Hangga’t mangmang ka, ang kasakiman ay hindi mawawala sa iyo.
Nagalak ang lalaki nang makita niyang may nahuling ibong maya ang kanyang bitag. Subalit nang inaalis na niya sa pagkakahuli ang maya ay bigla siyang nasindak nang bigla itong nagsalita, “Maawa ka sa naman sa akin, marami ka nang kinain na karne ng baka, baboy, at manok sa buong buhay mo. Bakit naggugutom ka pa? Ang kaunting karne mula sa maliit kong buto ay hindi makakabusog sa iyo. Kung pakakawalan mo ako, bibigyan kita ng tatlong kawatasan. Magkakaroon ka ng dakilang katalinuhan na makakatulong sa iyo sa maraming pagkakataon. Ang una, sasabihin ko sa ibabaw ng iyong palad. Ang pangalawa, sasabihin ko sa iyo mula sa bubungan ng iyong bahay. At ang pangatlo, ay sasabihin ko sa iyo mula sa sanga sa itaas ng punong mangga.”
Bagama’t kinakabahan sa pagsasalita ng ibon ay napalunok sa kasabikan ang lalaki sa pambihirang pagkakataon na ipagkakaloob ng maya. Madaling pinawalan ng lalaki ang maya at dumapo kaagad ito sa nakalahad niyang palad.
“Pakinggan mo itong mabuti, Una: Huwag kang maniniwala sa mga kabulastugan, kahit sinuman ang nagsabi nito.” Ang pahayag ng ibon habang ikinakampay ang kanyang mga pakpak. At biglang umigpaw ito ng lipad at dumapo sa bubungan ng bahay ng lalaki.
“Pangalawa: Huwag magdalamhati sa nakaraan. Lipas na ito. Kailanman huwag panghinayangan kung anuman ang nangyari.” Ang pahayag ng maya habang nagpalipat-lipat ng lipad sa bubungan.
“Siyanga pala,” ang pagpapatuloy ng maya, “sa loob ng aking dibdib ay may nakabaong malaking perlas na kasinlaki ng itlog ng manok. Ito’y pamana para sa iyo at sa iyong mga anak, ngunit pinaalpas mo ang pagkakataon na mapasaiyo ito. Magkakaroon ka sana ng pinakamalaking perlas sa buong mundo, kaya lamang hindi ka pa handa para ibigay ito sa iyo.”
Nang marinig ito ng lalaki, ay bigla itong napaupo sa lupa at nagpalahaw ng matinding panangis. Tinalo pa ang nanganganak na babae sa ingay ng bunganga nito sa panghihinayang. At mistulang kinakatay na baboy na humahagulgol sa kasiphayuan.
Nagsalita ang ibon: “Hindi ba kasasabi ko lamang na huwag magdalamhati kung anuman ang nakalipas? Hindi ba binanggit ko rin na huwag maniwala sa mga kabulastugan?”
Dugtong pa nito, “Ang aking katawan ay napakaliit. Ang aking dibdib ay manipis at makipot, hindi nito makakayang maglaman ng perlas na kasinlaki ng itlog ng manok.”
“Ahh, ganoon ba?” Ang nahimasmasang pakli ng lalaki habang kinakamot ang batok nito.
“Kung gayon, puwede bang sabihin mo sa akin ang pangatlo?” Ang samo ng lalaki sa ibon na lumipad at dumapo sa sanga ng punong mangga.
“Pangatlo: Huwag magmungkahi sa taong nangangarap ng gising at laging tulog. Huwag magtapon ng binhing buto sa buhangin o magtapon ng perlas sa baboy. Pagsasayang lamang ito ng panahon at ikagagalit ng baboy.” Ang pangwawakas na pahayag ng ibon, at bago pa ito lumipad palayo ay nagpa-alaala,
“Dahil isa kang hangal at walang kabatiran sa takbo ng mundo; mananatili kang hangal sa buong buhay mo!” At mabilis na lumipad ang ibon hanggang sa mawala ito sa paningin ng lalaki.
Sa sama ng loob sa nasayang na pagkakataon, ay namamanglaw na pumasok ang lalaki sa kanyang bahay at pilit na pinaglilimi ang habilin ng ibong maya.
-------
Ang matalinong tao ay isinusulat kung anuman ang kanyang iniisip, ang mangmang ay nakakalimutan kung anuman ang kanyang iniisip, subalit ang hangal ay pinarurusahan ang kanyang sarili kung anuman ang kanyang iniisip. Sapagkat karapatan niya ito; dangan nga lamang, inaabuso niya ang pribelehiyong ito.