Ang
taguring pintas ay siyang pinakamatibay na bato na ipinupukol ng demonyo sa
tao.
Bahagi
ng pagkakakilanlan ang taguri o palayaw. Kung may
pangalang Rudy, makikilala ito sa kalakip na taguri. Tulad ng Ruding-matsing,
Ruding-suwag, Ruding-pusa, Ruding-talangka, at maraming iba pa. Dito sa amin sa
Barangay Kupang, palasak na ito at sadyang nakaugalian na. Subalit ang ikinabit
na taguri ay hindi tahasang katotohanan ng taong may taglay. Mga palayaw ito na
ibinansag upang makilala kung sino ang taong tinutukoy at walang batayan. Ang nakakalungkot lamang dito, mula
sa ama na naunang nabansagan, ito rin ang magiging bansag sa mga anak pati na
sa mga apo. At kung mananatili na walang pagbabago sa kaugaliang ito, ay
magpapatuloy sa susunod pang henerasyon ng angkan. Mainam sana ito kung ang taguri ay nakakasiyang pakinggan, subalit paano na kung umaaglahi, may alipusta, nanunuya at nakakasama na? Hindi ba nakakalunos kapag binansagang ka na, Berting- manyak?
Kung
magagawa nating tawagin ang mga bagay sa tamang
kaparaanan, lalo na sa kapakanan ng isang tao, mauunawaan natin itong higit nang walang idinadagdag na inpormasyon
o mga paratang na wala namang katotohanan at hindi nararapat. Madaldal ba
siyang lagi kapag kinakausap? Bakit hindi natin banggitin na mabilis siyang
magsalita, kaysa madaldal siya? Malaki ang pagkakaiba ng madaldal kaysa mabilis
magsalita. Batik sa pagkatao ang madaldal, dahil walang pakundangan ito at
nakakapinsala. Samantalang ang mabilis na pagsasalita ay kasanayan ng isang
tao. Pangalanan ang sitwasyon o pagkilos sa tamang kaanyuan o kaganapan nito at
hindi sa pagpintas o pagpalayaw mula sa paratang o paghusga.
Kung
may taong laging umiinom ng alak, huwag husgahan na
siya ay isang lasinggero. Maaring bahagi ng kanyang ritwal ang uminom matapos
kumain, subalit hindi ang magpakalasing. Nalimutan lamang na isauli ang
hiniram, binansagan na ang humiram na mapag-imbot o magnanakaw. Hangga’t wala
tayong nalalaman tungkol sa pagkatao ng isang tao at kailanma’y hindi nagawang
maintindihan nang ganap ito, papaano natin magagawang magparatang nang walang
mapanghahawakang katibayan?
Huwag
payagang malagay ang sarili sa kapahamakan mula sa mga haka-haka,
mga paratang, mga sulsol na walang katibayan, at mga makasariling opinyon ng
iba. Ang pagbansag bilang palayaw ng isang tao ay maling paraan ng
pagkakakilanlan, lalo na kung ito’y makakasama sa kanyang reputasyon. Mayroon
siyang tunay na pangalan at wastong nararapat na itawag sa kanya. Anumang idaragdag dito ay
isang paratang at paghusga na walang batayan. Isa itong paninira, panunuya, at
panliliit na humahantong sa alitan at kapahamakan.
Wala
nang sasaya pa kung maririnig mong tinatawag ka sa tunay mong pangalan nang
walang karugtong ng nakakasirang palayaw.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment