Thursday, December 16, 2010

Kartilya ng Katipunan

 Ang Kartilya ng Katipunan ay sinulat ni Emilio Jacinto, isa itong panuntunan na nagsisilbing patnubay sa kapatiran ng Katipunan. 
   Mahigpit itong ipinatutupad sa lahat ng kasapi ng rebolusyonaryong samahan. Ipinaliliwanag nito ang mga nararapat na tungkulin at responsibilidad, bilang isang magiting na katipunero sa kanyang bansa, pamilya, lipunan, at mga kababayan.
   Bawat katipunero ay kailangang ihandog ang kanyang buhay sa dakilang adhikain ng KKK; ang igalang ang bawat tao, anuman ang kanyang uri, kalagayan, lahi, antas, katayuan, at kasarian; kilalanin ang kahalagahan ng mga babae sa lipunan; tulungan ang mga nangangailangang kababayan; ipagtanggol ang mga naaapi at labanan ang mga umaapi.
   Buong-puso at kagitingan itong isakatuparan upang ang minimithing tagumpay ay ganap na makamtan.

Ang mga Alituntunin ng Katipunan sa Rebolusyonaryong Pakikibaka

1. Ang buhay na hindi inialay sa isang marangal na kadahilanan, ay tulad ng isang puno na walang lilim o 
     kaya’y damong makamandag.
 
2. Ang mabuting gawa ay nawawalan ng dangal 
     kapag ito’y mula sa pagpipita sa sarili at hindi 
     sa matapat na pagnanais na makatulong. 

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagka-
    kawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at 
    panatilihin sa bawa't kilos, gawa't pangungusap
    ang pagiging makatwiran.


4. Lahat ng tao ay pantay-pantay, anumang kulay ang kanilang balat. Maaaring higit na nakapag-aral, 
      mayaman, o higit na maganda kaysa sa iba, hindi ito batayan na higit ang kanyang pagkatao kaysa 
      kaninuman.



5. Ang may marangal na kalooban ay pinahahalagahan ang kapurihan kaysa 
     pagpipita sa sarili, samantalang ang may hamak na kalooban ay inuuna 
     ang pagpipita sa sarili kaysa kapurihan.

6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

7. Huwag sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y muling maibabalik; 
     subalit ang panahong nawala’y naglaho ng lubusan.
 
8. Ipagtanggól ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.
 



9. Ang taong matalino ay maingat sa bawa't 
     binibigkas, at masinop sa mga bagay 
     na kailangang manatiling lihim.  

10. Sa matinik na daanan ng buhay, ang ama ang 
       nangunguna at ang asawa’t mga anak ang 
       sumusunod. Kapag ang pinuno ay tinahak ang 
       daan na patungo sa kasawian, gayundin ang 
       kakahinatnan ng mga tagasunod.



 
11. Huwag ituring ang babae na isang bagay na libangan lamang; 
      bagkus tanggapin siya bilang katuwang at karamay. Bigyan ng 
      tamang pagpapahalaga ang kanyang kahinaan at huwag 
      kailanman kalilimutan ang iyong sariling ina, na nag-iwi at  
      kumandili sa iyo mula sa kasanggulan, ay larawan niya sa 
      katauhan.
  



12. Huwag gagawin sa asawa, mga anak, at mga kapatid ng iba, ang hindi mo ibig na magawa 
       sa iyong asawa, mga anak, at mga kapatid.

13. Ang kahalagahan ng tao’y hindi nasusukat sa kanyang kalagayan sa buhay, o maging sa tangos ng 
       kanyang ilong, pati na sa kaputian ng kanyang balat, at lalong hindi kapag siya ay isang pari na 
       nagpapanggap na sugo ng Diyos.  Kahit na siya ay isang katutubo na mula sa kabundukan at 
       nagsasalita ng kanyang kinagisnang wika, siya ay taong may marangal na pananaw at ibayong
       katapatan sa kanyang Inang-bayan.



14. Kapag napalaganap ang mga alintuntuning ito at ang 
       maluwalhating araw ng kalayaan ay nagsimulang sumilay sa 
       mga dalitang kapuluan at pinagliwanag ang pagkakaisa ng 
       isang lahi at kapatiran, ang lahat ng mga buhay na nakitil, lahat 
       ng pakikibaka at mga pagtitiis ay hindi naunsiyami ng walang 
       saysay.




Paumanhin: Marami ang ginawang pagsasalin nito, mula sa Kastila, Inggles, at Tagalog. Iba't-ibang salin,
o bersiyon na naaayon sa mga may-akda. Sa dahilang napakahalaga nito sa kamalayan ng lahat at 
tunay na Pilipino, minabuti kong isalin ito sa abot ng aking pang-unawa at napapanahong paggamit 
ng ating wikang Pilipino. Kung sakali man na may nawawaglit na ilang linya o mga kataga sa mga narito, 
mangyari lamang na ipadala sa aking 'E-mail address: jegustar@yahoo.com' ang nararapat na pagtatama.  

Maraming salamat po!

No comments:

Post a Comment