Wednesday, December 07, 2011

Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay



Ang mga leksiyon sa nakaraan 
ay tuntungang bato sa kinabukasan.


  Sa isang madramang pelikula, limang magkakaibigan ang nanood sa isang sinehan. Ang isa ay arkitekto, isa ay enhinyero, isa ay guro, isa ay manggagamot, at ang huli ay isang manunulat. Matapos ang pinanood, palabas na ang lima ngunit hindi pa rin matapos ang paliwanagan kung ano ang tama at mali sa ginawang paghatol ng hukom, kung bakit nauwi sa trahedyang kinasangkutan ang pangunahing tauhan sa pelikula. Bawat isa sa lima ay may kanya-kanyang interpretasyon batay sa pananaw at mga karanasan ng bawa't isa. Dahil iba’t-ibang larangan ang kanilang ginagalawan, ang resulta ay magkakaibang katwiran. 

   Ang arkitekto ay sinisisi ang maling kaayusan ng gusali at madaling nakapasok ang salarin. Walang sapat na seguridad at nakakaakyat sa bintana ang sinumang may interes na pasukin ito. Ang enhinyero ay binabatikos ang paggamit sa tulay na walang barikada, na naging sanhi upang mahulog ang kotse ng pangunahing saksi sa krimen at ikamatay nito. Ayon sa guro, ay hindi mahusay ang itinuturo sa paaralan at halos barkada pa ng maestro ang estudyante paglabas ng paaralan, mahilig sa droga ito at hindi huwaran. Hindi naagapan at pinalala ang karamdaman ng bida ayon sa manggagamot. Kulang ang mga kagamitan at hindi naasikaso ang pasyente. Ang pasaring ng manunulat naman ay hindi ugma at malabo ang pagtalakay sa mga pangyayari, kung kaya’t naging trahedya sa halip na masaya ang pelikula. 

   Ito ang karaniwang nagaganap sa ating buhay, may kanya-kanyang uri ng pagsagot o pagtalima ang bawa’t tao sa anumang kaganapan nangyayari sa kanilang harapan. Kung anumang pagpili ang iyong sinunod sa pakikibaka sa gulong ng buhay, ikaw ay tiyak na naniniwala na ito ang tama. ( Dahil kung hindi, bakit mo ito ginawa?) Papaano mo maipapaliwanag ang iyong pangngatwiran sa ibang tao, lalo na’t ito’y kaanak mo, kung saliwa at magkaiba ang inyong paniniwala? Kahit na iisang lipunan ang ating kinalakihan ay magkakaiba ang ating mga pananaw. Likas na mabubuti ang mga tao, subalit bawa’t isa ay naniniwala na ang kanyang kagustuhan at mga kadahilanan ang pinakamahalaga, tama, at dapat masunod, kahit na ito ay ibayong naiiba at salungat sa paniniwala ng marami. Papaano natin malalaman at masasabi kung ano ang tunay at pinakatamang solusyon, kahit sinuman ang tumitingin sa problema.

Ang kasagutan ay nakapaloob lamang sa pitong simpleng mga prinsipyo:

1-Huwag manakit
2-Gumawa ng mabuti
3-Igalang ang iba
4-Maging pantay
5-Laging magmahal
6-Paglingkuran ang iba
7-Magpuri sa Dakilang Maykapal

 Mayroong maraming mga bagay na makabuluhang isulat tungkol sa mga prinsipyong ito:

-Alam mo na ang mga prinsipyong ito.
-Ang mga ito ang basehan o pundasyong tradisyon ng mga mananampalataya at maka-relihiyong mga lipunan. (Kristiyano, Muslim, Hudyo, atbp.)
-Talagang kalunos-lunos at mahirap itong ipamuhay.
-Walang makakagawa nito at maging sakdal o perpekto sa buong buhay niya.
-Kahit papaano, higit na mainam ang may panuntunan, kaysa wala. Sapagkat magagawa mong malunasan ang bawa't balakid sa iyong harapan.

Anumang nasa likod natin at anumang nasa ating harapan ay maliliit na bagay lamang kung ihahalintulad ng nasa ating kalooban.

    Noong tayo ay mga paslit pa, natutuhan natin ang mga prinsipyong ito mula sa ating mga magulang at mga guro. Kung kasama ka sa pag-aaral tuwing Linggo (Sunday School), ang mga prinsipyong ito ay itinuturo sa bawat klase na sinamahan mo. Sakali naman na ikaw ay naging batang iskawt (boy scout or girl scout), naging kasapi ng mga Kabataan sa Barangay, at nang gumulang ay sa Lions, Jaycees, Rotary, Kiwanis, clubs, at kung anu-ano pang mga kapisanang pang-sibiko, ang mga prinsipyong ito ang namatnubay sa lahat ng iyong mga ginawa bilang kasapi.

   Ang mga prinsipyong ito ang magkakatulad na nga panghunahing panuntunan ng mga tradisyonal na relihiyon ng mga taga silanganan at kanluraning mga bansa. Anupa’t hindi natin mawari o maging sa ating imahinasyon kung bakit ang ating lipunan o kultura ay nabibigong ipatupad at ipamuhay ang mga prinsipyong ito. Gayong ang pitong simpleng mga prinsipyo na ito ang siyang pinakapandikit (glue or catalyst) na mag-uugnay para tayo magkaisa bilang isang nagsasariling bansa, nakatindig, may pagtitiwala, may kakayahan, at may ipagmamalaki, at bilang mga mamamayan na may pananampalataya at pinaniniwalaan, na higit pa sa bawa’t relasyon na mayroon tayo o sa mga susunod pang mga relasyon.

   Ang mga prinsipiyong ito ang humuhubog sa kaibuturan ng ating pagkatao. At upang lubos natin itong maunawaan, kailangan nating magkaroon ng mga pananglaw sa kadiliman. Narito ang mga tunay na prinsipyong tatanglaw upang magliwanag ang tinatahak mong landas. Ang mga karagdagang prinsipyong ito ay magdudulot sa iyo ng kailangang matibay na pundasyon para makagawa ng tamang pagpili sa bawa’t larangan o kabanata ng iyong buhay.

   Kailangan lamang na pag-aralan natin ang bawa’t isa, na may masusing pangmasid upang maunawaan; kung papaano ang mga ito magagawang sumanib o maging patnubay sa iyong buhay na makahulugan, at pinagyayaman ang iyong pakikipagrelasyon sa iyong kapwa.

   Nagmula ito sa mga dakila at kilalang tao noon; at magpahanggang ngayon ay napatutunayang pinakamahalaga, kung nagnanasa kang magkaroon ng matiwasay at maligayang pamumuhay. Kung masusubaybayan mo ang mga serye na ipapaskil dito: Ang mga kawikaan, mga salawikain, at mga parunggit na nakapaloob sa bawa’t isa ay hinango sa ating kultura at tradisyong Pilipino. Ang iba naman ay sinipi mula sa mga magagaling na pilosopo sa literatura, sa mga relihiyon, at sa tamang edukasyon. Inayos, sinala, at inilapat para sa ating kabatiran. Wala itong sinusunod na una at huli. Nasa iyo nang pagpili kung ano ang higit na kumakatawan at angkop na mapagpa-pasiyahan mo para sa iyong pagkatao. 

Ang Mga KATANGIAN sa PAGIGING ULIRAN

   Ang maging ULIRAN ay isang kapuri-puri at natatanging pagkatao. May dangal, iginagalang, at siyang huwaran sa kanyang kapaligiran. Kung alinman sa mga katangian na narito ay bahagi na ng iyong pagkatao; malimit kaysa hindi, ikaw ay inililigtas ng mga ito sa nakaumang na mga kapahamakan. Dahil kung mapag-suri ka, sa pagbabasa pa lamang ng pahayagan, panonood sa telebisyon, pakikinig sa radio, sa mga usapan; ay pawang mga negatibo, mga kabuktutan, mga kapariwaraan, mga patayan, mga awayan, at marami pang tulad nito ang walang hintong bumubomba at humahalina sa iyong kamalayan. Hindi kataka-takang karamihan sa atin ay nahahawa at nagiging katulad nila ang kanilang pinag-uukulan ng atensiyon. Dahil kung ano ang ipinapasok mo sa iyong utak, ito din mismo ang siyang lumalabas. Bihira ang mga positibo at mabubuting balita o ang mga nakakatulong sa pag-unlad. Sapagkat hgit na kinagigiliwang at mabili ang mga mali, (sensational, gossip, movie stars, zodiac/ planetary signs, basketball, azkal, etc.) At tuwang-tuwa at yumayaman naman ang mga taga-pagdulot o nagpapakalat nito.

   Subalit kung sa pagiging mabuti at matuwid na paggawa ng kabutihan sa iba ang bibigyan ng pansin, dadaigin mo pa ang pumapasok sa butas ng karayom. Marami ang umiiwas na tila isa itong ketongin na nakakahawa. Dahil bihira na ang nagtitiwala at nananalig sa kabutihan.
   Bakit???? Pakisagot lamang po ito:
   Pagpapatunay, ilang susi mayroon ka sa bulsa? -Sa takot mawalan, nang hindi mag-alala.
   Bakit nais mong tumawad sa binibili mo? -Walang paniwala, baka sakaling makamura.
   Kailangan pa bang bilangin ang sukli? -Kawalan ng tiwala, ayaw malamangan.
   Alam ng bawal, bakit ayaw pang hintuan? -Hindi palasunod, baka makalusot.
  
   Ang tanong sadya nga bang napakahirap maging MABUTI? O, napakadali ang maging MASAMA? Kakaunti lamang ba sa atin ang nakakaalam na pinupuri at ipangpapatayo pa ng bantayog ang mabubuti?

 . . . at ang MASASAMA, ay lehitimong pinaparusahan, ikinukulong, at binibitay pa? Subalit mapapansin na marami ang nagpupunta sa daan na ito. Dahil ba . . . wala silang kabatiran kung ano ang mga nararapat na sundin? O, naaayon sa ‘pansariling kapasiyahan at ikagagalak ng kalooban’? Kahit na MALI at labag sa batas ng tao, at huwag ng idamay pa maging sa mata ng Diyos? 

   Magkagayunman, kahit puyat na bagong gising po tayo, ipaglalaban pa rin natin ang kapakanan at ikauunlad ng ating mga kababayan. Sapagkat hangga’t may dalawang ‘toothpick’ na nakatukod sa talukap ng aking mga mata, (BAWAL ang 'makatulog nang tuluyan o umidlip man') ay walang sawang ipagpapatuloy ang pagpaskel ng kumikinang na mga gintong prinsipyo na ito:

45 Mga PRINSIPYO ng ULIRANG KATANGIAN

Prinsipyo 1:  MATURING / Saloobin (Attitude)
       SULYAPAN: Ang mga pahinang ito: "Mahalagang Relasyon sa Buhay," Disyembre 14, 2011, at "Ang Bagong Salta at ang Biyahero," Disyembre 15, 2011
 
Prinsipyo 2:  MABUTI  / Katangian (Character)

Prinsipyo 3:  MATULUNGIN / Kawanggawa (Charity)

Prinsipyo 4:  MAPURI / Kabasalan (Chastity)
 
Prinsipyo 5:  MALINIS / Kalinisan (Cleanliness)
 
Prinsipyo 6:  MATUPAD / Katuparan  (Commitment)
 
Prinsipyo 7:  MAALAM / Kabatiran (Common Sense) 

Prinsipyo 8:  MASUYO / Pagmamalasakit (Compassion) 

Prinsipyo 9:  MAWAKSI / Pakikiisa (Cooperation)
 
Prinsipyo 10: MATAPANG / Katapangan (Courage)
 
Prinsipyo 11: MALUGOD / Kaluguran (Courtesy)

Prinsipyo 12: MAAASAHAN  / Kapitaganan (Dependability) 

Prinsipyo 13: MASIGASIG / Kasikhayan (Diligence)
 
Prinsipyo 14: MADAMAY / Damayan (Empathy) 

Prinsipyo 15: MAGALING / Kagalingan (Excellence)
 
Prinsipyo 16: MAHUBUGIN / Pakikisama (Flexability) 

Prinsipyo 17: MATALIK / Pakikipagkaibigan (Friendship) 

Prinsipyo 18: MATATAG / Katatagan (Fortitude)

Prinsipyo 19: MATIPID / Kasinupan (Frugality)

Prinsipyo 20: MASAGANA / Kasaganaan (Abundant) 

Prinsipyo 21: MAPAGBIGAY / Bigayan (Giving)

Prinsipyo 22: MATUWID / Katuwiran (Honesty)
 
Prinsipyo 23: MABABANG-LOOB / Kaabahan (Humility)

Prinsipyo 24: MASIKAP / Pagpupunyagi (Industry)

Prinsipyo 25: MAY KUSA / Pagkukusa (Initiative)
 
Prinsipyo 26:  MARANGAL / Karangalan (Integrity) 

Prinsipyo 27:  MAKATWIRAN / Katarungan (Justice)
 
Prinsipyo 28: MATAPAT / Katapatan (Loyalty) 

Prinsipyo 29: MAASAM / Pag-asam (Optimism)

Prinsipyo 30: MAHUSAY / Kahusayan (Order)
 
Prinsipyo 31: MAKABAYAN / Kagitingan (Patriotism)
 
Prinsipyo 32: MATIYAGA / Pagtitiyaga (Perseverance)
 
Prinsipyo 33: MAPITAGAN / Kawastuan (Propriety)
 
Prinsipyo 34: MATIBAY / Katibayan (Resiliency)
 
Prinsipyo 35: MAPAGPASIYA / Kalutasan (Resolution) 

Prinsipyo 36: MAGALANG / Paggalang (Respect) 

Prinsipyo 37: MATUGON / Pananagutan (Responsibility)

Prinsipyo 38: MASUNURIN / Disiplinado (Self-Discipline) 

Prinsipyo 39: MAPAGLINGKOD / Paglilingkod (Service)

Prinsipyo 40: TAHIMIK / Pananahimik (Silence) 

Prinsipyo 41: MATAOS / Kawagasan (Sincerity)
 
Prinsipyo 42: MATIMPI / Pagtitimpi (Temperance) 

Prinsipyo 43: MAHIGPIT / Paghihigpit (Tenacious) 

Prinsipyo 44: MAPAGPASALAMAT / Pagpapasalamat (Thankfulness)
 
Prinsipyo 45: MAPAYAPA / Katiwasayan (Tranquility) 

Mga Tagubilin:

1-Ang mga prinsipyong ito ay mahahalagang kalasag sa pagdadala ng buhay. Malaking tulong ito sa posibleng paggawa ng tamang mga kapasiyahan, sapagkat kinakatawan nito kung ano ang nakalulugod, nakakatulong, at magpa-paunlad sa iyo.

2-Ang buhay ay nagiging madali; kapag ikaw ay matapat, sapagkat hindi mo na kailangan pang tandaan kung anong kasinungalingan ang binigkas mo, kailan mo ito isinalaysay, at kung kani-kanino mo ito isiniwalat. Wala kang pinangangambahan at taas-noo mong kayang harapin ang sinuman nang buong katotohanan.

3-Kung mangangalakal/negosyante ka, maraming sistema kung papaano ka makahahalina sa pagtitinda, subalit may namumukod-tanging paraan lamang upang mapanatili na lagi kang tinatangkilik, ay ang makuha ang pagtitiwala ng iyong mga parukyano/kustomer. Ang pinaka-mabisang paraan tungkol dito ay patakbuhin ang iyong negosyo nang naaayon sa mabuti at tamang pakikipag-relasyon. Nakapaloob ito sa uri at katangian ng iyong mga tauhan/empleyado na nakikiisa sa iyong mga hangarin at patakaran ng  kompanya. Kung papaano mo sila inaasikaso o tinatrato – maging ang iyong sarili – ng paggalang, pantay-pantay/parehas, at pagmamahal.

4-Marubdòb na mabuhay nang naaayon sa pangunahing pitong simpleng mga prinsipyo – kahit na mahirap itong mangyari – datapwa’t ito lamang ang tanging nakatitiyak na paraan upang makamtan ang mga bagay na iyong hinahangad sa buhay. 

5-Piliting magampanan ito. Ito ang magpapalinaw at magpapatatag ng iyong pagkatao; marangal at kagalang-galang, kapuri-puring mga kaparaanan sa pagdadala ng iyong buhay. Ang paggalang sa karapatan ng iba at pagmamalasakit sa kanilang kapakanan – sa kalauna’y nagtatapos sa matiwasay na pagsasama ng bawa’t isa – na siya namang nagpapaligaya sa iyo.

-Durugtungan, laging SUBAYBAYAN ! . . .
Bawa’t isang katangian ay may sariling pahina ayon sa pamagat at petsa ng paskil nito.
Halimbawa: Ano ang kahulugan ng SALOOBIN? Disyembre 14, 2011

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment