreya, at ibat-iba pang iginigiit, inihihiyaw, at isinusurot sa araw-araw sa inyong mga kalooban, mga tainga, at mga mata. At hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tignan ninyong maigi na ang inyong pagiging Kristiyano ay kahalintulad ng inaalagaan na gatasang hayop, o kaparis ng pinatatabang baboy; at ang maunawaan na hindi ito pinatataba at inuugoy sa duyan dahil sa pagmamahal sa kaniya, kundi ang maipagbili sa malaking halaga upang lalong magkakuwarta ang mga pari, mga ministro, at mga pastor.
---------------
   Ngayon, higit na nating alam na bagama’t may “kalayaankuno tayong ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, ito ay hungkag ng kasarinlan. Sa dahilan na, pinalitan lamang ng mga huwad na Pilipino ang mga mananakop na Kastila, upang magpatuloy ang sabwatan, pagsasamantala, at mga pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ating lipunan. Ito ay nakapangyayari lamang sa pakikipagtulungan ng mga naghaharing-uri, ng mga simbahan, at mga limatik na nagpapatakbo sa ating departamento ng Edukasyon.
   Hindi nakapagtataka, kung bakit walang hinto ang paglaki ng agwat ng mga mahihirap at mayayaman; patuiloy na naghihirap ang mga kapus-palad at patuloy naman sa pagyaman ang mga naghaharing-uri. Patunay lamang na makatotohanan ang mga "Tayu-tayo"; at "Kami-kami" lamang ---sa lahat ng sulok ng ating mga kapuluan.

Friday, December 27, 2013

Alam Mo Ba?


Kailanman na ikaw ay sadyang nasisiyahan patuloy kang nabibiyayaan.


Mayroon kang likas na kapangyarihan na makuha ang “Lahat ng Iyong Naisin.”
Ang tadhana ay naglaan ng mga matamang gabay; na may makapangyarihang mga mensahe upang likhain nang makahulugan ang iyong mga relasyon, at maging mga tagumpay sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Pinatutunayan nito:
Na ang iyong karanasan sa mundong ito ay repleksiyon mula sa antas ng iyong kaibuturan.

Kailanman na hindi mo nakukuha ang iyong kailangan, nagpapatunay ito na nakatingin ka sa maling direksiyon at naligaw na ng landas.

Ang kapangyarihan na makuha ang anumang iyong naisin, ay sumisibol lamang mula sa pananalig, pagtitiwala, positibong saloobin, at masidhing hangarin.

May kapangyarihan kang magbago. Walang sinumang makakagawa nito para sa iyo. Magagawa mong tulungan, paunlarin, at paghusayin ang kalidad ng buhay na iyong ninanasa, anumang sandali na naisin mo. Ang susi upang ang lahat ng mga ito ay maganap ay Kawatasan ng Matamang Gabay. Ang kalusugan, kaligayahan, tagumpay, at kayamanan ay mapapasaiyo kung may kabatiran ka at sinusunod ang mga mensaheng narito.
   Apat na mga pangungusap lamang ang namumuno dito:
1.      Inspirasyon upang kumilos
2.      Kaalaman kung papaano ito gagawin
3.      Gabay ng Kawatasan
4.      Pananalig na Magtagumpay

Kailangan ang sapat na panahon para magtagumpay---gayundin ang panahon para mabigo.
Subalit kaunti lamang ang nakaukol na panahon para magtagumpay, kaysa sa panahong iuukol kapag nabigo. Sapagkat higit na madali ang magsimula ng bago at naiibang paraan, kaysa ulitin, repasuhin, at itama ang mga nagawa na nakasira at nagdulot ng kabiguan.

Mula sa aklat na, “Kawatasan ng Matamang Gabay” ni Jesse Guevara, 2001

Likhain ang Buhay na Hangad Mo


Ang mga bagay ay hindi nababago, kundi tayo.

“Mayroong isang pagkakataon
para kaninuman at sa bawa’t tao,
na matagpuan ito nang walang takot,
sa patnubay ng Diyos,
kailanma’y hindi ka mabibigo.”
                            -Jose H. Guevara

Karamihan ng tao ay tahasang magtatagumpay sa maliliit na mga bagay kung hindi lamang sila inaabala ng mga matatayog na ambisyon. Kadalasan ay nakatingin sila sa magiging bunga, nang hindi nakikilatis ang buto o binhing itatanim.

Ang mga tao na nagtatagumpay ay mahuhusay at iilan lamang. Kakaunti sila na may ambisyon at kapangyarihang taglay na paunlarin ang kanilang mga sarili.Wala kang malalaman o katiyakan kundi mo ito sisimulang subukan.

   Hindi mo magagawang pigilan na ibaba ang isang tao nang hindi ka mananatili din sa ibaba habang pinipigilan siya. Piliting magawa ang tamang bagay sapagkat ito ang tama. Ang bagay na sinimulan nang tama ay nagtatapos sa tama --at tagumpay. At ang bagay na sinimulan na mali ay nauuwi sa mali --at kabiguan.

   Kung patuloy kang nabibigo sa buhay, katunayan ito na hindi masidhi ang iyong ambisyon. Maaaring maraming mga bagay ang pumupukaw sa iyong atensiyon na mga walang katuturan at walang kinalaman sa direksiyon na iyong tinutungo. 

   Kung nais mong marating ang pinakamataas na lugar, magsimula ka sa pinakamababa. Tulad ng hagdanan, marami kang aakyating baitang bago ka makarating sa itaas. Sapagkat kung hindi ito gagawin, patuloy kang ibabalik sa dating leksiyon, hanggang sa ito ay iyong malagpasan.

   Karamihan sa atin ay nagpapakita --na sadyang abala sa paggawa ng mga walang kabuluhan, panonood ng mga panandaliang aliw, mga libangan na magastos at walang ibubungang mabuti. Tahasang eksperto sila na manatiling nakatanghod, at nananaghili sa kasipagan at kaunlaran ng iba. Gayunman, ang katamaran ay may kabuluhan din at nakakatulong. Sapagkat isang halimbawa ito na huwag nang pamarisan kung ang hangarin mo ay paunlarin ang iyong sarili.

   Tanungin mo ang isang tao kung may plano siyang gagawin sa araw na ito, para sa isang linggo, para sa isang buwan at mga buwan pang darating. Kapag hindi niya masagot ito nang tuwiran at malikot ang mga mata, pagpapatunay lamang ito na walang direksiyon ang kanyang buhay kundi ang umasa at maghintay sa wala.

   Hangga’t mapanlikha ang iyong isipan, lalaging ligtas ka sa anumang uri ng masamang pagsasanay. Dalawa ang uri ng talento, gawa ng tao at bigay ng Diyos. Dito sa gawa ng tao, kailangan mo ang matinding magtrabaho. Subalit sa bigay ng Diyos, kailangang kalabitin mo lamang paminsan-minsan, dahil ang pagpapala ay walang hanggan. ito nama ay kung may taimtim na pananalig ka.

   Maging sinuman ikaw o kung saanman ka nanggaling at anuman ang nakaraan mo, magagawa mo ang anumang iyong naisin na maging ikaw, kung tahasang ninanasa mo ang pagbabago ng iyong pagkatao. Marami ang hindi nakakaalam kung bakit madalas silang malito, mabugnot, at mabagot sa dahilang pinipilit nilang maging iba ang kanilang personalidad, gayong may sarili silang katauhan na nagnanais makalaya at magpakilala kung sino itong talaga.

Tanging ikaw lamang ang makakagawang mag-isip para sa iyong kapakanan. 
   Sa pagtatapos ng aking buhay, kapag nakatindig na ako at nagsusulit sa harapan ng Diyos, umaasa ako na wala nang anumang bahid ng talento na natitira pa sa akin, bagkus ay maligayang maipapahayag ko, “Nagamit ko pong lahat ang mga bagay na ibinigay ninyo sa akin.”

Pagbabago sa Sarili


Isagawa ang pinakamainam para sa iyong sarili, dahil ito lamang ang tungkol sa iyo at mayroon ka.

Kung nais mong paunlarin ang iyong sarili, huwag maging maramdamin sakali mang mayroong nagnanais na ipaalam sa iyo ang nagawa mong pagkakamali. Bahagi ito ng buhay, ikaw, ako, at siya---lahat tayo ay nagkakamali. Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura, upang itama ang kamalian.

   Huwag mabahala; sa halip, magiliw na tanggapin ang iyong pagkatao na hindi perpekto. Tandaan na ang iyong pagka-balisa o kalituhan ay isang mainam na hudyat upang isaayos at mabago ang iyong sarili. Kaysa parusahan ang sarili sa nagawang kamalian, gamitin ang sitwasyon na isang pagsubok sa iyong kakayahan upang lalo kang humusay. Ang karanasan nito ay magsisilbing leksiyon para huwag nang maulit pa ang nagawang kamalian at malagpasan ang anumang problema na darating.

7 Mga Paraan Upang Madaling Makamit ang Tagumpay
1. Isagawa na ngayon ang iyong mga pangarap at mga oportunidad.
       -Huwag nang maghintay at iaasa pa ito sa iba.
2. Panatilihing nakatuon ka lamang sa isang direksiyon at masidhing magtagumpay.
       -Iwasang magambala ng iba o ng anumang bagay at paghinaan ng loob.
3. Patatagin ang paninindigan at magtiwala sa sarili na ang tagumpay ay abot-kamay lamang.
       -Labanan ang mga sulsol, mga puna, mga pintas, at mga paninisi.
4. Harapin ang mga paghamon at ituring ang mga ito na mga pagsasanay para humusay.
       -Anumang problema ay nagiging leksiyon kapag hinarap at nilunasan.
5. Ilabas at gamitin ang lahat ng potensyal mong kaalaman at kakayahan.
       -Huwag sumuko kaagad, lahat ay mga pagsubok para sa iyong kagalingan.
6. Tanggapin ang sarili na matagumpay at handang makagawa ng kaibahan.
       -Nakalaang maglingkod nang tapat sa abot nang makakaya.
7. Pinangangalagaan ang integridad at reputasyon kaninuman, saanman, at kailanman.
       -Uliran ang buhay: Matapat, Mapaglingkod, May pagtitiwala sa sarili at sa iba, at may pananalig sa Dakilang Lumikha.

   Higit na mabuti ang magsindi ng isang kandila kaysa manggalaiti at murahin ang kadiliman. Walang mabuting ibubunga ang laging may reklamo o pagka-bugnot, mga panghihinayang at mga paninisi. Kaysa sayangin ang mga makabuluhang sandali sa pagkainis, simula nang isagawa ang pagtatama sa sarili at harapin ang buhay na may mga ngiti sa labi. Dahil kapag masaya ka, ang mga inspirasyon ay kusang sisibol sa iyo upang tanglawan ang iyong landas. 

Pagkakaisa ang Kasagutan


Ang bayan na walang pagkakaisa ay madaling wasakin at pagharian ng mga mapagsamantala.

Marami pa rin ang hindi tuwirang nauunawaan ang kahalagahan at sukdulang lakas ng bayanihan. Isang kahangalan pa na isipin na makakaya nating tuparin ang anumang bagay na mag-isa. Kahit na anuman pa ang iyong nais na magawa, kakailanganin mo pa rin ang tulong ng iba. Maaaring maging totoo ito, kung ang pananaw mo sa buhay ay nasa mumunting kaparaanan lamang o sa maliliit na mga aktibidad, at sadyang ikaw lamang ang makakagawa nito. Subalit kung ang hangad mo ay umunlad at maging matatag sa buhay, kailangan mong makuha ang kooperasyon ng iba. Wala kang magagawang malaking bagay o magandang proyekto kung mag-isa ka at walang tumutulong sa iyo.

   Upang makuha ang kooperasyon ng iba, kailangang maging matulungin ka upang ikaw naman ay matulungan sa panahon ng iyong pangangailangan. Walang ibubungang mabuti ang pagiging makasarili at madamot na makapag-lingkod sa iba. Tahasang iiwasan ka ng karamihan kapag ang nais mo lamang ay matulungan ka nang wala ka namang ginagawang kapalit para dito. Isang Batas ng Buhay na higit kang tutulungan kung ikaw ay matulungin. Higit na makikiisa sa iyo ang karamihan kapag nakikiisa ka rin sa kanila. Kung mahusay kang magpahalaga, makakatiyak kang ikaw din ay mahusay ding pahahalagahan.

   Kung malabo pa rin sa iyo ito at wala kang paniwala sa pagkakaisa, pagmasdan ang mangyayari sa isang bahay kapag nawalan na ito ng isang haligi.

Halaga ng Katapatan


Limiin kung ano ang mensahe, at hindi ang hatulan kung sino ang nagsabi.

Bagama’t karamihan ng tao sa ngayon ay may pansariling hangarin sa kanilang gawain, ang iba naman ay lubhang makasarili at walang pakialam sa mangyayari. May matindi pa kung magpataw ng presyo sa kanilang mga serbisyo o produkto. Mayroon pang pinapalitan ang mga materyales ng mababang kalidad at padaskol ang gawa. Kadalasan ay laging pagsasamantala at pandaraya ang isinusukli kahit na nagbabayad ka sa presyo na napagkasunduan. Isang magandang kapalaran sakali mang makatagpo ka ng isang manggagawa, karpintero, mekaniko, doktor, o negosyante na matapat ang paglilingkod sa kapwa.

   Isang lalaki na malapit nang ikasal ang nagtungo sa isang sikat na sastre, at hiniling na igawa siya ng terno mula sa telang dala niya. Matapos sukatin ng sastre ang dalang tela ng lalaki ay malungkot na nagpahayag ito, “Ikinalulungkot ko ginoo, ang telang dala mo ay kulang sa sukat. Hindi ito magkakasya para gawing terno.”
   Nagulat ang lalaki sa tinuran ng sastre, at madali nitong binalot muli ang tela at umiiling na lumabas ng tahian ng sastre. Pauwi na siya sa bahay nang madaanan niya ang isang maliit na tahian. Mabilis na pumasok ito at tinanong ang nakaupong sastre kung maigagawa siya ng terno sa telang dala niya.
   Matapos sukatin ang tela, “Kasya po sa isang terno!” ang sagot ng sastre.
   Isang linggo ang lumipas at nagbalik ang lalaki para tubusin ang kanyang terno. Matapos itong isuot at madamang sukat na sukat sa kanya ay madali nitong binayaran ang balanse. Subalit nang siya ay palabas na ng tahian, napansin niya ang isang batang lalaki na may suot na pantalon na katulad ng kanyang tela. Nang makita ng sastre ang pagkagitla ng lalaki ay nahihiya itong nagpaliwanag, “Pasensiya na po kayo, dahil sobra ang tela at naisip ko na wala na itong halaga pa sa inyo, kaya, ang ginawa ko ay itinahi ko ng isang pantalon ang aking batang anak.”
   Bagama’t nakaramdam ng galit ang lalaki sa kapangahasang ginawa ng sastre, nagpasensiya na lamang ito dahil sa magandang terno na ginawa para sa kanya.

   Nagpuntang muli ang lalaki sa naunang sastre upang ipakita dito ang magandang terno na nagmula sa tela na tinanggihan nito, dahil ayon sa sastre na ito, ay kulang sa sukat. Matamang tinignan ng sastre ang pagkakagawa ng terno, pinuna ang sukat at pagkakatahi, habang patuloy naman na ikinukuwento ng lalaki, na sa halip na kulang ang tela ay sumobra pa ito at nakatahi pa ng isang pantalon para sa isang bata. Hindi man lamang natigatig o kumurap ang sastre sa mga narinig sa lalaki, at mayabang na nangusap, “Walang kaduda-duda ginoo, talagang magkakasya ang sobra ng tela sa isang bata. Para sa akin ito ay kulang sa sukat, dahil ang aking anak naman ay binata at 25 taong gulang na.”

Maging Mapanlikha


Ang kaalaman ay kapangyarihan kung isasagawa ito, kaysa may kaalaman ngunit hanggang sa titulo lamang.

Lahat ng iyong nakikitang mga kagamitan, mga sasakyan, mga gusali at maging ang mga kasuotan ay nagmula sa isang ideya at nilikha ng maraming mga kamay. Kung walang lilikha, hindi uusad ang kaunlaran. Mula sa mapanlikhang mga kamay ay nagkakaroon ng mga pagbabago.

   Ang paulit-ulit o ritwal ay nagdudulot ng pagka-bagot. Madali tayong napapagod at magsisimulang mainis kung walang nagiging pagbabago sa ating mga ginagawa. Subalit ang mapanlikhang isipan ay patungo sa kaunlaran. Noon, kailangan mo pang pumunta sa bayan para lamang makatawag sa telepono at makipagtalastasan sa malayong bayan o sa ibang bansa. Ngunit ngayon, dudukutin mo na lamang sa bulsa o bag ang iyong cell phone at makakausap mo na ang iyong kamag-anak, saan mang panig ng mundo siya naroon. Dati-rati, noon ay nakikinig ka lamang sa radyo ay masaya ka na, subalit ngayon, may kulay at hi-definition telebisyon na ang pinanonood mo. Anupa’t sa patuloy na mapanlikhang mga kamay, ang mga imposibleng bagay noon ay mga reyalidad na ngayon.
   Maraming mga kaparaanan upang likhain ang isang bagay. Sa ating pagbasa sa ating panulat, nagsisimula tayo sa kaliwa patungong kanan. Samatalang ang mga Arabo ay nagbabasa mula sa kanan patungong kaliwa. At ang mga Tsino naman ay nagbabasa mula sa itaas patungong ibaba. Kung sa matagal na panahon ay nagdadaan ka sa parating lansangan, bakit hindi mo naman subukan bukas, na baguhin ito at dumaan naman sa ibang daan na papunta din sa iyong patutunguhan? Kung nagsesepilyo ka ng ngipin at ang ginagamit mo ay kanang kamay, bakit hindi mo subukan na magsepilyo naman na ang ginagamit mo ay ang iyong kaliwang kamay? Damahin ang karanasang idudulot ng pagbabagong ito kapag nakasanayan mo na.

   Anuman ang iyong ginagawa o kaparaanan sa paggamit, parating may ibang tao na nag-iisip na magawa ito nang naiiba at sa kanilang mga kaparaanan. Gawing pag-uugali na maging mapanlikha, baguhin ang mga dating nakasanayan. Huwag gawin ang isang bagay nang dahil lamang sa kaugalian o tradisyon nito. Ang iyong mapanlikhang isipan ay makakagawa ng makabuluhang pagbabago na ibayong makakatulong sa iyo. At sa puntong ito, kagugulatan mo kung bakit ngayon mo lamang natutuhan na mahusay ka pala sa bagay na ito, … kung nanaisin mo lamang.

Aksiyon at Reaksiyon


Nasa kanilang mga aksiyon at hindi sa kanilang mga ideya makikilala ang mga tao.

Bawa’t bagay na nagaganap sa buhay ay nagsisimula sa isang aksiyon at tinatapos ng isang reaksiyon. Kung may dahilan o sanhi, ito ay mayroong epekto. Kapag may simula, mayroon din itong katapusan. Anumang ginawa, ay may kaukulan itong resulta. Walang bagay na nabuhay nang hindi mamamatay. Lahat ay may simula at may katapusan.

   Ang mga halaman ay sumisibol, sumasariwa, at sa kalaunan ay nalalanta at namamatay. Pagkatapos ng ulan, ang araw ay sumisilay. Kung may lungkot, ito ay may kapalit na ligaya. Ang buhay ay patuloy; may umaga, may tanghali, may hapon, at may gabi. Kinabukasan, uuliting muli ito. Kung may sanggol, mayroong  bata, may binatilyo o dalaginding, may binata o dalaga, may mama o ale, at may lolo o lola. Sa bawa’t aksiyon o kaganapan, may kalakip itong reaksiyon o pagbabago.
   Sumusunod ang ating mga tungkulin sa pamantayang ito. Sa ilang respeto tayo ay interesado, sa iba naman ay nababagot tayo. Mahusay tayo sa ilang aspeto nito, subalit masaklap tayong nabibigo sa iba. Tulad ng gulong; sa patuloy nitong pag-ikot, minsan ay nasa ibabaw ka at minsan nama’y nasa ilalim ka. Ganito ang buhay, hindi palaging nasa ibaba ka, sapagkat kung patuloy kang masikhay, ang tagumpay ay nasa iyo at mararating mo ang ibabaw. Batas ito na hindi mababali; na kapag may tiyaga, mayroon itong nilaga.

   Kapag narating ang tagumpay at nakuha na ang hinahangad, karamihan ay nasisiyahan at mapagmalaki; subalit kapag nabigo sa hangarin ay nanggigipuspos, hindi kuntento at bugnutin. Gayong matapos ang mga pagkabigo at masaklap na mga karanasan, ang tao ay natututo at humuhusay sa mga leksiyon nito. Kailanman hindi natin maiiwasan ang mga ligalig at mga kalituhan. Kung walang mga kaparangan, walang mga kabundukan. Kung walang pait, hindi mararanasan ang tamis. Hindi patuloy ang kadiliman ng langit, kahit papaano ang araw ay sisikat din. Sa bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. At ito ay naaayon sa ilalakip mong saloobin para dito.

Tanggapin ang Katotohanan


Kailanman ay huwag ipahayag ang katuwiran sa mga tao na walang pagpapahalaga sa katotohanan.

Ang pagkontrol sa iba ay isang uri ng personalidad na matigas at makulit. Kahit na mayroong pagbabagong nagaganap sa kapaligiran, patuloy pa ring ipinaiiral ang nakaugaliang sistema o palakad sa buhay. Sa halip na harapin at sumabay sa makabagong inpormasyon at teknolohiya, pinupuna at pinipintasan pa ito na walang katuturan at makakasira sa nakasanayang mga gawain. Palaging may takot na sa kalaunan ay mawawalan sila ng halaga at kapangyarihan pa, na manatili sa kanilang mga tungkulin. Sapilitang ipinagtatanggol ang kanilang mga prinsipyo, gayong ang totoo, ay iniiwasan nilang magbago at tanggapin ang mga reyalidad na ito.

   Ang progreso, gustuhin mo man o hindi ay patuloy. Hindi ka hihintayin nito. Kung hindi ka sasabay sa anod nito, maiiwan ka na walang asenso. Bawa’t sandali ay may mga bagong kaganapan, mga bagong sistema at mga bagong inpormasyon na pinabibilis ang paggawa, pinamumura ang mga gastusin, at pinahuhusay ang mga kalidad ng produkto o pakikipag-relasyon. Kung ang pamamalakad ay laging makaluma, mapag-iiwanan ito ng kaunlaran at ito ay sadyang patungo na lamang sa kabiguan.

   Karaniwan na ang magkamali, subalit kung paulit-ulit na ito, hindi na ito pagkakamali, isa na itong bisyo at kinagigiliwan na. Sapagkat kung nais mong umasenso sa buhay, lagi kang gising at sumusunod sa mga pagbabago. Walang ibubungang mabuti ang manatili sa dilim at nakapikit lagi ang mga mata. Ito ay napatunayan na: Ang pagkakaroon ng mahusay na desisyon, ay nagmumula sa maling desisyon. Higit na mainam na makagawa ng maling desisyon kaysa walang anumang desisyon. Dahil kung buhay mo na ang nakataya; sa huling sandali, kailangang magdesisyon ka. Kung wala kang desisyon, mayroong magdedesisyon para sa iyo.

Kailangan ang Pagtitiwala


Pagkatiwalaan ang mga tao at magiging totoo sila sa iyo; tratuhin sila ng kadakilaan at ipapakita nila na sila man ay mga dakila din.

Sa pagnanais na supilin o kontrolin ang iba, nagiging mapaghinala at mapag-akala ang karamihan sa atin. Laging nakabantay at mapagmasid sa ginagawa ng iba. Mapag-usisa, pumupuna, at laging may pintas kapag hindi matanggap ang kakayahan ng iba. Mabagal at hilaw ang pakikipag-relasyon at pagtitiwala. Nananaig ang pagkatakot na sa anumang sandali ay magiging biktima ng pagsasamantala ng iba.

   Dahil dito, bihira na ibahagi nang malaya o sapat ang mga kaukulang inpormasyon. At maging ang paglalaan ng tungkulin na magagawa na ng iba ay sinasarili, at siyang nagiging sanhi upang ang mga gawain ay hindi matapos sa tamang panahon. Maipapakita mo na sadyang masipag ka at magagawang lagpasan sa posisyon ang iba, ngunit ang totoo, hindi mo makakamit ito nang walang tumutulong sa iyo. Ang tagumpay ay nakabatay kung gaano kahusay ang iyong paglalaan ng tungkulin sa iba. Ang mga bagay na makakayang gawin ng iba ay ibahagi sa kanila, upang mapabilis na matapos ang mga gawain.
   Hindi magkakatulad ang bawa’t tao. Gaano man ang edukasyon o kakayahan ng mga ito, mayroon silang mga kahusayan na wala sa iyo. Mayroon silang mga karunungan na hindi mo alam at wala kang kakayahan na maisagawa ang mga ito. Bawa’t isa ay mahusay at eksperto sa kanya-kanyang larangan; may mekaniko, karpintero, kantero, latero, doktor, abogado, guro, at kung anu-ano pang mga trabaho o propesyon. Hindi lahat ay mayroon ka ng mga kakayahang ito o magagawa mo ang mga ito nang mahusay. Sadyang kailangan ang tulong ng iba kung ang hangad ay paunlarin ang sarili.

   Magagawa lamang ito kung may pagtitiwala at pananalig sa sarili, at gayundin sa iba. Ang katapatan ay nagbubunga ng pagkagiliw at magandang inspirasyon sa iba na mamuhay nang may pag-asa at maligaya.

Tanging Ikaw Lamang


Walang sinuman na magmamaliit sa iyo kung wala kang permiso.

Ang sandaling ito, tulad ng mga panahong nagdaan, ay siyang pinakamahalaga sa lahat, dangan nga lamang marami sa atin ang hindi alam kung papaano ito papahalagahan. Anumang sandali, sa bawa’t pagkilos mo, nililikha mo ang iyong kapalaran. Lahat ay nakabatay sa iyong mga naisin, pagpili, at mga kapasiyahan. walang bagay na inisip mo na magiging reyalidad kung hindi mo ito gagawin. At lahat ng mga ito ay batay sa iyong kagustuhan.

   Ang lahat ay tungkol sa iyo. Ang tagumpay mo ay nakadepende sa iyo. Ang kaligayahan mo ay nakadepende sa iyo. Kailangan mong taluntunin ang pinili mong sariling landas. Kailangan mong isaayos ang iyong kinabukasan. Kailangan mo ng edukasyon at mga kaalaman. Kailangan mong mag-isip para sa iyong sarili. Kailangan ipamuhay mo ang iyong sariling konsensiya. Ang iyong isipan ay tanging para sa iyo at ikaw lamang ang may karapatang utusan ito. Lumitaw ka sa mundong ito na nag-iisa at papanaw din na nag-iisa. Mag-isa ka sa iyong mga kaisipan habang ikaw ay naglalakbay sa pagitan nito. Kailangan mong magpasiya para sa iyong sarili. Kailangan mong tanggapin at sundin ang anumang sanhi o resulta ng mga desisyong ginawa mo. Ikaw lamang ang may kakayahang isaayos at itama ang mga maling ugali na nakasanayan mo, para sa iyong kapakanan. Tanging ikaw lamang ang may karapatang magpasiya kung ano ang tama at mainam para sa iyo. Ikaw lamang ang may kakayahang baguhin ang mga maling paniniwala na kinalakihan mo. Maaaring turuan ka ng iba, subalit ikaw ang may kapangyarihang kumuha at linangin kung ano ang mabuti para sa iyo. May kakayahan kang palakasin ang iyong katawan at tumindig para sa iyong sarili. Huwag mong iasa sa iba na ipaglaban ang sarili mong pakikibaka. Kailangan ikaw ang lumaban nito para sa iyong sarili. Kailangan ikaw ang kapitan ng sarili mong barko at maestro ng iyong kapalaran. Kailangan ikaw ang lumutas ng sarili mong mga problema. Ikaw lamang ang makakapaghubog at makapaglilikha ng iyong mga ideya. Ang iyong mga inspirasyon ay galing mismo sa iyong kaibuturan at kusa itong sumisibol kung nanaisin mo lamang. Kailangan likhain mo ang iyong mga lunggati at tuparin mo ang iyong mga pangarap. May kapangyarihan kang supilin at iwasto ang iyong mga pananalita. Magagawa mong piliin ang mga kataga na nakakabuhay at hindi ang mga kataga na nakakamatay. Ang tunay at wagas mong buhay ay ang iyong sariling kaisipan. Ang kaisipang ito ay ikaw ang lumilikha at siyang nagpapasiya ng iyong mga saloobin. Ito ang bukal ng iyong mga pagpili at ginagawang mga kapasiyahan. Ang iyong karakter o personalidad ay sarili mong gawa. Walang sinuman na magagawa kang pasunurin kung hindi mo ito ninanais. Ikaw ang tagalikha ng iyong pagkatao at dito nakabatay ang iyong integridad at reputasyon. Walang sinuman na magmamaliit o hahamak sa iyo kundi ikaw lamang. Kung wala kang pagpapahalaga sa iyong sarili, sinuman ay hindi ka pahahalagahan. Hindi ka magiging miserable o kahabag-habag kung wala kang permiso o kooperasyon para ito mangyari. Kapag gising ka, kailangan mong itayo ang sarili mong monumento; o kung tulog ka sa mga kaganapan sa iyong paligid, ay ang hukayin ang sarili mong libingan. Magagawa mong piliin ang maging masaya o maging malungkot. Ang ilagay ang iyong sarili sa kaligayahan o kapighatian. Ang umindayog sa kasaganaan o magtampisaw sa pusalian. May dalawa kang kapangyarihan: Ang pumili, at ang piliin ang tama. Ang lahat ay magmumula sa iyo. Pakaisipin mo itong mabuti: Ang may kagagawan ng lahat tungkol sa iyo, at nararapat na hangaan o sisihin ay walang iba kundi, Tanging ikaw lamang.

Iwasan ang Mapag-isa


Lahat para sa isa; isa para sa lahat. Kapag walang bukluran, bawa’t isa ay biktima ng masamang kalaparan.

Pansinin ang tingting kung nag-iisa, wala itong sapat na gamit. Subalit kapag marami at nakabugkos na, isa na itong walis at magagamit na sa paglilinis. Ganito din sa mga tao, kung nasa tamang direksiyon ang mga lunggati at may pagkakaisa, walang bagay na tahasan nilang ninanasa ang hindi nila makakamit. Ang tagumpay ay madaling makamtan kung may bayanihan.

   Hindi sapat at kuntento ang maging mabuti lamang kung may abilidad kang maging mahusay. Hindi sapat at kuntento ang maging karaniwan lamang kung may abilidad kang maging dakila. Hindi sapat at kuntento ang nag-iisa lamang, malaki ang nagagawa kung maramihan at may pagkakaisa. Anumang talento, ideya, at inpormasyon na mayroon ka, nagiging mahalaga lamang ito kung naibabahagi sa iba. At nagiging kagulat-gulat ang nagagawa kapag nagawang gisingin ang sambayanan at nagkaisa. Isa na itong makapangyarihan lakas ng sambayanan para sa kanilang kapakanan.
   Ang suliranin lamang ay marami sa ating mga pulitiko o mga lingkod daw ng bayan, ang kapos at hindi napapatunayan na ang pamumuno o liderato ay ibayong nakabatay sa wasto at mahusay na pamamalakad. Sinumang nakaupo sa katungkulan at inihalal ng bayan, kailangang matamo niya ang pananalig, pagtitiwala, paggalang, at pakikiisa ng sambayanan. Bagama’t hindi niya makakamit ang 100 porsiyento upang magtagumpay … Gaano mang pagsusumikap; ang pinaka-magaling o pinaka-popular, kahit na pinaka-tanyag sa lahat, masalapi man, maimpluwensiya, at makapangyarihan, ang lahat ng mga ito ay mistulang patak lamang sa timba kung ihahambing sa kapangyarihan at lakas ng sambayanan kapag may pagkakaisa.
   Kung ang mga karaniwang ihip ng hangin ay nagkakasama-sama, nagiging buhawi ito na mapuwersa at kagulat-gulat na ang nagagawa. Maging ang munting alon, kapag naging mabilis at maramihan na, isa na itong daluyong na makapangyarihan.
   Kung ang tao ay may talento at hindi niya ito nagagamit, siya ay isang kabiguan. Kung siya ay may talento  at ginamit lamang ang kalahati nito, siya ay kalahating nabigo. Kung siya ay may talento at natutuhan niyang magamit nang lubusan ang kabubuan nito, siya ay maluwalhating nagtagumpay at masiglang natamo ang pagkilala at papuri ng maraming tao. 

   Ang pinaka-mahalaga at mainam sa lahat ay kung ano ang ginagawa mo sa anuman na mayroon sa iyo. At kung papaano ito nakakatulong sa iba at nakakarami nating mga kababayan para maging buhawi o daluyong na makapangyarihang lakas ng sambayanan.

Mapalad Ka Ba?


Ang mga mabababaw na tao ay naniniwala sa suwerte. Ang mga malalalim na tao ay naniniwala sa sanhi at epekto, sa aksiyon at reaksiyon, sa gawa at resulta.

Ang pagiging masuwerte o mapalad ay depende sa mga aksiyon ng maraming tao na karelasyon mo. Kung alam mo ang sekreto tungkol dito, makukuha mo ang iyong mga naisin nang walang anumang alinlangan kaninuman, saanman, at kailanman.

   Dalawa ang mahalagang mga elemento nitoUna, Ang masidhi at masikhay na paggawa lamang ay hindi nakakatiyak na ikaw ay magtatagumpay; Pangalawa, Ang tunay na susi ng mapapalad na tao para magtagumpay ay ang kaalaman kung papaano mahahalina at makukuha ang kooperasyon ng iba na tulungan sila at maidulot sa kanila ang magandang mga oportunidad.
   Nagagawa nito na maging madali ang buhay at nagkakaroon ka ng ibayong kahalagahan para sa iba na tulungan ka sa abot ng kanilang makakaya. At, ang mainam pa dito ay natututuhan mo kung papaano bawasan at maiwasan ang mga kamalian o masamang kapalaran na dumarating sa iyo.

7 Sekreto ng Matatagumpay na Tao
1. Gawing madali ang pangmasid sa buhay---ngunit huwag itong laruin at ipagwalang bahala.
2. Linangin na maging magiliw kaninuman---kahit na ikaw ay mahiyain.
3. Makilala na parang bata sa kakulitan na matuto at maging mahusay sa gawain---walang hintong pagsaliksik at pagsasanay upang paunlarin ang mga kaalaman at mga kakayahan.
4. Gawing madali at masigla ang buhay ng iba---kapag masaya ka---nagagawa nito na maging masaya din ang iba na nakapaligid sa iyo.
5. Hayaan ang makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao na maangkin ang bahagi ng pagkatao mo---ibahagi anumang kakayahan na makakatulong lalo na sa may mga tungkulin para sa maramihan at madaling paglilingkod.
6. Patatagin at bantayan ang iyong mga tulay---kahit papaano iwasang nakakaligtaan ang mga "tulay" na tangi mong daan para sa iyong mga relasyon, komunikasyon, at mga makabuluhang bagay na nakakatulong sa iyo.
7. Gawin ang mga tagumpay na maging mapapalad na kabanata---bawa't yugto na dumaan sa iyo ay mahahalaga bilang mga leksiyon para lalong humusay ka para maging mapalad sa tuwina.

   Nakakiling ang pagkakataon sa preparadong isipan. Sapagkat kung ikaw ay may plano, 50 porsiyento ng iyong gawain ay tapos na. Subalit kung hindi ka nagplano, nagplano ka para tuluyang mabigo. Isang katalinuhan ng isang walang karanasang tao, ang huwag magbaka-sakali at hindi maniwala sa suwerte. Kung nais mong maging mapalad sa tuwina, isagawa mo kaagad ang iyong pangarap. Sa araw na ito, maaari mo nang gawin ang iyong hinaharap upang maging mapalad, hindi ang maghintay at asahang ito ay kusang darating para sa iyo.

Sapagkat Ako ay Tao Lamang


Huwag nating bigkasin, na ang bawa’t tao ay siyang arkitekto ng kanyang kapalaran, bagkus bigkasin natin na siya ay arkitekto ng kanyang pagkatao.

Ang pagkatao ng isang tao ay matatagpuan sa kanyang mga kamalian. Dahil nakasanayan na niya ang aliwin ang sarili ng kanyang mga kamalian bilang mga munting libangan ng kanyang pagkatao. Hindi kataka-taka na paulit-ulit siyang magkamali, sapagkat isa na itong ritwal para sa kanya.

   Wala akong tiwala sa isang tao kung hindi ko nakikita ang kanyang mga kamalian. Ako man ay nagkakamali, at nabibigo. Ito ay hindi nagmumula sa simbuyo ng aking damdamin o kahibangan ko, kundi ang kawalan ko ng kakayahang supilin ang mga ito. Kadalasan, ang sanhi ng aking mga kamalian ay madali akong maniwala at magtiwala sa iba. Bagama’t kinasusuklaman ko ang bagay na ito, kailangan kong magtiwala, upang ako naman ay pagkatiwalaan din ng iba. Sakalimang mabigo ako; idinadaan ko na lamang sa ngiti ang lahat at itinuturing na isang mainam na karanasan ito, upang bigyan ako ng leksiyon para maging handa, sakaling maganap muli ang ganitong tagpo.
   Ang buhay ay tinuruan tayo na hindi ang ating mga kamalian kung bakit tayo ay hindi kinalulugdan at lalong kinaiinisan ng iba, kundi sa ating mga kalidad at mga tagumpay. Sapagkat kapag ang punong mangga ay mabunga, binabato ito ng mga nananaghili at mapagsamantala.
   Marami ang matutuwa at magiging kakampi na katulad mo kapag itinatama mo ang iyong sariling mga kamalian at mga kabiguan, sa paninisi at kapabayaan ng iyong mga magulang. Sila ang dapat na sisihin sa lahat ng mga ito at hindi ikaw. Isang matinding kalapastangan ito na siraan mo ang sariling mga magulang at angkan, maipakita lamang sa iba na ikaw ay naiiba at sadyang walang kamalian. Ito ay nasusulat; Ang panukat na ginamit mo ay siyang panukat na gagamitin din sa iyo. Dahil kung anuman ang iyong itinanim, ay siya mo ding aanihin.
   Pambihira at iilan lamang ang mga tao na nagagawang timbangin ang pagkakamali ng iba nang hindi ginagamit ang hintuturo at anumang kahatulan. Ang tao na nakikita nang malinaw ang kamalian o mga depekto ng iba, dahil ito--- ang uri ng pagkatao na mayroon siya. Hindi niya magagawang ipahayag ito nang wala siya nalalaman, karanasan o kinalaman sa kamaliang ito. Madali ang ipagtapat ang nagawang kamalian kaysa hangarin na maging mabuti ka sa paningin ng iba.
   Hangga’t martilyo ang laging hawak mo, lahat ng iyong makita ay mistulang pako para sa iyo. Madali ang pumuna, pumintas at manisi para sa iyo, dahil sa walang hinto mong mga pagkakamali na patuloy at kinasanayan na. Isang masamang bisyo ito para ikubli ang iyong mga kamalian kung maililipat at masisisi ang iba dahil sa iyong kapabayaan. Katulad ng mga mahihina at mapanising mga tao, madalas ang kanilang mga panunumbat, mga panghahamak, mga pag-aalipusta, at mga pag-aabuso sa iba maliban na tumingin sa salamin, at, pagmasdan ang sarili na magbago.

   Ang bagay na tahasang mahirap na gawin, ngunit tunay na kagulat-gulat, ay ang maiwasan ang maging perpekto at simulan nang isagawa na maging totoo sa iyong sarili. Luma at lubhang gasgas na ang katwirang, “ Sapagkat ako ay tao lamang.” Dahil sa bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. Kumakapal lamang mga pagkakamali kung nagiging manipis ang pagmamahal.

Umani ng Tagumpay


Isang paraan lamang upang magtagumpay –aksayahin ang iyong buhay sa makasariling hakbang.

Walang tao sa balat ng lupa na hindi hinangad ang tagumpay. Subalit iilan lamang ang matagumpay. Ang karamihan ay laging nagkakamali at nabibigo. Ang dahilan ay nasa estado ng isipan o saloobin, at ito ang nakasanayang reyalidad na ipinamumuhay. Sa matatagumpay, nakabatay ito sa tamang reyalidad at pamantayang sinusunod. Narito ang ilan na angkop para masunod:

   1.Alamin kung ano ang iyong nais –Pag-aralan at limiing mabuti kung ano talaga ang iyong mga naisin sa buhay. Kinagigiliwan mo ba ang trabaho na ginagawa mo sa araw-araw? Kahit na wala kang sahod, patuloy mo bang gagawin ito? Alam mo ba ang iyong potensiyal, mga kaalaman, at mga kakayahan? Bagama’t mayroon kang naiibang mga katangian, walang halaga ang mga ito kung hindi mo nagagamit. Kailangan mong magpasiya, magkaroon ng lunggati at masidhing hangarin na magtagumpay.
   2. Huwag aksayahin ang buhay nang walang plano at direksiyon –Kahit bilisan mo pa ang takbo, kung hindi mo alam kung saan ka patungo, lahat ng kapaguran mo ay walang saysay at palaging mauuwi lamang ito sa kabiguan. Kung ang simpleng piknik o pagdiriwang ay pinaplano, bakit naman hindi, kung ang sarili mong buhay ang nais mong likhain. Kailangang tahasan mong malaman kung saan mo nais makarating at bakit hinahangad mo ito? Magsagawa ng master plan at gamitin ito bilang patnubay o mapa para matupad ang iyong mga pangarap. Magpunyagi at tuparin ang mga lunggati sa matagumpay na plano at paraan sa bawa’t hakbang.
   3. Hilingin ang tulong ng iba Magtatag ng kilos-pangkat (action group) na nakikiisa at sumusuporta sa iyo. Kailangan mayroon kang kawaksi para magtama kung nalilito at namamali na ang iyong direksiyon. Binubuo ito ng mga eksperto o mentors sa larangan o sa nais mong gawain. Sila ang tatanglaw sa landas na pinili mo upang hindi ka maligaw o magkamali ng direksiyon na pupuntahan. Nanggaling na sila sa pupuntahan mo, at higit na may karanasan at kasagutan sa mga bagay at suliranin na iyong haharapin.
   4. Tapusin ang bawa’t lunggati sa tamang panahon –Huwag pagsabayin o subukang tapusin nang madalian ang mga lunggati. May kanya-kanya itong natatanging hakbang at sapat na panahon para matapos. Kung apurahan at basta makaraos, pawang kalituhan at panghihinayang lamang ang kakalabasan nito. Matamang sundin ang plano upang mabilis at matiwasay na matupad ang lahat.
   5. Maglaan ng panahon sa pahinga –Makina man ay humihinto kapag sobra na ang init upang lumamig. Ang selpon kapag lowbat na ay kailangan ang recharge para lumakas. Kailangan ang pahinga o espasyo para maglibang at magkaroon ng karagdagang kalakasan. Ito din ang tamang sandali para magkaroon ng bagong ideya o inspirasyon para lalong mapabuti ang gawain. Maging matagumpay ka man ay wala na itong halaga pa, kung maysakit ka naman at pambayad lamang sa gamot ang lahat nang iyong kinita.
   6. Iwasan ang mga walang katuturan at negatibong tao –Sa bawa’t hakbang na pasulong, may kalakip itong hakbang na pabalik. Ito ang mga bagay na humahalina sa iyo para huminto at aliwin ang sarili sa mga bagay na walang katuturan, mga panandaliang kahiligan o libangan na ninanakaw ang iyong makabuluhang sandali. Takbuhang palayo ang mga lumalason at negatibong mga tao. Dahil sa miserableng mga buhay, naghahanap ang mga ito ng karamay. Pawang mga pamumuna, pamimintas, at paninisi lamang ang mga katagang namumutawi sa kanilang mga labi. Sa katunayan, wala pa akong nakitang monumento na itinayo para sa mga kritiko.
   7. Manatiling may pananalig at pagtitiwala sa sarili Gaano man ang iyong kaabalahan, laging magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap mo. Ito ang nagpapalakas at nagpapatatag ng iyong pananalig at ibayong pagtitiwala sa sarili. Bilang tao, limitado lamang ang ating kapangyarihan. Naisin man natin o hindi, tayo ay magkakamali. Sa bawa’t hakbang, kailangan natin ang patnubay ng Maykapal upang maging maliwanag at matiwasay ang landas na ating tinatahak.

Nabasa Ko Ito


Ang tunay na halaga ng tao ay umaayon kung ano ang kanyang ginagawa kapag wala siyang magawa.

Naimbita ako sa isang pagdiriwang; Habang nakaupo at naghihintay ako sa bulwagan, ipinasiya kong buklatin ang ilang magasin sa aking tabi. Isang artikulo ang umagaw ng aking pansin at may pamagat na, “Ang Sandaling Ito ay Matatapos Din.” Mga wastong kataga na nararapat ipamuhay.

Babala: Walang anumang bago sa ilalim ng araw:
  1. Hindi nanghihiram o nagpapahiram.
  2. Ang mga pagkilos ay higit na maingay kaysa mga katagang binibigkas.
  3. Huwag nang ipagpabukas pa ang magagawa sa araw na ito.
  4. Ang dugo ay higit na matimbang kaysa tubig.
  5. Ang mga taong nakatira sa bahay na yari sa salamin ay kailangan huwag bumato. 
  6. Sa bawa’t araw ay isang prutas, sa doktor ay makakaiwas.
  7. Kung saan ay may pananalig, mayroong paraan.
  8. Lumubog o lumangoy.
  9. Magagawa mong batakin ang kabayo sa tubig, ngunit hindi mo mapipilit siyang uminom.
10. Kung hindi mo magagawang bumigkas ng maganda, huwag ka nang magsalita kahit anuman.
11. Kung nagwagi ka, ipagdiwang mo ito.
12. Hindi lahat nang kumikinang ay ginto.
13. Hayaan ang nakaraan ay lumipas.
14. Ang sekreto ng tagumpay ay pananatili ng hangarin.
15. Kaligayahan o kapighatian.
16. Kailangan matanggap mo kung sino ka man.
17. Maging matapat, upang ang pagsasama ay maging maluwat.
18. Ang magnanakaw ay kapatid ng sinungaling.
19. Sa bawa’t araw na magaganap, ituring ito na tila huling araw natin sa mundo.
20. Ang pinakamabisang paraan upang maging katotohanan ang iyong mga panagarap ay ang gumising at tuparin ang mga ito.
21. Kung ang dasal na alam mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.


   Alam natin at kabisado ang mga pananalitang ito, dangan nga lamang, bihira sa atin ang sumusunod at ginagawang patnubay ang mga ito. Kung nais mo ng magkaroon ng tanglaw upang magliwanag ang iyong mga daraanan, sauluhin at gawing gabay ang mga ito. At sa buong buhay mo, makakatulong ang mga ito na maging matiwasay at maligaya ang iyong buhay. Ito ay nasusulat at siyang katotohanan.